-
Mga Study Note sa Tito—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
walang-saysay na mga argumento: Gaya ng huwad na mga guro sa Efeso, ang ilan sa Creta ay nagtataguyod ng mga argumentong walang saysay at nakakasira sa pagkakaisa. (Tingnan ang study note sa 2Ti 2:23.) Tungkol man ito sa Kautusang Mosaiko, mga talaangkanan, o mga kuwentong di-totoo, pinayuhan ni Pablo si Tito na iwasan ang ganitong mga pagtatalo. Ipinapahiwatig ng salitang Griego na ginamit ni Pablo na dapat talikuran ang mga ito. Kapag ginawa ito ni Tito, makikita ng iba na pag-aaksaya lang ng oras at lakas ang makisali sa walang-saysay na mga argumento.
mga talaangkanan: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4.
mga pagtatalo tungkol sa Kautusan: Wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano. (Ro 6:14; Gal 3:24, 25) Pero ipinipilit pa rin ng ilan sa mga kongregasyon na dapat sumunod ang mga Kristiyano sa maraming tuntunin ng Kautusan. (Tit 1:10, 11) Sa paggawa niyan, itinatakwil nila ang paraan ng Diyos para mailigtas ang mga tao, ang haing pantubos ni Kristo Jesus.—Ro 10:4; Gal 5:1-4; tingnan ang study note sa Gal 2:16; 1Ti 1:8.
dahil ang mga iyon ay walang saysay at walang pakinabang: Inilarawan ni Pablo ang mga isyung binanggit niya na walang pakinabang, o gaya ng sinabi sa isang diksyunaryo, “walang maidudulot na anumang mabuti.” Inilarawan niya rin ang mga ito na walang saysay o “walang kabuluhan, . . . hindi totoo.” Ayaw ni Pablo na mawala ang pokus ng mga Kristiyanong Cretense sa paglilingkod sa Diyos dahil lang sa pakikisali sa mga argumentong nakakaubos ng oras at nakakasira ng pagkakaisa.
-