-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
malamangan ni Satanas: O “madaya ni Satanas.” Nang panahong isulat ni Pablo ang 1 Corinto, naimpluwensiyahan na ni Satanas ang kongregasyon sa Corinto. Kinunsinti nila ang isang lalaking namimihasa sa imoralidad, at hindi nila inisip na nakakasira ito sa pangalan ng Diyos. Dahil diyan, sinaway sila ni Pablo. (1Co 5:1-5) Pero nagsisi na ang lalaki. Kung magiging napakahigpit naman ng kongregasyon at hindi nila siya patatawarin, malalamangan sila ni Satanas sa iba pang paraan. Magiging malupit at walang awa ang kongregasyon, gaya ni Satanas, kaya talagang masisiraan ng loob ang nagsisising lalaki.
alam naman natin ang mga pakana niya: Lit., “hindi naman tayo walang-alam sa mga pakana niya.” Dito, gumamit si Pablo ng litotes, isang tayutay na nagdiriin sa pamamagitan ng pagsasabi na ang kabaligtaran ng isang bagay ay hindi totoo. (Gumamit din ng litotes sa Gaw 21:39, kung saan ang literal na salin ng pariralang “kilalang lunsod” ay “lunsod na hindi kulang sa katanyagan.”) Kaya sa ibang Bibliya, isinalin itong “alam na alam natin ang mga pakana niya.”
pakana: O “intensiyon; taktika.” Ang salitang Griego na ginamit dito, noʹe·ma, ay mula sa salitang nous, na nangangahulugang “isip.” Pero dito, tumutukoy ito sa masasamang pakana, o taktika, ni Satanas. Ginagamit ni Satanas ang lahat ng tusong pakana niya para mapahinto ang mga Kristiyano sa paglilingkod sa Diyos. Pero ang mga taktika ni Satanas ay inilantad ng mga Ebanghelyo, pati na ng iba pang naunang mga ulat sa Bibliya, gaya ng aklat ng Job. (Job 1:7-12; Mat 4:3-10; Luc 22:31; Ju 8:44) Sa liham naman ni Pablo, sinabi niya na “nadaya ng ahas si Eva sa tusong paraan” at na “si Satanas mismo ay laging nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.” (2Co 11:3, 14) Kaya naman sinabi ni Pablo na alam . . . natin ang mga pakana niya. May mga nagsasabi rin na gumamit dito si Pablo ng pag-uulit ng salita at puwede itong isaling “nauunawaan ng isip natin ang laman ng isip niya,” na tumutukoy sa masamang pag-iisip ni Satanas.
-