-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
binautismuhan kay Kristo Jesus: Nang bautismuhan si Jesus sa tubig, inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu, kaya siya naging Kristo, o ang Pinahiran. (Gaw 10:38) Nang maging pinahiran siya, naging anak din siya ng Diyos sa espirituwal na diwa. (Tingnan ang study note sa Mat 3:17.) Nang bautismuhan ng Diyos si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu, puwede na ring mabautismuhan sa pamamagitan ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Jesus. (Mat 3:11; Gaw 1:5) Ang mga naging anak ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu gaya ni Jesus ay kailangang ‘mabautismuhan kay Kristo Jesus,’ o sa pinahirang si Jesus. Nang pahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Kristo, naging kaisa sila ni Jesus at miyembro ng kongregasyon, na tinatawag na katawan ni Kristo, dahil siya ang ulo nito. (1Co 12:12, 13, 27; Col 1:18) Ang mga tagasunod na iyon ni Kristo ay “binautismuhan [din] sa kaniyang kamatayan.”—Tingnan ang study note sa binautismuhan sa kaniyang kamatayan sa talatang ito.
binautismuhan sa kaniyang kamatayan: O “inilubog sa kaniyang kamatayan.” Ginamit dito ni Pablo ang terminong Griego na ba·ptiʹzo (ilublob; ilubog). Nang mabautismuhan si Jesus sa tubig noong 29 C.E., nagsimula rin ang isa pang bautismo niya, ang mapagsakripisyong paraan ng pamumuhay niya na inilarawan sa Mar 10:38. (Tingnan ang study note.) Nagpatuloy ang bautismong ito sa buong ministeryo niya. Natapos ito nang patayin siya noong Nisan 14, 33 C.E., at buhaying muli makalipas ang tatlong araw. Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa bautismong ito, sinabi niya na “ang pinagdadaanan [niyang] bautismo ay pagdadaanan” din ng mga tagasunod niya. (Mar 10:39) Ang mga pinahirang miyembro ng kongregasyon, o ng katawan ni Kristo, ay ‘binautismuhan sa kamatayan’ ni Jesus, dahil gaya niya, magiging mapagsakripisyo rin ang paraan ng pamumuhay nila at kasama sa isasakripisyo nila ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Magpapatuloy ang bautismong ito sa buong buhay nila habang nananatili silang tapat sa harap ng mga pagsubok. Matatapos ito kapag namatay sila at binuhay-muli bilang mga espiritu.—Ro 6:4, 5.
-