-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 24Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
salot: O “pasimuno ng gulo.” Dalawang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griegong ito, at ang isa ay sa Luc 21:11, kung saan tumutukoy ito sa literal na mga salot, o epidemya. Dito sa Gaw 24:5, tumutukoy naman ito sa isang tao na itinuturing na “salot,” o isa na nagiging sanhi ng problema, pasimuno ng gulo, o peste sa lipunan.
lupa: Tingnan ang study note sa Luc 2:1.
sekta: Ang salitang Griego na isinalin ditong “sekta” ay haiʹre·sis (kung saan nanggaling ang salitang Ingles na “heresy”). Lumilitaw na orihinal itong nangangahulugang “pagpili.” Ganiyan ang pagkakagamit ng Septuagint sa salitang ito sa Lev 22:18, kung saan binanggit na maghahandog ang mga Israelita ng “anumang mapili nilang ihandog.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan naman, ang terminong ito ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na may naiibang mga paniniwala o doktrina. Tinatawag na sekta ang dalawang pangunahing grupo ng Judaismo—ang mga Pariseo at Saduceo. (Gaw 5:17; 15:5; 26:5) Tinatawag ng mga di-Kristiyano ang Kristiyanismo na “sekta” o “sekta ng mga Nazareno” dahil posibleng iniisip nilang humiwalay lang ito sa Judaismo. (Gaw 24:5, 14; 28:22) Ang salitang Griego na haiʹre·sis ay ginamit din para tumukoy sa mga grupong nabuo sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Idiniin ni Jesus na magkakaisa ang mga tagasunod niya at ipinanalangin niya ito. (Ju 17:21) Nagsikap din ang mga apostol na mapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano. (1Co 1:10; Jud 17-19) Kung maggugrupo-grupo ang mga miyembro ng kongregasyon, masisira ang pagkakaisa nila. Kaya kapag ginagamit ang salitang Griego na haiʹre·sis para sa ganitong mga grupo, negatibo ang kahulugan nito. Tumutukoy ito sa mga grupong nakakasira ng pagkakaisa o sa mga sekta. Kapag hindi nagkakaisa sa paniniwala ang mga tao, puwedeng magkaroon ng matitinding pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, at pag-aaway pa nga. (Ihambing ang Gaw 23:7-10.) Kaya dapat talagang iwasan ang pagbuo ng mga sekta at ituring itong isa sa “mga gawa ng laman.”—Gal 5:19-21; 1Co 11:19; 2Pe 2:1.
Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.
-