Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Seksuwal na Panggigipit—Paano Ko Maiingatan ang Aking Sarili?
SI Anita ay isang masayahing 16-na-taóng-gulang na laging nakangiti. Subalit, siya’y napapakunot kapag inilalarawan niya ang naganap kamakailan sa kaniyang paaralan. “Isang kilalang binatilyo ang humarang sa akin sa pasilyo at pinaghihipuan ako,” gunita niya. “Nagagawa niya ito sa maraming kabataang babae—sila’y natutuwa sa kaniyang atensiyon, pero hindi ako! Ang malumanay na pakikiusap sa kaniya na alisin ang kaniyang mga kamay ay hindi umubra. Hindi niya iniisip na hindi ako nagbibiro.”
Ang mahirap na kalagayan ni Anita ay pangkaraniwan. Ang seksuwal na panggigipit ay waring pangkaraniwan noong panahon ng Bibliya. (Ihambing ang Ruth 2:8, 9, 15.) At ito’y totoong nakababahala sa ngayon. “Ang ilang lalaki sa aking trabaho ay nagkokomento nang mahalay tungkol sa aking katawan,” sabi ng isang tin-edyer na babae. Subalit kalimitan ang panggigipit ay higit pa sa mga salita lamang. “Ang ilan ay hinihipuan o hinahatak ako,” sabi pa niya. Isang tin-edyer na babae na nagngangalang René ang nagsabi sa Gumising!: “Lumala nang husto ang panggigipit sa trabaho anupat kinailangan kong magbitiw sa trabaho.”
Isang kamakailang surbey ang nag-ulat na 81 porsiyento ng mga estudyante sa mga baitang na 8 hanggang 11 ang nagsabi na sila’y seksuwal na ginipit sa paano ma’y isang beses. “Sa mga ito,” ulat ng U.S.News & World Report, “65 porsiyento ng mga batang babae at 42 porsiyento ng mga batang lalaki ang nagsabi na sila’y hinipuan, hinatak o kinurot sa seksuwal na paraan.” Oo, ang mga batang lalaki pati na ang mga batang babae ang mga target. Ganito ang nagugunita ng magulang ng isang tin-edyer na batang lalaki: “Nagulat ako kung gaano kagaspang kumilos ng mga batang babae sa paaralan ng aking anak na lalaki. Mula nang siya’y halos 12 taóng gulang, napakaraming tumetelepono sa amin, mga paanyaya sa date, mahahalay na pahiwatig—at iba pa.”
Madaling ipagwalang-bahala ang nakaliligalig na mga paggawing ito. Ganito ang sabi ng isang kabataan: “Kung minsa’y ginagawa ito sa pabirong paraan.” Subalit hindi ito isang biro para sa mga Kristiyano! Batid nila na ang seksuwal na panggigipit ay kalimitang isang pagtatangka upang akitin ang isa sa seksuwal na imoralidad, isang bagay na hinahatulan ng Diyos na Jehova. (1 Corinto 6:9, 10) Higit pa, ang Salita ng Diyos ay nag-uutos na ang mga kabataang babae ay dapat na pakitunguhan “nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:2) Ipinagbabawal din nito ang “malaswang pagbibiro.” (Efeso 5:3, 4) Kaya hindi dapat pagbigyan ng Kristiyanong mga kabataan ang seksuwal na panggigipit! Ang tanong ay, Paano mo maiingatan ang iyong sarili mula sa pagiging target nito? Pag-usapan natin ang tungkol sa mga hakbang sa pag-iingat.
Mga Paraan Upang Maiwasan ang Panggigipit
Paunlarin ang reputasyon ng Kristiyanong paggawi. “Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao,” ang payo ni Jesus. (Mateo 5:16) Ang pagbabahagi ng iyong paniniwala sa iyong mga kaeskuwela at katrabaho ay isang paraan upang gawin ito. Kapag ikaw ay kilala bilang isa na may malalim na paninindigan at may mataas na mga pamantayan sa moral, malamang na hindi ka gaanong maging target ng panggigipit.
