-
Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa: Ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na baʹros, na isinalin ditong “mga pasanin,” ay literal na nangangahulugang “mabibigat na bagay” at puwede ring isaling “mga problema.” Ipinayo ito ni Pablo kasunod ng sinabi niya sa naunang talata na sikaping maibalik sa ayos ang isang tao na nakagawa ng “maling hakbang.” Baka napakabigat ng naging epekto ng maling hakbang niya, at mahihirapan siyang buhatin ito nang mag-isa. Kung laging handa ang isang Kristiyano na tulungan ang mga kapananampalataya niya na buhatin ang mga pasanin nila, patunay ito na mahal niya sila at tinutupad niya ang kautusan ng Kristo. (Ju 13:34, 35) Pero gaya ng sinabi ng apostol sa talata 3-5, hindi niya pananagutan na buhatin ang responsibilidad ng iba sa Diyos, na tinutukoy bilang “pasan” (sa Griego, phor·tiʹon).—Tingnan ang study note sa Gal 6:5.
kautusan ng Kristo: Kasama sa kautusang ito ang lahat ng itinuro ni Jesus at ang ipinasulat ng espiritu ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sa mga tagasunod ni Kristo. Gaya ng inihula ni Jeremias, pinalitan nito ang tipan ng Kautusang Mosaiko. (Jer 31:31-34; Heb 8:6-13) Hindi si Kristo ang gumawa ng mga utos at prinsipyo dito; galing ito sa dakilang Tagapagbigay-Batas, si Jehova. (Ju 14:10) Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang ekspresyong “kautusan ng Kristo,” pero ang kahawig nitong parirala na “kautusan ni Kristo” ay ginamit sa 1Co 9:21. Tinatawag din itong “perpektong kautusan na umaakay sa kalayaan” (San 1:25), “kautusan ng isang malayang bayan” (San 2:12), at “kautusan ng pananampalataya.”—Ro 3:27.
-