-
Galacia 6:1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
6 Mga kapatid, bagaman ang isang tao ay makagawa ng anumang maling hakbang+ bago niya mabatid ito, kayong may mga espirituwal+ na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan,+ habang minamataan ng bawat isa ang kaniyang sarili,+ dahil baka matukso rin kayo.+
-
-
Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
maling hakbang: Ang terminong Griego para sa “maling hakbang” (pa·raʹpto·ma; lit., “pagkadapa sa tabi”) ay puwedeng tumukoy sa isang kasalanan, na posibleng isang pagkakamali sa desisyon o isang seryosong paglabag sa utos ng Diyos. (Mat 6:14; Ro 5:15, 17; Efe 1:7; 2:1, 5) Hindi lumalakad ayon sa matuwid na pamantayan ng Diyos ang isang tao na nakagawa ng maling hakbang. Papunta siya sa maling direksiyon, pero posibleng hindi pa naman siya nakakagawa ng seryosong kasalanan.
kayong may-gulang na mga Kristiyano: O “kayong may espirituwal na kuwalipikasyon.” Ang salitang Griego na ginamit dito (pneu·ma·ti·kosʹ) ay kaugnay ng salita para sa “espiritu” (pneuʹma) na ginamit sa ekspresyong “banal na espiritu ng Diyos,” o aktibong puwersa. (Efe 4:30) Kaya para maging kuwalipikado ang isang may-gulang na Kristiyano na ibalik sa ayos ang iba, hindi lang kaalaman, karunungan, at karanasan ang kailangan niya. Kailangan ding makita sa kaniya na lagi siyang nagpapagabay sa banal na espiritu ng Diyos.—Gal 5:16, 18, 25.
magsikap na ibalik sa ayos: Ang pandiwang Griego na ka·tar·tiʹzo ay ginagamit para ilarawan ang pagbabalik sa ayos ng isang bagay. Dito, ginamit ang pandiwang ito para tumukoy sa pagtutuwid sa isang kapananampalataya na nakagawa ng “maling hakbang.” Batay sa anyo ng pandiwang ginamit dito, puwede itong isaling“magsikap na ibalik sa ayos,” na nagpapakitang nagsisikap nang husto ang “may-gulang na mga Kristiyano” na ibalik sa tamang landas ang nagkasala. Pero nakadepende pa rin sa reaksiyon ng pinapayuhan kung maibabalik siya sa ayos. Ginamit din ang pandiwang ito sa Mat 4:21 para ilarawan ang ‘pagtatahi sa punit’ ng mga lambat. Ang kaugnay na pangngalang ka·tar·ti·smosʹ, na isinaling “ituwid” sa Efe 4:12, ay isang termino na ginagamit kung minsan sa medisina para ilarawan ang pagbabalik sa ayos ng isang buto, biyas, o kasukasuan.—Tingnan ang study note sa 2Co 13:9; Efe 4:12.
bantayan ninyo ang inyong sarili: Sa orihinal na wika, anyong pang-isahan ang ginamit ni Pablo sa pariralang ito, kahit na ang ginamit niya noong umpisa ay “mga kapatid.” Gusto kasing babalaan ni Pablo ang bawat Kristiyanong nagpapayo sa iba na mag-ingat para hindi siya mahulog sa mga tukso na pinapaiwasan niya sa iba. Babala rin ito laban sa pagiging mapagmatuwid at mapagmataas.—1Co 10:12.
-