Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Lahat ng Ginagawa Niya ay Makatarungan”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Ang nakagapos na bilanggong si Jose kasama ng iba pa sa isang bartolina.

      KABANATA 11

      “Lahat ng Ginagawa Niya ay Makatarungan”

      1, 2. (a) Anong tahasang kawalan ng katarungan ang dinanas ni Jose? (b) Paano itinuwid ni Jehova ang kawalan ng katarungan?

      IYON ay isang tahasang kawalan ng katarungan. Ang guwapong kabataan ay wala namang nagawang krimen, subalit nakakulong siya sa bartolina dahil sa maling paratang na tangkang panghahalay. Subalit hindi ito ang unang engkuwentro niya sa kawalan ng katarungan. Ilang taon bago nito, sa edad na 17, ang binatang ito, si Jose, ay ipinagkanulo ng kaniyang sariling mga kapatid, na kamuntik nang pumaslang sa kaniya. Siya’y ipinagbili para maging alipin sa isang banyagang lupain. Doon ay tinanggihan niya ang mga panrarahuyo ng asawa ng kaniyang panginoon. Bumuo ng maling paratang ang tinanggihang babae, at iyan ang dahilan ng kaniyang pagkakapiit. Ang nakalulungkot, tila wala man lamang mamamagitan para kay Jose.

      2 Subalit, ang Diyos na “[maibigin sa] katuwiran at katarungan” ay nagmamasid. (Awit 33:5) Kumilos si Jehova upang ituwid ang kawalan ng katarungan, anupat minaniobra niya ang mga pangyayari upang sa dakong huli ay mapalaya si Jose. Bukod diyan, si Jose—ang lalaking itinapon sa bilangguan—ay inilagay nang dakong huli sa isang posisyon na may napakalaking pananagutan at pambihirang karangalan. (Genesis 40:15; 41:41-43; Awit 105:17, 18) Sa wakas, si Jose ay napatunayang walang kasalanan, at ginamit niya ang kaniyang mataas na posisyon upang itaguyod ang layunin ng Diyos.​—Genesis 45:5-8.

      Si Jose ay di-makatarungang nagdusa sa bilangguan

      3. Bakit hindi kataka-taka na tayong lahat ay maghangad na pakitunguhan sa isang makatarungang paraan?

      3 Nakaaantig ng ating damdamin ang ulat na iyan, hindi ba? Sino ba sa atin ang hindi nakaranas ng kawalan ng katarungan o hindi naging biktima nito? Oo, hangarin nating lahat na tayo’y pakitunguhan sa isang makatarungan at walang-pinapanigang paraan. Hindi ito nakapagtataka, sapagkat binigyan tayo ni Jehova ng mga katangiang nagpapaaninag ng kaniyang sariling personalidad, at ang katarungan ay isa sa kaniyang mga pangunahing katangian. (Genesis 1:27) Upang makilalang mabuti si Jehova, dapat nating maunawaan ang kaniyang pananaw sa katarungan. Sa gayon ay lalo nating mapahahalagahan ang kaniyang kahanga-hangang mga pamamaraan at mauudyukan tayong maging mas malapít sa kaniya.

      Ano ang Katarungan?

      4. Mula sa pananaw ng tao, ano ang karaniwang pagkaunawa sa katarungan?

      4 Mula sa pananaw ng tao, ang katarungan, ayon sa karaniwang pagkaunawa, ay isa lamang walang-pinapanigang pagkakapit ng mga tuntunin ng batas. Ang aklat na Right and Reason—Ethics in Theory and Practice ay nagsasabi na “ang katarungan ay may kaugnayan sa batas, obligasyon, karapatan, at tungkulin, at inilalapat nito ang hatol alinsunod sa pagkawalang-pinapanigan o pagiging karapat-dapat.” Gayunman, ang katarungan ni Jehova ay hindi lamang basta mekanikal na pagkakapit ng mga regulasyong udyok ng tungkulin o obligasyon.

      5, 6. (a) Ano ang kahulugan ng orihinal-na-wikang mga salita na isinaling “katarungan”? (b) Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay makatarungan?

      5 Ang lawak at saklaw ng katarungan ni Jehova ay mas mauunawaan kung isasaalang-alang ang orihinal-na-wikang mga salita na ginagamit sa Bibliya. Sa Hebreong Kasulatan, tatlong pangunahing salita ang ginagamit. Ang salita na malimit isaling “katarungan” ay maaari ding isaling “kung ano ang tama.” (Genesis 18:25) Ang dalawa pang salita ay karaniwan nang isinasaling “katuwiran.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salita na isinaling “katuwiran” ay binibigyang-kahulugan bilang ang “katangian ng pagiging tama o makatarungan.” Kung gayon, magkaugnay ang katuwiran at katarungan.​—Amos 5:24.

      6 Samakatuwid, kapag sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay makatarungan, sinasabi nito sa atin na ang ginagawa niya’y tama at walang pinapanigan at na ginagawa niya ito nang hindi pabago-bago at walang pagtatangi. (Roma 2:11) Ang totoo, mahirap isipin na hindi ito ang kaniyang gagawin. Ang tapat na si Elihu ay nagsabi: “Imposibleng gumawa ng masama ang tunay na Diyos; hinding-hindi gagawa ng mali ang Makapangyarihan-sa-Lahat!” (Job 34:10) Hinding-hindi gagawa ng di-makatarungan si Jehova. Bakit? Sa dalawang mahalagang dahilan.

      7, 8. (a) Bakit si Jehova ay hindi maaaring maging di-makatarungan? (b) Ano ang nag-uudyok kay Jehova upang maging matuwid, o makatarungan, sa kaniyang pakikitungo?

      7 Una, siya ay banal. Gaya ng napansin natin sa Kabanata 3, si Jehova ay ganap na dalisay at matuwid. Kung gayon, hindi siya maaaring gumawi nang liko, o maging di-makatarungan. Isaalang-alang ang ibig sabihin niyan. Ang kabanalan ng ating Ama sa langit ay nagbibigay sa atin ng matibay na dahilan upang magtiwalang hindi niya kailanman pagmamalupitan ang kaniyang mga anak. Taglay ni Jesus ang ganiyang pagtitiwala. Noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, siya’y nanalangin: “Amang Banal, bantayan mo sila [ang mga alagad] alang-alang sa iyong sariling pangalan.” (Juan 17:11) “Amang Banal”—sa Kasulatan, ang anyong iyan ng pagtawag ay kumakapit lamang kay Jehova. Angkop lamang ito, sapagkat walang amang tao ang maipapantay sa Kaniya sa kabanalan. Lubos ang pananalig ni Jesus na magiging ligtas ang kaniyang mga alagad sa mga kamay ng Ama, na ganap na dalisay at malinis at lubusang hiwalay sa lahat ng kasalanan.​—Mateo 23:9.

      8 Ikalawa, ang di-makasariling pag-ibig ay siyang buod ng personalidad ng Diyos. Ang gayong pag-ibig ay nag-uudyok sa kaniya upang maging matuwid, o makatarungan, sa kaniyang pakikitungo sa iba. Subalit ang kawalang-katarungan sa maraming anyo nito—lakip na ang pagkakapootan ng lahi, diskriminasyon, at pagtatangi—ay madalas na nagmumula sa kasakiman at pagkamakasarili, ang mga kabaligtaran ng pag-ibig. May kinalaman sa Diyos ng pag-ibig, ang Bibliya ay tumitiyak sa atin: “Si Jehova ay matuwid; iniibig niya ang matuwid na mga gawa.” (Awit 11:7) Sinasabi ni Jehova patungkol sa kaniyang sarili: “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan.” (Isaias 61:8) Hindi ba’t nakaaaliw na malaman na kinalulugdan ng ating Diyos ang paggawa ng kung ano ang tama, o makatarungan?​—Jeremias 9:24.

      Ang Awa at ang Perpektong Katarungan ni Jehova

      9-11. (a) Ano ang kaugnayan ng katarungan ni Jehova at ng kaniyang awa? (b) Paano nakikita ang katarungan ni Jehova at ang kaniyang awa sa paraan ng kaniyang pakikitungo sa makasalanang mga tao?

      9 Ang katarungan ni Jehova, gaya ng lahat ng iba pang pitak ng kaniyang walang-kapantay na personalidad, ay perpekto, na hindi nagkukulang ng anuman. Bilang papuri kay Jehova, si Moises ay sumulat: “Ang Bato, walang maipipintas sa kaniyang mga gawa, dahil lahat ng ginagawa niya ay makatarungan. Isang Diyos na tapat at hindi kailanman magiging tiwali; matuwid at tapat siya.” (Deuteronomio 32:3, 4) Bawat kapahayagan ng katarungan ni Jehova ay walang kapintasan—hindi masyadong maluwag, hindi rin naman masyadong mahigpit.

      10 May malapit na kaugnayan ang katarungan ni Jehova at ang kaniyang awa. Ang Awit 116:5 ay nagsasabi: “Si Jehova ay mapagmalasakit at matuwid [“makatarungan,” The New American Bible]; ang Diyos natin ay maawain.” Oo, si Jehova ay kapuwa makatarungan at maawain. Ang dalawang katangiang ito ay hindi magkasalungat. Ang kaniyang pagpapakita ng awa ay hindi naman pagpapagaan ng kaniyang katarungan, na para bang napakahigpit ng kaniyang katarungan kung wala ang awang ito. Sa halip, ang dalawang katangiang ito ay sabay niyang ipinamamalas, kahit sa minsanang pagkilos pa nga. Isaalang-alang ang isang halimbawa.

      11 Lahat ng tao ay nagmana ng kasalanan at sa gayo’y karapat-dapat sa kabayaran ng kasalanan—ang kamatayan. (Roma 5:12) Subalit si Jehova ay hindi nalulugod sa kamatayan ng mga makasalanan. Siya’y “isang Diyos na handang magpatawad, mapagmalasakit at maawain.” (Nehemias 9:17) Gayunman, dahil sa siya’y banal, hindi niya maaaring palampasin ang kalikuan. Kung gayon, paano niya maipapakita ang awa sa likas na makasalanang mga tao? Ang sagot ay masusumpungan sa isa sa pinakamahahalagang katotohanan ng Salita ng Diyos: ang paglalaan ni Jehova ng isang pantubos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Higit pa ang ating matututuhan sa Kabanata 14 tungkol sa maibiging kaayusang ito. Ito ay kapuwa ganap na makatarungan at lubos na maawain. Sa pamamagitan nito, si Jehova ay makapagpapakita ng magiliw na awa sa mga nagsisising makasalanan habang pinananatili ang kaniyang mga pamantayan ng perpektong katarungan.​—Roma 3:21-26.

      Nakagagalak ng Puso ang Katarungan ni Jehova

      12, 13. (a) Bakit ang katarungan ni Jehova ay naglalapít sa atin sa kaniya? (b) Ano ang naging konklusyon ni David hinggil sa katarungan ni Jehova, at paano ito nakaaaliw sa atin?

      12 Ang katarungan ni Jehova ay, hindi isang walang-pakiramdam na katangian na nagtataboy sa atin, kundi isang mapagmahal na katangian na naglalapít sa atin sa kaniya. Maliwanag na inilalarawan ng Bibliya ang mahabaging katangian ng katarungan, o katuwiran, ni Jehova. Isaalang-alang natin ang ilan sa nakagagalak-pusong mga paraan ng pagsasagawa ni Jehova ng kaniyang katarungan.

      13 Ang perpektong katarungan ni Jehova ay nag-uudyok sa kaniya na magpakita ng katapatan sa kaniyang mga lingkod. Naranasan mismo ng salmistang si David ang pitak na ito ng katarungan ni Jehova. Mula sa kaniyang sariling karanasan at mula sa kaniyang pag-aaral ng mga pamamaraan ng Diyos, ano ang naging konklusyon ni David? Nagpahayag siya: “Iniibig ni Jehova ang katarungan, at hindi niya iiwan ang mga tapat sa kaniya. Palagi silang babantayan.” (Awit 37:28) Tunay ngang nakaaaliw na katiyakan ito! Hinding-hindi kailanman pababayaan ng ating Diyos yaong mga nagtatapat sa kaniya. Kung gayon ay makaaasa tayo sa kaniyang pagiging malapít at sa kaniyang maibiging pangangalaga. Ginagarantiyahan ito ng kaniyang katarungan!—Kawikaan 2:7, 8.

      14. Paanong ang pagmamalasakit ni Jehova sa mga mahihirap ang kalagayan ay nakikita sa Kautusan na ibinigay niya sa Israel?

      14 Ang katarungan ng Diyos ay may matalas na pakiramdam sa mga pangangailangan ng mga napipighati. Ang pagmamalasakit ni Jehova sa mga mahihirap ang kalagayan ay nakikita sa Kautusan na ibinigay niya sa Israel. Halimbawa, ang Kautusan ay may pantanging paglalaan upang matiyak na napangangalagaan ang mga ulila at mga biyuda. (Deuteronomio 24:17-21) Palibhasa’y alam niya kung gaano kahirap ang magiging buhay ng gayong mga pamilya, si Jehova mismo ang naging makaamang Hukom nila at Tagapagtanggol, ang isa na ‘nagbibigay ng katarungan sa batang walang ama at biyuda.’a (Deuteronomio 10:18; Awit 68:5) Binabalaan ni Jehova ang mga Israelita na kung bibiktimahin nila ang walang-kalaban-labang mga babae at mga bata, tiyak na pakikinggan niya ang daing ng gayong mga tao. Sinabi niya: “Mag-aapoy ang galit ko.” (Exodo 22:22-24) Bagaman ang galit ay hindi isa sa nangingibabaw na mga katangian ni Jehova, siya’y napupukaw sa matuwid na pagkagalit dahil sa di-makatarungang mga gawa na sinasadya, lalo na kung ang mga biktima ay mahihina at walang kalaban-laban.​—Awit 103:6.

      15, 16. Ano ang isang tunay na kahanga-hangang katibayan na si Jehova ay walang pinapanigan?

      15 Tinitiyak din sa atin ni Jehova na siya’y “hindi nagtatangi o tumatanggap ng suhol.” (Deuteronomio 10:17) Di-gaya ng maraming makapangyarihan o maimpluwensiyang mga tao, si Jehova ay hindi nagpapadala sa materyal na kayamanan o panlabas na anyo. Siya’y ganap na walang kinikilingan o itinatangi. Isaalang-alang ang isang tunay na kahanga-hangang katibayan na si Jehova ay walang pinapanigan. Ang pagkakataong maging tunay niyang mananamba, na may pag-asang buhay na walang hanggan, ay hindi limitado sa iilang piling tao. Sa halip, “tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.” (Gawa 10:34, 35) Ang kamangha-manghang pag-asang ito ay bukás sa lahat anuman ang kanilang kalagayan sa lipunan, kulay ng kanilang balat, o bansang pinaninirahan nila. Hindi ba’t iyan ang pinakasukdulang antas ng katarungan?

      16 May isa pang aspekto ang perpektong katarungan ni Jehova na nararapat nating isaalang-alang at igalang: ang paraan ng kaniyang pakikitungo sa mga sumasalansang sa kaniyang matuwid na mga pamantayan.

      Walang Pinaliligtas sa Kaparusahan

      17. Ipaliwanag kung bakit ang kawalan ng katarungan sa daigdig na ito ay hindi magdudulot ng kapulaan sa katarungan ni Jehova.

      17 Baka ang ilan ay nagtatanong: ‘Yamang hindi kinukunsinti ni Jehova ang kalikuan, paano natin ipaliliwanag ang di-makatarungang pagdurusa at mga tiwaling gawaing palasak na palasak na sa daigdig sa ngayon?’ Ang gayong mga kawalan ng katarungan ay hindi magdudulot ng kapulaan sa katarungan ni Jehova. Ang maraming kawalan ng katarungan sa masamang sanlibutang ito ay bunga ng kasalanan na minana ng mga tao kay Adan. Sa isang daigdig kung saan pinili ng di-perpektong mga tao ang kanilang makasalanang landasin, ang kawalang-katarungan ay laganap—ngunit hindi ito magtatagal.​—Deuteronomio 32:5.

      18, 19. Ano ang nagpapakitang hindi palaging pahihintulutan ni Jehova yaong kusang lumalabag sa kaniyang matuwid na mga kautusan?

      18 Bagaman si Jehova ay nagpapakita ng saganang awa doon sa taimtim na lumalapit sa kaniya, hindi niya palaging pahihintulutan ang isang kalagayang nagdudulot ng kadustaan sa kaniyang banal na pangalan. (Awit 74:10, 22, 23) Ang Diyos ng katarungan ay hindi isa na malilibak; hindi niya hahayaang matakasan ng mga kusang nagkakasala ang di-kaayaayang hatol na nararapat sa kanilang landasin. Si Jehova ay “isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan, . . . pero tinitiyak niyang mapaparusahan ang mga may kasalanan.” (Exodo 34:6, 7) Kasuwato ng mga salitang ito, nasusumpungan ni Jehova kung minsan na kailangang ilapat ang hatol sa mga kusang lumalabag sa kaniyang matuwid na mga kautusan.

      19 Halimbawa, isaalang-alang ang pakikitungo ng Diyos sa sinaunang Israel. Kahit naroroon na sa Lupang Pangako, ang mga Israelita ay paulit-ulit pa ring nahuhulog sa kawalang-katapatan. Bagaman ‘sinaktan nila ang damdamin’ ni Jehova dahil sa kanilang tiwaling landasin, hindi niya sila kaagad na itinakwil. (Awit 78:38-41) Sa halip, buong awa siyang nagbigay ng mga pagkakataon upang baguhin nila ang kanilang landasin. Nakiusap siya: “Hindi ako natutuwa kapag namatay ang masama. Mas gusto kong magbago siya at patuloy na mabuhay. Manumbalik kayo, talikuran ninyo ang masamang landasin ninyo, dahil bakit kailangan ninyong mamatay, O sambahayan ng Israel?” (Ezekiel 33:11) Palibhasa’y mahalaga sa kaniya ang buhay, paulit-ulit na isinugo ni Jehova ang kaniyang mga propeta sa pag-asang tatalikuran ng mga Israelita ang kanilang masasamang daan. Subalit, sa pangkalahatan, ang manhid na bayan ay tumangging makinig at magsisi. Nang dakong huli, alang-alang sa kaniyang banal na pangalan at sa lahat ng kinakatawanan nito, ibinigay sila ni Jehova sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.​—Nehemias 9:26-30.

