-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
nagsusumamo at nakikiusap si Kristo: Posibleng partikular na naiisip dito ni Pablo ang panalangin ni Jesus habang naghihirap siya sa hardin ng Getsemani. Dahil ito ang pinakamatinding pagsubok sa katapatan niya, paulit-ulit at marubdob siyang nanalangin sa kaniyang Ama.—Luc 22:41-45; tingnan ang study note sa Gaw 4:31; Fil 4:6.
nang may paghiyaw at mga luha: Ipinakita ni Pablo na si Jesus, ang pinakakuwalipikadong maging Mataas na Saserdote, ay may malaking pananampalataya at masidhing damdamin. Buong tiwala niyang ibinuhos ang laman ng puso niya sa kaniyang Diyos at Ama. Hindi espesipikong binanggit sa mga Ebanghelyo na lumuha si Jesus habang marubdob siyang nananalangin sa hardin ng Getsemani. Pero lumilitaw na iyan mismo ang pagkakataong tinutukoy dito ni Pablo, at ginabayan siya ng espiritu para idagdag ang nakakaantig na detalyeng ito. (Luc 22:42-44; tingnan din ang mga study note sa Mat 26:39; ihambing ang 1Sa 1:10, 12-18; 2Ha 20:1-5; Ne 1:2-4; Aw 39:12.) Ang ekspresyong “paghiyaw” ay puwede ring tumukoy sa mga sinabi ni Jesus habang naghihingalo siya sa pahirapang tulos. (Mat 27:46; tingnan din ang Aw 22:1, 24.) May dalawa pang ulat sa Bibliya kung saan sinabing umiyak si Jesus. Umiyak siya sa pagdadalamhati malapit sa libingan ng kaibigan niyang si Lazaro. (Tingnan ang study note sa Ju 11:35.) At noong pumasok siya sa Jerusalem sakay ng isang batang asno, umiyak siya nang malakas dahil sa masaklap na mangyayari sa lunsod.—Tingnan ang study note sa Luc 19:41.
pinakinggan siya: Gaya ng inihula, pinakinggan at sinagot ni Jehova ang marubdob na mga pagsusumamo ni Jesus. (Isa 49:8; tingnan ang study note sa 2Co 6:2.) Sa maraming paraan, ipinakita ng Diyos na pinapakinggan niya ang Anak niya. Nagpadala siya ng anghel para patibayin si Jesus. (Luc 22:43) Iniligtas din niya ang Anak niya sa kamatayan nang buhayin niyang muli si Jesus. Isa pa, dininig niya ang mapagpakumbabang pakiusap ng Anak niya: “Mangyari nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Luc 22:42) Nangyari talaga ang kalooban ng Diyos. Kasama diyan ang pagbibigay sa Anak niya ng regalo na di-hamak na nakahihigit sa hiniling ni Jesus—ang imortalidad.—Ju 17:5; 1Ti 6:16.
kaniyang makadiyos na takot: Inilalarawan ng ekspresyong ito ang matinding paggalang ni Jesus sa Ama niya at sa sagradong mga bagay. Saklaw ng terminong Griego na ginamit dito ang “matinding paghanga sa presensiya ng Diyos.” Kitang-kita kay Jesus ang ganiyang paghanga at paggalang sa kaniyang Ama. Inihula pa nga tungkol sa Mesiyas na sasakaniya “ang espiritu . . . ng pagkatakot kay Jehova” at “makadarama siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova.” (Isa 11:2, 3) Ang terminong Griego para sa “makadiyos na takot” ay lumitaw din sa Heb 12:28.—Tingnan ang study note sa Heb 11:7; ihambing ang study note sa Col 3:22.
-