Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Walang Malay na mga Biktima ng Pag-abuso sa Bata
    Gumising!—1991 | Oktubre 8
    • Ang Walang Malay na mga Biktima ng Pag-abuso sa Bata

      “MALAPIT na akong mag-40 anyos ngayon,” sabi ni Eilene.a “At kahit na ang problema ko ay mahigit na 30 taóng gulang na, lagi pa rin itong nagbabalik sa aking alaala. Dahil sa problema ko ako’y nagagalit, nakokonsensiya, at may mga problema ako sa aking pag-aasawa! Ang mga tao ay nagsisikap na makiramay, subalit hindi nila maunawaan.” Ano ang problema ni Eilene? Siya ay isang biktima ng seksuwal na pag-abuso sa pagkabata, at para sa kaniya ang mga epekto nito ay nagtatagal.

      Si Eilene ay tiyak na hindi nag-iisa. Ipinakikita ng mga surbey na napakaraming babae​—at lalaki—​ay dumanas ng gayong masamang pagtrato.b Kaya nga, malayo sa pagiging isang pambihirang akto ng lisyang paggawi, ang seksuwal na pag-abuso sa mga bata ay laganap, isa na nangyayari sa lahat ng pangkat sa lipunan, kabuhayan, relihiyon, at lahi.

      Mabuti na lamang, ang karamihan ng mga lalaki at mga babae ay hindi mag-iisip man lang ng masamang pagtrato sa bata sa ganitong paraan. Subalit isang mapanganib na minoridad ang mayroong di-matinong hilig ng pag-iisip at damdamin. At kabaligtaran ng mga karaniwang tao, ang ilang mang-aabuso sa bata ay maliwanag na mga di-normal na tao na may hilig na pumaslang na nagkukubli sa mga palaruan. Ang karamihan ay mga taong sa tingin mo’y normal. Sinasapatan nila ang kanilang masamang hilig sa kahalayan sa pagbibiktima sa walang muwang, nagtitiwala, walang laban na mga bata​—karaniwan na ang kanila mismong mga anak na babae.c Sa paningin ng madla, maaaring tratuhin nila ang mga bata nang may kabaitan, magiliw. Sa pribadong buhay, kanilang ipinaiilalim ang mga bata sa mga pagbabanta, karahasan, at nakahihiya, napakasamang mga anyo ng seksuwal na pagsalakay.

      Sabihin pa, mahirap unawain na ang gayong mga kakilabutan ay maaaring mangyari sa napakaraming tila kagalang-galang na mga tahanan. Gayunman, kahit na noong panahon ng Bibliya ang mga bata ay ginamit “para sa panandaliang pagbibigay-kasiyahan sa . . . pagkahumaling sa laman.” (The International Critical Commentary; ihambing ang Joel 3:3.) Inihula ng Bibliya: “Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili . . . walang katutubong pagmamahal . . . walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan.” Kaya, hindi natin dapat ipagtaka na ang pag-abuso sa bata ay palasak na nangyayari sa ngayon.​—2 Timoteo 3:1, 3, 13.

      Ang pag-abuso sa mga bata ay maaaring hindi mag-iwan ng pisikal na mga pilat. At hindi lahat ng adulto na naging biktima noong sila’y bata ay kakikitaan ng pamimighati. Subalit gaya ng sabi ng isang sinaunang kawikaan: “Maging sa pagtawa man ang puso ay maaaring nasasaktan.” (Kawikaan 14:13) Oo, maraming biktima ay may malalim na mga pilat sa damdamin​—lihim na mga sugat na nagnanaknak sa loob. Bakit, kung gayon, nagdudulot ng gayong pinsala sa ilan ang pag-abuso sa bata? Bakit hindi laging napagagaling ng paglipas lamang ng panahon ang mga sugat nito? Ang laki ng namimighating suliranin ay humihiling na ating ituon ang ating pansin dito. Oo, malamang na ang sumusunod na artikulo ay baka hindi kaaya-ayang basahin​—lalo na kung ikaw ay naging isang biktima ng pag-abuso sa bata. Subalit tinitiyak ko sa iyo na may pag-asa, na ikaw ay makababawi.

  • Ang Lihim na mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata
    Gumising!—1991 | Oktubre 8
    • Ang Lihim na mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata

      “Basta naiinis ako sa aking sarili. Lagi kong naiisip na sana’y may ginawa ako, sana’y nasabi kong itigil ito. Para bang napakarumi ko.”​—Ann.

      “Para akong nakabukod sa mga tao. Madalas akong makadama ng kawalang pag-asa at kabiguan. Kung minsan nais ko nang mamatay.”​—Jill.

      “ANG seksuwal na pag-abuso sa pagkabata ay . . . isang napakalaki, nakapipinsala, at nakahihiyang pagsalakay sa isip, kaluluwa, at katawan ng bata . . . Ang pag-abuso ay lumalapastangan sa bawat pitak ng pag-iral ng isa.” Gayon ang sabi ng The Right to Innocence, ni Beverly Engel.

