Magpakita ng Personal na Interes—Sa Pamamagitan ng Pagiging Mabait
1 Naalaala ng isang babae na may maling akala sa mga Saksi ang kauna-unahang pagkakataon na makausap niya ang mga Saksi ni Jehova: “Hindi ko na natatandaan kung ano ang aming pinag-usapan, ngunit ang natatandaan ko, napakabait niya sa akin, at siya’y lubhang mapagpatuloy at mapagpakumbaba. Talagang naakit ako sa kaniyang personalidad.” Itinatampok ng mga komentong ito ang kahalagahan ng pagpapakita ng taimtim at personal na interes sa mga pinangangaralan natin.—Fil. 2:4.
2 Ang Pag-ibig ay Mabait: Ang isang paraan upang maipakita natin ang pag-ibig sa iba ay sa pamamagitan ng pagiging mabait. (1 Cor. 13:4) Ang isang mabait na tao ay interesado sa kapakanan ng iba, anupat sinisikap na tulungan sila. Siyempre pa, ang pangangaral mismo ay isa nang gawa ng kabaitan. Ngunit makikita ang ating tunay na pagmamalasakit sa mga tao hindi lamang sa pamamagitan ng pangangaral sa kanila. Ang lahat ng aspekto ng ating pakikitungo sa mga tao—ang ating pagiging palakaibigan, mabuting paggawi, paraan ng pakikinig sa kanila, mga bagay na sinasabi natin at kung paano natin sinasabi ang mga ito, maging ang ekspresyon ng ating mukha kapag nakikipag-usap sa kanila—ay magsisiwalat na talagang nagmamalasakit tayo.—Mat. 8:2, 3.
3 Ang maibiging pagmamalasakit sa mga tao ay magpapakilos din sa atin na tumulong sa praktikal na mga paraan. Habang nangangaral sa bahay-bahay, isang payunir na brother ang kaagad na pinaalis ng isang may-edad nang biyuda nang mabatid nito na siya ay isang Saksi. Binanggit ng biyuda na nang tumunog ang doorbell, nasa kusina siya at nakatuntong sa isang hagdan upang palitan sana ang bombilya. “Delikado po na mag-isa lang kayong gumagawa niyan,” ang sabi ng brother. Pinapasok siya ng biyuda. Pinalitan ng brother ang bombilya at pagkatapos ay umalis na. Pagkaraan ng ilang sandali, dumating ang anak na lalaki ng biyuda upang kumustahin siya, at ikinuwento ng biyuda ang nangyari. Humanga ang anak anupat sinikap niyang hanapin ang brother upang magpasalamat. Umakay ito sa mainam na pag-uusap at naging dahilan upang tanggapin ng anak ang isang pag-aaral sa Bibliya.
4 Sa pamamagitan ng pagiging mabait, naipakikita natin ang pag-ibig ni Jehova sa mga tao at napagaganda nito ang mensahe ng Kaharian. Kaya nga, palagi nawa nating ‘irekomenda ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging mabait.’—2 Cor. 6:4, 6.