Pagwawaksi sa Pamatok ng Espiritismo
ISANG kalamidad ang sumapit sa aking pamilya nang ako’y isang dalagitang 14 anyos. Noon, isang ubod-samang mamamatay-tao ang nagsimula ng paglipol sa aking mga kamag-anak. Ang kaniyang mga unang biktima ay ang mga anak ng aking kapatid na babae—sila’y siyam na lahat. Pagkatapos ay bumaling ito laban sa asawa ng aking kapatid na babae. Hindi nagtagal pagkatapos, pinatay nito ang isa pa sa mga kapatid kong babae. Pagkatapos ay isinunod ang apat pa sa aking mga kapatid, hanggang sa ang aking ina na lamang at ako ang natitira. Oh, ako’y nangilabot!
Nang mga taon na sumunod, ako’y kumakain, nagtatrabaho, at natutulog sa araw-araw na taglay ang takot. Naitanong ko sa sarili: ‘Kailan kaya siya sasalakay? At sino ang susunod na sasalakayin niya—si Inay o ako?’
Ang Aking Kasaysayan
Upang matulungan ka na maintindihan kung ano ang nangyari pagkatapos, bayaan mong ikuwento ko sa iyo ang aking kasaysayan. Noong 1917, ako’y isinilang bilang isa na nasa tribo ng Paramaccaner Bush-Negroe sa isang isla sa Ilog Maroni sa Suriname. Ang aking mga ninuno ay mga den lowenengre, o tumakas na mga alipin, na doon naparoon sa kagubatan upang mamuhay nang malaya bagaman mahirap. Oo, sa totoo’y isang buhay iyon na malaya buhat sa pagkaalipin sa mga tao ngunit hindi naman malaya buhat sa mga demonyo.
Ang araw-araw na pamumuhay sa aming nayon ay pinangingibabawan ng pagsamba sa mga demonyo at sa mga ninuno. Upang ang iba’y suma-ilalim ng panggagayuma at dalhan ng sakit at kamatayan ang kanilang kapuwa-tao, may mga taong gumagamit ng wisi, black magic, o sila’y napatutulong sa isang koenoe (binibigkas na koo noo), isang manunudyo. Ayon sa paniwala ang mga manunudyong ito ay mga taong minaltrato ng isang miyembro ng pamilya. Pagkamatay nila, ipinagpapalagay na sila’y bumabalik sa pamilya upang maghiganti. Datapuwat, sa totoo ang mga manunudyong ito ay mga imbing demonyo na pumupuwersa sa mga tao na sumamba sa kanila.
Bilang isang miyembro ng Evangelical Brother Community, isang relihiyong Protestante, ako’y natuto rin naman ng mga ilang bagay tungkol sa Diyos. Bagaman ako’y nasa kadiliman noon tungkol sa kung paano sasambahin siya, ang palanas na kagubatan sa palibot ko ang nagbigay ng saganang patotoo na siya’y isang mabuting Tagapaglaan. ‘Ang ibig kong sambahin ay isang mabuting Diyos sa halip na isang masamang espiritu na nagbibigay ng pagdurusa,’ ang katuwiran ko. Batid ko na ang mga manunudyo ay natutuwa na pahirapan ang kanilang tumatangging mga biktima hanggang sa mamatay ang mga ito.
Gunigunihin ang laki ng aking kabiglaanan nang mapag-alaman ko na ang mga kaaway ng aming pamilya ay nagpapunta sa amin ng isang koenoe. Ako’y 14 anyos nang siya ay magsimula ng kaniyang misyon ng pagpatay. Makalipas ang dalawampu’t-anim na taon, ang natira na lamang ay si Inay at ako.
Ang Unang Engkuwentro
Si Inay ay isang masipag na manggagawa. Isang araw, samantalang naglalakad sa kaniyang bukirin, siya’y natumba at hindi makabangon. Ang aking ina pala ang napili ng koenoe. Umurong ang kaniyang kalusugan at siya’y nalumpo. Kailangan niya ang tulong—ang aking tulong. Subalit ako’y nag-alangan sa pagitan ng pag-ibig ko sa kaniya at ng pagkatakot sa demonyo na pumasok sa kaniya. Subalit, sa mga oras ng pag-atake ng koenoe, ang pobreng si Inay ay sumisigaw sa matinding kirot na anupa’t hindi ko na matiis iyon kung kaya’t ang kaniyang ulo ay inilapag ko sa aking kandungan para maginhawahan. Nang magkagayo’y kumalma siya, ngunit nadama kong may “mga kamay” na pumipisil sa aking katawan.