      Hindi pare-pareho ang reaksiyon ng mga bata sa pag-abuso.a Ang mga bata ay may iba’t ibang personalidad, kakayahan sa paglutas ng problema, at damdamin na maaasahan kung kinakailangan. Depende rin ito sa kaugnayan ng bata sa mang-aabuso, sa kaselangan ng abuso, gaano katagal ang pag-abuso, ang edad ng bata, at iba pang salik. Higit pa riyan, kung ang pag-abuso ay naibunyag at ang bata ay tumatanggap ng maibiging tulong buhat sa mga adulto, kadalasang mababawasan ang pinsala. Gayunman, maraming biktima ang dumaranas ng malalim na mga sugat ng damdamin.

      Kung Bakit Ito Mapangwasak

      Ang Bibliya ay nagbibigay ng matalinong unawa sa kung bakit nangyayari ang gayong pinsala. Ganito ang sabi ng Eclesiastes 7:7: “Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pang-aapi.” Kung totoo ito sa isang adulto, gunigunihin ang epekto ng malupit na pang-aapi sa maliit na bata​—lalo na kung ang mang-aabuso ay isang pinagkakatiwalaang magulang. Dapat alalahanin, ang unang mga taon ng buhay ay mahalaga sa emosyonal at espirituwal na paglaki ng bata. (2 Timoteo 3:15) Sa mga taon ng kamusmusan ang bata ay nagsisimulang magkaroon ng mga hangganang moral at ng pagkadama ng personal na halaga. Sa pagiging malapit sa kaniyang mga magulang, natututuhan din ng bata ang kahulugan ng pag-ibig at pagtitiwala.​—Awit 22:9.

      “Sa mga batang inabuso,” paliwanag ni Dr. J. Patrick Gannon, “ang prosesong ito ng pagkakaroon ng tiwala ay nadidiskaril.” Dahil sa pag-abuso ang dating pagtitiwala ng bata sa mang-aabuso ay nawawala; inaalisan niya ito ng anumang anyo ng kaligtasan, pribadong buhay, o paggalang-sa-sarili at ginagamit ito bilang isang bagay lamang para sa kaniyang pagbibigay-kasiyahan sa sarili.b Hindi nauunawaan ng mumunting bata ang kahulugan ng imoral na mga kilos na ipinipilit sa kanila, ngunit halos sa buong sansinukob ay nasusumpungan nila ang karanasan na nakababalisa, nakatatakot, nakahihiya.

      Kaya nga ang pag-abuso sa pagkabata ay tinatawag na “ang pinakamasamang pagkakanulo.” Tayo’y napaaalalahanan ng tanong ni Jesus: “Sino sa inyo ang kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak​—ay bato ang ibibigay?” (Mateo 7:9) Subalit ang ibinibigay ng mang-aabuso sa bata, ay hindi pag-ibig at pagmamahal, kundi ang pinakamalupit na “bato” sa lahat​—seksuwal na pagsalakay.

      Kung Bakit Patuloy na Umiiral ang mga Sugat ng Damdamin

      Ang Kawikaan 22:6 ay nagsasabi: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” Maliwanag, ang impluwensiya ng magulang ay maaaring tumagal habang-buhay. Ano, kung gayon, kung ang bata ay sinanay na maniwalang siya ay walang lakas na iwasan ang seksuwal na panghihimasok? Kung siya ay sinanay na magsagawa ng lisyang mga gawi kapalit ng “pag-ibig”? Kung siya ay sinanay na malasin ang kaniyang sarili na walang halaga at marumi? Hindi ba iyan ay maaaring humantong sa isang habang-buhay na mapangwasak na paggawi? Hindi naman ibig sabihin nito na ang pag-abuso sa pagkabata ay nagbibigay-matuwid sa di-angkop na paggawi ng adulto sa dakong huli, kundi tumutulong ito upang ipaliwanag kung bakit ang mga biktima ng pang-aabuso ay maaaring kumilos o makadama nang gayon.

      Maraming biktima ng pang-aabuso ang dumaranas ng sarisaring sintomas, pati na ng panlulumo. Ang iba ay patuloy na kumukulo sa galit at kung minsan ay lipos ng pagkadama ng pagkakasala, kahihiyan, at matinding galit. Ang ibang biktima ay maaaring dumanas ng emotional shutdown, kawalang kakayahang magpahayag o makadama ng damdamin. Ang mababang pagpapahalaga-sa-sarili at mga damdamin ng kawalan ng lakas ay nagpapahirap din sa marami. Ganito ang nagugunita ni Sally, na inabuso ng kaniyang tiyo: “Tuwing aabusuhin niya ako ay nawawalan ako ng lakas at hindi makakilos, manhid, naninigas, nalilito. Bakit ba ito nangyayari?” Ganito ang report ng sikologong si Cynthia Tower: “Ipinakikita ng mga pagsusuri na kadalasang dadalhin ng mga taong inabuso noong sila’y bata sa buong buhay nila ang pagkakilala sa kanilang sarili bilang isang biktima.” Maaaring mapangasawa nila ang isang abusadong lalaki, magpakita ng kahinaan, o makadama ng kawalan ng lakas na ipagtanggol ang kanilang sarili kapag sila’y pinagbabantaan.

