-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
binigyan: Ang pandiwang Griego na ginamit dito (kha·riʹzo·mai) ay kaugnay ng terminong Griego na madalas isaling “walang-kapantay na kabaitan” pero puwede ring isaling “pabor ng Diyos.” (Ju 1:14 at study note) Sa kontekstong ito, ang ginamit na termino ay nagpapakita ng nag-uumapaw na pagkabukas-palad at kabaitan ng Diyos nang bigyan niya si Jesus ng “pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.” Dahil ang Diyos ang nagbigay ng ganiyang pangalan sa Anak niyang si Jesus, ipinapakita nito na ang Ama ay mas dakila at na siya ang ulo ni Jesus. (Ju 14:28; 1Co 11:3) Kaya ang anumang karangalan na tanggapin ni Jesus dahil sa mataas na posisyong ito ay “para sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”—Fil 2:11.
pangalang: Sa Bibliya, malawak ang kahulugan ng terminong ‘pangalan.’ (Tingnan ang study note sa Mat 24:9.) Dito, ang “pangalang” tinanggap ni Jesus mula sa Diyos ay kumakatawan sa awtoridad at posisyong ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama. Ipinapakita ng konteksto sa kabanata 2 ng Filipos na tinanggap ni Jesus ang “pangalang nakahihigit sa lahat” matapos siyang buhaying muli.—Mat 28:18; Fil 2:8, 10, 11; Heb 1:3, 4.
iba pang pangalan: Sa literal na salin ng pananalitang Griego na ito (“bawat pangalan,” Kingdom Interlinear), na ginamit sa maraming Bibliya, para bang nakahihigit ang pangalan ni Jesus sa pangalan ng Diyos. Pero hindi iyan kaayon ng konteksto, dahil sinabi ni Pablo na ‘ang Diyos ang nagbigay kay Jesus ng isang nakatataas na posisyon at ng pangalang ito.’ Isa pa, ang salitang Griego para sa “bawat (lahat)” ay puwede ring isalin sa ilang konteksto na “lahat ng iba pa.” Ang ilang halimbawa ay nasa Luc 13:2; 21:29; Fil 2:21. Kaya ang konteksto at ang pagkakagamit ng salitang Griegong ito sa ibang bahagi ng Bibliya ay sumusuporta sa saling ‘iba pa.’ Sinasabi dito ni Pablo na ang pangalan ni Jesus ay nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan—hindi kasama diyan ang kay Jehova, na siyang nagbigay kay Jesus ng pangalan.—Tingnan din ang 1Co 15:28.
-