-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Dahil sinasabi niya: “Sa isang panahon ng kabutihang-loob ay pinakinggan kita”: Sinisipi dito ni Pablo ang hula sa Isa 49:8. Lumilitaw na ang kinakausap dito ay si Isaias, ang tinutukoy na “lingkod,” na kumakatawan sa buong bansang Israel. (Isa 49:3) Hula ito tungkol sa pagbabalik na unang natupad nang makalaya ang Israel mula sa Babilonya. Pero sinabi ni Isaias na ang “lingkod” na ito ni Jehova ay ‘ibibigay sa bayan bilang isang tipan’ (Isa 49:8) at bilang “liwanag ng mga bansa, para ang pagliligtas [ng Diyos] ay umabot sa mga dulo ng lupa” (Isa 49:6). Ipinapakita nito na isa rin itong hula tungkol sa Mesiyas, na natupad kay Kristo Jesus bilang “lingkod” ng Diyos. (Ihambing ang Isa 42:1-4, 6, 7 sa Mat 12:18-21.) Ang “panahon ng kabutihang-loob” ay ang panahon kung kailan sinagot at tinulungan ni Jehova ang kaniyang lingkod. Ipinapakita ng Kasulatan na noong nasa lupa si Jesus, ‘nagsumamo at nakiusap siya sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya sa kamatayan, at pinakinggan siya dahil sa kaniyang makadiyos na takot.’ (Heb 5:7-9; ihambing ang Luc 22:41-44; 23:46; Ju 12:27, 28; 17:1-5.) Kaya matatawag itong “araw ng kaligtasan” at “panahon ng kabutihang-loob” para sa mismong Anak ng Diyos, ang inihulang “lingkod.”—Ihambing ang study note sa Luc 4:19.
Talagang ngayon ang panahon ng kabutihang-loob! Ngayon ang araw ng kaligtasan!: Ang hula sa Isa 49:8 na sinipi ni Pablo ay hula tungkol sa pagbabalik at tungkol sa Mesiyas. Kahit kay Jesu-Kristo natupad ang hulang ito, sinipi ito ni Pablo para ipakitang para din ito sa mga Kristiyano. Hinimok sila ni Pablo na ‘huwag bale-walain ang tinanggap nilang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.’ (2Co 6:1) Ang mga Kristiyanong iyon ay naging espirituwal na ”Israel ng Diyos” mula noong Pentecostes 33 C.E. (Gal 6:16) Pero kailangan nilang patunayan na karapat-dapat sila sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos para ang “panahon ng kabutihang-loob” ay maging “araw ng kaligtasan” din para sa kanila.
-