-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakikipagkasundo ng Diyos: Sa ilang Bibliya, isinalin ang pariralang ito na “ang Diyos ay nasa loob ni Kristo, at ipinakikipagkasundo niya.” Pero napakalawak ng kahulugan ng Griegong pang-ukol na en, at dapat itong unawain ayon sa konteksto. Maliwanag sa naunang talata (2Co 5:18) na ‘ipinagkasundo tayo ng Diyos sa sarili niya sa pamamagitan ni [sa Griego, di·aʹ] Kristo.’ Kaya angkop lang na isalin ang en dito na “sa pamamagitan ni.”
ipinakikipagkasundo . . . ang isang sanlibutan sa sarili niya: Kailangang makipagkasundo ng lahat ng tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:18.) Ginawa ng Diyos ang pakikipagkasundong ito sa pamamagitan ni Kristo, o ng haing pantubos ni Jesus. (Ro 5:10; 2Co 5:21; Col 1:21, 22) Inatasan ni Jehova ang mga kaisa ni Kristo na maging “mga embahador” sa masamang mundong ito at ibinigay sa kanila “ang ministeryo ng pakikipagkasundo.”—2Co 5:18, 20.
mensahe ng pakikipagkasundo: O “salita ng pakikipagkasundo.” Ang salita, o mensahe, ng Diyos para sa mga tao ay tinukoy sa iba’t ibang paraan para ipakita ang lawak, kahulugan, at iba’t ibang aspekto ng nilalaman nito. Dito, tinawag itong “mensahe ng pakikipagkasundo.” Tinawag din itong “mensahe ng Kaharian” (Mat 13:19), “mensahe ng kaligtasang ito” (Gaw 13:26), “salita ng katotohanan” (Efe 1:13), at “salita ng katuwiran” (Heb 5:13). Ipinagpapasalamat ni Pablo ang pribilehiyong ihayag ang mensahe ng pakikipagkasundo nang sabihin niyang ang mensaheng ito ay ‘ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila’—kay Pablo at sa lahat ng pinahirang Kristiyano.
-