-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Kaya umalis kayo sa gitna ng mga ito: Sa kontekstong ito (2Co 6:14–7:1), pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na manatiling malinis at huwag makipagtuwang sa mga di-sumasampalataya. Dito sa talata 17, sinipi niya ang Isa 52:11, na isang hula at utos para sa mga Judiong bumalik sa Jerusalem mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. Dala ng mga Judiong iyon ang mga sagradong kagamitan na kinuha noon ni Haring Nabucodonosor mula sa templo sa Jerusalem. Hindi lang nila kailangang manatiling malinis sa seremonyal na paraan. Kailangan din nilang magkaroon ng malinis na puso at linisin ang sarili nila sa lahat ng bahid ng huwad na pagsamba. Sa katulad na paraan, kailangang umiwas ng mga Kristiyano sa Corinto sa maruruming templo ng huwad na relihiyon at sa lahat ng maruruming gawain na may kaugnayan sa idolatriya. Kailangan nilang “linisin [ang kanilang] sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu.”—2Co 7:1.
ang sabi ni Jehova: Sa talatang ito, maraming pariralang kinuha si Pablo sa Isa 52:11, kung saan malinaw sa konteksto na ang Diyos na Jehova ang nagsasalita. (Isa 52:4, 5) Pinagdugtong ni Pablo ang mga siniping bahagi gamit ang ekspresyong lumitaw nang daan-daang beses sa Septuagint na katumbas ng mga pariralang Hebreo na “sabi ni Jehova“ at “ito ang sinabi ni Jehova.” Ang ilang halimbawa ay makikita sa Isa 1:11; 48:17; 49:18 (sinipi sa Ro 14:11); 52:4, 5.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 6:17.
at tatanggapin ko kayo: Lumilitaw na sinipi ito mula sa salin ng Septuagint sa Eze 20:41.
-