      20. (a) Ano ang itinuturo sa atin ng pakikitungo ni Jehova sa Israel? (b) Bakit nauugnay ang leon sa presensiya at trono ng Diyos?

      20 Ang pakikitungo ni Jehova sa Israel ay may malaking naituturo sa atin tungkol sa kaniya. Natututuhan natin na nakikita niya ang lahat ng kalikuan at na siya’y lubhang apektado ng kaniyang nakikita. (Kawikaan 15:3) Nakapagpapalakas-loob ding malaman na hangad niyang maglawit ng awa kung may dahilan para gawin ito. Karagdagan pa, natututuhan natin na ang kaniyang katarungan ay hindi kailanman padalos-dalos. Dahil sa pagtitiis ni Jehova, inaakala ng maraming tao na hindi na siya kailanman maglalapat ng hatol laban sa masasama. Subalit lubhang taliwas iyan sa katotohanan, sapagkat ang pakikitungo ng Diyos sa Israel ay nagtuturo rin sa atin na ang pagtitiis ng Diyos ay may hangganan. Matatag si Jehova ukol sa katuwiran. Di-gaya ng mga tao, na madalas na natatakot sa pagsasagawa ng katarungan, hindi siya kailanman nawawalan ng lakas ng loob na manindigan sa kung ano ang tama. Angkop naman, ang leon bilang sagisag ng may tibay-loob na katarungan ay may kaugnayan sa presensiya at trono ng Diyos.b (Ezekiel 1:10; Apocalipsis 4:7) Kung gayon ay makatitiyak tayo na tutuparin niya ang kaniyang pangako na aalisin niya ang kawalan ng katarungan sa lupang ito. Oo, ang kaniyang paraan ng paghatol ay maaaring buoin gaya ng sumusunod: katatagan kung kailangan, awa kailanma’t maaari.​—2 Pedro 3:9.

      Pagiging Malapít sa Diyos ng Katarungan

      21. Kapag binubulay-bulay natin ang paraan ng pagsasagawa ni Jehova ng katarungan, ano ang dapat nating isipin tungkol sa kaniya, at bakit?

      21 Kapag binubulay-bulay natin ang paraan ng pagsasagawa ni Jehova ng katarungan, hindi natin dapat isipin na siya’y isang walang-pakiramdam at malupit na hukom na ang hangarin ay basta na lamang makahatol sa mga nagkakamali. Sa halip, dapat nating isipin na siya’y isang maibigin subalit matatag na Ama na palaging nakikitungo sa kaniyang mga anak sa pinakamabuting paraan. Bilang isang makatarungan, o matuwid, na Ama, pinagtitimbang ni Jehova ang katatagan sa kung ano ang tama at ang magiliw na pagkamahabagin sa kaniyang makalupang mga anak, na nangangailangan ng kaniyang tulong at pagpapatawad.​—Awit 103:10, 13.

      22. Palibhasa’y inuugitan ng kaniyang katarungan, pinaging posible ni Jehova na tayo’y magkaroon ng anong pag-asa, at bakit niya tayo pinakikitunguhan nang ganito?

      22 Kay laking pasasalamat natin na ang katarungan ng Diyos ay hindi lamang yaong basta makahatol lamang sa mga nagkakamali! Palibhasa’y inuugitan ng kaniyang katarungan, pinaging posible ni Jehova na tayo’y magkaroon ng isang tunay na nakapananabik na pag-asa—perpekto at walang-katapusang buhay sa isang daigdig na “matuwid ang lahat ng bagay.” (2 Pedro 3:13) Ang ating Diyos ay nakikitungo sa atin nang ganito sapagkat ang layunin ng kaniyang katarungan ay ang magligtas sa halip na humatol. Tunay kung gayon, ang higit na pagkaunawa sa saklaw ng katarungan ni Jehova ay naglalapít sa atin sa kaniya! Sa susunod na mga kabanata, susuriin pa natin kung paano ipinapakita ni Jehova ang napakahusay na katangiang ito.

      a Ang pananalitang “batang walang ama” ay nagpapakitang nagmamalasakit si Jehova hindi lang sa mga batang lalaking walang ama, kundi pati rin sa mga batang babaeng walang ama. Inilakip ni Jehova sa Kautusan ang isang ulat tungkol sa isang hudisyal na pasiya na gumagarantiya ng isang pamana sa walang-amang mga anak na babae ni Zelopehad. Ang kapasiyahang iyan ay nagtatag ng isang pamarisan, anupat itinataguyod ang mga karapatan ng mga batang babaeng walang ama.​—Bilang 27:1-8.

      b Kapansin-pansin, itinutulad ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang leon sa paglalapat ng hatol sa taksil na Israel.​—Jeremias 25:38; Oseas 5:14.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Jeremias 18:1-11 Paano itinuro ni Jehova kay Jeremias na Siya ay hindi padalos-dalos sa paglalapat ng di-kaayaayang hatol?

      • Habakuk 1:1-4, 13; 2:2-4 Paano tiniyak ni Jehova kay Habakuk na hindi Niya palaging pahihintulutan ang kawalan ng katarungan?

      • Zacarias 7:8-14 Ano ang nadarama ni Jehova doon sa mga yumayapak sa mga karapatan ng iba?

      • Roma 2:3-11 Ano ang saligan ng paghatol ni Jehova sa mga indibidwal at sa mga bansa?

  • “Makatarungan ang Diyos”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Ligtas na nakarating sa Zoar si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae habang umuulan ng asupre at apoy sa Sodoma at Gomorra.

      KABANATA 12

      “Makatarungan ang Diyos”

      1. Paano tayo maaaring maapektuhan ng mga nagaganap na kawalang-katarungan?

      ISANG matandang biyuda ang nagantso at nakuhang lahat ang kaniyang naipon. Isang walang kalaban-labang sanggol ang pinabayaan ng kaniyang walang-awang ina. Isang lalaki ang nabilanggo dahil sa isang krimeng hindi niya ginawa. Ano ang masasabi mo sa mga senaryong ito? Malamang na bawat isa’y nakababagabag sa iyo, at dapat lang naman. Tayong mga tao ay may matalas na pakiramdam sa kung ano ang tama at mali. Kapag may gumawa ng kawalang-katarungan, tayo’y nagagalit. Nais nating makaganti ang biktima at maparusahan naman ang nagkasala. Kapag hindi ito nangyayari, marahil ay itinatanong natin: ‘Nakikita kaya ng Diyos ang nangyayari? Bakit hindi siya kumikilos?’

      2. Ano ang naging reaksiyon ni Habakuk sa kawalang-katarungan, at bakit hindi siya pinuna ni Jehova dahil dito?

      2 Sa buong kasaysayan, ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay nagharap din ng ganitong mga tanong. Halimbawa, ang propetang si Habakuk ay nanalangin sa Diyos: “Bakit mo ipinakikita sa akin ang gayong napakalaking kawalang-katarungan? Bakit mo ipinahihintulot na ang karahasan, katampalasanan, krimen, at kalupitan ay lumaganap kahit saan?” (Habakuk 1:3, Contemporary English Version) Hindi pinuna ni Jehova si Habakuk dahil sa kaniyang tahasang pagtatanong, sapagkat Siya ang naglagay sa mga tao ng mismong ideya ng katarungan. Oo, biniyayaan tayo ni Jehova ng isang maliit na bahagi ng kaniyang malalim na pagkaunawa sa katarungan.

      Kinapopootan ni Jehova ang Kawalang-katarungan

      3. Bakit masasabing si Jehova ay higit na nakababatid ng kawalang-katarungan kaysa sa atin?

      3 Hindi ipinagwawalang-bahala ni Jehova ang kawalang-katarungan. Nakikita niya ang nangyayari. Tungkol sa panahon ni Noe, ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Nakita ni Jehova na laganap na sa lupa ang kasamaan ng tao at ang laman ng isip at puso nito ay lagi na lang masama.” (Genesis 6:5) Isaalang-alang ang ibig ipahiwatig ng pangungusap na iyan. Kadalasan, ang ating pagkaunawa sa kawalang-katarungan ay batay sa ilang mga kaso na maaaring nabalitaan natin o personal na naranasan natin. Kabaligtaran nito, nababatid ni Jehova ang kawalang-katarungan sa buong globo. Nakikita niyang lahat ito! Higit pa riyan, napag-uunawa niya ang laman ng puso—ang maitim na balak sa likod ng di-makatarungang mga gawa.​—Jeremias 17:10.

      4, 5. (a) Paano ipinapakita ng Bibliya na si Jehova ay nagmamalasakit sa mga dumaranas ng kawalang-katarungan? (b) Paano masasabing si Jehova mismo ay naapektuhan ng kawalang-katarungan?

      4 Subalit higit pa sa basta tinatandaan lamang ni Jehova ang kawalang-katarungan. Nagmamalasakit din siya sa mga nagiging biktima nito. Nang pagmalupitan ng mga kaaway na bansa ang kaniyang bayan, nabagabag si Jehova sa pagdaing nila “dahil sa pagpapahirap at pagmamalupit sa kanila.” (Hukom 2:18) Marahil ay napapansin mo na habang lalong nakikita ng ilan ang kawalang-katarungan, lalo silang nagiging manhid dito. Hindi ganito si Jehova! Mga 6,000 taon na niyang nakikita ang kawalang-katarungan sa buong lawak nito, subalit hindi pa rin humuhupa ang kaniyang galit dito. Sa halip, tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang mga bagay na gaya ng “sinungaling na dila,” “mga kamay na pumapatay ng inosente,” at “isang testigo na laging nagsisinungaling” ay kasuklam-suklam sa kaniya.​—Kawikaan 6:16-19.

      5 Isaalang-alang din ang matinding pagpuna ni Jehova sa di-makatarungang mga lider sa Israel. Ginabayan niya ang kaniyang propeta na itanong sa kanila: “Hindi ba dapat ay alam ninyo kung ano ang makatarungan?” Matapos na detalyadong ilarawan ang kanilang pag-abuso sa kapangyarihan, inihula ni Jehova ang kahihinatnan ng tiwaling mga taong ito: “Hihingi sila ng saklolo kay Jehova, pero hindi niya sila sasagutin. Itatago niya ang kaniyang mukha mula sa kanila sa panahong iyon, dahil sa masasamang ginagawa nila.” (Mikas 3:1-4) Napakatindi ng pagkamuhi ni Jehova sa kawalang-katarungan! Aba, siya mismo ay nakaranas nito! Libo-libong taon na siyang di-makatarungang tinutuya ni Satanas. (Kawikaan 27:11) Bukod diyan, naapektuhan si Jehova ng pinakamasaklap na gawang di-makatarungan nang ang kaniyang Anak, na “hindi . . . nagkasala,” ay patayin na parang isang kriminal. (1 Pedro 2:22; Isaias 53:9) Maliwanag na hindi ipinagwawalang-bahala ni Jehova ang gipit na kalagayan ng mga dumaranas ng kawalang-katarungan.

      6. Ano kaya ang magiging reaksiyon natin kapag napaharap sa kawalang-katarungan, at bakit?

      6 Magkagayunman, kapag nakakakita tayo ng kawalang-katarungan—o kapag tayo mismo ay nagiging biktima ng di-makatarungang pagtrato—likas lamang sa atin na magalit. Tayo’y ginawa ayon sa larawan ng Diyos, at ang kawalang-katarungan ay ganap na kabaligtaran ng lahat ng nakapaloob sa pagkapersona ni Jehova. (Genesis 1:27) Kung gayon, bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kawalang-katarungan?

      Ang Mahalagang Isyu

      7. Ilarawan kung paano siniraang-puri ang pangalan ni Jehova at kinuwestiyon ang kaniyang karapatang mamahala.

      7 Ang sagot sa tanong na ito ay may kaugnayan sa isang mahalagang isyu. Gaya ng nakita na natin, ang Maylalang ang may karapatang mamahala sa buong lupa at sa lahat ng naninirahan dito. (Awit 24:1; Apocalipsis 4:11) Gayunman, sa pagsisimula ng kasaysayan ng tao, siniraang-puri ang pangalan ni Jehova at kinuwestiyon ang kaniyang karapatang mamahala. Paano nangyari ito? Iniutos ni Jehova sa unang tao, kay Adan, na huwag kumain mula sa isang puno sa hardin na Paraisong tahanan niya. Ano ang mangyayari kung susuway siya? “Tiyak na mamamatay ka,” sabi ng Diyos sa kaniya. (Genesis 2:17) Ang utos ng Diyos ay hindi mahirap para kay Adan o sa kaniyang asawang si Eva. Subalit kinumbinsi ni Satanas si Eva na ang Diyos ay masyadong mahigpit. Ano ang mangyayari kung kumain siya mula sa puno? Tuwirang sinabi ni Satanas kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Dahil alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo ng bunga mula sa punong iyon, mabubuksan ang mga mata ninyo at magiging tulad kayo ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”​—Genesis 3:1-5.

      8. (a) Ano ang ipinahiwatig ni Satanas sa kaniyang mga sinabi kay Eva? (b) Ano ang kinuwestiyon ni Satanas may kinalaman sa pangalan at soberanya ng Diyos?

      8 Sa sinabing ito, hindi lamang ipinahiwatig ni Satanas na nagkait si Jehova ng kinakailangang impormasyon kay Eva kundi na Siya’y nagsinungaling din sa kaniya. Dahil dito, pinagdudahan ni Eva ang kabutihan ni Jehova. Talagang nagtagumpay si Satanas na siraan ang pangalan ng Diyos. Kinuwestiyon din niya ang soberanya, o ang paraan ng pamamahala ni Jehova. Naging maingat si Satanas na huwag kuwestiyunin ang katotohanan ng pagiging Kataas-taasan ni Jehova. Subalit hinamon naman niya ang pagiging karapat-dapat, karapatan, at katuwiran nito. Sa ibang pananalita, iginiit niya na mali ang paraan ng pamamahala ni Jehova at na hindi ito para sa kapakanan ng mga sakop niya.

      9. (a) Para kina Adan at Eva, ano ang ibinunga ng pagsuway, at anong mahahalagang tanong ang ibinangon nito? (b) Bakit hindi na lamang pinuksa ni Jehova ang mga rebelde?

      9 Kasunod nito, sina Adan at Eva ay kapuwa sumuway kay Jehova sa pamamagitan ng pagkain mula sa ipinagbabawal na puno. Dahil sa kanilang pagsuway, nararapat silang tumanggap ng parusang kamatayan, gaya ng ipinahayag ng Diyos. Ang kasinungalingan ni Satanas ay nagbangon ng ilang mahahalagang tanong. Talaga nga kayang may karapatan si Jehova na mamahala sa sangkatauhan, o dapat na ang tao ang mamahala sa kaniyang sarili? Pinakamahusay ba talaga ang paraan ng pamamahala ni Jehova? Maaari sanang gamitin ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang nakahihigit sa lahat upang agad na puksain ang mga rebelde. Subalit ang ibinangong mga tanong ay hindi tungkol sa kapangyarihan ng Diyos, kundi sa kaniyang pangalan at paraan ng pamamahala. Kaya ang pagpuksa kina Adan, Eva, at Satanas ay hindi magpapatunay sa pagiging matuwid ng pamamahala ng Diyos. Sa halip, magbabangon ito ng higit pang mga tanong may kinalaman sa kaniyang pamamahala. Ang tanging paraan upang matiyak kung matagumpay ngang mapamamahalaan ng mga tao ang kanilang sarili, nang hiwalay sa Diyos, ay ang palipasin muna ang panahon.

      10. Ano ang isinisiwalat ng kasaysayan tungkol sa pamamahala ng tao?

      10 Ano ang isinisiwalat sa paglipas ng panahon? Sa nagdaang mga milenyo, nasubukan na ng mga tao ang maraming anyo ng pamahalaan, lakip na ang awtokrasya, demokrasya, sosyalismo, at komunismo. Ang kinalabasan ng lahat ng ito ay inilalarawan sa tahasang komento ng Bibliya: “Ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” (Eclesiastes 8:9) Taglay ang mabuting dahilan, si propeta Jeremias ay nagsabi: “Alam na alam ko, O Jehova, na ang landasin ng isang tao ay hindi sa kaniya. Hindi para sa taong lumalakad ang ituwid man lang ang sarili niyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

      11. Bakit ipinahintulot ni Jehova na magdusa ang lahi ng tao?

      11 Sa pasimula pa’y batid na ni Jehova na ang pagsasarili ng sangkatauhan, o ang pamamahala nito sa kaniyang sarili, ay magdudulot ng malaking pagdurusa. Kung gayon, kawalan ba ng katarungan sa panig niya na pahintulutang mangyari ang nakatakdang mangyari? Hinding-hindi! Bilang paghahalimbawa: Ipagpalagay nang may isa kang anak na kailangang maoperahan upang mapagaling ang nakamamatay na karamdaman. Batid mong mahihirapan ang iyong anak dahil sa operasyon, at ito’y labis na pumipighati sa iyo. Magkagayunman, alam mo ring dahil sa pamamaraang ito ay bubuti ang kalusugan ng iyong anak sa dakong huli ng kaniyang buhay. Sa katulad na paraan, batid ng Diyos—at inihula pa nga niya—na ang kaniyang pagpapahintulot na mamahala ang tao ay magdudulot ng isang antas ng kirot at pagdurusa. (Genesis 3:16-19) Subalit batid din niya na magiging posible lamang ang namamalagi at makabuluhang ginhawa kung pahihintulutan niyang maranasan ng buong sangkatauhan ang masamang bungang dulot ng paghihimagsik. Sa ganitong paraan ay permanenteng malulutas ang isyu magpakailanman.

