Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Sa Ating Kakila-kilabot na mga Panahon, Sino Talaga ang Mapagkakatiwalaan Mo?
    Ang Bantayan—1988 | Abril 15
    • “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.”​—AWIT 146:3.

  • Sa Ating Kakila-kilabot na mga Panahon, Sino Talaga ang Mapagkakatiwalaan Mo?
    Ang Bantayan—1988 | Abril 15
    • Nawawala ang Pagtitiwala

      3. Ano ang nagpapatotoo na ang pagtitiwala ay nawawala na sa panahon natin?

      3 Sa kakila-kilabot na mga panahong ito, kailangang-kailangan natin ang iba na mapagtitiwalaan natin, yaong mga magiging matapat, na tumutulong kung panahon ng pangangailangan. Subalit marami ang nakadarama na sila’y binigo niyaong mga pinagtiwalaan nila. Isang pahayagan sa isang bansa ang nagsabi: “Ang mga Tao ay Hindi na Nagtitiwala sa Karamihan ng mga Pangmadlang Institusyon.” Ang bahagyang-bahagyang pinagtitiwalaan ay ang mga lider pulitiko at mga nangungulo sa negosyo. Ang di-pagtitiwala ay naging palasak din sa pamilya, gaya ng pinatutunayan ng maraming diborsiyo. Sa mga ilang bansa, mayroong diborsiyo para sa bawat tatlong pag-aasawa o isa pa nga para sa bawat dalawa. Sa isang bansa, 70-porsiyento ng lahat ng mga bagong pag-aasawa ang natatapos sa diborsiyo hindi lalampas ang sampung taon! Kaya naman ang pagtitiwala ay patuloy na nawawala. Ang kawalang-tiwala ang humahalili. Hindi na pambihira ang komento ng isang tao na nagsabi: “Hindi na ako nagtitiwala sa kaninuman.”

      4. Paanong maraming kabataan ang apektado ng takot?

      4 Napakamalaganap ang kawalang-tiwala dahil sa ito ang pinakakakila-kilabot na panahon sa buong kasaysayan ng tao. Nasaksihan sa siglong ito ang dalawang digmaang pandaigdig at marami pang mga ibang digmaan na pumuti ng buhay ng mahigit na isang daang milyong katao. Ngayon, ang mga armas nukleyar ang nagbabanta na lumipol sa lahat ng buhay sa lupa. At apektado nito ang pagtitiwala ng kahit na mismong mga bata. Isang lathalaing medikal ang nag-ulat: “Parami nang paraming bata, kahit ang bagong natututong lumakad, ang natatakot sa banta ng digmaang nuklear.” Isang pahayagan sa Canada ang nagsabi na mayroon na ngayong “kawalang-tiwala, kalungkutan, kapaitan at pagkadama ng kawalang-magawa, na masasaksihan sa maraming kabataan. Isang kabataan ang nagsabi: “Hindi namin inaakalang kami’y protektado ng mga adulto. Baka kami magsilalaki na siyang pinakawalang-tiwala na salinlahi kailanman.”

      5. Kung sila’y makapagsasalita lamang, ano kaya ang sasabihin ng pinakawalang-malay at musmos na grupo ng mga bata?

      5 At ano kaya ang sasabihin ng isa pang grupo ng mga bata​—kung sila’y makapagsasalita lamang​—tungkol sa pagkadama nilang sila’y hindi protektado ng mga adulto? Ang ibig naming sabihin ay yaong mga pinapaslang sa pamamagitan ng aborsiyon bago sila isilang. Ayon sa isang pagtaya na ginawa ang dami ng mga aborsiyon sa buong daigdig ay humigit-kumulang 55 milyon taun-taon. Anong laking kataksilan sa pinakawalang-malay at musmos na bahagi ng sangkatauhan!

