-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 9Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Inampon sila bilang mga anak: Ang ekspresyong ito ay ginamit sa makasagisag na paraan para sa likas na mga Israelita. Dito, lumilitaw na tumutukoy ito sa kanilang espesyal na katayuan habang may bisa pa ang pakikipagtipan sa kanila ng Diyos bilang kaniyang bayan. Kaya sa Hebreong Kasulatan, ang likas na Israel ay tinutukoy minsan bilang anak o mga anak ng Diyos. (Exo 4:22, 23; Deu 14:1, 2; Isa 43:6; Jer 31:9; Os 1:10; 11:1) Pero magiging totoong anak lang ng Diyos ang isa kapag nailaan na ang pantubos sa pamamagitan ni Kristo Jesus at kung tatanggapin niya ang kaayusang ito ng Diyos at mananampalataya rito.—Ju 1:12, 13; 2Co 6:16-18; Gal 4:4, 5.
maglingkod: O “mag-ukol ng sagradong paglilingkod; sumamba.” Dito, tumutukoy ito sa paglilingkod na nasa tipang Kautusan. Sa Heb 9:1, 6, ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para tumukoy sa pagsamba sa tabernakulo, kung saan nag-aalay ng mga handog para sa Israel noong may bisa pa ang tipang Kautusan. Sa Ro 12:1, ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito para tumukoy naman sa pagsamba ng mga Kristiyano.—Tingnan ang study note sa Ro 12:1.
-