Mag-ingat kung paano ka nananamit at nag-aayos ng iyong sarili. Noong panahon ng Bibliya ang pantanging kasuutan ay nagpapakilala sa isang babae bilang imoral. (Ihambing ang Kawikaan 7:10.) Gayundin sa ngayon, ang nakapupukaw sa sekso na mga istilo ay maaaring magpangyari sa iyo na maging popular sa iyong mga kaedad, subalit ang mga ito’y maaaring magbigay ng maling pahiwatig. Masusumpungan mo ang iyong sarili na umaakit ng maling uri ng atensiyon mula sa di-kasekso. Ang gayunding problema ay maaaring bumangon kung ang isang kabataang babae ay naglalagay ng make-up na nagmumukha siyang mas matanda kaysa talagang edad niya. Ang Bibliya ay nagpapayo na ‘gayakan ang inyong sarili ng damit na mabuti ang pagkakaayos, na may kahinhinan at katinuan ng isip.’—1 Timoteo 2:9.
Piliin nang maingat ang iyong mga kasama. (Kawikaan 13:20) Sa paano man, hahatulan ka ng mga tao ayon sa iyong mga kasama. At kung ang iyong mga kaibigan ay kilalang gumugugol ng maraming panahon na pinag-uusapan ang di-kasekso, magkakaroon ng maling kaisipan ang mga tao tungkol sa iyo.—Ihambing ang Genesis 34:1, 2.
Iwasan ang umalembong. Totoo na walang mali sa pagiging palakaibigan, subalit ang pagtitig at paghipo ay madaling bigyan ng maling kahulugan ng di-kasekso. Hindi kailangang hawakan ang isa para makipag-usap lamang. Isagawa ang Ginintuang Alituntunin at pakitunguhan ang di-kasekso kung paano mo gustong pakitunguhan ka—nang may kalinisan at paggalang. (Mateo 7:12) Iwasan na mang-akit ng di-kasekso para lamang sa katuwaan. Ang paggawa ng gayon ay hindi lamang kawalang-kabaitan at nakaliligaw kundi mapanganib. “Makakukuha ba ng apoy ang tao upang ilagay iyon sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan?” tanong ng Bibliya sa Kawikaan 6:27.
Kung Ikaw ay Naging Biktima
Mangyari pa, kahit na ang ilang pagbabago sa iyong pananamit, pag-aayos, o paggawi ay angkop na, walang karapatan ang iba na humipo sa iyo sa nakapupukaw na paraan o may kalaswaang magmungkahi sa iyo. At maging ang ilang kabataan na may napakahusay na hitsura at paggawi ay naging biktima. Ano ang dapat mong gawin kung mangyari ito sa iyo? Narito ang ilang mungkahi.
May katatagang tumanggi. Alam na alam na ang ilang tao ay tumatanggi sa ilang seksuwal na pananamantala gayunma’y sa katunayan ay pinahihintulutan nila ito. Kaya ang mga nananamantala ay nag-aakala na ang di-gaanong pagtanggi ay talagang nangangahulugang oo—o sa paano man marahil—hanggang sa makumbinsi mo silang hindi. Ang payo ni Jesus na hayaang ang inyong salitang hindi ay mangahulugang hindi ay totoong praktikal sa bagay na ito. (Mateo 5:37) Huwag bumungisngis o umalembong. Ni pahintulutang ang kilos ng iyong katawan, tinig, o badya ng mukha ay sumalungat sa iyong mga salita.
Gumawa ng eksena. Ang mga seksuwal na nananamantala ay kalimitang dumidepende sa pagtangging lumaban ng mga biktima. Kaya, noong panahon ng Bibliya, ang mga babaing Israelita ay binigyan ng karapatan, tunay na obligasyon, na labanan ang seksuwal na pagsasamantala. (Deuteronomio 22:23, 24) Gayundin sa ngayon, hindi dapat madama ng isang Kristiyano na ang di-nararapat na paghawak o paghipo ay hindi seryosong problema. Ito’y mali, isang pagsasamantala sa iyong dangal bilang isang tao at isang Kristiyano. Hindi mo kailangang tanggapin ito! “Kamuhian ang balakyot” ang payo ng Bibliya!—Roma 12:9.
Ang isang mabisang paraan upang maihinto ang maling paggawi na ito ay gumawa ng eksena at hiyain ang nagsasamantala sa iyo; marahil siya’y hihinto. Gunitain ang karanasan ni Anita, na binanggit sa simula. Hindi umubra ang magalang na pakiusap niya sa nanggigipit sa kaniya na huminto ito sa paghipo sa kaniya. Ganito ang sabi sa amin ni Anita: “Kinailangan kong hiyain siya sa harap ng kaniyang mga kaibigan sa pamamagitan ng malakas na pagsasabi sa kaniyang HUWAG niya akong hipuin nang gayon!” Ang resulta? “Pinagtawanan siya ng lahat ng kaibigan niya. Pansamantala siyang nanahimik, pero pagkalipas ng ilang araw, humingi siya ng paumanhin sa kaniyang iginawi at nang bandang huli ay ipinagtanggol pa nga ako nang may magtangkang gumambala sa akin.”
