BETFAGE
[mula sa Heb., malamang na nangangahulugang “Bahay ng mga Unang Igos”].
Binanggit ang Betfage sa ulat tungkol sa pagparoon ni Jesus sa Jerusalem at bilang ang dako na mula rito ay isinugo niya ang kaniyang mga alagad upang kunin ang asno na sinakyan niya noong matagumpay niyang pagpasok sa Jerusalem, Nisan 9, ng taóng 33 C.E. (Mat 21:1, 2; Mar 11:1, 2; Luc 19:29, 30) Ipinakikita ng mga reperensiya na ito ay nasa Bundok ng mga Olibo, malapit sa Jerusalem, at malapit din sa Betania. Bagaman iniisip ng ilan na ang Betfage ay nasa kabila ng bangin sa dakong TS ng Betania sa makabagong-panahong Abu Dis, ang tradisyonal na lokasyon ay nasa pagitan ng Betania at ng Jerusalem sa et-Tur, sa TS dalisdis ng Bundok ng mga Olibo. Mula sa dakong ito ay di-kalayuan na lamang ito sa isa sa mga taluktok ng Bundok ng mga Olibo. Kung bumababa mula roon, makikita ng isa ang lunsod ng Jerusalem nang buung-buo.—Ihambing ang Luc 19:37, 41.
Ang mga pagtukoy ng Talmud sa Betfage ay nagpapahiwatig na itinuturing ito bilang hangganan ng sona ng sabbath sa palibot ng lunsod ng Jerusalem.—Babilonyong Talmud, Menahot 78b; ihambing ang Gaw 1:12, tlb sa Rbi8.