      6. Paanong dahil sa krimen ay lalong lumubha sa panahon natin ang kawalang-tiwala?

      6 Lalong lumubha ang kawalang-tiwala dahilan sa isa pang lumulubhang pagkatakot sa panahon natin: ang takot na maging biktima ng krimen. Marami ngayon ang gumagaya sa babaing nagsabi na siya’y natutulog na may rebolber sa ilalim ng kaniyang unan. Isa pang nahihintakutang babae ang nagsabi: “Ako’y nayayamot. . . . Ang lola ko’y hindi kailanman nagkandado ng kaniyang mga pinto.” Kaya naman, isang editoryal ng pahayagan sa Puerto Rico ang nagsabi: “Ang mga nakakulong ay tayo,” oo, sa ating sariling de-rehas at nakakandadong mga tahanan. Ang mga pagkatakot na ito ay maiinam na dahilan. Sa Estados Unidos, halimbawa, sa tatlong babae ay isa ang malamang na halayin sa panahong kaniyang ikinabubuhay. Binanggit ng pangkalahatang seruhano roon na “mga apat na milyong Amerikano ang nagiging biktima ng malulubhang karahasan taun-taon​—pamamaslang, panggagahasa, panggugulpi sa asawang babae, pag-aabuso sa bata, pandarahas.” Ang gayong krimen ay karaniwan sa maraming bansa, at isa pa ring pumipinsala sa pagtitiwala ng mga tao sa kanilang kapuwa.

      7. Bakit ang masasamang kalagayan sa kabuhayan ay may nagagawa sa pagkakaroon ng kawalang-tiwala?

      7 Sa di-mauunlad na mga bansa, karamihan ng mga tao ay namumuhay sa karalitaan. Kakaunti ang nagtitiwala na mayroong sinuman na hahango sa kanila buhat dito. Ang pangulo ng isa sa gayong bansa ay nagsabi na sa isang lalawigan, sa bawat 1,000 mga sanggol na isinisilang, 270 ang namamatay bago sila sumapit sa edad na isang taon. Iisa lamang sa bawat 100 bahay ang may tubig. Ang gobyerno ng isa pang bansa ay nagsabi na 60 porsiyento ng mga bata roon ang maralita, at pitong milyong abandonadong mga bata “ang nagsisilaki na hindi marunong bumasa’t sumulat, mga taong sukal ng lipunan at walang hanapbuhay.” Sa Estados Unidos, ang bilang ng mga kabataang walang tahanan ay tinataya na 500,000, subalit ayon sa iba ay mas mataas daw kaysa riyan ang talagang bilang. Gaano bang tiwala ang mailalagak ng gayong mga bata sa kanilang mga magulang, sa lipunan, sa batas at kaayusan, o sa mga pangako ng mga pangulo?

      8. (a) Paanong ang katatagan ng mayayamang bansa at ang ekonomiya ng buong globo ay nanganganib? (b) Hanggang saan mapagtitiwalaan ang mga eksperto upang lumutas ng mga suliranin sa kabuhayan?

      8 Ang mga suliranin sa kabuhayan ay salot kahit na sa mga mayayamang bansa. Kamakailan, ang Estados Unidos ang nagkaroon ng pinakamaraming mga bangkong bangkarote sapol noong Malaking Krisis ng 1930’s. Isang ekonomista ang sumulat: “Ang resulta sa wakas ay isang sistema ng pagbabangko na sa ngayon ay tiyak na marupok gaya rin noong 1920’s,” noong mga panahong bago ito bumagsak. Isang tagapagmasid ang bumanggit ng “sa potensiyal ay isang tagapagwasak na dumarating na bagyo” sa ekonomiya ng daigdig. Isa pa ang nagsabi: “Nadarama na kailangan ang apurahang pagkilos sapagkat ang mga palatandaang ito sa sistema ng mga bansa ay hindi napipinto pa lamang; ito’y dumating na.” Mapagkakatiwalaan ba ang mga ekonomista upang magsilbing gabay sa mga bansa sa ganitong suliranin? Isa sa kanila ang nagsabi na ang kanilang talahulaan “ay totoong nakagigimbal na anupa’t tiyak na ito’y karaniwan nang nagkakalat ng kalituhan.”

      Ligáw na Pag-asa

      9. (a) Ano ang nangyari sa pag-asa na umiiral sa pagpasok ng kasunod na siglo? (b) Bakit hindi lumagda ang mga Saksi ni Jehova sa isang dokumento ng United Nations noong 1945?

