-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Tumakas kayo mula sa seksuwal na imoralidad!: Ang salitang Griego na pheuʹgo ay nangangahulugang “tumakas; tumakbo palayo.” Ginamit ni Pablo ang salitang ito para himukin ang mga Kristiyano sa Corinto na tumakas mula sa seksuwal na imoralidad. May mga nagsasabi na nasa isip dito ni Pablo ang ulat tungkol kay Jose na literal at walang pagdadalawang-isip na tumakas mula sa asawa ni Potipar. Sa salin ng Septuagint sa Gen 39:12-18, ang salitang Griego na ginamit para sa “tumakas” ay ang salita ring ginamit dito. Sa orihinal na Griego, ang utos sa 1Co 6:18 ay nasa panahunang pangkasalukuyan, gaya ng makikita sa Kingdom Interlinear. Ipinapakita nito na kailangan nating “tumakas” nang patuluyan at paulit-ulit.
Ang lahat ng iba pang kasalanan na magagawa ng isang tao ay walang tuwirang kaugnayan sa katawan niya: Idiniriin ni Pablo na ang mga Kristiyano ay dapat na maging kaisa ng kanilang Panginoon at ulo, si Kristo Jesus. (1Co 6:13-15) Kapag imoral na nakipagtalik ang isang tao sa iba, nagiging “isang laman” sila sa maling paraan. (1Co 6:16) Kaya ang Kristiyanong gumagawa ng imoralidad ay para bang humihiwalay kay Kristo, at nagiging ‘isang katawan’ sila ng taong kasama niya sa paggawa ng kasalanang ito. Lumilitaw na iyan ang dahilan kaya sinasabing ang lahat ng iba pang kasalanan na magagawa ng isang tao ay “walang tuwirang kaugnayan sa katawan niya.” Ang Kristiyanong namimihasa sa seksuwal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan, dahil ginagamit niya sa imoral na paraan ang mga bahagi ng katawan niya na para sa pag-aanak.
-