Hindi Pinababayaan ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod
Inilahad ni Matsue Ishii
SA LOOB ng halos isang taon, ako ay ikinulong nang mag-isa sa isang napakaliit, marumi, punúng-punô ng mga pulgas na selda sa bilangguan sa Sendai, Hapón. Sa buong panahong iyon, ako’y hindi pinayagan na maligo man lamang. Ang aking balat ay sugat-sugat na, sa kagat ng surot. Pinahihirapan ako ng rayuma na anupa’t hindi ako makaupo ni makatindig. Yamang ako’y buto’t balat na at wala pang 30 kilo ang timbang, ako’y nasa bingit na ng kamatayan.
Ngunit bakit nga ba ako naroon? Bakit kinalampag ng mga maykapangyarihan ang aking pintuan noong ikalima ng umaga, Hunyo 21, 1939, at kanilang inaresto ako? Ano nga ba ang aking nagawa? Iyon ay mahihirap na panahon halos 50 taon na ngayon ang lumipas sa Hapón. Hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang tungkol doon at sa mga kalagayan na humantong sa pagkakulong sa akin at sa kung paano ako nakatiis.
Maaga sa Aking Buhay
Ako’y isinilang noong 1909 sa Kure City, Hapón, may 25 kilometro ang layo sa Hiroshima. Ang aking mga magulang ay may tindahan ng bigas at tindahan ng kimono. Nang ako’y nuwebe anyos, pininsala ng trangkaso Espanyola ang aming lugar at hindi nagtagal mga kabaong na punó ng mga bangkay ang patung-patong sa palibot ng krematoryo. Kami ng ate ko ang dinapuan ng sakit na iyon, at makalipas ang isang linggo siya ay namayapa. Sa kaniyang biglang pagkamatay, nagsimulang pinag-isipan ko: ‘Bakit nga ba namamatay ang mga tao? Ano ang nangyayari sa kanila pagkamatay?’
Si Itay ay isang masugid na Budista, at upang masumpungan ang sagot, dumalaw ako sa sarisaring mga templong Budista. Nagtanong ako sa mga monghe roon: “Bakit namamatay ang mga tao?”
“Hindi ka dapat mag-isip ng mga bagay na gaya niyan,” ang isinasagot nila. “Kung ikaw ay magpapatuloy na manalig kay Buddha at mag-orasyon ka ng iyong mantras, tiyak na makakamit mo ang Nirvana at makapapasok ka sa paraiso.”
Nang ako’y 17-anyos, ako’y nakabalita ng tungkol sa isang aklat na tinatawag na Bibliya. Bumili ako ng isa nito ngunit hindi ko maunawaan ito. Nang malaunan nagsimula akong dumalo sa isang simbahang “Kristiyano” sa Kure City. Nang marinig ko na ang kamatayan ng tao’y resulta pala ng kasalanan ni Adan, nagkaroon iyon ng kabuluhan sa akin, at ako’y naging isang masigasig na miyembro ng iglesya.
Nang panahong iyon ang opinyon na malimit maririnig sa mga bayan-bayan sa gawing kabukiran ay: “Ang relihiyong Yaso [Kristiyanismo] ay magpapahamak sa bansa.” Yamang ako ang unang masigasig na “Kristiyano” sa aming lugar, ako’y inakusahan ng taong-bayan ng pagdadala ng kahihiyan sa bayang iyon at halos humila sa akin na umalis. Ang aking mga magulang ay lubhang nalungkot dahil sa akin.
Pagkatuto ng Katotohanan sa Bibliya
Sa pagsisikap na layasan ko ang aking pananampalataya, isinaayos ni Itay na mag-asawa ako ng isang taong bahagya ma’y hindi ko nakikilala, si Jizo Ishii, isang masugid na Budista. Ang kaniyang kuya ay isang pangulong pari sa isang templong Budista. Sinabi sa akin na bagama’t si Jizo ay hindi isang Kristiyano, siya’y magiging maunawain tungkol sa aking pananampalataya. Kaya’t ako’y lumipat sa Osaka at sa edad na 19 anyos ay napakasal kay Jizo, na isang sastre. Subalit salungat sa sinabi ng aking ama, hindi ako pinayagan ni Jizo na magsimba.
