-
EfesoTulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova—2019 Edisyon
-
Mga Study Note sa Efeso—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
huwag ninyong inisin: Ang pandiwang Griego para sa “inisin” ay puwedeng literal na isaling “galitin.” Hindi ito tumutukoy sa pagkainis ng mga anak sa maliliit na bagay na di-sinasadyang nagagawa ng mga magulang dahil sa pagiging di-perpekto. Ayon sa isang reperensiya, ang pagkainis na ito ay dahil sa “pagiging padalos-dalos [ng mga magulang] at malupit at pabago-bagong pakikitungo [nila] sa mga anak kaya . . . napapalayo ang mga ito, naghihinanakit, at nagrerebelde.”—Ihambing ang Col 3:21.
disiplina: Ang salitang Griego para sa “disiplina” (pai·deiʹa) ay kaugnay ng isang salita para sa “anak” (pais). Kaya ang isang aspekto ng “disiplina” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya ay tumutukoy sa mga kailangan sa pagpapalaki ng mga anak—pagbibigay ng tagubilin, pagtuturo, pagtutuwid, at kung minsan, pagpaparusa sa maibiging paraan. Ayon sa isang diksyunaryo, ang terminong ito ay nangangahulugang “pagpatnubay sa isa para lumaki siyang responsable, pagsubaybay sa kaniyang paglaki, pagsasanay, at pagtuturo.”
disiplina at patnubay ni Jehova: Ang Diyos na Jehova ang nakakaalam ng pinakamahusay na paraan ng pagpapalaki sa mga anak. Nang sabihin ni Moises sa mga Israelita na ‘dapat nilang ibigin si Jehova’ nang kanilang buong puso, kaluluwa, at lakas, tinagubilinan din niya sila na itanim sa puso ng mga anak nila ang salita ni Jehova. (Deu 6:5-8) Sinasabi sa Bibliya na si Jehova mismo ang nagdidisiplina sa mga lingkod niya.—Deu 11:2; Kaw 3:11, 12; Heb 12:6; para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Efe 6:4.
patnubay: O “tagubilin; payo; pagsasanay.” Lit., “ilagay sa kanila ang kaisipan.” Ang salitang Griego na ginamit dito (nou·the·siʹa) ay kombinasyon ng mga salita para sa “isip” (nous) at “ilagay” (tiʹthe·mi). Sa kontekstong ito, ipinapakita ng paggamit ng salitang ito na kailangang tulungan ng mga Kristiyanong ama ang anak nila na maintindihan ang kaisipan ng Diyos. Para bang inilalagay nila ang kaisipan ng Diyos na Jehova sa isip ng mga anak nila.
-