Kung hindi umubra ang mga salita, maaaring basta umalis ka na lamang—o tumakbo pa nga—papalayo sa nananamantala. At kung imposibleng tumakas, may karapatan kang gamitin ang anumang paraan upang itaboy ang nanggagambala. Isang Kristiyanong babae ang tahasang nagsabi nang ganito: “Nang isang lalaki ang nagtangkang hablutin ako, sinuntok ko siya nang ubod lakas, at ako’y tumakbo!” Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na hindi na uulit ang nanggigipit. Kaya malamang na kakailanganin mong humingi ng tulong.
Sabihin ito sa iba. “Iyan sa wakas ang kinailangan kong gawin,” ang pag-amin ng 16-na-taóng-gulang na si Adrienne. “Humingi ako ng payo sa aking mga magulang tungkol sa situwasyon nang ang isang kabataang lalaki na inaakala kong isang mabuting kaibigan ay hindi ako tinatantanan. Habang nanlalaban ako, lalo naman siyang nagiging makulit, halos para bang isang laro iyon.” May praktikal na payo ang mga magulang ni Adrienne na tumulong sa kaniya upang mapakitunguhan nang matagumpay ang problema.
Makatutulong din ang iyong mga magulang upang mabata mo ang anumang kahihinatnan sa emosyon na bunga ng pagiging biktima nito, gaya ng pagkapahiya, takot, o kahihiyan. Magbibigay katiyakan sila sa iyo na ang pagsasamantala ay hindi mo kasalanan. Makagagawa rin sila ng mga hakbang upang ingatan ka sa hinaharap.
Halimbawa, maipapasiya nila na makabubuti para sa iyo na ipagbigay-alam sa iyong guro o sa mga opisyal sa paaralan ang tungkol sa problema. Maraming paaralan sa Estados Unidos ang nagsasaalang-alang sa mga reklamo nang may kaseryosohan at may maliwanag na nakasulat na mga alituntunin sa pakikitungo sa seksuwal na panggigipit sa mga estudyante.
Totoo, hindi lahat ng mga opisyal ng paaralan ay madamayin. “Sa aming paaralan,” sabi ng 14-na-taóng-gulang na si Earlisha, “kung minsan ang mga guro ay nagsasalita nang mahalay at mas masahol pa ang kilos kaysa mga bata. Hindi mo tuloy malaman kung kanino hihingi ng tulong.” Kaya, hindi naman kataka-taka nang iulat niya ang panggigipit sa kaniya, siya’y pinaratangang napakasensitibo. Subalit, hindi sumuko si Earlisha. Dinala niya ang anim pang mga kabataang babae na kinurot at hinipuan ng kabataang lalaki ring iyon. “Kaming anim pa ang nagkumbinsi sa punung-guro na talagang may problema,” aniya. Sa wakas, napahinto niya ang maling paggawi.
Humingi ng tulong sa Diyos. Kung ang pagiging nasa paaralan ay nagpapadama sa iyo na parang nasukol ka sa isang yungib ng leon, tandaan na iningatan ng Diyos na Jehova si propeta Daniel sa isang literal na yungib ng leon. (Daniel 6:16-22) Makatutulong din sa iyo si Jehova. Nauunawaan niya ang mga panggigipit na kinakaharap mo sa paaralan. At kung mahirap ang nagiging kalagayan, maaari kang magsumamo sa kaniya para sa tulong—nang malakas kung kailangan! Huwag kang matakot o mahiya na makilala bilang isang lingkod ng tunay na Diyos. Ang Bibliya ay nangangako sa mga banal na lingkod ni Jehova: “Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng kaniyang mga banal; kaniyang inililigtas sila sa kamay ng masama.”—Awit 97:10.
Hindi ito tumitiyak ng makahimalang pagliligtas. Kailangan mong gawin ang magagawa mo upang ingatan ang iyong sarili. Sundin ang mga simulain sa Bibliya. Maging mahinhin sa iyong pananalita at hitsura. Mag-ingat sa pakikitungo sa di-kasekso. Sa paggawa ng gayon, malaki ang magagawa mo upang ingatan ang iyong sarili mula sa panggigipit.
[Larawan sa pahina 18]
Huwag magdalawang-isip sa pagtanggi sa mahalay na pananamantala; hayaang ang iyong hindi ay mangahulugang hindi!