Sa aming likod-bahay sa Tojo-cho, Osaka, mayroong isang bahay na may karatula: “Sangay sa Osaka ng International Bible Students Association.” Ipinagpalagay ko na iyon ay isang grupong Kristiyano, kaya ako’y dumalaw sa bahay.
“Kayo ba’y naniniwala sa ikalawang pagparito ng Panginoon?” ang tanong ko sa binata ng nagbukas ng pinto.
“Ang ikalawang pagparito ni Kristo ay natupad noong 1914,” ang sagot niya.
Sa laki ng aking pagtataka, sinabi ko sa kaniya na iyon ay imposible. “Kailangan mong basahin ang aklat na ito,” aniya, at iniabot sa akin ang The Harp of God.
Upang huwag makita ng aking asawa ang aklat na iyon, itinago ko iyon sa isang bag na may lamang uling at binasa ko iyon kailanma’t maaari akong magbasa. Bawat katotohanan doon ay naging mistulang kulog na sumabog sa harap ko—tanging 144,000 ang pupunta sa langit; si Kristo ay hindi bahagi ng isang Trinidad kundi siya ang bugtong na Anak ni Jehova, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat; tayo’y nabubuhay sa panahon ng katapusan; at ang trangkaso Espanyola na siyang ikinamatay ng aking ate ay bahagi ng katuparan ng hula ng Bibliya. Ako’y kumbinsido na ito na nga ang katotohanan na hinahanap ko.
Sa wakas, natuklasan ng aking asawa na nagbabasa ako ng isang aklat Kristiyano. Gayunman, nang ako’y matatag na manindigan sa aking pananampalataya, pinag-isipan niya kung kasangkot doon ang isang bagay na napakahalaga kaya’t sa ganang kaniya’y binasa niya ang The Harp of God. Ako’y nabautismuhan noong sumunod na taon, Marso 23, 1929, at ang aking asawa ay nabautismuhan din hindi nagtagal pagkatapos.
Paglilingkod Bilang mga Colporteur
Aming isinara ang sastrerya at pinaalis na namin ang mga empleado. Buong kagalakan na kami’y nagsimula ng pangangaral sa bahay-bahay sa Osaka. Noong Setyembre 1929, ako ang naging pangalawang colporteur sa Hapón, gaya ng tawag noon sa mga buong-panahong ministro, at nang malaunan ay naging isang colporteur na rin ang aking asawa. Magkasama kaming gumagawa sa tatlong kaapat na bahagi ng Hapón, kasali na ang Osaka, Kyoto, Nagoya, Tokyo, Sendai, Sapporo, Okayama, at ang isla ng Shikoku. Kami’y dumoroon sa bawat lugar nang mga anim na buwan, nakatira sa isang upahang apartment at ang malaking bahagi ng aming gawain ay pamamahagi ng literatura.
Gumamit kami ng literaturang mayroon sa wikang Haponés, tulad halimbawa ng mga aklat na The Harp of God, Deliverance, Creation, Reconciliation, at Government, kasali na ang The Golden Age (ngayo’y Gumising!) at Ang Bantayan. Bilang mga colporteur ay gumugol kami ng 180 oras isang buwan sa pagbabahay-bahay. Bagama’t hapô ang katawan namin, malaki ang aming kagalakan sa paglilingkod.
Ang mga colporteur na Haponés noong mga kaarawang iyon ay hindi binibigyan ng kaukulang halaga bilang pantakip sa kanilang nagastos kundi sila’y tumatanggap ng kalahati ng perang natanggap nila sa literaturang naipamahagi nila at ito ang ginagamit nilang panggastos. Hindi madali ang buhay noon. Isang kasamahang colporteur ang namatay dahil sa disinterya. Samantalang inaalagaan ko ang pasyente, nahawa ako ng sakit at ako’y napaospital. Nang kami’y naglilingkod sa Nagoya, isang sunog ang nag-umpisa sa isang bahay na karatig ng aming tinutuluyan. Tumakbong bumaba kami sa hagdan galing sa ikalawang palapag at wala kaming nailigtas kundi yaong damit na suot namin, bahagya na lang kaming nakaligtas. Ang aming kaunting ari-arian at ang literatura na ipamamahagi sana namin ay pawang nasunog, anupa’t wala kami kahit isang kusing.
