-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Kami nga, dahil hindi kami: Sagot ito sa tanong sa dulo ng talata 16. Hindi pangahas si Pablo sa pagsasabing siya at ang mga kamanggagawa niya ay kuwalipikado sa ganitong ministeryo. Sa halip, kinikilala niya na lubusan silang umaasa sa Diyos para maging kuwalipikado, kaya sinabi niyang nagsasalita sila bilang mga isinugo ng Diyos. Isa pa, taimtim nilang isinasagawa ang ministeryo nila, ibig sabihin, malinis ang motibo nila.—2Co 3:4-6.
dahil hindi kami tagapaglako ng salita ng Diyos: O “dahil hindi namin ibinebenta [o, “pinagkakakitaan”] ang mensahe ng Diyos.” Di-gaya ng huwad na mga guro, malinis ang motibo ni Pablo, ng mga apostol, at ng mga kasama nila sa pangangaral ng dalisay na mensahe ng Diyos. Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “tagapaglako” (ka·pe·leuʹo) ay tumutukoy noong una sa nagbebenta nang patingi-tingi o sa may-ari ng isang bahay-tuluyan, pero sa paglipas ng panahon, tumutukoy na rin ito sa isang taong mapandaya at sakim. Isang kaugnay na salitang Griego ang ginamit sa Isa 1:22 ng Septuagint, sa pariralang “ang iyong mga tagabenta ng alak [“may-ari ng taberna”] ay naghahalo ng tubig sa alak.” Sa mga Griego at Romano noon, hinahaluan muna ng tubig ang alak bago inumin. Para kumita ng mas malaki, dinadagdagan ng ilan ang tubig na inihahalo nila sa alak. Kaya sinasabi ng ilang iskolar na ang nasa isip dito ni Pablo ay ang madadayang tagabentang ito ng alak. Ginamit din ang metaporang ito sa mga literaturang Griego noon para ilarawan ang mga pilosopong nagpapalipat-lipat ng lugar para pagkakitaan ang mga turo nila. Nang banggitin ni Pablo ang maraming tagapaglako ng salita ng Diyos, lumilitaw na ang nasa isip niya ay ang huwad na mga ministro na nagdadagdag ng mga pilosopiya ng tao, tradisyon, at maling relihiyosong turo sa Salita ni Jehova. Dahil diyan, nasisira nila ang pagiging dalisay ng salita ng Diyos; nababawasan ang bango at sarap nito at humihina ang kakayahan nitong makapagpasaya sa tao.—Aw 104:15; tingnan ang study note sa 2Co 4:2.
-