Nang ibig kong tumakas, muling umiyak si Inay. Kaya alang-alang sa kaniya ako ay hindi na umalis at tiniis ko ang aking unang nakakikilabot na pakikipagtagisan sa mamamatay-taong ito. Ako’y 40 anyos noon.
Pinag-ibayo ang mga Pag-atake
Namatay si Inay. Tatlong araw lamang ang nakalipas, nakarinig ako ng isang palakaibigang tinig na nagsasabi: “Lintina, Lintina, naririnig mo ba ako? Tinatawag kita.” Iyon ang pasimula ng isang napakalaking kaabahan na anupa’t ibig ko na noon na dagling mamatay.
Una muna’y niligalig lamang ako ng demonyo pagka ako’y matutulog. Pagka ako’y halos makakatulog na, gigisingin ako ng tinig at uungkatin ang tungkol sa mga dakong libingan at kamatayan. Dahil sa hindi makatulog ay nanghina ako, bagama’t patuloy na inasikaso ko ang aking mga anak.
Nang malaunan pinag-ibayo ng demonyo ang kaniyang mga pag-atake. Maraming beses na ang palagay ko’y kaniyang sinasakal ako. Bagama’t sinubukan kong kumarimot nang takbo, hindi ko magawa iyon sapagkat isang mabigat na bagay ang waring dumadagan sa aking katawan. Ibig kong tumili pero wala namang lumabas na tunog sa aking bibig. Sa kabila nito, tumanggi akong sumamba sa umaatake sa akin.
Pagkatapos gumaling sa bawat atake, patuloy ako ng pagsasaka, nagtatanim ng kamoteng kahoy at tubó at ipinagbibili ko yaon sa pamilihan sa isang munting bayan sa may baybayin. Noon ay naging madali na maghanapbuhay, ngunit ang aking pinakamalalang pagdurusa ay darating pa lamang noon.
Paghahanap ng Isang Lunas
Isang araw ay narinig ko ang nagbabantang tinig ng demonyo na nagsabi: “Palalakihin ko ang iyong tiyan na gaya ng isang bola.” Makalipas ang kaunting panahon, nagkaroon ng matigas na bukol sa aking tiyan na lumaki nang lumaki hanggang sa animo’y buntis ako. Talagang natakot ako, at naitanong ko sa sarili: ‘Matutulungan kaya ako ng Diyos, na Maylikha, upang makaalpas ako sa koenoe? Siya kaya’y makapagpadala ng isang mabuti at lalong malakas na espiritu upang mapalayo ito?’ Upang alamin, naparoon ako sa isang bonoeman, isang doktor ng pangkukulam.
Ang unang doktor ng pangkukulam ay nagbigay sa akin ng tapoes, o mga anting-anting, subalit naroon pa rin ang pamamaga. Disididong makatagpo ng lunas, naparoon ako sa sunud-sunod na bonoeman—pawang sa walang kabuluhan. Sa pagitan ng mga pagdalaw na iyon, nagpatuloy ako ng pagsasaka upang makaroon na nga ako ng pera na maibibili ng beer, alak, champagne, at mga tela na ibabayad sa mga manggagamot sa kulam. Malimit na sila’y nagpayo: “Lumuhod ka sa koenoe. Magmakaawa ka sa kaniya tulad sa siya’y panginoon mo. Sambahin mo siya, at kaniyang lalayuan ka.” Ngunit paano ko maluluhuran ang isang espiritu na nagpahirap sa akin at ibig pang patayin ako? Hindi maaari iyon.
Gayunman, sa kakulangan ng pag-asa ay ginawa ko ang lahat ng mga iba pa na sinabi sa akin ng mga doktor sa pangkukulam maliban doon sa binanggit ko na nga. Isa sa kanila ang gumamot sa akin nang may limang buwan. Kaniyang pinaliguan ako ng mga damu-damo at kinuha ang katas ng 11 iba’t ibang halaman upang ipatak sa aking mga mata—“para dalisayin ito,” aniya samantalang tumitili ako dahil sa sakit. Subalit nang matapos ang panggagamutang iyon, ako’y umuwi na walang anumang pera, inabuso, at lalo pang malala ang sakit.