      Karaniwan na, ang mga bata ay may 12 taon o higit pa upang maghanda para sa mga damdamin na nagigising sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga. Subalit kapag ang mahahalay na kilos ay ipinipilit sa isang bata, maaaring hindi niya makayanan ang napukaw na mga damdamin. Gaya ng ipinakikita ng isang pag-aaral, maaari nitong hadlangan sa dakong huli ang kaniyang kakayahang masiyahan sa ugnayan nilang mag-asawa. Ganito ang ipinagtapat ng isang biktimang nagngangalang Linda: “Nasusumpungan ko ang seksuwal na bahagi ng pag-aasawa na pinakamahirap na bagay sa aking buhay. Kinikilabutan ako na para bang ang tatay ko ang naroon, at ako’y takot na takot.” Ang ibang mga biktima ay maaari namang kumilos sa kabaligtaran at magkaroon ng walang taros na imoral na pagnanasa. “Namuhay ako ng handalapak na buhay at bunga nito ako ay nakikipagtalik sa ganap na mga estranghero,” sabi ni Jill.

      Baka mahirapan din ang mga biktima ng pang-aabuso na panatilihin ang mahusay na mga kaugnayan. Ang iba ay basta hindi makapagkuwentuhan sa mga lalaki o sa mga taong may awtoridad. Sisirain naman ng iba ang mga pagkakaibigan at pag-aasawa sa pagiging abusado o mapaniil. Gayunman waring lubusang iniiwasan ng iba ang malapit na mga kaugnayan.

      May iba pa ngang mga biktima na ibinabaling ang kanilang mapangwasak na mga damdamin sa kanilang sarili. “Kinamumuhian ko ang aking katawan sapagkat ito’y tumugon sa pagpapasigla ng pag-abuso,” sabi ni Reba. Kalunus-lunos, ang mga sakit na kaugnay ng pagkain,c walang tigil na pagnanais na magtrabaho, pagmamalabis sa alak at droga, ay karaniwan sa mga biktima ng pang-aabuso​—sa pagsisikap na lunurin ang kanilang mga damdamin. Maaari namang isagawa ng iba ang kanilang pagkamuhi-sa-sarili sa mas tuwirang paraan. “Hinihiwa ko ang aking sarili, ibinabaon ko ang aking mga kuko sa aking mga kamay, pinapaso ko ang aking sarili,” sabi pa ni Reba. “Sa pakiwari ko’y karapat-dapat akong abusuhin.”

      Gayunman, huwag kaagad maghinuha na ang sinuman na nakadarama o kumikilos sa gayong paraan ay seksuwal na inabuso. Maaaring may ibang pisikal o emosyonal na salik na nasasangkot. Halimbawa, sinasabi ng mga dalubhasa na ang kahawig na mga sintomas ay karaniwan sa mga adultong lumaki sa di-normal na mga pamilya​—kung saan sila’y binugbog, hinamak o ipinahiya, hindi inintindi ang kanilang pisikal na mga pangangailangan ng kanilang mga magulang, o kung saan ang kanilang mga magulang ay mga sugapa sa droga o sa alak.

      Espirituwal na Pinsala

      Ang pinakamapaminsalang epekto sa lahat na maaaring sirain ng pag-abuso sa pagkabata ay ang potensiyal na espirituwal na pinsala. Ang pag-aabuso ay isang “karumihan sa laman at sa espiritu.” (2 Corinto 7:1) Sa pagsasagawa ng mahalay na mga gawa sa isang bata, sa paglapastangan sa kaniyang pisikal at moral na mga hangganan, sa pagkakanulo ng kaniyang pagtitiwala, dinudumhan ng mang-aabuso ang espiritu ng bata, o ang dominanteng hilig ng kaisipan. Sa dakong huli ay maaari nitong hadlangan ang moral at espirituwal na paglaki ng biktima.

      Ganito pa ang sabi ng aklat na Facing Codependence, ni Pia Mellody: “Anumang grabeng pag-abuso . . . ay espirituwal na pag-abuso rin, sapagkat sinisira nito ang pagtitiwala ng bata sa Diyos.” Halimbawa, isang babaing Kristiyanong nagngangalang Ellen ay nagtatanong: “Papaano ko maiisip si Jehova bilang isang Ama gayong ang ideya ko tungkol sa isang makalupang ama ay isa na malupit, nagngangalit?” Ganito ang sabi ng isa pang biktima, na ang pangala’y Terry: “Hindi Ama ang turing ko kay Jehova. Itinuturing ko siya bilang Diyos, Panginoon, Soberano, Maylikha, oo! Ngunit bilang Ama, hindi!”

