Sa Ating Kakila-kilabot na mga Panahon, Sino Talaga ang Mapagkakatiwalaan Mo?
“Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.”—AWIT 146:3.
1. Ano ang mapupuna sa panahon natin, at ito’y nagpapakita ng anong pangangailangan?
NANG tayo’y mga bata at nahihintakutan, tayo’y pumupunta sa ating nagmamalasakit na mga magulang para tumanggap ng kaaliwan at proteksiyon dahil sa ating pinagtitiwalaan sila. Bilang mga adulto, kailangan din natin yaong ating mapagtitiwalaan. Ito ay lalo nang kapuna-puna sa mga araw na ito na napakaraming nakatatakot na mga bagay na nangyayari. Sa pagkukomento tungkol sa ating mga panahon, isang pahayagang Aleman ang nagsabi: “Higit kailanman, ang daigdig ay punô ng pagkatakot.” Paulit-ulit, mga estadista, peryodista, at iba pa ang nagpahayag ng kanilang mga pagkatakot dahil sa malulubhang problema na nakaharap ngayon sa sangkatauhan.
2. Paano inihula ang takot at kakulangan ng pagtitiwala na iiral sa salinlahing ito?
2 Ang gayong mga komento ay kasasalaminan lamang ng hulang sinalita ni Jesu-Kristo tungkol sa ating panahon nang kaniyang sabihin na ito’y makikitaan ng palatandaan ng “panggigipuspos ng mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon . . . samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” (Lucas 21:25, 26) Ayon sa hula ng Bibliya “sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan” at na ang mga tao’y magiging ‘maibigin sa kanilang sarili, di-tapat, maninirang puri, at mga traidor.’ Ang mga pananalitang ito ay nagpapakita na ang isang kapuna-puna sa panahon natin ay ang malubhang kakulangan ng pagtitiwala.—2 Timoteo 3:1-4.
Nawawala ang Pagtitiwala
3. Ano ang nagpapatotoo na ang pagtitiwala ay nawawala na sa panahon natin?
3 Sa kakila-kilabot na mga panahong ito, kailangang-kailangan natin ang iba na mapagtitiwalaan natin, yaong mga magiging matapat, na tumutulong kung panahon ng pangangailangan. Subalit marami ang nakadarama na sila’y binigo niyaong mga pinagtiwalaan nila. Isang pahayagan sa isang bansa ang nagsabi: “Ang mga Tao ay Hindi na Nagtitiwala sa Karamihan ng mga Pangmadlang Institusyon.” Ang bahagyang-bahagyang pinagtitiwalaan ay ang mga lider pulitiko at mga nangungulo sa negosyo. Ang di-pagtitiwala ay naging palasak din sa pamilya, gaya ng pinatutunayan ng maraming diborsiyo. Sa mga ilang bansa, mayroong diborsiyo para sa bawat tatlong pag-aasawa o isa pa nga para sa bawat dalawa. Sa isang bansa, 70-porsiyento ng lahat ng mga bagong pag-aasawa ang natatapos sa diborsiyo hindi lalampas ang sampung taon! Kaya naman ang pagtitiwala ay patuloy na nawawala. Ang kawalang-tiwala ang humahalili. Hindi na pambihira ang komento ng isang tao na nagsabi: “Hindi na ako nagtitiwala sa kaninuman.”
4. Paanong maraming kabataan ang apektado ng takot?
4 Napakamalaganap ang kawalang-tiwala dahil sa ito ang pinakakakila-kilabot na panahon sa buong kasaysayan ng tao. Nasaksihan sa siglong ito ang dalawang digmaang pandaigdig at marami pang mga ibang digmaan na pumuti ng buhay ng mahigit na isang daang milyong katao. Ngayon, ang mga armas nukleyar ang nagbabanta na lumipol sa lahat ng buhay sa lupa. At apektado nito ang pagtitiwala ng kahit na mismong mga bata. Isang lathalaing medikal ang nag-ulat: “Parami nang paraming bata, kahit ang bagong natututong lumakad, ang natatakot sa banta ng digmaang nuklear.” Isang pahayagan sa Canada ang nagsabi na mayroon na ngayong “kawalang-tiwala, kalungkutan, kapaitan at pagkadama ng kawalang-magawa, na masasaksihan sa maraming kabataan. Isang kabataan ang nagsabi: “Hindi namin inaakalang kami’y protektado ng mga adulto. Baka kami magsilalaki na siyang pinakawalang-tiwala na salinlahi kailanman.”