Nang kami’y naglilingkod sa Okayama, ang aking asawa ay dinapuan ng mataas na lagnat nang may ilang araw at pagkatapos magpaeksamen ay napag-alaman na iyon ay tuberkulosis sa baga. Ang tuberkulosis ay karaniwan noon na isang sakit na nakamamatay. Kung sakaling hindi maiiwasan ang kamatayan, nais namin na pumaroon sa Sapporo sa kadulu-duluhang isla sa hilaga, ang Hokkaido, upang magpatotoo kung saan hindi kailanman nakarating ang gawaing pangangaral.
Noong Setyembre 1930, kami’y lumipat sa Hokkaido, na kung saan inaasahan kong mamamatay na roon ang aking asawa. Dito ang hangin ay sariwa, mura lang ang gatas at patatas, at unti-unting nanumbalik ang kalusugan ng aking asawa. Kailanman ay hindi kami pinabayaan ni Jehova kundi pinagpala kami at binigyan ng kaylaki-laking kagalakan sa aming ministeryo.
Nang kami’y unang-unang gumawa sa Sendai, personal na nakapanayam ko si Mr. Inoue, ang presidente ng Tohoku Imperial University. Kaniyang tinanggap ang mga aklat na dala ko at pagkatapos ay sinamahan pa ako sa entrada hanggang sa ako’y makaalis. Samantalang nagpapatotoo sa bahay-bahay, nakilala ko rin si Bansui Doi, isang tanyag na manunulat sa panitikan, na nagsalin sa Haponés ng Iliad at Odyssey ni Homer. Kaniyang tinanggap ang aklat na Creation.
Kabilang sa nagpahalagang mga tao na tumanggap sa aming mensahe ay ang pamilyang Miura na taga-Ishinomori. Si Hagino, ang asawang babae, ay 17 anyos nang siya’y dumalaw sa aming tahanan sa Sendai. Pagkatapos makipagtalakayan sa amin ng Bibliya nang gabing dumalaw siya, siya’y kumbinsido na taglay namin ang katotohanan. Hindi nagtagal at ang buong pamilya ay lumipat sa Tokyo, na kung saan si Hagino at ang kaniyang asawa, si Katsuo, ay naglingkod bilang mga colporteur. Si Katsuo ay namatay bilang isang tapat na Saksi, at si Hagino ay naglilingkod pa rin nang may katapatan. Ang kanilang anak na lalaki, si Tsutomu, ay naging isang tagapagsalin ng maraming taon sa sangay sa Hapon ng Samahang Watch Tower.
Pansamantalang Paglilingkod sa Bethel
Noong mga taon ng 1930 kaming mag-asawa ay naglilingkod ng mga ilang buwan taun-taon sa Bethel na naroon sa Ogikubo, Tokyo. Noon, mayroong mga 20 manggagawa roon. Dalawang maiingay na palimbagan ang lumimbag ng The Golden Age. Kami ni Jizo ay nagtrabaho sa Departamento ng Damit. Sa pagbabago ng pana-panahon, ang mga colporteur ay nagpapadala sa Bethel ng mga damit na may sira. Iyon ay aming nilalabhan, sinusulsihan, at pinaplantsa at pagkatapos ay ibabalik uli namin sa kanila. Gumawa pa mandin kami ng mga bagong damit para sa mga colporteur. Pagkatapos ng trabahong ito, kami naman ay babalik na sa aming gawain bilang mga colporteur.
