MAPAGPAIMBABAW
Isang taong nagkukunwari; isang taong ang ikinikilos ay hindi kaayon ng kaniyang sinasabi.
Bagaman ang mga salitang nagmula sa salitang-ugat na Hebreo na cha·nephʹ ay isinasalin bilang “mapagpaimbabaw” o “pagpapaimbabaw” sa ilang salin, gaya ng King James Version, Douay, at Leeser, ginamit ng ibang mga tagapagsalin ang iba’t ibang salita na gaya ng “lapastangan” (Yg), “walang-pitagan” (Ro), “walang-diyos” (RS), at “apostata” (NW). Ayon sa A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament nina Brown, Driver, at Briggs (1980, p. 337, 338), ang cha·nephʹ, kapag ginagamit bilang isang pang-uri, ay maaaring bigyang-katuturan bilang “lapastangan, di-relihiyoso . . . , walang-diyos”; o, kung isang pandiwa, “marumhan, lapastanganin . . . , lumihis mula sa kung ano ang tama.” Sa Kasulatan, ang cha·nephʹ ay iniuugnay sa mga lumilimot sa Diyos (Job 8:13), mga balakyot (Job 20:5), mga manggagawa ng kasamaan (Isa 9:17), at ginagamit itong kabaligtaran ng mga matuwid at mga walang-sala.—Job 17:8; tingnan ang APOSTASYA.
Ang salitang Griego na isinalin bilang “mapagpaimbabaw” (hy·po·kri·tesʹ) ay nangangahulugang “isa na sumasagot,” at nangangahulugan ding isang artista sa teatro. Noon, ang mga artistang Griego at Romano ay gumagamit ng malalaking maskara na may mekanikal na mga kagamitang pampalakas ng tinig. Kaya naman sa paglipas ng panahon, ang salitang Griego na hy·po·kri·tesʹ ay ginamit sa diwang metapora upang kumapit sa isa na nagbubulaan, o isa na nagkukunwari. Lumilitaw rin ang salitang ito sa Griegong Septuagint sa Job 34:30; 36:13. Ang mga mapagpaimbabaw ay “mga di-tapat” (ihambing ang Luc 12:46 sa Mat 24:51), at ang “pagpapaimbabaw” (hy·poʹkri·sis), gaya ng pagkakagamit sa Kasulatan, ay maaari ring tumukoy sa “kabalakyutan” at “katusuhan.”—Ihambing ang Mat 22:18; Mar 12:15; Luc 20:23; tingnan din ang Gal 2:13, kung saan ang hy·poʹkri·sis ay isinalin bilang “pagkukunwari.”
Tinukoy ni Jesu-Kristo bilang mapagpaimbabaw ang mga taong nagbibigay ng mga kaloob ng awa nang may pagpaparangya, ang mga nananalangin at nag-aayuno upang makita sila ng mga tao, at ang mga pumupuna sa tulad-dayaming mga pagkakamali ng kanilang mga kapatid ngunit nagwawalang-bahala sa kanilang sariling tulad-tahilang mga pagkakamali. Tinawag niyang mapagpaimbabaw yaong mga nag-aangking lingkod ng Diyos ngunit hindi napag-uunawa ang kahalagahan ng panahong kinabubuhayan nila at ng mga pangyayaring nagaganap, gayong kaagad naman nilang nasasabi ang magiging lagay ng panahon batay sa kaanyuan ng lupa at kalangitan.—Mat 6:2, 5, 16; 7:1-5; Luc 6:42; 12:54-56.
Noong nasa lupa ang Anak ng Diyos, hindi lamang niya tinuligsa ang mga lider ng relihiyon ng Israel sa kanilang pagpapaimbabaw kundi sinabi rin niya ang mga dahilan kung bakit. Hanggang salita lamang ang paglilingkod na iniukol ng mga ito sa Maylalang, anupat pinawalang-bisa nila ang salita ng Diyos dahil sa kanilang mga tradisyon. (Mat 15:1, 6-9; Mar 7:6, 7) Ang kanilang mga ikinikilos ay hindi kaayon ng kanilang mga sinasabi. (Mat 23:1-3) Hindi lamang sinadyang tanggihan ng mga eskriba at mga Pariseo ang pagkakataong makapasok sa Kaharian ng langit, kundi dinagdagan pa nila ang kanilang kasalanan sa pamamagitan ng paghadlang sa iba na makapasok doon. Nagpapakahirap sila na makumberte ang isang tao, ngunit pinangyayari lamang nila siyang makalawang ulit na mapahanay ukol sa Gehenna kaysa sa kanila. Metikuloso sila sa maliliit na bagay ng Kautusan ngunit ipinagwalang-bahala nila ang mas mabibigat na bagay nito—katarungan, awa, at katapatan. Palibhasa’y mga mapagpaimbabaw, nagtaglay lamang sila ng waring malinis na panlabas na kaanyuan, ngunit sa loob ay punô sila ng pagmamalabis. Katulad ng mga pinaputing libingan, na sa labas ay magaganda, sila’y nagtinging matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay “punô [sila] ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.” Itinayo nila ang mga libingan ng mga propeta at pinalamutian ang mga alaalang libingan ng mga matuwid, anupat nag-aangkin na kung sa ganang kanila ay hindi nila ibububo ang dugo ng mga iyon. Gayunman, pinatunayan ng kanilang landasin ng pagkilos na sila ay kagayang-kagaya ng kanilang mapamaslang na mga ninuno. (Mat 23:13-36) Sa katunayan, ang turo ng mga Pariseo at mga Saduceo ay paimbabaw lamang.—Mat 16:6, 12; Luc 12:1; tingnan din ang Luc 13:11-17.
Ang isang kapansin-pansing halimbawa ng pagpapaimbabaw ay ang ipinakita ng mga alagad ng mga Pariseo at ng mga tagasunod sa partido ni Herodes nang lumapit sila kay Jesus hinggil sa usapin ng buwis. Una ay labis nila siyang pinuri, na sinasabi: “Guro, alam naming ikaw ay tapat at nagtuturo ng daan ng Diyos sa katotohanan.” Pagkatapos ay nagharap sila ng mapandayang tanong: “Kaayon ba ng kautusan na magbayad ng pangulong buwis kay Cesar o hindi?” Angkop lamang na tukuyin sila ni Jesus bilang mapagpaimbabaw, yamang hindi naman talaga nila nais makakuha ng sagot sa kanilang tanong kundi nais lamang nila siyang hulihin sa kaniyang pananalita.—Mat 22:15-22; Luc 20:19-26; LARAWAN, Tomo 2, p. 544.
Ang pagpapaimbabaw ay hindi maikukubli nang panghabang-panahon. (Luc 12:1-3) Hinahatulan ng Diyos ang mga mapagpaimbabaw bilang di-karapat-dapat sa walang-hanggang buhay. (Mat 24:48-51) Samakatuwid, ang pag-ibig at pananampalataya ng isang Kristiyano ay dapat na walang pagpapaimbabaw. (Ro 12:9; 2Co 6:4, 6; 1Ti 1:5) Ang karunungan mula sa itaas ay hindi mapagpaimbabaw.—San 3:17.