KABANATA 14
Paano Ko Mapoprotektahan ang Sarili Ko sa Eskuwelahan?
Sagutin kung Tama o Mali:
1. Pisikal na pananakit lamang ang maituturing na pang-aabuso.
□ Tama
□ Mali
2. Panghihipo lamang ang maituturing na pambabastos.
□ Tama
□ Mali
3. May mga babae ring nang-aabuso at nambabastos.
□ Tama
□ Mali
4. Wala kang anumang magagawa kung pinag-iinitan ka o binabastos.
□ Tama
□ Mali
TAKOT ang araw-araw na nararamdaman ng milyun-milyong kabataan na biktima ng pang-aabuso ng mga siga. “Parang napakatagal na pahirap ang 15-minutong biyahe ko sa bus, dahil hindi lamang masasakit na salita ang inaabot ko sa mga sigang estudyante, nananakit pa sila,” ang sabi ng kabataang si Ryan. Ang iba namang mga kabataan ay biktima ng pambabastos. “Isang kilalang bata sa iskul namin ang humarang sa akin sa pasilyo. Tapos, pinaghihipuan niya ako,” ang sabi ng kabataang si Anita. “Pinakiusapan ko siyang tumigil, pero parang wala siyang narinig. Akala niya’y nagpapakipot lang ako.”
Ang iba namang mga kabataan ay nililigalig ng kanilang mga kaeskuwela sa pamamagitan ng Internet. Naging biktima ka na ba ng ganitong pang-aabuso o pambabastos? Kung oo, ano ang puwede mong gawin sa ganitong mahirap na situwasyon? Aba, marami! Pero alamin muna natin kung tama o mali ang mga pangungusap na binanggit sa pasimula ng kabanatang ito.
1. Mali. Bibig at hindi kamao ang ginagamit ng karamihan sa mga siga. Ang pagbabanta, pang-iinsulto, at panunuya ay maituturing na pang-aabuso.
2. Mali. Ang malisyosong “papuri,” malaswang biro, o mahalay na pagtitig ay maituturing din na pambabastos.
3. Tama. Hindi lamang mga lalaki ang nang-aabuso at nambabastos.
4. Mali. May magagawa ka kapag pinag-iinitan ka o binabastos. Alamin natin.
Gamitin ang Ulo—Huwag Makipagbasag-Ulo
Ang ilang siga ay sadyang nang-iinis dahil gusto nilang makita kung ano ang magiging reaksiyon mo. Pero ganito ang matalinong payo ng Bibliya: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu.” (Eclesiastes 7:9) Ang totoo, kapag ‘ginantihan mo ng masama ang masama,’ para kang nagbubuhos ng gasolina sa apoy—lalo lamang lálaki ang problema. (Roma 12:17) Kapag pinag-iinitan ka, paano mo gagamitin ang iyong ulo, sa halip na makipagbasag-ulo?
Huwag mapikon. Kung gusto ka lamang nilang gawing katatawanan, makitawa ka na lang din, sa halip na mapikon. “Kung minsan, mas magandang huwag na lamang seryosohin ang masasakit na salitang sinasabi nila,” ang sabi ng binatilyong si Eliu. Kapag napansin ng siga na bale-wala lang sa iyo ang pinagsasasabi niya, baka tantanan ka na niya.
Maging mahinahon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit.” (Kawikaan 15:1) Tiyak na mabibigla ang isang siga kapag mahinahon ang sagot mo, at maaaring humupa ang tensiyon dahil dito. Totoo, hindi madaling manatiling malamig ang ulo kapag pinag-iinitan ka. Pero ito ang laging pinakamabuting gawin. Sinasabi ng Kawikaan 29:11: “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.” Tanda ng kalakasan ang kahinahunan. Kontrolado ng isang taong mahinahon ang kaniyang damdamin. Sa kabaligtaran, ang isang siga ay walang tiwala sa sarili, mainitin ang ulo, at parang laging may gustong patunayan. Kaya nga sinasabi ng Bibliya: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki.”—Kawikaan 16:32.
Protektahan ang iyong sarili. Kung mainit na ang situwasyon, baka kailangan mo nang tumakas. Sinasabi ng Kawikaan 17:14: “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” Kaya kung sa tingin mo ay sasaktan ka na nila, lumayo ka na o kaya’y tumakbo. Kung hindi ka makatakbo palayo, gawin ang lahat para protektahan ang iyong sarili.
Magsumbong. Karapatan ng mga magulang mo na malaman ang nangyayari sa iyo. Mabibigyan ka nila ng praktikal na payo. Halimbawa, baka imungkahi nilang ipaalam mo sa iyong guro o sa gurong tagapayo ang tungkol sa pang-aabuso. Makatitiyak kang magiging maingat ang iyong mga magulang at ang mga guro sa paglutas sa problema para hindi ka lalong mapag-initan.
Sa madaling salita, matatalo mo ang mga nang-aabuso kung hindi mo sila papatulan. Kaya huwag kang magpaapekto sa kanilang pang-iinis. Sa halip, kontrolin mo ang situwasyon sa pamamagitan ng pagsunod sa nabanggit na mga mungkahi.
Paano Kung Binabastos Ka?
Kung binabastos ka, aba, tama lamang na magalit ka! Pero ang tanong ay, Ano ang magagawa mo hinggil dito? Marami! Narito ang ilang mungkahi.
Prangkahin ang nambabastos. Kung alanganin ang sagot mo, hindi ka titigilan ng nambabastos sa iyo. Kaya kapag sinabi mong hindi, panindigan mo iyon para malaman niyang hindi ka natutuwa sa ginagawa niya. (Mateo 5:37) Kung ngumisi-ngisi ka lang o nagsawalang-kibo, marahil dahil nahihiya ka, baka akalain ng nambabastos na nagpapakipot ka lang. Kaya prangkahin mo siya. Iyan ang pinakamagaling mong depensa!