      Ang Isyu Hinggil sa Katapatan ng Tao

      12. Gaya ng ipinaghalimbawa sa kaso ni Job, ano ang paratang ni Satanas laban sa mga tao?

      12 May isa pang aspekto hinggil sa bagay na ito. Sa paghamon sa pagkanararapat at katuwiran ng pamamahala ng Diyos, hindi lamang siniraang-puri ni Satanas si Jehova may kinalaman sa Kaniyang pangalan at pagiging Kataas-taasan. Siniraang-puri din niya ang mga lingkod ng Diyos hinggil sa kanilang katapatan. Halimbawa, pansinin ang sinabi ni Satanas kay Jehova hinggil sa matuwid na lalaking si Job: “Hindi ba naglagay ka ng bakod sa palibot niya at sa palibot ng sambahayan niya at sa lahat ng pag-aari niya? Pinagpala mo ang mga ginagawa niya, at dumami nang husto ang alaga niyang hayop sa lupain. Pero para mapaiba naman, iunat mo ang kamay mo at kunin ang lahat sa kaniya, at tiyak na susumpain ka niya nang mukhaan.”​—Job 1:10, 11.

      13. Ano ang ipinahiwatig ni Satanas sa kaniyang mga paratang hinggil kay Job, at paano nasasangkot dito ang lahat ng tao?

      13 Iginiit ni Satanas na ginagamit ni Jehova ang Kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon upang bilhin ang debosyon ni Job. Sa gayon, ipinahiwatig nito na ang katapatan ni Job ay pakitang-tao lamang, na sinasamba niya ang Diyos dahil lamang sa nakukuha niyang pakinabang. Tiniyak ni Satanas na kung ipagkakait kay Job ang mga pagpapala ng Diyos, susumpain nito ang kaniyang Maylalang. Alam ni Satanas na si Job ay namumukod-tangi sa pagiging “matuwid at tapat, natatakot siya sa Diyos, at itinatakwil niya ang kasamaan.”a Kaya kung masisira ni Satanas ang katapatan ni Job, ano ang ipahihiwatig niyan para sa natitirang bahagi ng sangkatauhan? Iyan ang dahilan kung bakit kinukuwestiyon ni Satanas ang katapatan ng lahat ng nagnanais maglingkod sa Diyos. Sa katunayan, upang palakihin ang isyu, sinabi ni Satanas kay Jehova: “Ibibigay ng isang tao ang lahat ng kaniya para sa buhay niya.”​—Job 1:8; 2:4.

      14. Ano ang nakita sa kasaysayan hinggil sa paratang ni Satanas laban sa mga tao?

      14 Nakita sa kasaysayan na marami, gaya ni Job, ang nanatiling tapat kay Jehova sa harap ng pagsubok—taliwas sa sinasabi ni Satanas. Pinasaya nila ang puso ni Jehova dahil sa kanilang tapat na landasin, at dahil dito ay nasagot ni Jehova ang hambog na panunuya ni Satanas na ang mga tao’y hindi na raw maglilingkod sa Diyos kapag sila’y pinapaghirap. (Hebreo 11:4-38) Oo, ang mga taong may matuwid na puso ay tumangging talikuran ang Diyos. Kahit nagugulumihanan dahil sa totoong gipit na mga kalagayan, lubos pa rin silang umaasa kay Jehova na bibigyan sila ng lakas upang makapagtiis.​—2 Corinto 4:7-10.

      15. Anong tanong ang maaaring bumangon may kinalaman sa nakaraan at sa hinaharap na mga paghatol ng Diyos?

      15 Subalit higit pa sa mga isyu ng pagiging Kataas-taasan at katapatan ng tao ang nasasangkot sa paggamit ni Jehova ng katarungan. Ang Bibliya ay naglalaan sa atin ng ulat ng mga paghatol ni Jehova may kaugnayan sa mga indibidwal at maging sa buong mga bansa. Naglalaman din ito ng mga hula tungkol sa mga paghatol na gagawin niya sa hinaharap. Bakit tayo makapagtitiwala na si Jehova ay naging matuwid at magiging matuwid sa kaniyang mga paghatol?

      Kung Bakit Mas Magaling ang Katarungan ng Diyos

      Ligtas na nakarating sa Zoar si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae habang umuulan ng asupre at apoy sa Sodoma at Gomorra. Naging haliging asin ang asawa ni Lot.

      Hindi kailanman “lilipulin [ni Jehova] ang mga matuwid kasama ng masasama.”

      16, 17. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na ang mga tao ay may limitadong pananaw hinggil sa tunay na katarungan?

      16 Patungkol kay Jehova, angkop lamang na sabihin: “Lahat ng ginagawa niya ay makatarungan.” (Deuteronomio 32:4) Wala sa atin ang makapagsasabi ng ganiyan tungkol sa ating sarili, sapagkat kadalasan nang nalalambungan ng ating limitadong pananaw ang ating pang-unawa sa kung ano ang tama. Halimbawa, isaalang-alang si Abraham. Nakiusap siya kay Jehova may kinalaman sa pagpuksa sa Sodoma—sa kabila ng laganap na kasamaan doon. Tinanong niya si Jehova: “Talaga bang lilipulin mo ang mga matuwid kasama ng masasama?” (Genesis 18:23-33) Mangyari pa, ang sagot ay hindi. Nang ligtas na makarating ang matuwid na si Lot at ang kaniyang mga anak na babae sa lunsod ng Zoar ay saka pa lamang “nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy sa Sodoma.” (Genesis 19:22-24) Sa kabaligtaran naman, si Jonas ay “galit na galit” nang lawitan ni Jehova ng awa ang mga mamamayan ng Nineve. Yamang naipabatid na ni Jonas ang pagpuksa sa kanila, matutuwa siya na makitang nililipol sila—sa kabila ng kanilang taimtim na pagsisisi.​—Jonas 3:10–4:1.

      17 Tiniyak ni Jehova kay Abraham na ang Kaniyang paggamit ng katarungan ay naglalakip hindi lamang ng pagpuksa sa masasama kundi ng pagliligtas din naman sa mga matuwid. Sa kabilang dako naman, kinailangang matutuhan ni Jonas na si Jehova ay maawain. Kung magbabago ng kanilang landas ang masasama, siya ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Di-gaya ng ilang tao na nababahala sa kanilang katayuan, si Jehova ay hindi nagpapasapit ng di-kaayaayang hatol para lamang ipakita ang kaniyang kapangyarihan, ni siya’y nagpipigil ng habag dahil sa takot na baka isiping siya’y mahina. Ang kaniyang paraan ay ang magpakita ng awa kailanma’t may saligan para rito.​—Isaias 55:7; Ezekiel 18:23.

      18. Ipakita mula sa Bibliya na si Jehova ay hindi kumikilos ayon lamang sa damdamin.

      18 Magkagayunman, si Jehova ay hindi nabubulagan dahil lamang sa damdamin. Nang ang kaniyang bayan ay malulong sa idolatriya, matatag na nagpahayag si Jehova: “Hahatulan kita ayon sa iyong landasin at pagbabayarin sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa mo. Hindi ako maaawa sa iyo; hindi rin ako mahahabag, dahil ipararanas ko sa iyo ang resulta ng landasin mo.” (Ezekiel 7:3, 4) Kaya kapag ang mga tao ay nagmamatigas na sa kanilang landasin, si Jehova ay humahatol nang naaayon dito. Subalit ang kaniyang kahatulan ay salig sa matibay na ebidensiya. Kaya nga, nang makarating sa kaniyang pandinig ang napakalakas na pagdaing tungkol sa Sodoma at Gomorra, nagsabi si Jehova: “Bababa ako para makita kung totoo ang pagdaing na nakaabot sa akin at kung talagang napakasama ng ginagawa nila.” (Genesis 18:20, 21) Kay laking pasasalamat natin na si Jehova ay hindi gaya ng maraming tao na humahatol na agad bago pa man marinig ang buong pangyayari! Ang totoo, gaya ng pagkakalarawan sa kaniya ng Bibliya, si Jehova ay “isang Diyos na tapat at hindi kailanman magiging tiwali.”​—Deuteronomio 32:4.

      Magtiwala sa Katarungan ni Jehova

      19. Ano ang maaari nating gawin kung may mga tanong na gumugulo sa atin tungkol sa paggamit ni Jehova ng katarungan?

      19 Ang Bibliya ay hindi sumasagot sa lahat ng tanong hinggil sa mga ikinilos ni Jehova noon; ni naglalaan man ito ng bawat detalye tungkol sa kung paano magbibigay ng hatol si Jehova may kinalaman sa mga indibidwal at grupo sa hinaharap. Kapag tayo’y naguguluhan dahil sa mga ulat o hula sa Bibliya kung saan walang gayong detalye, maipamamalas natin ang katapatan na katulad ng kay propeta Mikas, na sumulat: “Matiyaga akong maghihintay sa Diyos na aking tagapagligtas.”​—Mikas 7:7.

      20, 21. Bakit tayo makapagtitiwala na palaging gagawin ni Jehova kung ano ang tama?

      20 Makapagtitiwala tayo na sa bawat sitwasyon, gagawin ni Jehova kung ano ang tama. Kahit kapag waring binabale-wala ng tao ang kawalang-katarungan, nangangako si Jehova: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.” (Roma 12:19) Kung tayo’y magpapakita ng mapaghintay na saloobin, masasabi rin natin ang matatag na pananalig na ipinahayag ni apostol Pablo: “Ibig bang sabihin, hindi makatarungan ang Diyos? Hindi naman!”—Roma 9:14.

      21 Samantala, tayo’y nabubuhay sa ‘mapanganib at mahirap na kalagayan.’ (2 Timoteo 3:1) Ang kawalang-katarungan at “pagpapahirap” ay nagbunga ng maraming malulupit na pang-aabuso. (Eclesiastes 4:1) Gayunman, si Jehova ay hindi nagbabago. Kinapopootan pa rin niya ang kawalang-katarungan, at labis niyang pinagmamalasakitan ang mga nagiging biktima nito. Kung tayo’y mananatiling tapat kay Jehova at sa kaniyang pamamahala, ibibigay niya sa atin ang lakas upang makapagtiis hanggang sa takdang panahon na doo’y iwawasto na niya ang lahat ng kawalang-katarungan sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian.​—1 Pedro 5:6, 7.

      a Sinabi ni Jehova tungkol kay Job: “Wala siyang katulad sa lupa.” (Job 1:8) Kung gayon, malamang na si Job ay nabuhay pagkamatay ni Jose at bago naging hinirang na lider ng Israel si Moises. Kaya, masasabi na noong panahong iyon ay walang sinuman ang may katapatang gaya ng kay Job.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Deuteronomio 10:17-19 Bakit tayo makapagtitiwala na si Jehova ay di-nagtatangi sa kaniyang mga pakikitungo?

      • Job 34:1-12 Kapag ikaw ay napapaharap sa kawalang-katarungan, paano napatitibay ng mga salita ni Elihu ang iyong pagtitiwala sa katuwiran ng Diyos?

      • Awit 1:1-6 Bakit nakapagpapalakas-loob na malaman na maingat na tinitimbang ni Jehova ang gawa kapuwa ng mga matuwid at masama?

      • Malakias 2:13-16 Ano ang nadama ni Jehova tungkol sa kawalang-katarungan na ginawa sa mga babae na diniborsiyo ng kani-kanilang mga asawa nang walang wastong batayan?

  • “Ang Kautusan ni Jehova ay Perpekto”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Hawak ni Moises ang dalawang tapyas ng bato na naglalaman ng Sampung Utos.

      KABANATA 13

      “Ang Kautusan ni Jehova ay Perpekto”

      1, 2. Bakit maraming tao ang halos walang paggalang sa kautusan, subalit ano ang maaaring madama natin hinggil sa mga kautusan ng Diyos?

      “ANG kautusan ay isang ubod-lalim na hukay, . . . nilalamon nito ang lahat ng bagay.” Ang mga katagang iyan ay lumitaw sa isang aklat na inilathala noon pang 1712. Tinuligsa ng awtor nito ang isang sistema ng batas na doon ang mga usapin ay tumatagal nang maraming taon sa korte, anupat namumulubi tuloy ang mga naghahanap ng katarungan. Sa maraming lupain, ang legal at hudisyal na mga sistema ay napakakomplikado at batbat ng kawalang-katarungan, pagtatangi, at pagkakasalungatan, anupat lumaganap tuloy ang paghamak sa batas.

      2 Kabaligtaran naman, isaalang-alang ang mga salitang ito na isinulat mga 2,700 taon na ang nakalilipas: “Mahal na mahal ko ang kautusan mo!” (Awit 119:97) Bakit gayon na lamang kasidhi ang damdamin ng salmista? Sapagkat ang kautusang pinuri niya ay nagmula, hindi sa alinmang sekular na pamahalaan, kundi sa Diyos na Jehova. Habang pinag-aaralan mo ang mga kautusan ni Jehova, maaaring higit mo pang madama ang gaya ng nadama ng salmista. Ang gayong pag-aaral ay magbibigay sa iyo ng kaunawaan tungkol sa pinakadakilang hudisyal na kaisipan sa uniberso.

      Ang Kataas-taasang Tagapagbigay-Batas

      3, 4. Sa anong mga paraan naging Tagapagbigay-Batas si Jehova?

      3 “Iisa lang ang Tagapagbigay-Batas at Hukom,” ang sabi sa atin ng Bibliya. (Santiago 4:12) Totoo, si Jehova ang tanging tunay na Tagapagbigay-Batas. Maging ang pagkilos ng mga bagay sa langit ay inuugitan ng kaniyang “mga kautusan ng kalangitan.” (Job 38:33, The New Jerusalem Bible) Ang napakaraming banal na mga anghel ni Jehova ay inuugitan din ng kautusan ng Diyos, sapagkat sila’y inorganisa ayon sa tiyak na mga ranggo at naglilingkod ayon sa ipinag-uutos ni Jehova.​—Awit 104:4; Hebreo 1:7, 14.

      4 Nagbigay rin si Jehova ng mga kautusan sa sangkatauhan. Bawat isa sa atin ay may konsensiya, na doo’y masasalamin ang pananaw ni Jehova sa katarungan. Bilang isang uri ng panloob na kautusan, ang konsensiya ay makatutulong sa atin na makilala ang pagkakaiba ng tama sa mali. (Roma 2:14) Ang ating unang mga magulang ay biniyayaan ng isang perpektong konsensiya, kaya ilang kautusan lamang ang kailangan nila. (Genesis 2:15-17) Gayunman, ang di-perpektong tao ay nangangailangan ng mas maraming kautusan upang pumatnubay sa kaniya sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Ang mga patriyarkang gaya nina Noe, Abraham, at Jacob ay tumanggap ng mga kautusan mula sa Diyos na Jehova at itinawid ang mga ito sa kani-kanilang pamilya. (Genesis 6:22; 9:3-6; 18:19; 26:4, 5) Si Jehova ay naging Tagapagbigay-Batas sa isang walang katulad na paraan nang ibigay niya sa bansang Israel ang isang kodigo ng Kautusan sa pamamagitan ni Moises. Ang kodigong ito ng batas ay nagbibigay sa atin ng malawak na unawa sa pananaw ni Jehova sa katarungan.

      Ang Kautusang Mosaiko—Isang Sumaryo

      5. Ang Kautusang Mosaiko ba ay isang mahirap at komplikadong kalipunan ng mga kautusan, at bakit iyan ang sagot mo?

      5 Marami ang waring nag-aakala na ang Kautusang Mosaiko ay isang mahirap at komplikadong kalipunan ng mga kautusan. Malayong-malayo sa katotohanan ang gayong palagay. May mahigit na 600 kautusan sa buong kodigo. Wari ngang napakarami niyan, subalit isip-isipin lamang: Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, mahigit sa 150,000 pahina ng mga aklat ukol sa batas ang kinailangan upang maisulat ang mga batas pederal ng Estados Unidos. Tuwing dalawang taon, mga 600 kautusan pa ang napaparagdag! Kaya kung dami pa lamang ang pag-uusapan, wala na sa kalingkingan ng gabundok na mga kautusan ng tao ang Kautusang Mosaiko. Gayunman, ang Kautusan ng Diyos ang umugit sa mga Israelita sa mga pitak ng buhay na hindi pa man naisasaalang-alang ng modernong mga kautusan. Tingnan natin ang isang sumaryo.

      6, 7. (a) Ano ang pagkakaiba ng Kautusang Mosaiko sa iba pang mga kodigo ng batas, at ano ang pinakamahalagang utos ng Kautusang iyan? (b) Paano ipinakita ng mga Israelita na tinatanggap nila ang pamamahala ni Jehova?

      6 Itinuro ng Kautusan sa mga Israelita na dapat nilang sundin si Jehova bilang Tagapamahala. Sa gayon, ang Kautusang Mosaiko ay hindi maihahambing sa iba pang mga kodigo ng batas. Ang pinakamahalaga sa mga kautusan nito ay: “Makinig kayo, O Israel: Si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova. Dapat ninyong ibigin ang Diyos ninyong si Jehova nang inyong buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas.” Paano maipapakita ng bayan ng Diyos ang pag-ibig sa kaniya? Dapat silang maglingkod sa kaniya, anupat nagpapasakop sa kaniyang pamamahala.​—Deuteronomio 6:4, 5; 11:13.

      7 Ipinakita ng bawat Israelita na tinatanggap niya ang pamamahala ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapasakop sa mga binigyan niya ng awtoridad. Ang mga magulang, pinuno, hukom, saserdote at, sa dakong huli, ang hari ay pawang kumakatawan sa awtoridad ng Diyos. Anumang paghihimagsik laban sa mga may awtoridad ay itinuring ni Jehova na paghihimagsik laban sa kaniya. Sa kabilang dako naman, nanganganib na kapootan ni Jehova ang mga nasa awtoridad kung pakikitunguhan nila ang kaniyang bayan sa paraang di-makatarungan o may pagkaarogante. (Exodo 20:12; 22:28; Deuteronomio 1:16, 17; 17:8-20; 19:16, 17) Kung gayon, ang magkabilang panig ay may pananagutang magtaguyod ng pamamahala ng Diyos.

