-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 7Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Melquisedec: Sa Hebreong Kasulatan, unang binanggit si Melquisedec sa Gen 14:17, 18, kung saan iniulat ang pagkikita nila ni Abraham (Abram). Mga 900 taon pagkatapos nito, inihula ni David na ang Mesiyas ay magiging “isang saserdote magpakailanman gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.” (Aw 110:1-4) Sinipi ni Jesus ang awit na iyan noong Nisan 11, 33 C.E. (Mat 22:42-45; Mar 12:35-37; Luc 20:41-44) Makalipas ang ilang linggo, noong Pentecostes 33 C.E., kinumpirma ni Pedro na natupad na ang hula ni David. (Gaw 2:33-36) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa aklat lang ng Hebreo nabanggit ang pangalan ni Melquisedec. (Heb 5:6 at study note) Sa wikang Hebreo, ang pangalang Melquisedec ay nangangahulugang “Hari ng Katuwiran.”—Heb 7:2.
hari ng Salem: Ayon sa Gen 14:18, sa lunsod ng “Salem” naglingkod si Melquisedec bilang hari at saserdote. Pinaniniwalaan ng mga Judio na iisa ang Salem at Jerusalem, at sa orihinal na wikang Hebreo, nakapaloob ang “Salem” sa pangalang Jerusalem. Ipinapahiwatig din ng Hebreong Kasulatan na ang Salem ay tumutukoy sa Jerusalem. Halimbawa, nagkita sina Abraham at Melquisedec sa “Lambak ng Hari,” na lumilitaw na matatagpuan malapit sa Jerusalem. (Gen 14:16, 17; 2Sa 18:18) Sa Aw 76:2, ginamit ng salmista ang “Salem” na katumbas ng “Sion.” Kaya lumilitaw na naglingkod si Melquisedec bilang hari at saserdote sa mismong lugar kung saan naglingkod nang maglaon ang mga hari mula sa angkan ni David at ang mga saserdoteng Levita. Sa lugar ding ito namatay bilang haing pantubos si Jesu-Kristo, ang piniling maging hari at saserdote na “gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.”—Heb 3:1; 7:1-3, 15-17; 10:12.
saserdote ng Kataas-taasang Diyos: Sa Kasulatan, si Melquisedec ang unang tinawag na “saserdote.” (Gen 14:18) Hindi siya sumamba sa paganong diyos, kundi sa Diyos na sinasamba ni Abraham. Pareho nilang tinawag si Jehova na “Kataas-taasang Diyos” at “Maylikha ng langit at lupa.” (Gen 14:18-20, 22) Si Jehova mismo ang nag-atas kay Melquisedec na maging saserdote.—Aw 110:4; Heb 7:17.
-