      Ang gayong mga indibiduwal ay hindi naman espirituwal na mahina o kulang ng pananampalataya. Sa kabaligtaran, ang kanilang patuloy na pagsisikap na sundin ang mga simulain ng Bibliya ay isang katibayan ng espirituwal na lakas! Subalit gunigunihin kung ano ang maaaring nadarama ng ilan kapag nababasa nila ang teksto sa Bibliya na gaya ng Awit 103:13, na nagsasabing: “Kung paanong ang ama ay nagpapakita ng awa sa kaniyang mga anak, gayon nagpakita ng awa si Jehova sa mga natatakot sa kaniya.” Maaaring intelektuwal na maunawaan ito ng iba. Subalit kung walang kaaya-ayang ideya tungkol sa isang ama, baka mahirap para sa kanila na emosyonal na tumugon sa tekstong ito!

      Baka mahirapan din ang iba na maging “gaya ng isang bata” sa harap ng Diyos​—mahina, mapagpakumbaba, nagtitiwala. Maaaring pigilan nila ang kanilang tunay na mga damdamin sa Diyos kapag nananalangin. (Marcos 10:15) Maaaring nag-aatubili silang ikapit sa kanilang sarili ang mga salita ni David sa Awit 62:7, 8: “Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking kaluwalhatian. Aking matibay na bato, ang kanlungan ko’y nasa Diyos. Magtiwala kayo sa kaniya sa buong panahon, Oh bayan. Buksan ninyo ang inyong puso sa harap niya. Diyos ang kanlungan sa atin.” Ang pagkadama ng pagkakasala at kawalang-halaga ay maaari pa ngang magpahina sa kanilang pananampalataya. Isang biktima ay nagsabi: “Ako’y talagang naniniwala sa Kaharian ni Jehova. Gayunman, inaakala kong hindi ako karapat-dapat doon.”

      Mangyari pa, hindi lahat ng biktima ay naaapektuhan sa gayong paraan. Ang ilan ay naging malapit kay Jehova bilang isang maibiging Ama at wala silang nadaramang hadlang sa kaniyang kaugnayan kay Jehova. Anuman ang kalagayan, kung ikaw ay isang biktima ng seksuwal na pag-abuso sa pagkabata, masusumpungan mong mahalaga na maunawaan kung paano ito nakaapekto sa iyong buhay. Subalit ang ilan ay maaaring kontento na lamang na tanggapin kung ano ang kalagayan. Subalit, kung sa palagay mo ang pinsala ay malaki, tibayan mo ang loob mo. Ang iyong mga sugat ng damdamin ay maaaring gumaling.

      [Mga talababa]

      a Ang aming pagtalakay ay nagtutuon ng pansin sa kung ano ang tinatawag ng Bibliya na por·neiʹa, o pakikiapid. (1 Corinto 6:9; ihambing ang Levitico 18:6-22.) Kasali rito ang lahat ng anyo ng imoral na pagtatalik. Ang iba pang abusadong gawain, gaya ng lisya at mahalay na pagpapakita ng pribadong bahagi ng katawan, paninilip, at pagkalantad sa pornograpya, bagaman hindi maituturing na por·neiʹa, ay makapipinsala rin sa damdamin ng bata.

      b Yamang ang mga bata ay may hilig na magtiwala sa mga adulto, ang pag-abuso ng isang pinagkakatiwalaang miyembro ng pamilya, nakatatandang kapatid, kaibigan ng pamilya, o ng isang estranghero pa nga ay isang mapangwasak na pagkakanulo ng pagtitiwala.

      c Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1990.

  • “Isang Panahon ng Paggaling”
    Gumising!—1991 | Oktubre 8
    • “Isang Panahon ng Paggaling”

      Si Ann ang hingahan ng problema ng lahat; isang tagasagip ng lahat na may problema. Matatag at mukhang hindi nagkakamali, walang nakaaalam na siya ay may lihim na mga sugat ng damdamin, hanggang isang araw ay maalaala niya ito. “Nasa trabaho ako,” gunita ni Ann, “nagsimula akong makadama ng kirot at matinding damdamin ng kahihiyan. Halos hindi ako makatayo! Mga ilang araw akong nagdusa. Naalaala ko ang pag-abuso sa akin ng aking amaín​—oo, ito’y panghahalay. At hindi niya ito ginawa nang minsan lamang.”

      MAY “panahon ng pagpapagaling.” (Eclesiastes 3:3) At para sa maraming biktima ng pag-abuso sa pagkabata​—gaya ni Ann—​ang paggunita sa malaon nang inilibing na mga alaala ay isang mahalagang bahagi ng pagpapagaling.

      Paano, kung gayon, malilimutan ng sinuman ang isang bagay na traumatiko na gaya ng seksuwal na pagsalakay? Isip-isipin kung gaano kawalang kaya ang isang bata laban sa seksuwal na pagsalakay ng isang ama o ng ibang malakas na adulto. Hindi siya makatakbo. Hindi siya nangangahas na sumigaw. At hindi siya nangangahas na sabihin ito​—sa kanino man! Gayunman, maaaring kailangan niyang harapin ang kaniyang mang-aabuso araw-araw at kumilos na parang walang nangyari. Ang pagpapanatili ng gayong pagkukunwari ay mahirap para sa isang adulto; halos imposible ito sa isang bata. Kaya gumagamit siya ng katakut-takot na imahinasyon na ipinagkaloob sa mga bata at mental na tumatakas! Nagkukunwa siya na ang pag-abuso ay hindi nangyari, binubura niya ito sa isipan o ginagawa niyang manhid dito ang kaniyang mga pakiramdam.