      9 Anong laking pagkakaiba ng lahat ng ito sa maaliwalas na pag-asa na umiiral nang ang daigdig ay pumasok sa ika-20 siglo. Nagkaroon ng mga dekada ng bahagyang kapayapaan, at inaakala noon na aabot sa panibagong pagsulong ang kalagayan ng kapayapaan at kaunlaran. Subalit noong 1914 ang Digmaang Pandaigdig I ang nagwasak sa pag-asang iyon. Noong 1945, pagkatapos ng isang lalong kakila-kilabot na pangalawang digmaang pandaigdig, ang Karta ng United Nations ay nilagdaan. Isinulat ng mga bansa ang paglalarawan ng kanilang pangitain pagkatapos ng digmaan ng isang daigdig na puspos ng kapayapaan, kasaganaan, at katarungan. Isang ulat kamakailan ang nagsabi: “Ang katapus-tapusang dokumento ay nilagdaan ng 51 bansa, na kumakatawan sa bawat kontinente, lahi at relihiyon.” Gayunman mayroong isang relihiyon na walang kinatawan, ni ibig man nito na magkaroon ng kinatawan, ng mga Saksi ni Jehova. Batid nila na ang mga pangakong iyon ng kapayapaan, kaunlaran, at katarungan ay hindi matutupad ng anumang bansa ng sanlibutang ito o ng anumang samahan nila, tulad baga ng United Nations.

      10. Ano ang tunay na nangyayari sa ngayon kung ihahambing sa pangarap ng United Nations noong 1945?

      10 Ang ulat ding iyon ay nagsasabi: ‘Makalipas ang apatnapung taon ay waring angkop naman na pagbalikang-tanaw ang mga tunay na pangyayari at ihambing sa mga mithiin. Ang resulta ay nakalulungkot. Nariyan ang mga tunay na nangyayari, isang daigdig na salat sa katarungan, sa katiwasayan, at sagana sa lumalagong karahasan. Ang populasyon na kapos sa pagkain, tubig, tahanan, pangangalaga sa kalusugan, at edukasyon ay patuloy ang mabilis na paglaki. Ito’y wala sa pangarap ng 1945.’ Isinusog pa: ‘Apatnapung taon pagkatapos na magsama-sama ang mga bansa upang siguruhin na lahat ng tao ay maaaring mabuhay na malaya sa takot at pangangailangan, ang tunay na daigdig ng 1980’s ay nasa matinding karalitaan nga para sa humigit-kumulang isang kaapat na bahagi ng sangkatauhan. Sa isang araw, sa katamtaman ay 50,000 ang namamatay dahil sa mga sanhing may kaugnayan sa gutom.’ Gayunman, ang mga bansa ay gumugugol ng mahigit na isang daang milyong dolyar sa digmaan sa bawat oras!

      11. Gaano ang mapagkakatiwalaan sa mga pangako ng tao ng isang lalong mainam na sanlibutan?

      11 Dahilan sa malungkot na ulat na ito pagkatapos ng daan-daang taon ng pagkakataon, tayo ba’y makapagtitiwala sa mga pangako ng tao upang malutas ang mga suliraning ito? Ang gayong mga pangako ay di mapagkakatiwalaan gaya ng mga pananalita ng kapitan ng isang malaking sasakyang-dagat na nagsabi: “Hindi ko maguniguni ang anumang kalagayan na magiging dahilan upang ang isang [malaking] barko ay lumubog. . . . Napagtagumpayan na iyan ng modernong mga gumagawa ng barko.” Isang tripulante ng barkong iyon ang nagsabi sa isang pasahero: “Ang Diyos mismo ay hindi makapaglulubog sa barkong ito.” Subalit, ang barkong iyon, ang Titanic, ay lumubog noong 1912 at napahamak ang 1,500 buhay. Noong 1931 ang National Education Association sa Estados Unidos ay nagsabi na sa pamamagitan ng edukasyon “ang krimen ay halos mapapawi bago sumapit ang 1950.” Noong 1936 isang peryodistang Britaniko ang sumulat na “ang pagkain, damit at tirahan ay makakasinghalaga lamang ng hangin” pagsapit ng 1960’s. Hindi ka ba sumasang-ayon na ang mga tunay na nangyayari ngayon ay nagpapabulaan sa mga pangakong iyan?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share