-
Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ayon sa simulaing ito: Ang salitang Griego na ginamit dito (ka·nonʹ) ay galing sa salitang Hebreo para sa “tambo” (qa·nehʹ), na ginagamit bilang batayan o panukat. (Eze 40:5) Ginamit ni Pablo ang terminong ito para tumukoy sa ‘simulain’ na dapat gawing batayan ng “Israel ng Diyos” pagdating sa paraan ng pamumuhay nila. Kung mananampalataya sila sa walang-kapantay na kabaitan na tinanggap nila sa pamamagitan ni Kristo at mamumuhay kaayon nito, sasakanila ang “kapayapaan at awa” na hindi nararanasan dati ng makasalanang mga tao.—Gal 3:24, 25; ihambing sa Glosari, “Kanon (kanon ng Bibliya).”
Israel ng Diyos: Ang ekspresyong ito, na isang beses lang lumitaw sa Kasulatan, ay tumutukoy sa espirituwal na Israel, hindi sa likas na mga inapo ni Israel (bagong pangalan ni Jacob). (Gen 32:22-28) Makikita sa naunang talata (Gal 6:15) na hindi kailangang tuliin ang isa para maging bahagi siya ng “Israel ng Diyos.” Inihula ni propeta Oseas na may mga Gentil na magiging bahagi ng isang bayan na pagpapalain ng Diyos. Sinabi ng Diyos: “Sasabihin ko sa hindi ko bayan: ‘Kayo ang bayan ko.’” (Os 2:23; Ro 9:22-25) May mga likas na Judio at proselita pa rin na kabilang sa espirituwal na Israel (Gaw 1:13-15; 2:41; 4:4), pero “maliit na grupo” na lang sila na natira sa bayang itinakwil ng Diyos (Isa 10:21, 22; Ro 9:27). Nang maglaon, isinulat ni Pablo sa mga taga-Roma: “Hindi lahat ng nagmumula kay Israel ay talagang Israelita.”—Ro 9:6; tingnan din ang study note sa Gaw 15:14; Ro 2:29; 9:27; 11:26.
Israel: Ibig sabihin, “Nakikipagpunyagi (Nagmamatiyaga) sa Diyos” o “Nakikipagpunyagi ang Diyos.” Ibinigay kay Jacob ang pangalang ito matapos niyang makipagbuno sa isang anghel para tumanggap ng pagpapala. Di-gaya ni Esau, pinahalagahan ni Jacob ang sagradong mga bagay at handa siyang magsikap para makuha ang pabor ng Diyos. (Gen 32:22-28; Heb 12:16) Tinutularan ng mga kabilang sa “Israel ng Diyos” ang pananampalataya at pagnanais ni Jacob na gawin ang kalooban ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Israel ng Diyos sa talatang ito.
-