      8. Paano itinaguyod ng Kautusan ang pamantayan ni Jehova tungkol sa kabanalan?

      8 Itinaguyod ng Kautusan ang pamantayan ni Jehova tungkol sa kabanalan. Ang mga salitang “banal” at “kabanalan” ay lumilitaw nang mahigit sa 280 ulit sa Kautusang Mosaiko. Sa tulong ng Kautusan ay nakilala ng bayan ng Diyos ang pagkakaiba ng malinis at ng di-malinis, ng dalisay at ng di-dalisay, anupat bumabanggit ng mga 70 iba’t ibang bagay na maaaring maging dahilan upang ang isang Israelita ay maging marumi sa seremonyal na paraan. Ang mga kautusang ito ay tumutukoy sa kalinisan ng katawan, pagkain, at pagtatapon pa nga ng dumi. Ang mga kautusang ito ay naglaan ng kamangha-manghang mga pakinabang sa kalusugan.a Subalit ang mga ito ay may mas mahalagang layunin—ang mapanatiling kalugod-lugod ang mga tao sa paningin ni Jehova, na hiwalay sa makasalanang mga gawa ng masasamang bansa na nakapalibot sa kanila. Isaalang-alang ang isang halimbawa.

      9, 10. Kalakip sa tipang Kautusan ang anong mga batas hinggil sa pagtatalik at panganganak, at anong mga pakinabang ang inilaan ng mga kautusang iyan?

      9 Binanggit sa mga batas ng tipang Kautusan na ang pagtatalik—kahit sa mga may-asawa—at panganganak ay nagdudulot ng isang panahon ng pagiging marumi. (Levitico 12:2-4; 15:16-18) Hindi naman sa hinahamak ng gayong mga batas ang malilinis na kaloob na ito mula sa Diyos. (Genesis 1:28; 2:18-25) Sa halip, itinataguyod ng mga kautusang iyon ang kabanalan ni Jehova, anupat pinananatiling ligtas ang kaniyang mga mananamba mula sa pagkahawa. Kapansin-pansin na mahilig ang mga bansang nakapalibot sa Israel na isama sa pagsamba ang sekso at mga ritwal sa pag-aanak. Kalakip sa relihiyon ng mga Canaanita ang prostitusyon sa mga lalaki at babae. Dahil dito ay lumaganap ang napakasamang kalagayan. Sa kabaligtaran naman, pinangyari ng Kautusan na ang pagsamba kay Jehova ay maging lubusang hiwalay sa seksuwal na mga bagay.b Mayroon pa ring ibang mga pakinabang.

      10 Ang mga kautusang iyon ay nagturo ng isang mahalagang katotohanan.c Sa katunayan, paano nga ba napasalin ang batik ng kasalanan ni Adan sa sunod-sunod na mga henerasyon? Hindi ba’t dahil sa pagtatalik at panganganak? (Roma 5:12) Oo, ang Kautusan ng Diyos ay nagpaalaala sa kaniyang bayan tungkol sa di-maikakailang patuloy na pag-iral ng kasalanan. Sa katunayan, tayong lahat ay ipinanganak sa kasalanan. (Awit 51:5) Kailangan natin ang pagpapatawad at pantubos upang mapalapít sa ating banal na Diyos.

      11, 12. (a) Anong mahalagang simulain ng katarungan ang ipinagtanggol ng Kautusan? (b) Anong mga pag-iingat laban sa pagpilipit sa katarungan ang kalakip sa Kautusan?

      11 Itinaguyod ng Kautusan ang perpektong katarungan ni Jehova. Ipinagtanggol ng Kautusang Mosaiko ang simulain ng pagkakapantay-pantay, o pagkabalanse, may kinalaman sa katarungan. Kaya nga, ang Kautusan ay nagsabi: “Buhay para sa buhay, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa.” (Deuteronomio 19:21) Kung gayon, sa mga kasong kriminal, ang parusa ay dapat na katumbas ng krimen. Ang aspektong ito ng katarungan ng Diyos ay nakikita sa buong Kautusan at hanggang sa ngayon ay mahalaga pa rin upang maunawaan ang haing pantubos ni Kristo Jesus, gaya ng ipapakita sa Kabanata 14.​—1 Timoteo 2:5, 6.

      12 Kalakip din sa Kautusan ang mga pag-iingat laban sa pagpilipit sa katarungan. Halimbawa, kailangan ang di-kukulangin sa dalawang testigo upang patunayan ang pagiging totoo ng isang akusasyon. Mabigat ang parusa sa pagsisinungaling. (Deuteronomio 19:15, 18, 19) Ang katiwalian at panunuhol ay mahigpit ding ipinagbabawal. (Exodo 23:8; Deuteronomio 27:25) Maging sa kanilang pagnenegosyo, dapat na itaguyod ng bayan ng Diyos ang matayog na pamantayan ni Jehova tungkol sa katarungan. (Levitico 19:35, 36; Deuteronomio 23:19, 20) Ang marangal at makatarungang kodigong iyan ng batas ay isang napakalaking pagpapala sa Israel!

      Mga Kautusan na Nagtatampok ng Hudisyal na Awa at Pantay na Pakikitungo

      13, 14. Paano itinaguyod ng Kautusan ang pantay at makatarungang pakikitungo sa magnanakaw at sa kaniyang biktima?

      13 Ang Kautusang Mosaiko ba ay isang mahigpit at walang-awang kalipunan ng mga tuntunin? Hinding-hindi! Si Haring David ay ginabayang sumulat: “Ang kautusan ni Jehova ay perpekto.” (Awit 19:7) Gaya ng alam na alam niya, itinaguyod ng Kautusan ang awa at pantay na pakikitungo. Paano ito nagawa ng Kautusan?

      14 Sa ilang lupain sa ngayon, ang batas ay waring higit na nagpapakita ng kabaitan at pabor sa mga kriminal sa halip na magmalasakit sa mga biktima. Halimbawa, ang mga magnanakaw ay maaaring gumugol ng panahon sa bilangguan. Samantala, dinaramdam na nga ng mga biktima ang pagkawala ng kanilang ari-arian, pero kailangan pa rin nilang magbayad ng buwis na ginagamit sa pagkupkop at pagpapakain sa mga kriminal na ito. Sa sinaunang Israel, walang mga bilangguan na gaya sa ngayon. May mahihigpit na restriksiyon hinggil sa paglalapat ng bigat ng parusa. (Deuteronomio 25:1-3) Dapat na bayaran ng magnanakaw ang biktima kung ano ang ninakaw. Bukod diyan, may babayaran pa ang magnanakaw. Pero hindi iyon pare-pareho. Maliwanag na ang mga hukom ay binigyan ng kalayaang timbangin ang ilang salik, gaya ng pagsisisi ng nagkasala. Iyan ang magpapaliwanag kung bakit ang kabayarang hinihiling sa isang magnanakaw ayon sa Levitico 6:1-7 ay higit na mas mababa kaysa sa binanggit sa Exodo 22:7.

      15. Paano tiniyak ng Kautusan ang pagpapakita ng kapuwa awa at katarungan kapag may isang nakapatay ng tao nang di-sinasadya?

      15 May kaawaang kinilala ng Kautusan na hindi naman lahat ng kamalian ay sinasadya. Halimbawa, kapag nakapatay ang isang lalaki nang di-sinasadya, hindi niya kailangang magbayad ng buhay para sa buhay kapag ginawa niya ang tamang hakbang na pagtakbo sa isa sa mga kanlungang lunsod na nakakalat sa buong Israel. Matapos na masuri ng mga kuwalipikadong hukom ang kaso, kailangan siyang manirahan sa kanlungang lunsod hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote. Pagkatapos ay malaya na siyang tumira kung saan niya gusto. Sa gayon ay nakinabang siya sa awa ng Diyos. Gayundin naman, idiniin ng kautusang ito ang napakalaking halaga ng buhay ng tao.​—Bilang 15:30, 31; 35:12-25.

      16. Paano iningatan ng Kautusan ang ilang personal na mga karapatan?

      16 Iningatan ng Kautusan ang personal na mga karapatan. Tingnan ang mga paraan ng pagbibigay-proteksiyon nito sa mga may utang. Ipinagbawal ng Kautusan ang pagpasok sa tahanan ng isang may utang upang sumamsam ng mga ari-arian bilang prenda sa utang. Sa halip, ang nagpautang ay dapat na manatili sa labas at hayaang ang may utang ang magdala ng prenda sa kaniya. Sa gayon ay hindi nalalapastangan ang tahanan ng isang tao. Kapag kinuha ng nagpautang ang damit ng may utang bilang panagot, kailangan niyang ibalik ito pagsapit ng gabi, sapagkat malamang na kakailanganin ito ng may utang upang huwag ginawin sa gabi.​—Deuteronomio 24:10-14.

      17, 18. Sa mga bagay na nagsasangkot sa pakikidigma, paano naiiba ang mga Israelita sa ibang mga bansa, at bakit?

      17 Inugitan din ng Kautusan maging ang pakikidigma. Ang bayan ng Diyos ay nakikidigma, hindi upang bigyan lamang ng kasiyahan ang pagnanasa sa kapangyarihan o pananakop, kundi upang gumanap bilang mga tauhan ng Diyos sa “Mga Digmaan ni Jehova.” (Bilang 21:14) Sa maraming kaso, nag-aalok muna ang mga Israelita ng kasunduan ng pagsuko. Kapag tumanggi ang isang lunsod sa alok, maaari na itong palibutan ng Israel—ngunit ayon sa mga tuntunin ng Diyos. Di-gaya ng maraming sundalo sa nagdaang kasaysayan, ang mga lalaki sa hukbo ng Israel ay hindi pinahihintulutang manghalay ng mga kababaihan o magsagawa ng walang-patumanggang pagpatay. Dapat pa nga nilang igalang ang kapaligiran, anupat hindi itinutumba ang mga namumungang puno ng kaaway.d Ang ibang hukbo ay walang gayong mga pagbabawal.​—Deuteronomio 20:10-15, 19, 20; 21:10-13.

      18 Nangingilabot ka ba kapag nababalitaan mo na sa ilang lupain, kahit mga bata pa ay sinasanay nang magsundalo? Sa sinaunang Israel, walang sinumang lalaki na wala pang 20 anyos ang itinatala sa hukbo. (Bilang 1:2, 3) Maging ang mga adultong lalaki ay binibigyan ng eksemsiyon kung siya’y sobrang matatakutin. Ang isang bagong kasal na lalaki ay may eksemsiyon sa loob ng isang buong taon nang sa gayon ay maaaring makita muna niya ang pagsisilang sa isang tagapagmana bago sumuong sa gayong mapanganib na serbisyo. Sa ganitong paraan, ipinaliwanag ng Kautusan na ang kabataang asawang lalaki ay may pagkakataong “manatili sa bahay at pasayahin ang asawa niya.”​—Deuteronomio 20:5, 6, 8; 24:5.

      19. Anong mga paglalaan ang kalakip sa Kautusan para sa proteksiyon ng mga babae, mga bata, mga pamilya, mga biyuda, at mga ulila?

      19 Iningatan din ng Kautusan ang mga babae, mga bata, at mga pamilya, anupat inalagaan sila. Ipinag-utos nito sa mga magulang na bigyan ang kanilang mga anak ng palagiang atensiyon at pagtuturo hinggil sa espirituwal na mga bagay. (Deuteronomio 6:6, 7) Ipinagbawal nito ang lahat ng anyo ng insesto, na may parusang kamatayan. (Levitico, kabanata 18) Ipinagbawal din nito ang pangangalunya, na madalas na nagwawasak ng mga pamilya at sumisira sa kanilang seguridad at dignidad. Ang Kautusan ay naglaan para sa mga biyuda at mga ulila, at buong diin nitong ipinagbawal ang pagmamalupit sa mga ito.​—Exodo 20:14; 22:22-24.

      20, 21. (a) Bakit ipinahintulot ng Kautusang Mosaiko ang poligamya sa gitna ng mga Israelita? (b) Sa pagdidiborsiyo, bakit naiiba ang Kautusan sa pamantayang ibinalik ni Jesus nang dakong huli?

      20 Gayunman, may kaugnayan dito, ang ilan ay baka magtanong, ‘Bakit kaya ipinahintulot ng Kautusan ang poligamya?’ (Deuteronomio 21:15-17) Kailangan nating isaalang-alang ang mga kautusang ito ayon sa sitwasyon ng mga panahong iyon. Ang mga humahatol sa Kautusang Mosaiko batay sa pananaw ng makabagong panahon at kultura ay tiyak na di-makauunawa nito. (Kawikaan 18:13) Isinaayos ng pamantayan ni Jehova, na itinakda noon pa man sa Eden, na ang pag-aasawa ay maging isang panghabambuhay na pagsasama ng isang asawang lalaki at isang asawang babae. (Genesis 2:18, 20-24) Gayunman, noong panahong ibigay ni Jehova ang Kautusan sa Israel, ang mga gawaing gaya ng poligamya ay maraming siglo nang nakaugat. Alam na alam ni Jehova na “matigas ang ulo” ng bayan niya at palaging sumusuway kahit sa pinakasimpleng mga utos, gaya ng mga pagbabawal sa idolatriya. (Exodo 32:9) Sa gayon, isang katalinuhan na hindi niya pinili ang panahong iyon upang baguhin ang lahat ng kanilang kaugalian sa pag-aasawa. Subalit tandaan na hindi si Jehova ang nagtatag ng poligamya. Gayunman, talagang ginamit niya ang Kautusang Mosaiko upang ugitan ang poligamya sa gitna ng kaniyang bayan at upang huwag magmalabis sa kaugaliang ito.

      21 Sa katulad na paraan, ipinahintulot ng Kautusang Mosaiko na diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa iba’t ibang mabibigat na dahilan. (Deuteronomio 24:1-4) Sinabi ni Jesus na ipinahintulot iyon ng Diyos sa mga Judio “dahil sa katigasan ng puso [nila].” Gayunman, ang pagpapahintulot na iyon ay pansamantala lamang. Para sa kaniyang mga tagasunod, ibinalik ni Jesus ang orihinal na pamantayan sa pag-aasawa.​—Mateo 19:8.

      Itinaguyod ng Kautusan ang Pag-ibig

      22. Sa anong mga paraan pinasigla ng Kautusang Mosaiko ang pag-ibig, at para kanino?

      22 May maiisip ka bang makabagong-panahong sistema ng batas na nagpapasigla sa pag-ibig? Itinaguyod ng Kautusang Mosaiko ang pag-ibig nang higit sa lahat. Aba, sa aklat lamang ng Deuteronomio, ang salita para sa “pag-ibig” ay lumilitaw sa iba’t ibang anyo nang mahigit na 20 ulit. Ang utos na “dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili” ay pangalawa sa pinakamahalagang utos sa buong Kautusan. (Levitico 19:18; Mateo 22:37-40) Ang bayan ng Diyos ay dapat magpakita ng gayong pag-ibig hindi lamang sa isa’t isa kundi sa mga dayuhang naninirahang kasama nila, anupat inaalaala na ang mga Israelita ay minsan na ring nanirahan bilang mga dayuhan. Dapat silang magpakita ng pag-ibig sa mahihirap at napipighati, anupat tinutulungan sila sa materyal at hindi pinagsasamantalahan ang kanilang kagipitan. Tinagubilinan pa nga sila na pakitunguhan ang mga hayop na pantrabaho nang may kabaitan at konsiderasyon.​—Exodo 23:6; Levitico 19:14, 33, 34; Deuteronomio 22:4, 10; 24:17, 18.

      23. Ano ang naudyukang gawin ng manunulat ng Awit 119, at ano ang maaaring ipasiya nating gawin?

      23 Wala nang iba pang bansa ang biniyayaan ng gayong kodigo ng batas! Hindi nga kataka-taka na sumulat ang salmista: “Mahal na mahal ko ang kautusan mo!” Gayunman, ang kaniyang pag-ibig ay hindi lamang sa damdamin. Pinakilos siya nito, sapagkat nagsikap siyang sumunod sa kautusang iyan at mamuhay ayon doon. Nagpatuloy pa siya: “Binubulay-bulay ko ito buong araw.” (Awit 119:11, 97) Oo, regular siyang gumugol ng panahon sa pag-aaral ng mga kautusan ni Jehova. Walang alinlangan na sa paggawa niya nito, lalong sumidhi ang kaniyang pag-ibig sa mga ito. Kasabay nito, ang kaniyang pag-ibig sa Tagapagbigay-Batas, ang Diyos na Jehova, ay sumidhi rin. Habang nagpapatuloy ka sa pag-aaral ng kautusan ng Diyos, sana’y lalo ka ring mapalapít kay Jehova, ang Dakilang Tagapagbigay-Batas at Diyos ng katarungan.

      a Halimbawa, ang mga kautusan na humihiling na ibaon ang dumi ng tao, ibukod ang maysakit, at paghugasin ang sinumang humipo sa isang bangkay ay isang napakamodernong kaalaman para sa panahong iyon.​—Levitico 13:4-8; Bilang 19:11-13, 17-19; Deuteronomio 23:13, 14.

      b Ang mga templo ng mga Canaanita ay may mga silid na inilaan para sa seksuwal na gawain, pero ang Kautusang Mosaiko ay nagsasabi na yaong mga nasa maruming kalagayan ay hindi maaaring makapasok man lamang sa templo. Sa gayon, yamang ang pagtatalik ay nagdudulot ng isang panahon ng pagiging marumi, walang karapatan ang sinuman na gawing bahagi ng pagsamba sa bahay ni Jehova ang sekso.

      c Ang pagtuturo ay isang pangunahing layunin ng Kautusan. Sa katunayan, sinasabi sa Encyclopaedia Judaica na ang salitang Hebreo para sa “kautusan,” ang toh·rahʹ, ay nangangahulugang “pagtuturo.”

      d Ang Kautusan ay mariing nagtanong: “Kailangan ba ninyong salakayin ang mga puno sa parang gaya ng ginagawa ninyo sa mga tao?” (Deuteronomio 20:19) Sinipi ni Philo, isang iskolar na Judio noong unang siglo, ang kautusang ito, anupat ipinaliwanag na sa tingin ng Diyos ay “di-makatuwiran na ang nagpupuyos na galit sa mga tao ay ibunton sa mga bagay na walang anumang ginagawang masama.”

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Levitico 19:9, 10; Deuteronomio 24:19 Ano ang nadarama mo tungkol sa Diyos na gumagawa ng gayong mga kautusan?

      • Awit 19:7-14 Ano ang nadama ni David tungkol sa “kautusan ni Jehova,” at dapat na maging gaano kahalaga sa atin ang mga kautusan ng Diyos?

