-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
uminom ka ng kaunting alak: Noong panahon ni Pablo, karaniwan nang ginagamit ang alak bilang panggamot. Halimbawa, ipinanggagamot ito sa sakit ng tiyan o sa sugat. (Tingnan ang study note sa Luc 10:34.) Ipinapakita ng payong ito na gaya ng isang ama, nagmamalasakit si Pablo kay Timoteo, na masigasig na naglilingkod sa Diyos kahit na ‘madalas siyang magkasakit.’ Mula noon hanggang ngayon, may mga patunay na puwedeng ipanggamot ang alak. Inirerekomenda noon ng Griegong manggagamot na si Hippocrates ng Kos (mga 460-370 B.C.E.) na bigyan ng “kaunting alak” ang “isang lalaking mahina ang pangangatawan kung ikukumpara sa karamihan,” dahil ang alak ay “isa sa pinakaepektibong gamot.” Sinabi rin ni Aulus Cornelius Celsus, isang Romanong manunulat tungkol sa medisina noong unang siglo C.E.: “Kung sumasakit ang tiyan ng isa, . . . uminom siya ng mainit na alak habang walang laman ang tiyan niya at hindi tubig.”
-