-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
walang-patumanggang mga pagsasaya: Tatlong beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na koʹmos, at laging negatibo ang kahulugan nito. (Gal 5:21; 1Pe 4:3) Tumutukoy ito sa “pagsasaya kung saan ang mga tao ay naglalasingan at gumagawa ng imoral na mga bagay.” Sa mga Griegong akda noon, ginagamit ang salitang ito para sa magugulong prusisyon sa mga kapistahang nagpaparangal sa paganong mga diyos, gaya ni Dionysus (o Bacchus), ang diyos ng alak, at may kasama itong kantahan hanggang sa lumalim ang gabi. Ang ganitong mga prusisyon, pagpapakasasa, at malalaswang gawain ay karaniwan lang sa mga Griegong lunsod noong panahon ng mga apostol, gaya ng mga lunsod sa Asia Minor. (1Pe 1:1) Sumulat si Pedro sa mga Kristiyano doon na bago makumberte ay namihasa sa “di-makontrol na pagnanasa, labis na pag-inom ng alak, magulong pagsasaya, pagpapaligsahan sa pag-inom, at kasuklam-suklam na mga idolatriya.” (1Pe 4:3, 4) Isinama ni Pablo ang “walang-patumanggang pagsasaya” sa “mga gawa ng laman,” at sinabing ang mga nagsasagawa nito ay “hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.” (Gal 5:19-21) Sa mga talata kung saan lumitaw ang ekspresyong “walang-patumanggang mga pagsasaya,” binanggit din nina Pablo at Pedro ang mga gawaing gaya ng paglalasingan, imoral na pakikipagtalik, seksuwal na imoralidad, karumihan, paggawi nang may kapangahasan, at di-makontrol na pagnanasa.
paggawi nang may kapangahasan: O “paggawi nang walang kahihiyan.” Dito, ginamit ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na a·selʹgei·a. Ang salitang Griego na ito ay tumutukoy sa mabigat na paglabag sa mga batas ng Diyos at sa pagiging pangahas at lapastangan.—Tingnan sa Glosari.
-