“Ito Na ang Iyong Katapusan”
Isa sa aking mga anak na lalaki, na doon nakatira sa Netherlands, ang nagpadala sa akin ng pera upang magpatuloy ng paghanap sa makatutulong sa akin. Kaya’t naparoon ako sa isang medikong doktor sa kabisera. Pagkatapos na ako’y suriin, sinabi niya: “Hindi kita matutulungan. Pumunta ka at kumunsulta sa isang bonoeman.” Kaya’t sinubukan kong lumapit sa isang espiritistang medyum na mula sa Silangang India—subalit hindi rin nakatulong. Umuwi na ako pero nakarating ako hanggang sa kabisera lamang, na kung saan nakarating ako sa bahay ng isa sa aking mga anak na babae. Doon ay nawalan ako ng malay—walang pera at maysakit. Sa walang kabuluhan, gumugol ako ng 17 taon at 15,000 guilders ($8,300, U.S.) sa paghahanap ng isang lunas. Ako’y 57 taóng gulang noon.
Pagkatapos, nagbanta ang demonyo: “Todas ka na. Ito na ang iyong katapusan.”
“Pero hindi ka naman ang Diyos, hindi ka naman si Jesus,” ang bulalas ko.
“Maging ang Diyos man ay hindi makapagpapahinto sa akin,” ang sagot ng demonyo. “Biláng na ang iyong mga araw.”
Ang Pangkatapusang Pakikipagpunyagi
Mga ilang linggo ang lumipas. Si Meena, isang kapitbahay na babae na isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, ay nangumusta sa aking anak na babae tungkol sa aking kalagayan at ang sabi: “Ang iyong ina ay matutulungan pero sa pamamagitan lamang ng Bibliya.” Naulinigan ko ang pag-uusap nila, kaya lumakad akong papalapit sa kanila. Subalit, bago ako nakarating sa kanila ay natumba na naman ako at napahiga sa lupa. Agad namang lumapit si Meena at ang sabi: “Hindi ka iiwanang mag-isa ng demonyong iyan. Ang tanging isa na makatutulong sa iyo ay si Jehova, wala nang iba.” Pagkatapos ay nanalangin siyang kasama ko sa Diyos na Jehova at sinimulan niyang dalawin ako. Subalit mientras dinadalaw niya ako, lalo namang tumitindi ang mga pag-atake ng demonyo. Kinagabihan, ganiyan na lang katindi ang pagyugyog ng aking katawan na anupa’t walang sinuman sa bahay ang makatulog. Ako’y huminto ng pagkain at may mga sandali na lubusang nawawala ang aking katinuan ng isip.
Ang aking kalagayan ay naging totoong malubha kung kaya’t nanggaling ang aking mga anak na lalaki sa interyor upang ibalik ako sa aking nayon upang doon mamatay. Palibhasa’y mahinang-mahina ako upang maglakbay, tumanggi ako. Subalit sa pagkadamang malapit na akong mamatay, tinawag ko ang Saksi upang mamaalam. Ipinaliwanag ni Meena buhat sa Bibliya na kahit na ako’y mamatay, mayroong pag-asa na bubuhaying-muli.
“Pagkabuhay-muli? Ano ang ibig mong sabihin?”
“Maaari kang buhayin ng Diyos sa Paraiso,” ang tugon niya. Isang silahis ng pag-asa!
Ngunit nang gabi ring iyon ay pinasukan ako ng demonyo. Sa isang animo’y panaginip, waring nakikita ko ang koenoe na sinusundan ng isang karamihan ng mga tao. Ito’y nanlibak pa: “Sa palagay niya’y kakamtin niya ang pagkabuhay-muli.” Nang magkagayo’y nagtawa nang nagtawa ang mga tao. Subalit gumawa ako noon ng isang bagay na noon ko lamang ginawa. Ako’y nanawagan: “Jehova! Jehova!” Iyan lamang ang alam kong sabihin. At lumayas ang demonyo!
Dumating uli ang aking mga anak na lalaki at namanhik sila: “Mama, huwag kang diyan sa siyudad mamatay. Bayaan mong dalhin ka namin sa iyong nayon.” Tumanggi ako, sapagkat ibig kong matuto nang higit pa tungkol kay Jehova. “Sige, marahil ay mamamatay pa rin ako,” ang sabi ko sa kanila, “pero sa papaano man ay nakapaglingkod pa rin ako sa Maylikha.”
Tulad ng Isang Matibay na Moog
Si Meena at ang iba pang mga Saksi ay patuloy na dumalaw sa akin. Kanilang tinuruan ako na manalangin kay Jehova. Ang isa sa mga bagay na kanilang itinuro sa akin ay yaong tungkol sa isyu sa pagitan ni Jehova at ni Satanas at kung paano dinalhan ng Diyablo ng pagdurusa si Job upang itakwil niya ang Diyos. Ang pagkaalam ng mga bagay na ito ay nagpatibay ng aking pananalig na hindi dapat sumamba kailanman sa demonyo. Ang mga Saksi ay bumasa ng isang teksto sa kasulatan na napamahal sa akin: “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tumatakbo rito ang matuwid at naliligtas.”—Kawikaan 18:10.