Gumawa ng eksena. Hinggil sa lalaking nambastos sa kaniya, ganito ang sinabi ng kabataang si Anita: “Hiniya ko siya sa harap ng kaniyang mga kaibigan. Sinigawan ko siya: ‘Ano ba, huwag mo nga akong mahawak-hawakan!’” Ang resulta? “Pinagtawanan siya ng lahat ng kaniyang mga kaibigan. Pagkatapos nito, wala siyang kaimik-imik nang ilang araw. Pero humingi rin siya ng paumanhin sa kaniyang ginawa. Nang maglaon, ipinagtanggol pa nga niya ako nang may manggulo sa akin.”
Kung hindi siya tablan ng mga salita mo, lumayo ka na. Ang mas mabuti pa nga ay tumakbo ka. Pero kung hindi ka naman makatakbo, karapatan mong ipagtanggol ang iyong sarili laban sa kaniyang pananamantala. (Deuteronomio 22:25-27) Ganito ang sinabi ng isang dalagitang Kristiyano: “Nang sunggaban ako ng isang kabataang lalaki, sinuntok ko siya nang ubod lakas, saka ako tumakbo!”
Magsumbong. “Iyan ang ginawa ko nang dakong huli,” ang sabi ng 16-anyos na si Adrienne. “Humingi na ako ng payo sa aking mga magulang nang ayaw akong tantanan ng isang kabataang lalaki na akala ko noo’y mabuting kaibigan. Kasi, miyentras sinasabihan ko siya, lalo naman siyang nangungulit. Akala niya’y nakikipaglaro lang ako.” Binigyan si Adrienne ng kaniyang mga magulang ng praktikal na payo na nakatulong sa kaniyang problema. Tiyak na matutulungan ka rin ng iyong mga magulang.
Mahirap talaga kung pinag-iinitan ka o binabastos. Pero lagi mong tandaan: Bilang isang Kristiyanong kabataan, may magagawa ka kapag pinag-iinitan ka; hindi mo rin dapat hayaang bastusin ka. Kung gagawin mo ang nabanggit na mga mungkahi, mapagtatagumpayan mo ang mga hamong ito.
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 18
Ang panggigipit ng mga kasama ay isa sa pinakamahirap na hamong kailangan mong harapin. Alamin kung paano mo ito mapagtatagumpayan nang may lakas ng loob.
TEMANG TEKSTO
“Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
TIP
Kung pinag-iinitan ka ng mga siga, dapat kang manindigan, pero huwag ka namang palabán. Lakas-loob mong sabihin, ‘Tama na!’ Saka umalis nang mahinahon. Kung ayaw ka pa rin nilang tigilan, magsumbong ka na.
ALAM MO BA . . . ?
Kung ginagaya mo ang porma o hitsura ng mga miyembro ng isang gang, puwede kang mapag-initan. Ganito ang sabi ng isang dating miyembro ng gang: “Kung may gumagaya sa porma namin, pero hindi naman namin siya kasama, malamang na mapag-initan siya. Mabuti pang sumapi siya sa amin kung ayaw niyang masaktan.”
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kung may nang-iinsulto o nang-iinis sa akin, ang gagawin ko ay ․․․․․
Para hindi ako mapagdiskitahan, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Paano mo maipakikita sa iyong kilos na may kumpiyansa ka sa iyong sarili at na kontrolado mo ang situwasyon, at sa gayo’y hindi ka mapag-initan?
● Ano ang puwede mong gawin kung binabastos ka? (Mag-isip ng mga situwasyon na posibleng mapaharap sa iyo at kung ano ang maaari mong gawin.)
● Bakit hindi mo dapat ipagwalang-bahala ang pambabastos sa iyo?
[Blurb sa pahina 123]
“Kung alam mong magkakagulo na, umuwi ka na lang at huwag nang makialam pa. Nag-uusyoso pa ang ilan kaya napapasubo sila sa gulo.”—Jairo
[Kahon sa pahina 125]
Kung Paano Mo Maiiwasang Maging Biktima ng Pambabastos
Huwag umalembong. Ang mga alembong ang karaniwang nagiging biktima ng pambabastos. Sinasabi ng Bibliya: “Maaari bang kandungin ng isang tao ang apoy na hindi nasusunog ang kanyang damit?” (Kawikaan 6:27, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Oo, ang pag-alembong ay parang paglalaro ng apoy na puwedeng magpahamak sa isa.
Piliing mabuti ang iyong mga kasama. Kung ano ang ugali ng mga kaibigan mo, iisipin ng mga tao na gayon ka rin. Ganito ang sabi ng kabataang si Carla, “Kung ang lagi mong kasama ay yaong mga sumasakay sa malisyosong mga biro at mahilig magpapansin, babastusin ka rin.”—1 Corinto 15:33.
Maging maingat sa pananamit. Kung hindi ka mahinhing manamit, aakalain ng iba na gustung-gusto mong magpapansin sa di-kasekso—at ikaw ang pag-iinitan nila.—Galacia 6:7.
Huwag itago na isa kang Kristiyano. Kung alam ng mga kaeskuwela mo na Kristiyano ka, alam nilang sumusunod ka sa mga pamantayan ng Bibliya.—Mateo 5:15, 16.
[Larawan sa pahina 124]
Kung papatulan mo ang panunuya ng isang siga, para kang nagbubuhos ng gasolina sa apoy
[Larawan sa pahina 127]
Prangkahin ang nambabastos sa iyo, ‘Tigilan mo ako!’