Ano ang Nagpapaligaya sa Tao?
Sa nakalipas na dalawang dekada isang pangkat ng mga mananaliksik sa buong daigdig ang nagtaguyod ng isang sistematikong pag-aaral tungkol sa kaligayahan. Ang kanilang natuklasan? “Ang kaligayahan ay waring hindi depende sa panlabas na mga kalagayan,” ang ulat ng magasing Scientific American.
Ang siyentipikong babasahing ito ay nagsabi rin: “Ang kayamanan ay hindi rin nangangahulugan ng kaligayahan. Ang mga tao ay hindi naging mas maligaya sa panahong ang kanilang kultura ay naging mas mayaman. . . . Sa karamihan ng mga bansa kakaunti lamang ang kaugnayan sa pagitan ng kinikita at ng kaligayahan.”
Ipinakikita ng mga pagsusuri ang apat na katangian na nagpapakilala sa mga taong maligaya: Naiibigan nila ang kanilang sarili at may mataas na paggalang sa sarili, nadarama nilang napangangasiwaan nila ang kanilang personal na buhay, sila’y puno ng pag-asa, at sila’y palakaibigan. Bukod pa riyan, ang mabubuting pag-aasawa at malapit na personal na mga kaugnayan ay mga salik sa maligayang buhay, at waring nakatutulong ito sa mabuting kalusugan at mas mahabang buhay.
Kapansin-pansin na ang Scientific American ay nag-ulat: “Ang mga taong aktibo sa relihiyon ay nag-ulat din ng higit na kaligayahan. Natuklasan ng isang surbey na isinagawa ng Gallup na ang lubhang relihiyosong tao ay dalawang ulit na nagpahayag na napakaligaya nila kaysa roon sa hindi gaanong nasasangkot sa espirituwal na gawain. Nasumpungan din ng iba pang surbey, kabilang na ang tulung-tulong na pagsusuri ng 16 na bansa sa 166,000 katao sa 14 na bansa, na ang napaulat na kaligayahan at kasiyahan sa buhay ay nadagdagan dahil sa mas matibay na pakikiugnay sa relihiyon at madalas na pagdalo sa mga serbisyo sa pagsamba.”
Isiniwalat ng salmistang si David noong una na ang personal na kaligayahan ay may malapit na kaugnayan sa nagkakaisang pagsamba sa Diyos na Jehova, na sumulat: “Ako’y nagagalak nang kanilang sabihin sa akin: ‘Tayo’y pumaroon sa bahay ni Jehova.’”—Awit 122:1.
Hindi kataka-taka na hinimok ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon”! (Hebreo 10:24, 25) Tunay, ang pagtitipon upang sambahin ang Diyos na kasama niyaong mga may katulad na pananampalataya ay isang nakagagalak na pangyayari para sa mga mangingibig sa katotohanan ng Bibliya. Nasumpungan ng milyun-milyong Saksi ni Jehova na ito’y totoo at inaanyayahan kayong maranasan mismo ito sa pakikisama sa kanila sa pagsamba sa isang Kingdom Hall na malapit sa inyo.