Isa sa aking di-malilimot na alaala sa Bethel ay yaong may kaugnayan sa makasaysayang kombensiyon sa Columbus, Ohio, E.U.A., noong 1931. Isang kapatid ang bumuo ng isang shortwave na radyo upang makasagap ng mga pagsasahimpapawid sa mga ibang bansa. Maghapon at magdamag na pinipihit namin ang pihitan ng radyo, sa kawalang-pag-asa’y sinikap naming makuha ang isinasahimpapawid na programa ng kombensiyon. Sa kalagitnaan ng gabi, ang tinig ng presidente ng Samahang Watch Tower, na si J. F. Rutherford, ay narinig nang todo-todo. Kaagad-agad na isinalin iyon ng isang kapatid. Sa gayo’y narinig namin ang resolusyon sa pagtanggap sa bagong pangalan, “mga Saksi ni Jehova,” at ang nag-uumugong na palakpakan ng pagsang-ayon. Dito sa ibayong dagat sa Bethel sa Hapón, narinig sa amin ang isang malakas na sigaw ng kagalakan kaalinsabay ng aming mga kapatid sa Amerika. Mga ilang minuto ang nakaraan, humina na nang humina ang pagsasahimpapawid na iyon sa radyo, at tuluyan nang wala kaming narinig pagkatapos. Subalit tinulutan ni Jehova na kami ay maging isang bahagi ng makasaysayang pangyayaring ito.
Pagpapatotoo sa Kabila ng Pananalansang
Noong panahon ng pandaigdig na krisis pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, mistulang ipuipo ng nasyonalismo at militarismo ang naganap sa Hapón. Ang emperador ay itinuring na isang diyos na buháy na kailangang pag-ukulan ng katapatan ng lahat ng mamamayan. Subalit aming sinasabi sa mga tao: “Mayroong iisa lamang Diyos.”
“Sinasabi ba ninyo na hindi Diyos ang emperador?” ang tugon naman nila.
“Magkakaroon ng magandang kinabukasan na pangyayarihin ng Kaharian ng Diyos,” ang aming paliwanag sa kanila.
“Ibig ba ninyo ng isang pamamahala na iba kaysa pamamahala ng emperador?” ang itatanong nila. Anuman ang sabihin namin, ang aming mga salita ay pinipilipit at kami’y tinatawag na mga traidor. Pinag-ibayo ng mga awtoridad ang kanilang pagsenso sa aming literatura, at lalong nag-ibayo ang pagtugaygay sa amin ng mga detektib na nakadamit sibilyan.
Karaniwan nang minsan sa isang taon, may ginaganap na pahayag pangmadla. Kahit na kami ay mayroon lamang mga 20 Saksi sa Tokyo, mga 500 ang dumalo sa pahayag na “Ang Pagbagsak ng Sibilisasyong Kristiyano” sa Yodobashi Public Hall ng siyudad. Mga pulis ang pumalibot sa tagapagpahayag sa plataporma, at kung sakaling siya’y makapagsabi ng anumang itinuturing nilang di kanais-nais, isang tinig ang sasabat, “Tagapagpahayag, huminto ka!” Ang tagapagpahayag naman ay mataktikang babanggit ng isang teksto at babasahin iyon. Yamang ang Bibliya ay hindi ibinabawal, siya’y pinapayagan na magpatuloy.
Dinakip at Ibinilanggo
Halos sampung taon pagkatapos na magsimula kami sa gawaing colporteur, isang pangmaramihang pag-aresto sa mga Saksi ni Jehova ang naganap sa Hapón. Nang kapaha-pahamak na umagang iyon ng Hunyo 21, 1939, ako’y dinala sa istasyon ng pulisya sa Ishinomaki at ikinulong sa isang madilim na silid na may nakabiting mga agiw sa kisame. Hindi nagtagal at ako’y inilipat sa Sendai at ikinulong na mag-isa. Ang aking asawa ay inaresto rin, at saka lamang napasauli noong matapos ang digmaan.