      Sa katunayan, sa pana-panahon, inaalis natin sa ating isipan ang mga bagay na ayaw nating makita o marinig. (Ihambing ang Jeremias 5:21.) Subalit ginagamit ng mga biktima ng pang-aabuso ang kakayahang ito bilang isang paraan upang makaligtas. Ang ilang biktima ay nag-uulat: “Nagkunwa akong ito’y nangyayari sa iba at ako ay isa lamang nanonood.” “Nagkunwa akong ako’y natutulog.” “Mental kong tinutuos ang mga problema sa math.”​—Strong at the Broken Places, ni Linda T. Sanford.

      Hindi kataka-taka, kung gayon, ang aklat na Surviving Child Sexual Abuse ay nagsasabi: “Tinatayang hanggang 50 porsiyento ng mga nakaligtas sa seksuwal na pag-abuso sa bata ay walang kabatiran sa mga karanasang ito.” Gayunman, maaaring nagugunita ng iba ang pag-abuso mismo subalit inaalis ang mga damdamin na nauugnay rito​—ang kirot, ang matinding galit, ang kahihiyan.

      Pagsupil​—Pagpupunyagi sa Isipan

      Kung gayon, hindi ba mabuti na panatilihing nakabaon ang mga bagay na ito​—na basta kalimutan na lamang ito ng mga biktima? Maaaring gawin iyon ng iba. Hindi ito basta malilimot ng iba. Gaya ng sinasabi sa Job 9:27, 28: “Kung ako’y ngingiti at kalilimutan ang aking kalungkutan, lahat ng aking pagdurusa ay sasagi na lagi sa aking isip.” (Today’s English Version) Ang pagsupil sa nakatatakot na mga alaala ay isang nakapapagod na pagsisikap ng isipan, isang masidhing pagpupunyagi na maaari pa ngang magkaroon ng malubhang pinsala sa kalusugan.

      Habang tumatanda ang biktima, ang mga panggigipit sa buhay ay kadalasang nagpapahina sa kaniyang kakayahang sugpuin ang nakaraan. Ang amoy ng pabango, isang pamilyar na mukha, isang nakagugulat na tunog, o kahit na ang pisikal na pagsusuri ng isang doktor o ng isang dentista ay maaaring pagmulan ng isang nakatatakot na pagsalakay sa mga alaala at damdamin.a Hindi ba dapat ay basta gumawa siya ng pagsisikap na makalimot? Hindi, sa puntong ito maraming biktima ang nakasumpong ng ginhawa sa pagsisikap na maalaala! Ganito ang sabi ng isang babaing nagngangalang Jill: ‘Minsang ang mga alaala ay mailabas sa isipan, nawawalan ito ng lakas. Mas mahirap at mas mapanganib itong panatilihin sa isipan kaysa alisin ito sa isipan.’

      Ang Halaga ng Pagkilala

      Bakit gayon? Sa isang bagay, ang pag-alaala ay nagpapangyari sa isang biktima na magdalamhati. Ang dalamhati ay isang likas na reaksiyon sa trauma; tumutulong ito upang makabawi mula sa nakababahalang pangyayari at patuloy na mabuhay. (Eclesiastes 3:4; 7:1-3) Gayunman, ang isang biktima ng pang-aabuso ay pinagkaitan ng pagkakataong magdalamhati, pinilit siyang tanggihan ang kaniyang kakila-kilabot na karanasan, pinilit siyang sugpuin ang kaniyang kirot. Ang gayong pagsugpo ay maaaring pagmulan ng tinatawag ng mga doktor na posttraumatic stress disorder​—isang manhid na kalagayan na walang anumang damdamin.​—Ihambing ang Awit 143:3, 4.

      Habang nagbabalik ang alaala, maaaring maranasan muli ng biktima sa alaala ang pag-abuso. Ang ilang biktima ay pansamantalang nagbabalik pa nga sa tulad-batang kalagayan. “Kapag nagbabalik sa alaala ang nakaraan,” gunita ni Jill, “madalas akong magkaroon ng pisikal na mga sintomas. Kung minsan ang mga alaala ay masyadong mapaniil, para akong mababaliw.” Ang malaon nang pinigil na matinding galit sa pagkabata ay maaari ngayong lumitaw. “Ang pag-alaala ay nagtutulak sa akin sa panlulumo at galit,” sabi ni Sheila. Subalit sa ilalim ng pambihirang mga kalagayang ito, ang galit ay angkop. Ikaw ay nagdadalamhati, naglalabas ng kinimkim na matuwid na galit! May karapatan kang kapootan ang masamang gawa na ginawa laban sa iyo.​—Roma 12:9.

      Sabi ng isang biktima ng pag-abuso: “Nang talagang maalaala ko, nagkaroon ako ng malaking ginhawa . . . Sa paano man alam ko kung ano ang pinagtatagumpayan ko. Kung paanong mahirap para sa akin na alalahanin ito, ibinalik naman nito sa akin ang bahagi ng buhay ko na naging nakatatakot sapagkat ito’y masyadong mahiwaga at misteryoso.”​—The Right to Innocence.