      • Mikas 6:6-8 Paano tayo tinutulungan ng talatang ito na makitang ang mga kautusan ni Jehova ay hindi maituturing na pabigat?

      • Mateo 23:23-39 Paano ipinakita ng mga Pariseo na hindi nila naunawaan ang tunay na diwa ng Kautusan, at paano ito nagiging isang babalang halimbawa para sa atin?

  • Naglaan si Jehova ng “Pantubos na Kapalit ng Marami”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Si Jesus na nakatayo sa harap ng isang timbangan.

      KABANATA 14

      Naglaan si Jehova ng “Pantubos na Kapalit ng Marami”

      1, 2. Paano inilalarawan ng Bibliya ang kalagayan ng sangkatauhan, at ano ang tanging kalutasan?

      “ANG lahat ng nilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.” (Roma 8:22) Sa pamamagitan ng mga katagang iyan, inilalarawan ni apostol Pablo ang kahabag-habag na kalagayan natin. Sa pananaw ng tao, parang wala nang kalutasan ang pagdurusa, kasalanan, at kamatayan. Subalit hindi taglay ni Jehova ang mga limitasyon ng tao. (Bilang 23:19) Ang Diyos ng katarungan ay naglalaan sa atin ng kalutasan sa ating kabagabagan. Ito’y tinawag na pantubos.

      2 Ang pantubos ang pinakamahalagang regalo ni Jehova sa sangkatauhan. Pinagiging posible nito ang ating kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan. (Efeso 1:7) Ito ang pundasyon ng pag-asang buhay na walang hanggan, ito man ay sa langit o sa isang paraisong lupa. (Lucas 23:43; Juan 3:16; 1 Pedro 1:4) Subalit ano nga ba talaga ang pantubos? Paano nito itinuturo sa atin ang tungkol sa sukdulang katarungan ni Jehova?

      Kung Bakit Kinailangan ng Pantubos

      3. (a) Bakit kinailangan ang pantubos? (b) Bakit hindi na lamang pagaanin ng Diyos ang sentensiya sa halip na kamatayan para sa mga supling ni Adan?

      3 Ang pantubos ay kinailangan dahil sa kasalanan ni Adan. Dahil sa pagsuway sa Diyos, ipinamana ni Adan sa kaniyang mga supling ang sakit, pighati, kirot, at kamatayan. (Genesis 2:17; Roma 8:20) Ang Diyos ay hindi maaaring padala sa emosyon at pagaanin na lamang ang sentensiya sa halip na kamatayan. Ang paggawa nito ay pagwawalang-bahala sa kaniyang sariling kautusan: “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) At kung ipagwawalang-saysay ni Jehova ang kaniyang sariling mga pamantayan ukol sa katarungan, kung gayon ay mananaig ang gulo at kasamaan!

      4, 5. (a) Paano siniraang-puri ni Satanas ang Diyos, at bakit napilitan si Jehova na sagutin ang mga hamong iyon? (b) Ano ang bintang ni Satanas hinggil sa tapat na mga lingkod ni Jehova?

      4 Gaya ng nakita na natin sa Kabanata 12, ang paghihimagsik sa Eden ay nagbangon ng mas malalaking isyu. Dinungisan ni Satanas ang malinis na pangalan ng Diyos. Sa diwa, pinaratangan niya si Jehova na isang sinungaling at isang malupit na diktador na nagkait ng kalayaan sa kaniyang mga nilalang. (Genesis 3:1-5) Sa pamamagitan ng waring pagsugpo sa layunin ng Diyos na punuin ang lupa ng matuwid na mga tao, pinagbintangan din ni Satanas ang Diyos na isang bigo. (Genesis 1:28; Isaias 55:10, 11) Kung hindi sasagutin ni Jehova ang mga hamong ito, marami sa kaniyang matatalinong nilalang ang baka mawalan ng tiwala sa kaniyang pamamahala.

      5 Siniraang-puri din ni Satanas ang tapat na mga lingkod ni Jehova, anupat pinagbibintangan silang naglilingkod lamang sa Kaniya dahil sa makasariling motibo at na kapag napalagay sila sa kagipitan, walang mananatiling tapat sa Diyos. (Job 1:9-11) Ang mga isyung ito ay higit na lalo pang mahalaga kaysa sa paghihirap na dinaranas ng tao. Angkop lamang na mapilitan si Jehova na sagutin ang mapanirang-puring mga bintang ni Satanas. Subalit paano kaya malulutas ng Diyos ang mga isyung ito at kasabay nito’y mailigtas ang sangkatauhan?

      Pantubos—Isang Katumbas

      6. Ano ang ilang pananalita na ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang paraan ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan?

      6 Ang solusyon ni Jehova ay sukdulang maawain at lubusang makatarungan—isa na walang sinumang tao ang makagagawa kailanman. Gayunman, ito’y simple ngunit kahanga-hanga. Ito’y tinutukoy sa iba’t ibang paraan bilang isang pagbili, pakikipagkasundo, pampalubag-loob, at pagbabayad-sala. (Daniel 9:24; Galacia 3:13; Colosas 1:20; Hebreo 2:17) Ngunit ang pananalita na marahil pinakamahusay na maglalarawan sa mga bagay-bagay ay ang ginamit ni Jesus mismo. Sabi niya: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod at ibigay ang buhay niya bilang pantubos [Griego, lyʹtron] na kapalit ng marami.”​—Mateo 20:28.

      7, 8. (a) Ano ang kahulugan ng terminong “pantubos” sa Kasulatan? (b) Sa anong paraan ang isang pantubos ay nagsasangkot ng pagiging katumbas?

      7 Ano ba ang pantubos? Ang salitang Griego na ginamit dito ay mula sa isang pandiwa na nangangahulugang “kalagan, pakawalan.” Ang terminong ito ay ginamit upang ilarawan ang perang ibinayad kapalit ng pagpapalaya sa mga bilanggo ng digmaan. Karaniwan na kung gayon na ang pantubos ay maaaring ipaliwanag bilang isang bagay na ibinayad upang mabiling muli ang isang bagay. Sa Hebreong Kasulatan, ang salita para sa “pantubos” (koʹpher) ay mula sa isang pandiwa na nangangahulugang “takpan.” Tinutulungan tayo nito na maunawaang ang pagtubos ay nangangahulugan din ng pagtatakip sa mga kasalanan.

      8 Kapansin-pansin, binabanggit ng Theological Dictionary of the New Testament na ang salitang ito (koʹpher) “ay laging nangangahulugan ng isang katumbas,” o isang katulad. Kaya nga, upang tubusin, o takpan, ang kasalanan, isang halaga ang dapat ibayad na katumbas, o pantakip, sa pinsalang dulot ng kasalanan. Kaya naman ang Kautusan ng Diyos sa Israel ay nagsabi: “Buhay para sa buhay, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa.”​—Deuteronomio 19:21.

      9. Bakit naghandog noon ng mga haing hayop ang mga tapat na lalaki, at ano ang nadama ni Jehova sa gayong mga hain?

      9 Ang tapat na mga lalaki mula kay Abel patuloy ay naghandog ng mga haing hayop sa Diyos. Sa paggawa nito, ipinamalas nila ang kanilang kabatiran tungkol sa kasalanan at ang pangangailangan ng pantubos, at ipinakita nila ang kanilang pananampalataya sa ipinangako ng Diyos na pagpapalaya sa pamamagitan ng kaniyang “supling.” (Genesis 3:15; 4:1-4; Levitico 17:11; Hebreo 11:4) Kinalugdan ni Jehova ang gayong mga hain at pinagkalooban niya ang mga mananambang ito ng isang mabuting katayuan. Gayunpaman, ang mga handog na hayop ay hanggang sagisag lamang. Ang mga hayop ay hindi talaga maitatakip sa kasalanan ng tao, sapagkat ang mga ito ay mas mababa sa mga tao. (Awit 8:4-8) Kaya naman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Hindi maaalis ng dugo ng mga toro at mga kambing ang mga kasalanan.” (Hebreo 10:1-4) Ang mga handog na ito ay larawan lamang, o simbolo, ng tunay na haing pantubos na darating.

      Ang “Pantubos”

      10. (a) Kanino dapat itumbas ang manunubos, at bakit? (b) Bakit isang haing tao lamang ang kinailangan?

      10 “Kay Adan, ang lahat ay namamatay,” ang sabi ni apostol Pablo. (1 Corinto 15:22) Kung gayon, ang pagtubos ay kailangang magsangkot ng kamatayan ng eksaktong katumbas ni Adan—isang perpektong tao. (Roma 5:14) Wala nang iba pang uri ng nilalang ang makapagbabalanse ng timbangan ng katarungan. Tanging isang perpektong tao lamang, isa na wala sa ilalim ng sentensiyang kamatayan na hatol kay Adan, ang makapagbibigay ng sarili niya “bilang pantubos para sa lahat”—isa na eksaktong katumbas ni Adan. (1 Timoteo 2:6) Hindi na kakailanganin pang ihandog ang di-mabilang na milyon-milyong indibidwal upang itumbas sa bawat inapo ni Adan. Sinabi ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan], ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan.” (Roma 5:12) At dahil “nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao,” isinaayos ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan “sa pamamagitan din ng isang tao.” (1 Corinto 15:21) Paano?

      “Pantubos para sa lahat”

      11. (a) Paanong ang manunubos ay ‘titikim ng kamatayan para sa bawat tao’? (b) Bakit hindi maaaring makinabang sina Adan at Eva mula sa pantubos? (Tingnan ang talababa.)

      11 Isinaayos ni Jehova na magkaroon ng isang perpektong tao na kusang maghahandog ng kaniyang buhay. Ayon sa Roma 6:23, “ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” Sa paghahandog ng kaniyang buhay, ang manunubos ay ‘titikim ng kamatayan para sa bawat tao.’ Ibig sabihin, babayaran niya ang kasalanan ni Adan. (Hebreo 2:9; 2 Corinto 5:21; 1 Pedro 2:24) Malaki ang magiging epekto nito ayon sa batas. Sa pagpapawalang-bisa sa sentensiyang kamatayan sa masunuring mga supling ni Adan, aalisin ng pantubos mula sa mismong pinagmulan nito ang kapangyarihan ng kasalanan na pumuksa.a—Roma 5:16.

      12. Ipaghalimbawa kung paano nakikinabang ang maraming tao dahil sa pagbabayad ng isang utang.

      12 Halimbawa, nakatira ka sa isang bayan na karamihan sa mga tagaroon ay nagtatrabaho sa isang malaking pabrika. Malaki ang kinikita mo at ng iyong mga kapitbahay sa inyong pagpapagal, at maalwan ang inyong buhay. Ganiyan ang kalagayan hanggang sa dumating ang araw na magsara ang pabrika. Ang dahilan? Naging tiwali ang tagapangasiwa ng pabrika, anupat nabangkarote tuloy ang kompanya. Dahil sa biglang nawalan ng trabaho, ikaw at ang iyong mga kapitbahay ay hindi na makabayad ng utang. Ang mga mag-asawa, mga anak, at mga may pautang ay nagdusa dahil sa katiwalian ng isang taong iyon. May solusyon pa kaya? Oo! Isang mayamang tagatangkilik ang nagpasiyang tumulong. Batid niya ang kahalagahan ng kompanya. Naaawa rin siya sa marami nitong empleado at sa kani-kanilang pamilya. Kaya isinaayos niya na bayaran ang utang ng kompanya at muling buksan ang pabrika. Ang pagkansela sa isang pagkakautang na iyan ay nagdulot ng ginhawa sa maraming empleado at sa kani-kanilang pamilya at sa mga may pautang. Sa katulad na paraan, milyon-milyon ang nakikinabang sa pagkansela sa utang ni Adan.

      Sino ang Maglalaan ng Pantubos?

      13, 14. (a) Paano inilaan ni Jehova ang pantubos para sa sangkatauhan? (b) Kanino ibinayad ang pantubos, at bakit kailangan ang gayong pagbabayad?

      13 Tanging si Jehova lamang ang makapaglalaan ng “Kordero . . . na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan.” (Juan 1:29) Subalit ang Diyos ay hindi basta pumili na lamang ng sinumang anghel upang iligtas ang sangkatauhan. Sa halip, isinugo niya ang Isa na makapagbibigay ng pangwakas at di-mapasisinungalingang sagot sa bintang ni Satanas laban sa mga lingkod ni Jehova. Oo, ginawa ni Jehova ang sukdulang sakripisyo na pagsusugo sa kaniyang kaisa-isang Anak, na “gustong-gusto [niyang] kasama.” (Kawikaan 8:30) Kusang “iniwan [ng Anak ng Diyos] ang lahat ng taglay niya” sa langit. (Filipos 2:7) Sa makahimalang paraan, inilipat ni Jehova ang buhay ng kaniyang Anak sa sinapupunan ng isang Judiong birhen na ang pangalan ay Maria. (Lucas 1:27, 35) Bilang isang tao, siya’y tatawaging Jesus. Subalit sa legal na diwa, siya’y matatawag na ikalawang Adan, sapagkat siya’y eksaktong katumbas ni Adan. (1 Corinto 15:45, 47) Kung gayon ay maihahandog ni Jesus ang kaniyang sarili bilang pantubos para sa makasalanang sangkatauhan.

      14 Kanino dapat ibayad ang pantubos na iyan? Espesipikong sinasabi sa Awit 49:7 na ang pantubos ay ibabayad “sa Diyos.” Subalit hindi ba si Jehova rin naman ang nagsaayos ng pantubos? Hindi ba’t parang pagdukot lang iyon ng pera sa isang bulsa at paglalagay nito sa kabilang bulsa? Hindi naman. Dapat unawain na ang pantubos ay, hindi isang materyal na palitan, kundi isang legal na transaksiyon. Sa pamamagitan ng paglalaan ng kabayarang pantubos, kahit na ito’y napakalaking halaga para sa kaniya, pinatunayan ni Jehova ang kaniyang di-natitinag na pagsunod sa kaniyang sariling perpektong katarungan.​—Genesis 22:7, 8, 11-13; Hebreo 11:17; Santiago 1:17.

      15. Bakit kinailangang magdusa at mamatay si Jesus?

      15 Noong tagsibol ng 33 C.E., kusang sumailalim si Jesu-Kristo sa isang mahigpit na pagsubok na humantong sa pagbabayad ng pantubos. Hinayaan niyang siya’y arestuhin sa maling mga bintang, mahatulang nagkasala, at ipako sa isang tulos. Kailangan ba talagang magdusa nang husto si Jesus? Oo, sapagkat kailangang malutas ang isyu tungkol sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos. Kapansin-pansin, hindi ipinahintulot ng Diyos na maipapatay ni Herodes ang sanggol na si Jesus. (Mateo 2:13-18) Subalit nang si Jesus ay lumaki na, nakayanan na niya ang bigat ng mga pag-atake ni Satanas taglay ang lubusang pagkaunawa sa mga isyu.b Sa pananatili ni Jesus na “tapat, walang kasamaan, walang dungis, hindi gaya ng mga makasalanan” kahit napakasama ng pagtrato sa kaniya, pinatunayan niya nang minsanan at magpakailanman na si Jehova ay talagang may mga lingkod na nananatiling tapat sa ilalim ng pagsubok. (Hebreo 7:26) Kung gayon, hindi nga kataka-taka na noong mamamatay na siya, matagumpay na bumulalas si Jesus: “Naganap na!”—Juan 19:30.

      Pagtapos sa Kaniyang Gawaing Pagtubos

      16, 17. (a) Paano ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang gawaing pagtubos? (b) Bakit kinailangan ni Jesus na ‘humarap sa Diyos para sa atin’?

      16 Kailangan pang tapusin ni Jesus ang kaniyang gawaing pagtubos. Sa ikatlong araw pagkamatay ni Jesus, binuhay siyang muli ni Jehova. (Gawa 3:15; 10:40) Sa pamamagitan ng napakahalagang pagkilos na ito, hindi lamang ginantimpalaan ni Jehova ang kaniyang Anak dahil sa tapat na paglilingkod niya kundi binigyan din siya ng pagkakataong tapusin ang kaniyang gawaing pagtubos bilang Mataas na Saserdote ng Diyos. (Roma 1:4; 1 Corinto 15:3-8) Sinabi ni apostol Pablo: “Nang dumating si Kristo bilang mataas na saserdote . . . , pumasok siya sa banal na lugar para iharap, hindi ang dugo ng mga kambing at ng mga batang toro, kundi ang sarili niyang dugo, at ginawa niya ito nang minsanan; at dahil sa kaniya, nagkaroon tayo ng walang-hanggang kaligtasan. Dahil si Kristo ay pumasok, hindi sa isang banal na lugar na gawa ng mga kamay, na isang kopya ng tunay na banal na lugar, kundi sa langit mismo, kaya nasa harap siya ngayon ng Diyos para sa atin.”​—Hebreo 9:11, 12, 24.

      17 Hindi madadala ni Kristo ang kaniyang literal na dugo sa langit. (1 Corinto 15:50) Sa halip, ang dinala niya ay ang isinasagisag ng dugong iyan: ang legal na halaga ng kaniyang inihandog na perpektong buhay bilang tao. Pagkatapos, sa harap ng mismong Persona ng Diyos, pormal niyang iniharap ang halaga ng buhay na iyan bilang pantubos kapalit ng makasalanang sangkatauhan. Tinanggap ba ni Jehova ang haing iyan? Oo, at ito’y nakita noong Pentecostes 33 C.E., nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga 120 alagad sa Jerusalem. (Gawa 2:1-4) Bagaman talagang nakapananabik ang pangyayaring iyon, ang pantubos ay nagsisimula pa lamang noon na maglaan ng kahanga-hangang mga pakinabang.

      Mga Pakinabang sa Pantubos

      18, 19. (a) Anong dalawang grupo ng mga indibidwal ang nakikinabang sa pakikipagkasundo na naging posible dahil sa dugo ni Kristo? (b) Para sa mga kabilang sa “malaking pulutong,” ano ang ilan sa kasalukuyan at panghinaharap na mga pakinabang mula sa pantubos?