Naroon ako sa maruming seldang iyon halos isang taon at kamuntik na akong mamatay. Nang maglaon nabalitaan ko na nang panahong iyon ginawa ng mga awtoridad ang pagsisiyasat kay Junzo Akashi, ang tagapangasiwa ng sangay sa Hapón. Sa wakas, nagsimula ang pagtatanong sa akin. “Ihagis mo ang Bibliya sa sahig at tapakan mo,” ang utos ng isang nanlilibak na imbestigador. Pagkatapos ay ipinakita niya sa akin ang ulat ng imbestigasyon kay Akashi. Sa simula ay inakala ko na iyon ay isang lalang lamang.
“Ikaw ba ay naniniwala kay Akashi?” ang tanong ng tagapag-usisa.
“Si Akashi po ay isa lamang di-sakdal na tao,” ang tugon ko. “Habang si Akashi ay sumusunod sa mga simulain ng Bibliya, si Akashi ay ginagamit noon bilang isang lingkod ng Diyos. Datapuwat yamang ang kaniyang mga pangungusap ay lumihis sa Bibliya, hindi ko na siya kapatid.” Sayang, talaga namang humiwalay na si Akashi sa katotohanan!
Sa wakas, ang sentensiya ay iginawad, at ako ay ikinulong sa Kulungan ng mga Babae sa Sendai. Muli na naman akong ikinulong na mag-isa. Nagbigay naman sila ng pagkain, bagama’t kakaunti nga lamang. Sa loob ng 30 minuto tuwing umaga, ako ay pinayagan na maglakad-lakad na may kasamang bantay na babae na tumitingin sa akin. Minsan isang bantay ang nagsabi sa akin: “Kung ang panahon sana ay hindi ganito, ikaw ay mapapasa-kalagayan na magturo sa amin. Palibhasa’y masama ang panahon, sana’y maging matiisin ka.” Ako’y pinalakas-loob ng kaniyang mga salita.
Samantala, ang Hapón ay napasuong sa pakikipagdigmaan sa Estados Unidos, at ito ang nangibabaw sa tanawin ng daigdig. Nang magtatapos na ang 1944, lima at kalahating taon pagkatapos na ako’y dakpin, ako ay pinalaya. Noong Agosto 1945 inihulog ang mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki, at natalo ang Hapón sa digmaan.
Mula sa Kadiliman Tungo sa Liwanag
Kaming mag-asawa ay bumalik sa Kure City at sa masalimuot na kalagayan pagkatapos ng digmaan ay nagsikap kaming kumita ng ikabubuhay sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang sastrerya. Ang mga dating magkakasama ay nagpanabog, at halos wala kaming balita na anuman tungkol sa kanila. Subalit, mga apat na taon pagkatapos ng digmaan, nabalitaan namin na may mga misyonerong darating galing sa Estados Unidos, at ang gawaing pang-Kaharian ay muling bubuksan sa Hapón.
Kasa-kasama ang aming anim-na-taong-gulang na anak na lalaki, na aming inampon pagkatapos ng digmaan, ang asawa ko ay dumalo sa unang asamblea pagkatapos ng digmaan, na ginanap sa Tarumi, Kobe. Ito’y ginanap mula sa katapusan ng Disyembre 1949 hanggang sa bagong taon ng 1950. Sapol noong 1939 ang gawaing pang-Kaharian sa Hapón ay nakaranas ng isang ‘panahon ng kadiliman,’ subalit sa wakas ay inilipat kami sa kaliwanagan!
Noong 1951 ay nabalitaan namin na si Nathan H. Knorr, presidente noon ng Samahang Watch Tower, ay nakatakdang bumisita sa Hapón, subalit hindi namin alam ang petsa. Noong Abril 27, 1951, samantalang kami’y nananahi ng mga trahe hanggang hatinggabi, narinig namin ang pangkatapusang balita sa radyo nang araw na iyon. “Si Mr. N. H. Knorr, pangulo ng Watch Tower, ay dadalaw sa Hapón at magpapahayag sa Kyoritsu Auditorium,” ang sabi ng tagapagbalita. Kinabukasan ako’y sumakay sa tren at nagbiyahe nang 900 kilometro patungong Tokyo sa gitna ng kaguluhan at karalitaan na resulta ng digmaan. Noong Abril 29, ako ay nakaupong nakikinig kay Brother Knorr.