      Ang pag-alaala ay maaari ring tumulong sa biktima na makita ang ugat ng ilan sa kaniyang mga problema. “Sa tuwina’y batid ko na mayroon akong matinding pagkapoot-sa-sarili at galit subalit hindi ko alam kung bakit,” sabi ng isang biktima ng insesto. Ang pag-alaala ay nakatulong sa marami na matanto na ang nangyari ay hindi nila kasalanan, na sila ay nabiktima.

      Mangyari pa, hindi lahat ay madula o malinaw na natatandaan ang pag-abusong ginawa sa kanila na gaya ng iba. At karamihan ng mga tagapayo ay sumasang-ayon na hindi na kailangang gunitain ang lahat ng detalye ng pag-abuso sa isa upang gumaling sa mga epekto nito. Ang basta pagkilala na ang pang-aabuso ay nangyari ay maaaring malaking hakbang na tungo sa paggaling.​—Tingnan ang kahon sa pahina 9.

      Pagkuha ng Alalay

      Kung ikaw ay isang biktima ng seksuwal na pag-abuso sa pagkabata, huwag mong batahin ang nagbabalik na alaala sa ganang sarili. Nakatutulong na ipakipag-usap ang iyong mga damdamin. (Ihambing ang Job 10:1; 32:20.) Ang ilan na labis na nababalisa ay maaaring humingi ng tulong buhat sa isang kuwalipikadong doktor, tagapayo, o isang propesyonal sa kalusugan ng isip. Sa anumang kaso, ang isang pinagkakatiwalaang mga kaibigan, kabiyak, mga miyembro ng pamilya, o mga tagapangasiwang Kristiyano na mahabaging nakikinig at gumagalang ay maaari ring maging mahalagang mga alalay.b “Ang pinakamalaking tulong ko ay ang aking matalik na kaibigan, si Julie,” sabi ni Janet. “Hinayaan niya akong magsalita nang magsalita tungkol sa isang alaala. Hinayaan niya akong madama ang mga damdamin na bunga nito. Siya ay nakinig at tumugon na may pang-unawa.”

      Ang pagtitiwala ay isang mapanganib na bagay, at baka akalain mong hindi ka karapat-dapat tumanggap ng tulong buhat sa iba​—o hiyang-hiya kang ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa pag-abuso sa iyo. Subalit ang isang tunay na kaibigan ay “ipinapanganak kapag may kasakunaan” at maaaring magbigay ng mahalagang tulong kung bibigyan mo siya ng pagkakataon. (Kawikaan 17:17) Gayunman, maging mapili kung sino ang iyong pagtatapatan. Matutong isiwalat ang iyong mga pagkabahala nang unti-unti. Kung ang kaibigan ay madamayin at maingat, kung gayon maaari mong ipagtapat ang higit pang impormasyon.

      Nakatutulong din na alagaan mong mabuti ang iyong katawan. Magkaroon ng sapat na pahinga. Mag-ehersisyo nang katamtaman. Panatilihin ang nakapagpapalusog na pagkain. Hangga’t maaari, gawing simple ang iyong buhay. Umiyak ka. Ang kirot ay maaaring para bang walang katapusan, subalit paglipas ng ilang panahon ito ay huhupa. Tandaan: Naranasan mo ang pag-abuso bilang isang walang kayang bata​—at nakayanan ito! Bilang isang adulto, mayroon kang lakas na wala noong ikaw ay bata. (Ihambing ang 1 Corinto 13:11.) Kaya harapin ang iyong masasakit na alaala at itigil mo ang pag-apekto nito sa iyo. Umasa ka sa Diyos para sa lakas. Sabi ng salmista: “Gaano man karami ang kabalisahan sa puso ko, ang iyong mga pag-aliw ay nagpaginhawa sa akin.”​—Awit 94:19, The New Jerusalem Bible.

      Pag-aalis ng Pagkadama ng Pagkakasala at Kahihiyan

      Ang pagwawakas sa pagsisisi-sa-sarili ay isa pang mahalagang atas ng paggaling. “Kahit na ngayon ay mahirap pa rin para sa akin na isiping ako’y walang-sala,” sabi ng isang biktimang nagngangalang Reba. “Nagtataka ako, bakit hindi ko siya pinigil?”

      Gayunman, isaisip na ang mga mang-aabuso ay gumagamit ng maka-diyablong mga paraan ng pamimilit: awtoridad (‘Ako ang tatay mo!’), pagbabanta (‘Papatayin kita kung sasabihin mo kaninuman ang ginagawa ko!’), malupit na pamimilit at pangongonsensiya (‘Kung magsusumbong ka, mabibilanggo si Tatay.’). Kabaligtaran naman, ang iba ay gumagamit ng magiliw na panghihikayat o mga regalo at mga pabor kapalit ng seksuwal na mga gawa. Ang iba naman ay maling kinakatawan ang seksuwal na mga gawain bilang isang laro o bilang pagmamahal ng magulang. “Sabi niya na ito raw ang ginagawa ng mga tao kapag sila’y nagmamahalan sa isa’t isa,” gunita ng isang biktima. Paano nga matatanggihan ng isang munting bata ang gayong emosyonal na pananakot at panlilinlang? (Ihambing ang Efeso 4:14.) Oo, ang mang-aabuso ay walang malasakit na pinagsasamantalahan ang bagay na ang mga bata ay walang kaya, mahina, “mga sanggol sa kasamaan.”​—1 Corinto 14:20.