Unti-unting nagsauli ang aking lakas. Nang bumalik ang aking anak, sinabi kong maghintay siya sa labas. Ako’y nagbihis at ang laylayan ng aking blusa ay isinukbit ko sa aking palda upang ipakita na halos wala na ang pamamaga. Pagkatapos ay lumakad ako na palabas.
“Ito ba si Mama Lintina?” ang bulalas ng aking anak.
“Oo, ako nga—salamat kay Jehova, ang aking Diyos!”
Paggawa ng Paninindigan
Sa sandaling ako’y makalakad nang bahagya, naparoon na ako sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Doon ay tumanggap ako ng napakaraming pampatibay-loob buhat sa mga kaibigan kung kaya’t hindi na ako huminto ng kadadalo sa mga pulong. Mga ilang buwan ang nakaraan, sumama ako sa mga Saksi sa pangangaral sa madla. Hindi nagtagal, ako’y nabautismuhan at naging isang lingkod ni Jehova, ang aking maibiging Tagapagligtas. Ako’y 58 anyos noon.
Gayunman, mayroon pang isang bagay na dapat gawin. Mga ilang taon bago noon, doon sa aking kubo sa nayon, nagtayo ako ng isang dambana na paghahandugan ko ng mga hain sa aking mga ninuno. Upang maging malinis sa espirituwal, kinailangan na wasakin ko iyon. Humingi ako ng tulong kay Jehova, dahil sa ang gagawin kong iyon ay lilikha ng kaligaligan sa mga taganayon. Nang dumating ako sa aking kubo at buksan ko ang pinto, mayroong humiyaw: “Pingos!” (Mga baboy damo!) Isang kawan nito ang bumabagtas sa isla at lumulundag sa ilog upang lumangoy roon para makatawid. Kapagdaka, kapuwa ang mga kabataan at ang mga matatanda ay nagsialis sa nayon para sa ganitong madaling panghuhuli. Natuwa ako, at lumuhod ako at pinasalamatan si Jehova dahilan sa ganitong pangyayari. Mabilis, kinaladkad ko ang dambana patungo sa labas, binuhusan ko ng gaas at sinunog ko iyon. Ang dambana ay wala na bago nagsibalik ang mga tagaroon. Ngunit, nalaman din nila ang nangyari, subalit huli na ang lahat. Taglay ang kapayapaan ng isip, ako’y bumalik sa kabisera.
Mula sa Kaabahan Tungo sa Kaligayahan
Higit pang mga pagpapala ang dumating sa akin. Ang aking anak na nasa Netherlands ay ayaw maniwala sa mga istu-istorya na kaniyang nabalitaan tungkol sa akin kaya’t sumakay sa eruplano patungong Suriname para mapatunayan ang nangyari. Ganiyan na lang ang kaniyang kagalakan na makita akong malusog kung kaya’t ibinili ako ng isang magandang bahay sa kabisera, na kung saan ako nakatira ngayon. Anong laking pagbabago ang aking naranasan—mula sa isang dukhang-dukhang alipin ng mga demonyo tungo sa isang masaganang alipin ni Jehova!
Labing-isang taon pagkatapos ng aking bautismo, may higit pa akong dahilan upang magpasalamat. Dahil sa maraming pagpapala na aking tinanggap, tatlo sa aking mga anak at isang manugang ang naging interesado rin sa katotohanan ng Bibliya at sa wakas ay nag-alay ng kanilang buhay kay Jehovang Diyos. At ulit at ulit, ibinibida ko ang aking karanasan tungkol sa demonismo pagka isinasama ako ng mga kapatid sa kanilang mga inaaralan ng Bibliya na walang lakas ng loob na umalpas sa mga demonyo. Kaya naman kahit na ang kakila-kilabot na mga taóng iyon ay nagamit din sa pangangaral ng Kaharian.
Kapos ako ng sapat na pananalita upang ipahayag ang aking pasasalamat kay Jehova, ang aking Diyos. Tunay, nasaksihan ko ang kaniyang makapangyarihang kamay na kumilos sa aking kapakanan. Oo, si Jehova ay mabuti sa akin!—Ihambing ang Awit 18:17-19.
[Larawan sa pahina 7]
Sa pag-alpas sa espiritismo, napatunayan ni Lintina van Geenen na “ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog”
[Larawan sa pahina 9]
Ang interyor ng Suriname na kung saan maraming tao ang bihag sa espiritismo