Ako’y nagkaroon ng di-kawasang kagalakan nang marinig ko ang anunsiyo ng paglalathala ng Ang Bantayan sa Haponés sa unang pagkakataon pagkatapos ng digmaan. Ako’y umuwi na dala na ang bagong kalalathalang Mayo 1, 1951, na labas. Wala akong nagugunitang panahon sa tanang buhay ko na ako’y nakadama ng higit na kaligayahan. “Ngayon ang gawain sa Hapón ay opisyal na muling binuksan,” ang naisip ko, “at gaya ng inihula, ang gawain ni Jehova ay lalago, ang isa ay magiging isang libo.”
Sapol na noon ay nagtamasa kami ng lubusang pakikipag-ugnayan sa organisasyon ni Jehova. Noong Agosto 1951 si Brother Adrian Thompson ay dumalaw sa amin sa unang pagkakataon bilang tagapangasiwa ng sirkito. Nagsimula ang mga pulong, at ang unang dalawang espesyal payunir na mga kapatid na lalaki sa Hapón ay naatasang gumawa sa Kure City. Ang kongregasyon ay unti-unting lumago, at ang aking asawa ay nagsilbing lingkod ng kongregasyon.
Ano ang nangyari sa humigit-kumulang 130 Saksi sa Hapón noong bago maggiyera? Ang masamang halimbawa na ipinakita ni Junzo Akashi, ang tagapangasiwa ng sangay, ay nagkaroon ng malungkot na epekto sa marami. Ang ilan ay naging kaniyang mga tagasunod, ang iba naman ay nagsipangalat, at ang iba ay nangamatay sa pag-uusig. Mga isang dosena ang nanatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova, at ang iba naman ay pinagpala sa pagkakaroon ng bahagyang kalusugan at sila’y naglilingkod nang masigasig.
Dahil sa unti-unting panunumbalik ng aking kalusugan, ako’y naglingkod bilang isang regular payunir sa loob ng mga ilang taon. Nang ang aking asawa ay edad 71 anyos, siya’y sumuka ng napakaraming dugo at siya’y isinugod sa ospital. Salamat naman at ang mga doktor ay nakinig sa kaniya sa kaniyang pagtangging pasalin ng dugo. Bagama’t siya’y lumakas na unti-unti, namatay rin siya pagkaraan ng anim na buwan. Ang aming inampong anak na lalaki, si Kozo, ay naging espesyal payunir nang maraming taon at ngayon ay isang elder na Kristiyano.
Kung gugunitain, naiisip ko tuloy na noong bago maggiyera, karamihan niyaong mga nakahihigit sa abilidad at talino ay umalis sa organisasyon ng Diyos nang sila’y mapaharap sa napakalaking kagipitan. Marahil sila’y umasa sa kanilang sariling mga abilidad. Yaong mga nanatiling tapat ay walang natatanging abilidad at hindi kilala. Tunay na lahat tayo ay kailangang laging magtiwala kay Jehova nang ating buong puso.—Kawikaan 3:5.
Sa wakas ang “malaking kapighatian” ay tiyak na darating. (Mateo 24:21) Kung magkagayo’y baka tayo mapaharap sa mga pagsubok na pagkaliit-liit kung ihahambing sa mga nakaraang pagsubok. Baka hindi madaling pagtiisan ang mga ito gaya ng ating naguguniguni. Subalit kung tunay na aasa tayo kay Jehova, na talagang iibigin siya at magsusumamo tayo sa ating puso na tulungan tayo, kung paanong hindi niya ako pinabayaan, hindi niya pababayaan ang kaniyang mga lingkod na nagsusumikap na maglingkod sa kaniya nang may katapatan.—Awit 37:25.
[Larawan sa pahina 23]
Naging asawa ko si Jizo Ishii, bahagya ma’y hindi ko nakikilala
[Larawan sa pahina 25]
Nang dumalaw si Brother Knorr sa Hapon noong 1951, siya’y naglingkod sa mga misyonero at sa mga asamblea sa Tokyo, Nagoya, at Kobe (sa itaas)