      Marahil, bilang susunod na hakbang sa paggaling, kailangang ipaalaala mo sa iyong sarili kung gaano kahina at kawalang kaya ka noon bilang isang bata. Maaaring gumugol ka ng panahon na kasama ng ilang maliliit na bata o manood ka ng mga larawan mo noong ikaw ay bata pa. Ang maalalaying mga kaibigan ay maaari ring tumulong sa pagpapaalala sa iyo lagi na ang pag-abuso ay hindi mo kasalanan.

      Gayumpaman, ganito ang sabi ng isang babae: “Suklam na suklam ako kapag naaalaala ko ang mga damdaming pinukaw ng tatay ko sa akin.” Nagunita ng ilang biktima (58 porsiyento sa isang pag-aaral) na naranasan nila ang seksuwal na pagkapukaw sa panahon ng pag-abuso. Mauunawaan naman, ito ang nagdulot sa kanila ng labis na kahihiyan. Gayunman ang aklat na Surviving Child Sexual Abuse ay nagpapaalaala sa atin na “ang pisikal na pagpukaw [ay] ang siyang kusang [pagtugon] ng katawan kapag ito’y nahihipo o pinupukaw sa ilang paraan” at na ang bata ay “walang kontrol sa pagkapukaw na ito.” Ang mang-aabuso lamang sa gayon ang may ganap na pananagutan sa kung ano ang nangyari. WALA KANG KASALANAN!

      Magkaroon ka rin ng kaaliwan, sa pagkaalam na ikaw ay minamalas ng Diyos na “walang sala at walang malay” sa bagay na iyon. (Filipos 2:15) Darating ang panahon ang anumang simbuyong magsagawa ng gawaing sumisira-sa-sarili ay maaaring mabawasan, at matututuhan mong mahalin ang iyong sariling laman.​—Ihambing ang Efeso 5:29.

      Pagtanggap sa Iyong mga Magulang

      Baka ito ay maging isa sa pinakamahirap na atas ng paggaling. Ang iba ay patuloy na puno ng galit, mga guniguning paghihiganti​—o pagkadama ng pagkakasala. Isang biktima ng pang-aabuso ay nagsabi: “Ako’y nanlulumo sapagkat naiisip ko na inaasahan ni Jehova na patawarin ko ang umabuso sa akin, at hindi ko magawang patawarin siya.” Sa kabilang dako, maaaring ikaw ay takot na takot sa umabuso sa iyo. O maaaring ikaw ay nagagalit sa iyong ina kung hindi niya pinansin ang pang-aabuso o tinanggihan o nagalit nang ang pang-aabuso ay mabunyag. “Sinabi sa akin ng nanay ko na kailangang bigyan ko ng palugit ang [aking tatay],” mapait na gunita ng isang babae.

      Natural lamang na makadama ng galit kapag ang isa ay dumanas ng pang-aabuso. Gayumpaman, ang buklod ng pamilya ay maaaring matibay, at ayaw mong ihinto ang lahat ng pakikitungo mo sa iyong mga magulang. Baka handa ka pa ngang isaalang-alang ang isang pakikipagkasundo. Gayunman, ang malaking bahagi ay depende sa mga kalagayan. Kung minsan nais patawarin nang lubusan ng mga biktima ang kanilang mga magulang​—hindi pinapatawad ang pag-abuso, kundi tinatanggihang malipos ng hinanakit o makontrol ng takot. Pinipiling iwasan ang emosyonal na paghaharap, ang ilan ay kontento na ‘tumahimik’ at kalimutan na lamang ito.​—Awit 4:4.

      Gayunman, maaaring akalain mo na ang mga bagay ay maaaring malutas lamang sa pamamagitan ng pagkompronta sa iyong mga magulang sa pang-aabuso​—nang personal, sa pamamagitan ng telepono, o sa pamamagitan ng sulat. (Ihambing ang Mateo 18:15.) Kung gayon, tiyakin mo na ikaw ay nakabawi na​—kahit paano ay may sapat na alalay—​upang mabata mo ang emosyonal na unos na maaaring sumabog. Yamang kaunti lamang ang magagawa ng pagsisigawan sa isa’t isa, sikapin mong maging matatag ngunit mahinahon. (Kawikaan 29:11) Maaari kang magsimula sa pagsasabi ng (1) kung ano ang nangyari, (2) kung paano ka naapektuhan nito, at (3) kung ano ang inaasahan mo sa kanila ngayon (gaya ng paghingi ng tawad, pagbayad sa doktor, o mga pagbabago sa paggawi). Sa paano man, ang paglalahad ng problema ay maaaring makatulong upang alisin ang anumang nagtatagal na mga damdamin na ikaw ay walang lakas. At maaari pa ngang gawing posible nito ang bagong kaugnayan sa iyong mga magulang.