      18 Sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas, ipinaliwanag ni Pablo na minabuti ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na ipagkasundo sa Kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay, na naging posible dahil sa dugo na ibinuhos ni Jesus sa pahirapang tulos. Ipinaliwanag din ni Pablo na ang pakikipagkasundong ito ay nagsasangkot ng dalawang magkaibang grupo ng mga indibidwal, samakatuwid nga, ang mga bagay “sa langit” at mga bagay “sa lupa.” (Colosas 1:19, 20; Efeso 1:10) Ang unang grupong iyan ay binubuo ng 144,000 Kristiyano na binigyan ng pag-asang maglingkod bilang mga saserdote sa langit at mamahala bilang mga hari sa buong lupa kasama ni Kristo Jesus. (Apocalipsis 5:9, 10; 7:4; 14:1-3) Sa pamamagitan nila, ang mga pakinabang mula sa pantubos ay unti-unting ikakapit sa masunuring sangkatauhan sa loob ng isang libong taon.​—1 Corinto 15:24-26; Apocalipsis 20:6; 21:3, 4.

      19 Ang mga bagay “sa lupa” ay yaong mga indibidwal na umaasang magtatamasa ng perpektong buhay sa Paraiso sa lupa. Inilalarawan sila sa Apocalipsis 7:9-17 bilang “isang malaking pulutong” na makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian.” Subalit hindi na nila kailangang hintayin pa ang panahong iyon upang matamasa ang mga pakinabang mula sa pantubos. “Nilabhan [na] nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” Dahil sa sila’y sumasampalataya sa pantubos, ngayon pa lamang ay tumatanggap na sila ng espirituwal na mga pakinabang mula sa maibiging paglalaang iyan. Sila’y naipahayag nang matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos! (Santiago 2:23) Bilang resulta ng handog ni Jesus, sila’y maaari nang “lumapit . . . sa trono ng walang-kapantay na kabaitan at malayang magsalita.” (Hebreo 4:14-16) Kapag sila’y nagkakamali, sila’y tumatanggap ng tunay na pagpapatawad. (Efeso 1:7) Bagaman di-perpekto, nagtatamasa pa rin sila ng isang nilinis na konsensiya. (Hebreo 9:9; 10:22; 1 Pedro 3:21) Kung gayon, ang pakikipagkasundo sa Diyos ay hindi isang bagay na inaasahan pa lamang na mangyayari, kundi ito’y natutupad na ngayon! (2 Corinto 5:19, 20) Sa panahon ng Milenyo, sila’y unti-unting ‘mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan’ at sa wakas ay magkakaroon ng “maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21.

      20. Paano personal na nakaaapekto sa iyo ang pagbubulay-bulay tungkol sa pantubos?

      20 “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo” para sa pantubos! (Roma 7:25) Simple lamang ang simulain nito, ngunit may malalim na kahulugan anupat nalilipos tayo ng pagkamangha. (Roma 11:33) At sa ating pagbubulay-bulay tungkol dito taglay ang pasasalamat, naaantig ng pantubos ang ating puso, anupat lalo tayong napapalapít sa Diyos ng katarungan. Gaya ng salmista, taglay natin ang lahat ng dahilan upang purihin si Jehova bilang Diyos na ‘umiibig sa katuwiran at katarungan.’—Awit 33:5.

      a Hindi makikinabang sina Adan at Eva sa pantubos. Isinaad ng Kautusang Mosaiko ang simulaing ito hinggil sa isa na kusang pumatay ng tao: “Huwag kayong tatanggap ng pantubos para sa buhay ng isang mamamatay-tao na karapat-dapat mamatay.” (Bilang 35:31) Maliwanag na sina Adan at Eva ay karapat-dapat mamatay sapagkat kusa nilang sinuway ang Diyos. Sa gayon ay isinuko nila ang kanilang pag-asang mabuhay magpakailanman.

      b Upang matumbasan ang perpektong buhay na naiwala ni Adan, si Jesus ay kailangang mamatay, hindi bilang isang perpektong batang paslit, kundi bilang isang perpektong adulto. Tandaan, kinusa ang kasalanan ni Adan, isinagawa taglay ang lubos na kabatiran sa kaselangan ng ginawa at ang mga bunga nito. Kaya upang maging “ang huling Adan” at matakpan ang kasalanang iyan, si Jesus ay dapat na gumawa ng isang maygulang at may-kabatirang pagpili na mapanatili ang kaniyang katapatan kay Jehova. (1 Corinto 15:45, 47) Sa gayon, ang pagiging tapat ni Jesus sa buong buhay niya—lakip na ang kaniyang mapagsakripisyong kamatayan—ay nagsilbing “isang matuwid na gawa.”​—Roma 5:18, 19.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Bilang 3:39-51 Bakit mahalaga na ang pantubos ay maging isang eksaktong katumbas?

      • Awit 49:7, 8 Bakit utang na loob natin sa Diyos ang paglalaan niya ng pantubos?

      • Isaias 43:25 Paano tayo tinutulungan ng kasulatang ito na maunawaang hindi ang kaligtasan ng tao ang pangunahing dahilan kung kaya naglaan si Jehova ng pantubos?

      • 1 Corinto 6:20 Ano ang dapat na maging epekto ng pantubos sa ating paggawi at pamumuhay?

  • Pinairal ni Jesus ang “Katarungan sa Lupa”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Itinaob ni Jesus ang mesa ng mga nagpapalit ng pera at pinalayas sila mula sa templo.

      KABANATA 15

      Pinairal ni Jesus ang “Katarungan sa Lupa”

      1, 2. Sa anong pagkakataon nagalit si Jesus, at bakit?

      MAKIKITANG galit si Jesus noon—at makatuwiran naman. Marahil ay hindi mo iisiping magkakagayon siya, sapagkat siya’y mahinahon. (Mateo 21:5) Mangyari pa, naroroon pa rin ang kaniyang lubos na pagpipigil, sapagkat iyon ay matuwid na pagkapoot.a Ngunit ano nga ba ang ikinagalit ng lalaking ito na maibigin sa kapayapaan? Ang labis na kawalan ng katarungan.

      2 Mahal na mahal ni Jesus ang templo sa Jerusalem. Sa buong daigdig, iyon lamang ang tanging sagradong lugar na nakaalay ukol sa pagsamba sa kaniyang Ama sa langit. Ang mga Judio mula sa maraming lupain ay naglalakbay noon nang napakalayo upang sumamba roon. Maging ang may-takot sa Diyos na mga Gentil ay dumarating din, anupat pumapasok sa looban ng templo na inilaan upang gamitin nila. Subalit sa pagsisimula ng kaniyang ministeryo, pumasok si Jesus sa lugar ng templo at nakita niya ang isang nakapanghihilakbot na tanawin. Aba, ang lugar na iyon ay mas mukhang palengke kaysa bahay ng pagsamba! Punong-puno iyon ng mga negosyante at mga nagpapalit ng pera. Subalit, nasaan dito ang kawalang-katarungan? Para sa mga taong ito, ang templo ng Diyos ay isa lamang lugar para pagsamantalahan ang mga tao—pagnakawan pa nga sila. Paano?​—Juan 2:14.

      3, 4. Anong sakim na pagsasamantala ang nagaganap sa bahay ni Jehova, at ano ang ikinilos ni Jesus upang ituwid ang mga bagay-bagay?

      3 Ginawang patakaran ng mga lider ng relihiyon na isang uri lamang ng barya ang maaaring gamitin na pambayad ng buwis sa templo. Kinailangan tuloy ng mga bisita na magpapalit ng kanilang pera upang magkaroon ng mga baryang ito. Kaya ang mga nagpapalit ng pera ay nagtayo ng kani-kanilang mesa sa loob mismo ng templo, anupat naniningil ng bayad para sa bawat transaksiyon. Napakalakas ding pagtubuan ang negosyo ng pagtitinda ng mga hayop. Ang mga bisita na gustong maghandog ng mga hain ay makabibili naman sa kaninumang negosyante sa lunsod, subalit napakadaling tanggihan ng mga opisyal ng templo ang kanilang handog bilang di-karapat-dapat. Gayunman, ang mga handog na binili doon mismo sa lugar ng templo ay tiyak na tatanggapin. Yamang wala nang magagawa ang mga tao, ang mga negosyante kung minsan ay naniningil sa napakataas na presyo.b Masahol pa ito sa sakim na komersiyo. Ito’y para na ring pagnanakaw!

      4 Hindi maaatim ni Jesus ang gayong kawalang-katarungan. Ito’y bahay ng sarili niyang Ama! Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at itinaboy niya ang mga kawan ng baka at tupa mula sa templo. Pagkatapos ay lumapit siya sa mga nagpapalit ng pera at itinaob ang mga mesa nila. Gunigunihin na lamang ang pagtatalsikan ng mga barya sa sahig na marmol! Matatag niyang inutusan ang mga lalaking nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo rito ang mga iyan!” (Juan 2:15, 16) Sa wari, walang sinumang naglakas-loob na tumutol sa matapang na lalaking ito.

      “Alisin ninyo rito ang mga iyan!”

      Kung Ano ang Ama, Gayundin ang Anak

      5-7. (a) Paano naimpluwensiyahan ng pag-iral ni Jesus bago naging tao ang kaniyang pananaw sa katarungan, at ano ang maaari nating matutuhan mula sa pag-aaral ng kaniyang halimbawa? (b) Paano pinasinungalingan ni Jesus ang kawalang-katarungang ibinangon ni Satanas, at ano pa ang gagawin niya sa hinaharap?

      5 Mangyari pa, nagbalikan na naman ang mga negosyante. Pagkalipas ng mga tatlong taon, muling hinarap ni Jesus ang kawalang-katarungan, at sa pagkakataong ito ay sinambit niya ang mismong pananalita ni Jehova na humahatol sa mga gumawa sa Kaniyang bahay bilang “pugad ng mga magnanakaw.” (Jeremias 7:11; Mateo 21:13) Oo, nang makita ni Jesus ang sakim na pagsasamantala ng mga tao at ang pagdungis sa templo ng Diyos, nadama rin niya ang nadama ng kaniyang Ama. At hindi nga ito kataka-taka! Sa loob ng di-mabilang na mga taon, si Jesus ay tinuruan ng kaniyang Ama sa langit. Bilang resulta, tinaglay niya ang pananaw ni Jehova sa katarungan. Siya’y naging buháy na halimbawa ng kasabihang “Kung ano ang ama, gayundin ang anak.” Kaya kung nais nating matamo ang malinaw na larawan ng katangian ni Jehova ukol sa katarungan, wala nang pinakamabuting gawin kundi ang bulay-bulayin ang halimbawa ni Jesu-Kristo.​—Juan 14:9, 10.

      6 Naroroon ang kaisa-isang Anak ni Jehova nang di-makatarungang tawagin ni Satanas ang Diyos na Jehova na isang sinungaling at kuwestiyunin ang katuwiran ng Kaniyang pamamahala. Isang tahasang paninirang-puri! Narinig din ng Anak ang sumunod na hamon ni Satanas na walang sinuman ang maglilingkod kay Jehova nang walang pakinabang o nang dahil sa pag-ibig. Ang mga maling paratang na ito ay tiyak na nakasakit sa matuwid na puso ng Anak. Tiyak na gayon na lamang ang kaniyang pananabik nang malaman niyang siya ang gaganap ng pangunahing papel sa pagtutuwid sa mga kasinungalingan! (2 Corinto 1:20) Paano niya kaya ito gagawin?

      7 Gaya ng nalaman natin sa Kabanata 14, ibinigay ni Jesu-Kristo ang pangwakas at di-mapasisinungalingang sagot sa paratang ni Satanas na bumabatikos sa katapatan ng mga nilalang ni Jehova. Sa gayon ay inilatag ni Jesus ang saligan para linisin ang banal na pangalan ng Diyos mula sa lahat ng paninira—pati na ang kasinungalingang may mali sa perpektong pamamahala ni Jehova. Bilang Punong Kinatawan ni Jehova, pinairal ni Jesus ang katarungan ng Diyos sa buong uniberso. (Gawa 5:31) Ang landasin ng kaniyang buhay sa lupa ay nagpapamalas din ng katarungan ng Diyos. Sinabi ni Jehova tungkol sa kaniya: “Ibibigay ko sa kaniya ang aking espiritu, at ipapakita niya sa mga bansa kung ano talaga ang katarungan.” (Mateo 12:18) Paano tinupad ni Jesus ang mga salitang iyan?

      Nilinaw ni Jesus “Kung Ano Talaga ang Katarungan”

      8-10. (a) Paanong ang mga bibigang tradisyon ng mga Judiong lider ng relihiyon ay nagtaguyod ng paghamak sa mga di-Judio at sa mga babae? (b) Sa anong paraan pinabigat ng mga bibigang kautusan ang kautusan ni Jehova tungkol sa Sabbath?

      8 Inibig ni Jesus ang Kautusan ni Jehova at siya’y namuhay ayon dito. Subalit pinilipit naman at maling ikinapit ng mga lider ng relihiyon noong kapanahunan niya ang Kautusang iyan. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! . . . Binabale-wala ninyo ang mas mahahalagang bagay sa Kautusan: ang katarungan at awa at katapatan.” (Mateo 23:23) Tiyak na hindi nilinaw ng mga guro ng Kautusan ng Diyos “kung ano talaga ang katarungan.” Sa halip, pinalabo nila ang katarungan ng Diyos. Paano? Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

      9 Inutusan ni Jehova ang kaniyang bayan na manatiling hiwalay sa paganong mga bansa na nakapalibot sa kanila. (1 Hari 11:1, 2) Gayunman, inudyukan ng ilang panatikong lider ng relihiyon ang mga tao na hamakin ang lahat ng di-Judio. Inilakip pa nga sa Mishnah ang patakarang ito: “Ang mga baka ay huwag iiwan sa mga tuluyan ng mga gentil yamang sila’y pinaghihinalaang nakikipagtalik sa hayop.” Ang gayong pagtatangi laban sa lahat ng di-Judio ay di-makatarungan at ganap na salungat sa diwa ng Kautusang Mosaiko. (Levitico 19:34) Ang ibang gawang-taong mga patakaran ay nagpapababa sa kalagayan ng mga babae. Sinabi sa bibigang kautusan na ang asawang babae ay kailangang maglakad nang nasa likod, hindi sa tabi, ng kaniyang asawa. Ang lalaki ay binigyang-babala na huwag makipag-usap sa babae sa publiko, kahit sa kaniyang sariling asawa. Gaya ng mga alipin, ang mga babae ay hindi pinahihintulutang magbigay ng patotoo sa hukuman. May isa pa ngang pormal na panalangin na doo’y pinasasalamatan ng mga lalaki ang Diyos dahil hindi sila naging mga babae.

      10 Itinago ng mga lider ng relihiyon ang Kautusan ng Diyos sa ilalim ng isang tambak na gawang-taong mga patakaran at mga regulasyon. Halimbawa, ang kautusan ng Sabbath ay basta nagbabawal ng pagtatrabaho kung Sabbath, anupat inilalaan ang araw na iyon para sa pagsamba, espirituwal na kaginhawahan, at pamamahinga. Subalit pinabigat ng mga Pariseo ang kautusang iyan. Sila mismo ang nagpasiya kung ano talaga ang kahulugan ng “pagtatrabaho.” Ibinilang nilang pagtatrabaho ang 39 na iba’t ibang gawain, gaya ng paggapas o pangangaso. Ang mga kategoryang ito ay naging dahilan ng pagbangon ng walang-katapusang mga tanong. Kapag ang isang tao ay pumatay ng isang pulgas kung Sabbath, siya ba’y nangangaso? Kapag siya’y pumitas ng isang dakot na butil upang kainin habang siya’y naglalakad, siya ba’y gumagapas? Kapag pinagaling niya ang isang maysakit, siya ba’y nagtatrabaho? Ang mga tanong na ito ay pinag-ukulan ng pansin taglay ang mahigpit at detalyadong mga patakaran.

      11, 12. Paano inihayag ni Jesus ang kaniyang pagtutol sa di-makakasulatang mga tradisyon ng mga Pariseo?

      11 Sa gayong kalagayan, paano kaya matutulungan ni Jesus ang mga tao na maunawaan kung ano ang katarungan? Sa kaniyang pagtuturo at sa paraan ng kaniyang pamumuhay, naging magiting ang kaniyang paninindigan laban sa mga lider na iyon ng relihiyon. Isaalang-alang muna ang ilan sa kaniyang mga turo. Tahasan niyang hinatulan ang kanilang napakaraming gawang-taong mga patakaran, na sinasabi: “Winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa tradisyong ipinamamana ninyo.”​—Marcos 7:13.

      12 Mariing itinuro ni Jesus na mali ang mga Pariseo tungkol sa kautusan ng Sabbath—na, sa katunayan, hindi nila nauunawaan ang layunin ng kautusang iyan. Ipinaliwanag niya na ang Mesiyas ay “Panginoon ng Sabbath” at sa gayo’y may karapatang magpagaling ng mga tao kung Sabbath. (Mateo 12:8) Upang idiin ang punto, lantaran siyang nagsagawa ng makahimalang mga pagpapagaling kung Sabbath. (Lucas 6:7-10) Ang gayong pagpapagaling ay isang patiunang pagtatanghal sa pagpapagaling na gagawin niya sa buong lupa sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari. Ang Milenyong iyan mismo ang magiging pinakasukdulan ng Sabbath, na sa wakas ang buong tapat na sangkatauhan ay magpapahinga na mula sa maraming siglong paghihirap sa ilalim ng mga pasanin na dulot ng kasalanan at kamatayan.

      13. Anong kautusan ang itinatag bilang resulta ng ministeryo ni Kristo sa lupa, at paano ito naiiba sa hinalinhan nito?

      13 Nilinaw rin ni Jesus kung ano ang katarungan sa pamamagitan ng isang bagong kautusan, ang “kautusan ng Kristo,” na itinatag pagkatapos ng kaniyang ministeryo sa lupa. (Galacia 6:2) Di-gaya ng Kautusang Mosaiko, ang kautusan ng Kristo ay nakasalig sa mga simulain, hindi sa sunod-sunod na nakasulat na mga utos. Gayunman, naglakip din naman ito ng ilang tuwirang mga utos. Tinawag ni Jesus ang isa sa mga ito na “isang bagong utos.” Tinuruan ni Jesus ang lahat ng kaniyang tagasunod na ibigin ang isa’t isa kung paanong inibig niya sila. (Juan 13:34, 35) Oo, ang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig ang dapat na maging pagkakakilanlan ng lahat ng namumuhay ayon sa “kautusan ng Kristo.”

