-
Mga Study Note sa Efeso—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
manatili sa inyong puso ang pag-ibig at ang Kristo: Dito, pinapasigla ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na kilalanin at mahalin nang higit si Jesus sa pamamagitan ng pagtulad sa pananaw niya at mga ginawa. (1Co 2:16; 1Pe 2:21) Kapag hinahayaan ng mga Kristiyano na makaapekto ang halimbawa at turo ni Jesus sa kanilang iniisip, nadarama, at ginagawa, para bang pinapanatili nila si Jesus sa kanilang puso, o pagkatao. Habang lumalalim ang pag-ibig nila kay Jesus, lumalalim din ang pag-ibig nila kay Jehova (Col 1:15) at mas tumatatag sila (Efe 3:16) sa pagharap sa mga pagsubok sa kanilang pananampalataya.
Maging matibay . . . ang pagkakaugat ninyo at pagkakatatag sa pundasyon: Dito, gumamit si Pablo ng dalawang paglalarawan para idiin ang isang punto, gaya ng ginawa niya sa ibang bahagi ng liham niya sa Efeso. (Efe 2:20-22; 4:16) Ipinakita niya na ang mga Kristiyano ay dapat na maging kasintatag ng isang puno na malalim ang pagkakaugat sa lupa at ng isang gusali na may matibay na pundasyon. Gumamit si Pablo ng katulad na paglalarawan sa Col 2:7 nang sabihin niyang “dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya,” o kay Kristo Jesus. (Col 2:6) Sa 1Co 3:11, ikinumpara niya rin ang gawain niya sa isang proyekto ng pagtatayo, kung saan si Jesus ang “pundasyon.” (Tingnan ang study note sa 1Co 3:10.) Para maging matibay ang pagkakaugat at pagkakatatag ng mga taga-Efeso, kailangan nilang pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos, lalo na ang buhay at mga turo ni Jesus. (Efe 3:18; Heb 5:12) Tutulong ito sa kanila na magkaroon ng matibay na kaugnayan kay Jehova.—Ju 14:9.
-