      Halimbawa, maaaring kilalanin ng tatay mo ang pang-aabuso, at magpahayag ng taos na pagsisisi. Maaari rin siyang gumawa ng taimtim na pagsisikap na magbago, marahil ay sa pagpapagamot ng pagkasugapa sa alak o sa pag-aaral ng Bibliya. Ang iyong nanay ay maaari ring humingi ng tawad sa iyo dahil sa hindi ka niya napangalagaan. Kung minsan ito ay maaaring magbunga ng ganap na pagkakasundo. Gayunman, huwag kang magtaka kung ikaw ay nag-aalangan pa sa iyong mga magulang at pinipili mong huwag magmadali sa malapit na kaugnayan sa kanila. Kung sa bagay, sa paano man ay maaari mong ibalik ang makatuwirang pakikitungo sa pamilya.

      Sa kabilang dako, ang komprontasyon ay maaaring pagmulan ng maraming pagkakaila at paglait mula sa mang-aabuso at sa iba pang miyembro ng pamilya. Masahol pa, baka matuklasan mo pa na siya ay isa pa ring banta sa iyo. Ang pagpapatawad kung gayon ay baka hindi pa angkop, sa panahong iyon imposible pa ang malapit na kaugnayan.​—Ihambing ang Awit 139:21.

      Anuman ang mangyari, maaaring kumuha ng mahaba-habang panahon bago mabawasan ang iyong nasaktang damdamin. Baka kailanganin mong paulit-ulit na ipaalaala sa iyong sarili na ang pangwakas na katarungan ay sa Diyos. (Roma 12:19) Ang pakikipag-usap ng mga bagay sa isang madamaying tagapakinig o ang pagsulat ng iyong mga damdamin ay maaaring makatulong sa iyo na maunawaan ito sa pamamagitan ng paglalabas ng iyong galit. Sa tulong ng Diyos mauunawaan at mapagtatagumpayan mo ang iyong galit. Sa paglipas ng panahon, ang nasaktang mga damdamin ay hindi na mangingibabaw sa iyong pag-iisip.​—Ihambing ang Awit 119:133.

      Isang Espirituwal na Paggaling

      Wala tayong sapat na lugar sa magasing ito upang talakayin ang lahat ng emosyonal, paggawi, at espirituwal na mga usaping nasasangkot. Kailangan lamang sabihin ng isa na malaki ang magagawa mo upang gawing madali ang iyong paggaling sa pamamagitan ng “pagbabago ng inyong pag-iisip” sa tulong ng Salita ng Diyos. (Roma 12:2) ‘Tanawin ang mga bagay sa hinaharap,’ pinupunô ang iyong buhay ng espirituwal na mga kaisipan at mga gawain.​—Filipos 3:13; 4:8, 9.

      Halimbawa, maraming biktima ng pang-aabuso ang nakasumpong ng malaking ginhawa sa basta pagbabasa sa Mga Awit. Gayunman, higit pang pakinabang ang dumarating sa pamamagitan ng masikap na pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Pagdating ng panahon maaaring mabawasan ang kaigtingan sa pag-aasawa. (Efeso 5:21-33) Maaaring mawala ang mapangwasak na paggawi. (1 Corinto 6:9-11) Ang di-malusog na mga damdamin ay maaaring gumaling. (Kawikaan 5:15-20; 1 Corinto 7:1-5) Matututuhan mo rin ang pagkakatimbang sa iyong personal na mga kaugnayan at magtayo ng matibay na moral na mga hangganan.​—Filipos 2:4; 1 Tesalonica 4:11.

      Matitiyak mo: Ang paggaling ay nangangailangan ng tunay na determinasyon at sukdulang pagsisikap! Gayunman, ang Awit 126:5 ay tumitiyak sa atin: “Sila na nagsisipaghasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan.” Tandaan din, na ang tunay na Diyos, si Jehova, ay interesado sa iyong kapakanan. Siya ay “malapit sa kanila na may bagbag na puso; at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.” (Awit 34:18) Sabi ng isang biktima ng pang-aabuso: “Nang sa wakas ay matalos ko na batid ni Jehova ang lahat ng damdaming nadama ko at na siya’y nagmamalasakit​—talagang nagmamalasakit—​sa wakas ay nakadama ako ng kapayapaan sa loob ko.”

      Ang ating maibiging Diyos, si Jehova, ay higit pa sa kapayapaan lamang ng isip ang iniaalok. Siya’y nangangako ng isang bagong sanlibutan ng katuwiran, kung saan papahirin niya ang lahat ng alaala ng sakit ng damdamin sa pagkabata. (Apocalipsis 21:3, 4; tingnan din ang Isaias 65:17.) Ang pag-asang ito ay aalalay at magpapalakas sa iyo habang ikaw ay naglalakbay sa daan patungo sa ganap na paggaling.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share