      Isang Buháy na Halimbawa ng Katarungan

      14, 15. Paano ipinakita ni Jesus na kinikilala niya ang mga limitasyon ng kaniyang sariling awtoridad, at bakit ito gumaganyak ng pagtitiwala?

      14 Hindi lamang pagtuturo tungkol sa pag-ibig ang ginawa ni Jesus. Siya’y namuhay ayon sa “kautusan ng Kristo.” Ito’y kitang-kita sa kaniyang pamumuhay. Isaalang-alang ang tatlong paraan na doo’y niliwanag ng halimbawa ni Jesus kung ano ang katarungan.

      15 Una, buong ingat na iniwasan ni Jesus na makagawa ng anumang kawalang-katarungan. Marahil ay napansin mong nagaganap ang maraming kawalang-katarungan kapag ang di-perpektong mga tao ay nagiging arogante at lumalampas na sa hangganan ng kanilang awtoridad. Hindi iyan ginawa ni Jesus. Minsan, isang lalaki ang lumapit kay Jesus at nagsabi: “Guro, sabihin mo sa kapatid ko na hatian ako sa mana.” Ang tugon ni Jesus? “Lalaki, sino ang nag-atas sa akin bilang hukom o tagapamagitan ninyong dalawa?” (Lucas 12:13, 14) Hindi ba’t kamangha-mangha iyan? Ang talino ni Jesus, ang kaniyang pagpapasiya, at maging ang antas ng kaniyang bigay-Diyos na awtoridad ay nakahihigit sa sinuman sa lupa; gayunman, ayaw niyang masangkot sa bagay na ito, yamang hindi naman ipinagkaloob sa kaniya ang partikular na awtoridad na gawin ito. Si Jesus ay nanatiling mapagpakumbaba sa paraang ito, kahit na noong mga milenyong panahon na hindi pa siya umiiral bilang tao. (Judas 9) Kitang-kita sa katangiang ito ni Jesus na siya’y mapagpakumbabang nagtitiwala kay Jehova sa pagtiyak ng kung ano ang makatarungan.

      16, 17. (a) Paano ipinamalas ni Jesus ang katarungan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos? (b) Paano ipinakita ni Jesus na ang katarungan para sa kaniya ay laging may kasamang awa?

      16 Ikalawa, ipinamalas ni Jesus ang katarungan sa paraan ng kaniyang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Wala siyang kinikilingan. Sa halip, taimtim niyang sinikap na maabot ang lahat ng uri ng tao, mayaman man o mahirap. Kabaligtaran naman nito, binale-wala ng mga Pariseo ang mahihirap at karaniwang mga tao at binansagan pa sila ng mapanghamak na terminong ʽam-ha·ʼaʹrets, o “mga tao ng lupain.” Magiting na kumilos si Jesus laban sa kawalang-katarungang iyan. Nang ituro niya sa mga tao ang mabuting balita—o nang saluhan niya sa pagkain ang mga tao, pakainin sila, pagalingin sila, o buhaying muli pa nga sila—itinaguyod niya ang katarungan ng Diyos na nagnanais maabot “ang lahat ng uri ng tao.”c—1 Timoteo 2:4.

      17 Ikatlo, ang katarungan para kay Jesus ay laging may kasamang awa. Lubusan ang kaniyang pagsisikap na matulungan ang mga makasalanan. (Mateo 9:11-13) Handa siyang tumulong sa mga taong walang lakas na ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Halimbawa, hindi nakiisa si Jesus sa mga lider ng relihiyon sa pagpapalaganap ng kawalan ng tiwala sa lahat ng Gentil. Buong kaawaang tinulungan niya at tinuruan ang ilan sa mga ito, bagaman ang kaniyang pangunahing misyon ay ukol sa mga Judio. Sumang-ayon siyang magsagawa ng makahimalang pagpapagaling sa isang Romanong opisyal ng hukbo, na sinasabi: “Wala pa akong nakita sa Israel na may ganito kalaking pananampalataya.”​—Mateo 8:5-13.

      18, 19. (a) Sa anong mga paraan itinaguyod ni Jesus ang dangal ng mga babae? (b) Paano tayo tinutulungan ng halimbawa ni Jesus na maunawaan ang kaugnayan ng tibay ng loob at katarungan?

      18 Sa katulad na paraan, hindi sinuportahan ni Jesus ang umiiral na pananaw tungkol sa mga babae. Sa halip, buong tapang niyang ginawa kung ano ang makatarungan. Ang mga Samaritana ay itinuturing na kasindumi ng mga Gentil. Gayunman, hindi nag-atubili si Jesus na mangaral sa isang Samaritana sa may balon ng Sicar. Sa katunayan, sa babaeng ito unang nagpakilala si Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas. (Juan 4:6, 25, 26) Sinabi ng mga Pariseo na ang mga babae ay hindi dapat turuan ng Kautusan ng Diyos, subalit si Jesus ay gumugol ng maraming panahon at lakas sa pagtuturo sa mga babae. (Lucas 10:38-42) At bagaman itinuturing ng tradisyon na hindi dapat pagtiwalaan ang mga babae na magbigay ng mapanghahawakang patotoo, binigyang-dangal ni Jesus ang ilang kababaihan sa pagbibigay sa kanila ng pribilehiyo na unang makakita sa kaniya matapos siyang buhaying muli. Sinabihan pa nga niya sila na pumunta at sabihin sa kaniyang mga lalaking alagad ang tungkol sa pinakamahalagang pangyayaring ito!—Mateo 28:1-10.

      19 Oo, nilinaw ni Jesus sa mga bansa kung ano talaga ang katarungan. Sa maraming pagkakataon, ginawa niya ito kahit mapalagay sa panganib ang kaniyang sarili. Ang halimbawa ni Jesus ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang pagtataguyod ng tunay na katarungan ay nangangailangan ng lakas ng loob. Angkop lamang na tawagin siyang “ang Leon mula sa tribo ni Juda.” (Apocalipsis 5:5) Alalahanin na ang leon ay sagisag ng magiting na katarungan. Gayunman, sa malapit na hinaharap, si Jesus ay magpapairal ng mas malawak na katarungan. Sa ganap na diwa, paiiralin niya ang “katarungan sa lupa.”​—Isaias 42:4.

      Pinairal ng Mesiyanikong Hari ang “Katarungan sa Lupa”

      20, 21. Sa ating sariling kapanahunan, paano itinataguyod ng Mesiyanikong Hari ang katarungan sa buong lupa at sa loob ng kongregasyong Kristiyano?

      20 Mula nang maging Mesiyanikong Hari noong 1914, itinaguyod na ni Jesus sa lupa ang katarungan. Paano? Itinaguyod niya ang katuparan ng kaniyang hula na nasa Mateo 24:14. Ang mga tagasunod ni Jesus sa lupa ay nagtuturo sa mga tao sa lahat ng lupain ng katotohanan tungkol sa Kaharian ni Jehova. Gaya ni Jesus, nangangaral sila sa paraang walang kinikilingan at makatarungan, na nagsisikap na ibigay sa lahat—bata o matanda, mayaman o mahirap, lalaki o babae—ang pagkakataong makilala si Jehova, ang Diyos ng katarungan.

      21 Itinataguyod din ni Jesus ang katarungan sa loob ng kongregasyong Kristiyano, na doo’y siya ang Ulo. Gaya ng inihula, nagbibigay siya ng “mga tao bilang regalo,” ang tapat na Kristiyanong mga elder na nangunguna sa kongregasyon. (Efeso 4:8-12) Sa pagpapastol sa pinakamamahal na kawan ng Diyos, ang mga elder ay sumusunod sa halimbawa ni Jesu-Kristo sa pagtataguyod ng katarungan. Hindi nila kailanman nalilimutan na nais ni Jesus na ang kaniyang mga tupa ay pakitunguhan sa makatarungang paraan—anuman ang posisyon, katanyagan, o materyal na kalagayan.

      22. Ano ang nadarama ni Jehova sa laganap na kawalang-katarungan ng daigdig sa ngayon, at ano ang iniatas niya na gawin ng kaniyang Anak tungkol dito?

      22 Gayunman, sa malapit na hinaharap, paiiralin ni Jesus ang katarungan sa lupa sa walang katulad na paraan. Laganap ang kawalang-katarungan sa tiwaling daigdig na ito. Bawat batang namamatay sa gutom ay biktima ng kawalang-katarungan, lalo na kung iisipin natin ang pera at panahong ginugugol sa paggawa ng mga sandatang pandigma at pagpapalugod sa sakim na mga kapritso ng mahihilig sa kalayawan. Ang milyon-milyong di-kinakailangang kamatayan bawat taon ay isa lamang sa maraming anyo ng kawalang-katarungan, na pawang pumupukaw sa matuwid na pagkagalit ni Jehova. Inatasan niya ang kaniyang Anak na makidigma ayon sa katuwiran laban sa masamang sistemang ito upang wakasan magpakailanman ang lahat ng kawalang-katarungan.​—Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-15.

      23. Pagkatapos ng Armagedon, paano itataguyod ni Kristo ang katarungan magpakailanman?

      23 Magkagayunman, ang katarungan ni Jehova ay hindi lamang basta pagpuksa sa masasama. Inatasan din niya ang kaniyang Anak na mamahala bilang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Pagkatapos ng digmaan ng Armagedon, paiiralin ng paghahari ni Jesus ang kapayapaan sa buong lupa, at siya’y mamamahala “sa pamamagitan ng katarungan.” (Isaias 9:6, 7) Sa gayon ay malulugod si Jesus na alisin ang lahat ng kawalang-katarungan na naging dahilan ng labis na paghihirap at pagdurusa sa daigdig. Buong katapatan niyang itataguyod ang perpektong katarungan ni Jehova magpakailanman. Kung gayon, mahalagang pagsikapan natin na matularan ang katarungan ni Jehova sa ngayon. Tingnan natin kung paano natin ito magagawa.

      a Sa pagpapakita ng matuwid na pagkagalit, si Jesus ay katulad ni Jehova, na “handang magpakita ng galit” laban sa lahat ng kasamaan. (Nahum 1:2) Halimbawa, pagkasabi ni Jehova sa kaniyang suwail na bayan na ang kaniyang bahay ay ginawa nilang “pugad ng mga magnanakaw,” sinabi niya: “Ang galit at poot ko ay matitikman ng lugar na ito.”​—Jeremias 7:11, 20.

      b Ayon sa Mishnah, bumangon ang isang protesta pagkaraan ng ilang taon dahil sa mataas na presyo ng mga kalapating ipinagbibili sa templo. Agad na ibinaba ang presyo nang mga 99 na porsiyento! Sino kaya ang may pinakamalaking pakinabang sa maunlad na negosyong ito? Ipinahihiwatig ng ilang istoryador na ang mga pamilihan sa templo ay pag-aari ng pamilya ng mataas na saserdoteng si Anas, na siyang pinanggagalingan ng karamihan ng malaking kayamanan ng pamilyang iyan ng mga saserdote.​—Juan 18:13.

      c Itinuturing ng mga Pariseo na ang karaniwang mga tao, na walang alam sa Kautusan, ay mga “isinumpa.” (Juan 7:49) Sinabi nila na hindi dapat turuan ang mga taong ito ni makipagnegosyo sa kanila ni makisalo sa kanila sa pagkain ni manalanging kasama nila. Kung may magpapahintulot sa kaniyang anak na babae na mapangasawa ng isa sa mga ito, masahol pa iyon sa paglalantad sa kaniya sa maiilap na hayop. Ipinalalagay nilang hindi kabilang ang mga taong maralitang ito sa pag-asa sa pagkabuhay-muli.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Awit 45:1-7 Bakit tayo makapagtitiwalang itataguyod ng Mesiyanikong Hari ang perpektong katarungan?

      • Mateo 12:19-21 Ayon sa hula, paano pakikitunguhan ng Mesiyas ang mga naghihirap?

      • Mateo 18:21-35 Paano itinuro ni Jesus na ang tunay na katarungan ay laging may kasamang awa?

      • Marcos 5:25-34 Paano ipinakita ni Jesus na dahil makatarungan ang Diyos, isinasaalang-alang Niya ang kalagayan ng isang tao?

  • “Maging Makatarungan” sa Paglakad Kasama ng Diyos
    Maging Malapít kay Jehova
    • Pinatitibay ng dalawang elder ang isang sister at ang dalawang anak nito. Nakikinig silang mabuti sa sinasabi niya.

      KABANATA 16

      “Maging Makatarungan” sa Paglakad Kasama ng Diyos

      1-3. (a) Bakit may utang na loob tayo kay Jehova? (b) Ano ang sukling hinihingi sa atin ng ating maibiging Tagapagligtas?

      ISIPIN mong nakulong ka sa isang lumulubog na barko. Nang sandaling nawawalan ka na ng pag-asa, dumating ang isang tagapagligtas at hinila kang palabas. Nakahinga ka nang maluwag habang inilalayo ka ng iyong tagapagligtas mula sa panganib at sinasabi: “Ligtas ka na”! Hindi ba’t pakiramdam mo’y may utang na loob ka sa taong iyon? Sa totoo lamang, talaga ngang utang mo sa kaniya ang iyong buhay.

      2 Sa ilang aspekto, inilalarawan nito ang ginawa ni Jehova para sa atin. Tiyak ngang may utang na loob tayo sa kaniya. Siya’y naglaan ng pantubos, anupat nangyari na tayo’y mailigtas mula sa kuko ng kasalanan at kamatayan. Nadarama nating tayo’y ligtas sa pagkaalam na habang tayo’y nagsasagawa ng pananampalataya sa napakahalagang haing iyan, ang ating mga kasalanan ay patatawarin, at ang ating walang-hanggang kinabukasan ay tiyak. (1 Juan 1:7; 4:9) Gaya ng nakita na natin sa Kabanata 14, ang pantubos ay isang sukdulang kapahayagan ng pag-ibig at katarungan ni Jehova. Paano tayo dapat tumugon?

      3 Angkop lamang na isaalang-alang ang sukling hinihingi sa atin ng ating maibiging Tagapagligtas. Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Mikas: “Sinabi niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti. At ano lang ang hinihiling sa iyo ni Jehova? Ang maging makatarungan, ibigin ang katapatan, at maging mapagpakumbaba sa paglakad na kasama ng iyong Diyos!” (Mikas 6:8) Pansinin na ang isa sa mga bagay na hinihingi ni Jehova sa atin bilang sukli ay na tayo’y “maging makatarungan.” Paano natin ito magagawa?

      Pagtataguyod sa “Kung Ano ang Matuwid”

      4. Paano natin nalalaman na inaasahan ni Jehova na tayo’y mamumuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan?

      4 Si Jehova ay umaasang tayo’y mamumuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan ng tama at mali. Yamang ang kaniyang mga pamantayan ay makatarungan at matuwid, tayo’y nagtataguyod ng katarungan at katuwiran kapag tayo’y sumusunod sa mga ito. “Matuto kayong gumawa ng mabuti; hanapin ninyo ang katarungan,” ang sabi sa Isaias 1:17. Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na “hanapin . . . ang katuwiran.” (Zefanias 2:3) Hinihimok din tayo nito na “isuot ang bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa kung ano ang matuwid.” (Efeso 4:24) Ang tunay na katuwiran—tunay na katarungan—ay umiiwas sa karahasan, karumihan, at imoralidad, sapagkat nilalabag ng mga ito ang bagay na banal.​—Awit 11:5; Efeso 5:3-5.

      5, 6. (a) Bakit hindi isang pabigat para sa atin ang sumunod sa mga pamantayan ni Jehova? (b) Paano ipinapakita sa Bibliya na ang pagtataguyod sa katuwiran ay isang patuluyang gawain?

      5 Isang pabigat ba para sa atin na sumunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova? Hindi. Ang isang pusong malapít kay Jehova ay hindi nayayamot sa kaniyang mga kahilingan. Dahil sa iniibig natin ang ating Diyos at ang lahat ng nakapaloob sa kaniyang pagkapersona, nanaisin nating mamuhay sa paraang nakalulugod sa kaniya. (1 Juan 5:3) Alalahanin na “iniibig [ni Jehova] ang matuwid na mga gawa.” (Awit 11:7) Kung talagang nais nating tularan ang katarungan ng Diyos, o ang katuwiran niya, dapat nating ibigin ang iniibig ni Jehova at kapootan ang kinapopootan niya.​—Awit 97:10.

      6 Hindi madali para sa di-perpektong mga tao na magtaguyod ng katuwiran. Dapat nating hubarin ang lumang personalidad pati na ang makasalanang mga gawain nito at isuot ang bago. Sinasabi sa Bibliya na ang bagong personalidad ay “nagiging bago” sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman. (Colosas 3:9, 10) Ang pananalitang “nagiging bago” ay nagpapahiwatig na ang pagsusuot ng bagong personalidad ay isang patuluyang gawain, isa na nangangailangan ng lubusang pagsisikap. Gaano man ang ating pagsisikap na gawin ang tama, may mga pagkakataon na dahil sa ating pagiging likas na makasalanan ay nagkakamali tayo sa isip, salita, o gawa.​—Roma 7:14-20; Santiago 3:2.

      7. Paano natin dapat ituring ang mga kabiguan sa ating mga pagsisikap na itaguyod ang katuwiran?

      7 Paano natin ituturing ang mga kabiguan sa ating mga pagsisikap na itaguyod ang katuwiran? Mangyari pa, hindi natin nanaisin na pagaanin ang bigat ng kasalanan. Kasabay nito, hindi tayo dapat sumuko kailanman, anupat nakadaramang hindi tayo karapat-dapat maglingkod kay Jehova dahil sa ating mga pagkukulang. Ang ating Diyos na may magandang loob ay gumawa ng paglalaan upang maging kalugod-lugod ulit sa kaniya ang mga taimtim na nagsisisi. Isaalang-alang ang nakapagpapalakas-loob na mga salita ni apostol Juan: “Sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para hindi kayo magkasala.” Subalit sinabi pa niya: “Pero kung magkasala ang sinuman [dahil sa pagiging di-perpekto], may katulong tayo na kasama ng Ama, ang matuwid na si Jesu-Kristo.” (1 Juan 2:1) Oo, inilaan ni Jehova ang haing pantubos ni Jesus upang tayo’y kaayaayang makapaglingkod sa Kaniya sa kabila ng ating pagiging likas na makasalanan. Hindi ba’t nagpapakilos iyan sa atin na gawin ang ating buong makakaya upang mapaluguran si Jehova?

