-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova . . . ?: Ang sagot sa tanong na ito ay “Siyempre, wala.” (Ihambing ang Ro 11:33, 34, kung saan sumipi rin si Pablo mula sa Isa 40:13.) Pagkatapos, sinabi ni Pablo: “Pero taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.” Hindi lubusang maiintindihan ng tao ang lahat ng kaisipan ni Jehova kahit kailan. Pero mas makikilala ng mga Kristiyano ang Diyos kung pag-aaralan nila ang “pag-iisip ni Kristo” at sisikaping magkaroon ng ganoon ding kaisipan, dahil si Kristo ang “larawan ng di-nakikitang Diyos.” (Col 1:15; tingnan ang study note sa taglay natin ang pag-iisip ni Kristo sa talatang ito.) Sa katunayan, habang mas naiintindihan ng isang Kristiyano ang pag-iisip ni Kristo, mas naiintindihan din niya ang pag-iisip ng Diyos.
pag-iisip ni Jehova: Dito, sumipi si Pablo mula sa Isa 40:13, kung saan ang mababasa sa tekstong Hebreo ay “espiritu ni Jehova.” Pero lumilitaw na sumipi si Pablo mula sa Septuagint, kung saan ang ginamit ay “pag-iisip” (sa Griego, nous) sa halip na “espiritu.” Kahit na ang ginamit sa natitirang mga manuskrito ng Septuagint at Kristiyanong Griegong Kasulatan ay “pag-iisip ng Panginoon,” may matitibay na dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang ginamit sa mga manuskritong mula noong unang siglo C.E.—Tingnan ang Ap. A5, C1, at C2.
Jehova: : Sa pagsiping ito sa Isa 40:13, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo ng Isaias.—Tingnan ang Ap. C1 at C2.
taglay natin ang pag-iisip ni Kristo: Magkakaroon ang isang Kristiyano ng “pag-iisip ni Kristo” kung aalamin niya ang paraan ng pag-iisip ni Jesus. Pinag-iisipang mabuti ng gayong tao ang lahat ng aspekto ng personalidad ni Kristo at tinutularan ang paraan ng pag-iisip ni Kristo at ang halimbawa niya ng kapakumbabaan at pagkamasunurin. (1Pe 2:21) Kaya makikita sa “takbo ng . . . isip” ng isang Kristiyano ang kaisipan ni Kristo, kung saan makikita naman ang kaisipan ni Jehova.—Efe 4:23; Ju 14:9.
-