      Ang Mabuting Balita at ang Katarungan ng Diyos

      8, 9. Paano itinatanghal ng paghahayag ng mabuting balita ang katarungan ni Jehova?

      8 Magiging makatarungan tayo—sa katunayan, matutularan natin ang katarungan ng Diyos—sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa pangangaral sa iba ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ano ang kaugnayan ng katarungan ni Jehova at ng mabuting balita?

      9 Hindi wawakasan ni Jehova ang masamang sistemang ito nang hindi muna nagbibigay ng babala. Sa kaniyang hula tungkol sa mangyayari sa panahon ng kawakasan, sinabi ni Jesus: “Kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.” (Marcos 13:10; Mateo 24:3) Ang paggamit ng salitang “muna” ay nagpapahiwatig na may iba pang mga pangyayaring susunod sa pandaigdig na gawaing pangangaral. Kabilang sa mga pangyayaring iyon ang inihulang malaking kapighatian, na mangangahulugan ng pagpuksa sa masasama at maghahanda ng daan sa isang matuwid na bagong sanlibutan. (Mateo 24:14, 21, 22) Tiyak na walang sinuman ang maaaring magparatang kay Jehova na siya’y di-makatarungan sa masasama. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng babala, binibigyan niya ang mga ito ng sapat na pagkakataon upang baguhin ang kanilang mga daan at sa gayo’y makaiwas sa pagkapuksa.​—Jonas 3:1-10.

      10, 11. Paano ipinamamalas ng ating pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ang makadiyos na katarungan?

      10 Paano ipinamamalas ng ating pangangaral ng mabuting balita ang katarungan ng Diyos? Una sa lahat, nararapat lamang na gawin natin ang ating makakaya upang tulungan ang iba na makaligtas. Isaalang-alang muli ang ilustrasyon ng pagkakaligtas mula sa isang lumulubog na barko. Bagaman ligtas ka nang nakasakay sa lifeboat, tiyak na nanaisin mong tulungan ang iba na nasa tubig pa rin. Sa katulad na paraan, tayo’y may obligasyon doon sa mga nakikipagpunyagi pa rin sa “katubigan” ng masamang daigdig na ito. Totoo, marami ang tumatanggi sa ating mensahe. Subalit habang patuloy na pinagtitiisan sila ni Jehova, pananagutan natin na ibigay sa kanila ang pagkakataong “magsisi” at sa gayo’y mapabilang sa mga makaliligtas.​—2 Pedro 3:9.

      11 Sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita sa lahat ng ating nakakausap, itinatanghal natin ang katarungan sa iba pang mahalagang paraan: Ipinapakita nating tayo’y hindi nagtatangi. Alalahanin na “hindi nagtatangi ang Diyos, kundi tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.” (Gawa 10:34, 35) Upang matularan natin ang Kaniyang katarungan, hindi natin dapat hatulan nang patiuna ang mga tao. Sa halip, kailangan nating ibahagi ang mabuting balita sa iba anuman ang kanilang lahi, kalagayan sa lipunan, o kalagayan sa pananalapi. Sa gayon ay ibinibigay natin sa lahat ng makikinig ang pagkakataong makarinig at tumugon sa mabuting balita.​—Roma 10:11-13.

      Kung Paano Natin Pinakikitunguhan ang Iba

      12, 13. (a) Bakit hindi tayo dapat magpadalos-dalos sa paghatol sa iba? (b) Ano ang kahulugan ng payo ni Jesus na “huwag na kayong humatol” at “huwag na kayong manghusga”? (Tingnan din ang talababa.)

      12 Magiging makatarungan din tayo sa pamamagitan ng pakikitungo sa iba sa paraang gaya ng pakikitungo sa atin ni Jehova. Napakadali ngang humatol sa iba, anupat pinupulaan ang kanilang mga pagkakamali at kinukuwestiyon ang kanilang mga motibo. Subalit sino kaya sa atin ang magnanais na suriin ni Jehova ang ating mga motibo at mga pagkukulang sa walang-awang paraan? Hindi ganiyan ang pakikitungo ni Jehova sa atin. Ang salmista ay nagsabi: “Kung mga pagkakamali ang binabantayan mo, O Jah, sino, O Jehova, ang makatatayo?” (Awit 130:3) Hindi ba natin dapat ipagpasalamat na ang ating makatarungan at maawaing Diyos ay hindi nag-uukol ng pansin sa ating mga pagkukulang? (Awit 103:8-10) Kung gayon, paano natin dapat pakitunguhan ang iba?

      13 Kung nauunawaan natin ang maawaing katangian ng katarungan ng Diyos, hindi tayo magpapadalos-dalos sa paghatol sa iba tungkol sa mga bagay na wala namang kinalaman sa atin o hindi naman gaanong mahalaga. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, si Jesus ay nagbabala: “Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan.” (Mateo 7:1) Ayon sa ulat ni Lucas, idinagdag ni Jesus: “Huwag na kayong manghusga, at hinding-hindi kayo huhusgahan.”a (Lucas 6:37) Ipinakita ni Jesus na batid niyang ang di-perpektong mga tao ay may tendensiyang maging mapanghatol. Ang sinuman sa mga tagapakinig niya na may ugaling humatol nang may kalupitan sa iba ay kailangang tumigil na sa paggawa nito.

      Sister na nangangaral sa isang may-edad na lalaki na may kapansanan at sa isang batang babae.

      Itinatanghal natin ang makadiyos na katarungan kapag ibinabahagi natin ang mabuting balita sa iba nang walang pagtatangi

      14. Sa anong mga dahilan kung kaya dapat na ‘huwag na tayong humatol’ sa iba?

      14 Bakit dapat na ‘huwag na tayong humatol’ sa iba? Una sa lahat, limitado lamang ang ating awtoridad. Ang alagad na si Santiago ay nagpapaalaala sa atin: “Iisa lang ang Tagapagbigay-Batas at Hukom”—si Jehova. Kaya si Santiago ay mariing nagtatanong: “Sino ka para hatulan ang kapuwa mo?” (Santiago 4:12; Roma 14:1-4) Karagdagan pa, napakadali nating makagawa ng di-makatarungang paghatol dahil sa ating pagiging likas na makasalanan. Ang maraming saloobin at motibo—pati na ang pagtatangi, nasaktang pride, inggit, at pagmamatuwid sa sarili—ay maaaring pumilipit sa pananaw natin sa ating kapuwa. May iba pa tayong mga limitasyon, at ang pagsasaisip sa mga ito ay pipigil sa atin na magpadalos-dalos sa paghanap ng mali sa iba. Hindi tayo nakababasa ng puso; ni nakaaalam ng lahat ng personal na kalagayan ng iba. Kung gayon, sino tayo para paratangan ng mga maling motibo ang ating kapananampalataya o punahin ang kanilang mga pagsisikap na maglingkod sa Diyos? Higit na mas mabuti nga na tularan si Jehova sa paghanap sa kabutihan ng ating mga kapatid sa halip na pag-ukulan ng pansin ang kanilang mga pagkukulang!

      15. Anong pananalita at pakikitungo ang walang dako sa gitna ng mga mananamba ng Diyos, at bakit?

      15 Kumusta naman ang mga miyembro ng ating pamilya? Nakalulungkot, ang ilan sa pinakamalulupit na paghatol sa ngayon ay ipinahahayag sa isang lugar na dapat sana’y isang pugad ng kapayapaan—ang tahanan. Karaniwan nang naririnig ang tungkol sa mapang-abusong mga asawang lalaki, asawang babae, o mga magulang na “humahatol” sa mga miyembro ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng walang-humpay na pang-aabuso sa salita o sa pisikal. Subalit ang masasamang salita, maaanghang na panlilibak, at pananakit sa pisikal ay walang dako sa gitna ng mga mananamba ng Diyos. (Efeso 4:29, 31; 5:33; 6:4) Ang payo ni Jesus na “huwag na kayong humatol” at “huwag na kayong manghusga” ay patuloy na kumakapit kahit tayo’y nasa tahanan. Alalahanin na ang pagiging makatarungan ay nagsasangkot ng pakikitungo sa iba sa paraang gaya ng pakikitungo ni Jehova sa atin. At ang ating Diyos ay hindi kailanman naging mabalasik o malupit sa pakikitungo sa atin. Sa halip, “napakamapagmahal” niya sa mga umiibig sa kaniya. (Santiago 5:11) Tunay ngang isang kahanga-hangang halimbawa na dapat nating tularan!

      Mga Elder na Naglilingkod “Para sa Katarungan”

      16, 17. (a) Ano ang inaasahan ni Jehova sa mga elder? (b) Ano ang kailangang gawin kapag ang nagkasala ay hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi, at bakit?

      16 Tayong lahat ay may pananagutang maging makatarungan, subalit ang mga elder sa kongregasyong Kristiyano lalo na ang may pananagutan sa bagay na ito. Pansinin ang makahulang paglalarawan sa ‘mga prinsipe,’ o elder, na iniulat ni Isaias: “Isang hari ang mamumuno para sa katuwiran, at may mga prinsipeng mamamahala para sa katarungan.” (Isaias 32:1) Oo, inaasahan ni Jehova na ang mga elder ay maglilingkod kasuwato ng katarungan. Paano nila ito magagawa?

      17 Alam na alam ng espirituwal na kuwalipikadong mga lalaking ito na ang katarungan, o katuwiran, ay humihiling na ang kongregasyon ay dapat na panatilihing malinis. Kung minsan, ang mga elder ay kinakailangang humatol sa mga kaso ng malubhang pagkakasala. Kapag nagsasagawa nito, naaalaala nila na hangad ng katarungan ng Diyos na maglawit ng awa hangga’t maaari. Sa gayon ay sinisikap nilang maakay ang nagkasala tungo sa pagsisisi. Subalit paano kaya kung ang nagkasala ay hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi sa kabila ng gayong mga pagsisikap na matulungan siya? Taglay ang ganap na katarungan, iniuutos ng Salita ni Jehova na kailangan nang gumawa ng isang matatag na hakbang: “Alisin ninyo ang masama sa gitna ninyo.” Nangangahulugan iyan na ititiwalag siya mula sa kongregasyon. (1 Corinto 5:11-13; 2 Juan 9-11) Nalulungkot ang mga elder kapag kinailangang gumawa ng gayong hakbang, subalit inaamin nilang nararapat lamang iyon upang maingatan ang moral at espirituwal na kalinisan ng kongregasyon. Magkagayunman, inaasahan nila na balang-araw, ang nagkasala ay matatauhan at babalik sa kongregasyon.​—Lucas 15:17, 18.

      18. Ano ang tinatandaan ng mga elder kapag nagbibigay ng salig-Bibliyang payo sa iba?

      18 Ang paglilingkod kasuwato ng katarungan ay nagsasangkot din ng pag-aalok ng payo na salig sa Bibliya kung kinakailangan. Mangyari pa, hindi hinahanap ng mga elder ang kapintasan ng iba. Ni sinusunggaban man nila ang bawat pagkakataon upang makapagbigay ng pagtutuwid. Subalit baka ang isang kapananampalataya ay “makagawa ng maling hakbang nang hindi niya namamalayan.” Yamang inaalaala na ang katarungan ng Diyos ay hindi malupit at hindi rin naman walang pakiramdam, ang mga elder ay mauudyukang “magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa mahinahong paraan.” (Galacia 6:1) Kaya naman, hindi pagagalitan ng mga elder ang nagkasala o pagwiwikaan ng masasakit na salita. Sa halip, ang payo na ibinibigay sa maibiging paraan ay magpapatibay-loob sa tumatanggap nito. Kahit na kung tuwirang sumasaway—anupat deretsong binabalangkas ang mga kahihinatnan ng maling landasin—tinatandaan ng mga elder na ang isang nagkasalang kapananampalataya ay isang tupa sa kawan ni Jehova.b (Lucas 15:7) Kapag ang payo o pagsaway ay maliwanag na nauudyukan ng pag-ibig at ibinibigay nang may pag-ibig, malamang na maibalik sa ayos ang nagkasala.

      19. Anong mga pasiya ang kinakailangang gawin ng mga elder, at saan nila dapat ibatay ang gayong mga pasiya?

      19 Ang mga elder ay madalas na kinakailangang gumawa ng mga pasiyang makaaapekto sa kanilang mga kapananampalataya. Halimbawa, ang mga elder paminsan-minsan ay nagpupulong upang isaalang-alang kung ang ibang mga kapatid na lalaki sa kongregasyon ay kuwalipikado nang irekomenda bilang mga elder o ministeryal na lingkod. Alam ng mga elder ang kahalagahan ng pagiging walang kinikilingan. Hinahayaan nila na ang mga kahilingan ng Diyos para sa gayong mga pag-aatas ang pumatnubay sa kanila sa pagpapasiya, anupat hindi umaasa sa basta personal na mga damdamin lamang. Sa gayon ay kumikilos sila ‘nang patas at sinusuri muna nilang mabuti ang lahat ng bagay bago magdesisyon.’—1 Timoteo 5:21.

      20, 21. (a) Ang mga elder ay nagsisikap na maging ano, at bakit? (b) Ano ang magagawa ng mga elder upang matulungan ang “mga pinanghihinaan ng loob”?

      20 Ang mga elder ay naglalapat ng katarungan ng Diyos sa iba pang mga paraan. Matapos ihula na ang mga elder ay maglilingkod “para sa katarungan,” si Isaias ay nagpatuloy: “Ang bawat isa ay magiging gaya ng taguan mula sa ihip ng hangin, isang kublihan mula sa malakas na ulan, gaya ng mga batis sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa tuyot na lupain.” (Isaias 32:1, 2) Kaya naman, ang mga elder ay nagsisikap na maging mga bukal ng kaaliwan at kaginhawahan para sa kanilang mga kapuwa mananamba.

      21 Sa ngayon, dahil sa lahat ng problemang nakapagpapahina ng loob, marami ang nangangailangan ng pampatibay. Mga elder, ano ang magagawa ninyo upang matulungan ang “mga pinanghihinaan ng loob”? (1 Tesalonica 5:14) Pakinggan silang taglay ang empatiya. (Santiago 1:19) Baka kailangang ihinga nila sa isang mapagkakatiwalaan ang mga álalahanín nila. (Kawikaan 12:25) Tiyakin ninyo sa kanila na sila’y kailangan, mahalaga, at mahal ni Jehova at ng mga kapatid. (1 Pedro 1:22; 5:6, 7) Karagdagan pa, maaari kayong manalanging kasama nila at para sa kanila. Ang pakikinig sa isang elder na sumasambit ng taimtim na panalangin alang-alang sa kanila ay lubhang nakaaaliw. (Santiago 5:14, 15) Ang inyong maibiging pagsisikap upang tulungan ang mga nanlulumo ay hindi maaaring di-mapansin ng Diyos ng katarungan.

      Ipinamamalas ng mga elder ang katarungan ni Jehova kapag pinatitibay nila ang mga pinanghihinaan ng loob

      22. Sa ano-anong paraan matutularan natin ang katarungan ni Jehova, at ano ang resulta?

      22 Tunay ngang tayo’y lalong napapalapít kay Jehova kapag tinutularan natin ang kaniyang katarungan! Kapag itinataguyod natin ang kaniyang matuwid na mga pamantayan, ibinabahagi natin sa iba ang nagliligtas-buhay na mabuting balita, at ang pinapansin natin sa iba ay ang mabubuting bagay sa halip na ang kanilang mga kamalian, itinatanghal natin ang makadiyos na katarungan. Mga elder, kapag iniingatan ninyo ang kalinisan ng kongregasyon, nagbibigay kayo ng nakapagpapatibay na payo mula sa Kasulatan, gumagawa kayo ng walang-kinikilingang mga desisyon, at pinatitibay ninyo ang mga pinanghihinaan ng loob, ipinamamalas ninyo ang makadiyos na katarungan. Tiyak ngang malulugod ang puso ni Jehova sa pagdungaw niya mula sa langit at makita ang kaniyang bayan na nagsisikap na “maging makatarungan” sa paglakad na kasama ng kanilang Diyos!

      a Ang ilang salin ay nagsasabing “huwag kayong humatol” at “huwag kayong manghusga.” Ang gayong mga salin ay nagpapahiwatig na “huwag kayong magsimulang humatol” at “huwag kayong magsimulang manghusga.” Gayunman, ang mga manunulat ng Bibliya ay gumagamit dito ng negatibong utos na nasa panahunang pangkasalukuyan (patuluyan). Kaya ang inilalarawang pagkilos ay kasalukuyang nagaganap subalit kailangan nang ihinto.

      b Sa 2 Timoteo 4:2, sinasabi ng Bibliya na ang mga elder kung minsan ay dapat na ‘sumaway, magbabala, magpayo.’ Ang salitang Griego na isinaling “magpayo” (pa·ra·ka·leʹo) ay maaaring mangahulugang “magpatibay-loob.” Ang kaugnay na salitang Griego na pa·raʹkle·tos ay maaaring tumukoy sa isang tagapagtanggol sa legal na usapin. Sa gayon, kahit na ang mga elder ay nagbibigay ng mahigpit na pagsaway, sila’y dapat na maging mga katulong para sa mga nangangailangan ng espirituwal na pagsaklolo.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Deuteronomio 1:16, 17 Ano ang iniutos ni Jehova sa mga hukom sa Israel, at ano ang maaaring matutuhan ng mga elder mula rito?

      • Jeremias 22:13-17 Nagbababala si Jehova laban sa anong di-makatarungang mga gawa, at ano ang kailangan sa pagtulad sa kaniyang katarungan?

      • Mateo 7:2-5 Bakit hindi tayo dapat magpadalos-dalos na hanapin ang mga kamalian ng ating mga kapananampalataya?

      • Santiago 2:1-9 Paano itinuturing ni Jehova ang pagpapakita ng paboritismo, at paano natin maaaring ikapit ang payong ito sa ating pakikitungo sa iba?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share