5. Kung sila’y makapagsasalita lamang, ano kaya ang sasabihin ng pinakawalang-malay at musmos na grupo ng mga bata?
5 At ano kaya ang sasabihin ng isa pang grupo ng mga bata—kung sila’y makapagsasalita lamang—tungkol sa pagkadama nilang sila’y hindi protektado ng mga adulto? Ang ibig naming sabihin ay yaong mga pinapaslang sa pamamagitan ng aborsiyon bago sila isilang. Ayon sa isang pagtaya na ginawa ang dami ng mga aborsiyon sa buong daigdig ay humigit-kumulang 55 milyon taun-taon. Anong laking kataksilan sa pinakawalang-malay at musmos na bahagi ng sangkatauhan!
6. Paanong dahil sa krimen ay lalong lumubha sa panahon natin ang kawalang-tiwala?
6 Lalong lumubha ang kawalang-tiwala dahilan sa isa pang lumulubhang pagkatakot sa panahon natin: ang takot na maging biktima ng krimen. Marami ngayon ang gumagaya sa babaing nagsabi na siya’y natutulog na may rebolber sa ilalim ng kaniyang unan. Isa pang nahihintakutang babae ang nagsabi: “Ako’y nayayamot. . . . Ang lola ko’y hindi kailanman nagkandado ng kaniyang mga pinto.” Kaya naman, isang editoryal ng pahayagan sa Puerto Rico ang nagsabi: “Ang mga nakakulong ay tayo,” oo, sa ating sariling de-rehas at nakakandadong mga tahanan. Ang mga pagkatakot na ito ay maiinam na dahilan. Sa Estados Unidos, halimbawa, sa tatlong babae ay isa ang malamang na halayin sa panahong kaniyang ikinabubuhay. Binanggit ng pangkalahatang seruhano roon na “mga apat na milyong Amerikano ang nagiging biktima ng malulubhang karahasan taun-taon—pamamaslang, panggagahasa, panggugulpi sa asawang babae, pag-aabuso sa bata, pandarahas.” Ang gayong krimen ay karaniwan sa maraming bansa, at isa pa ring pumipinsala sa pagtitiwala ng mga tao sa kanilang kapuwa.
7. Bakit ang masasamang kalagayan sa kabuhayan ay may nagagawa sa pagkakaroon ng kawalang-tiwala?
7 Sa di-mauunlad na mga bansa, karamihan ng mga tao ay namumuhay sa karalitaan. Kakaunti ang nagtitiwala na mayroong sinuman na hahango sa kanila buhat dito. Ang pangulo ng isa sa gayong bansa ay nagsabi na sa isang lalawigan, sa bawat 1,000 mga sanggol na isinisilang, 270 ang namamatay bago sila sumapit sa edad na isang taon. Iisa lamang sa bawat 100 bahay ang may tubig. Ang gobyerno ng isa pang bansa ay nagsabi na 60 porsiyento ng mga bata roon ang maralita, at pitong milyong abandonadong mga bata “ang nagsisilaki na hindi marunong bumasa’t sumulat, mga taong sukal ng lipunan at walang hanapbuhay.” Sa Estados Unidos, ang bilang ng mga kabataang walang tahanan ay tinataya na 500,000, subalit ayon sa iba ay mas mataas daw kaysa riyan ang talagang bilang. Gaano bang tiwala ang mailalagak ng gayong mga bata sa kanilang mga magulang, sa lipunan, sa batas at kaayusan, o sa mga pangako ng mga pangulo?
8. (a) Paanong ang katatagan ng mayayamang bansa at ang ekonomiya ng buong globo ay nanganganib? (b) Hanggang saan mapagtitiwalaan ang mga eksperto upang lumutas ng mga suliranin sa kabuhayan?
8 Ang mga suliranin sa kabuhayan ay salot kahit na sa mga mayayamang bansa. Kamakailan, ang Estados Unidos ang nagkaroon ng pinakamaraming mga bangkong bangkarote sapol noong Malaking Krisis ng 1930’s. Isang ekonomista ang sumulat: “Ang resulta sa wakas ay isang sistema ng pagbabangko na sa ngayon ay tiyak na marupok gaya rin noong 1920’s,” noong mga panahong bago ito bumagsak. Isang tagapagmasid ang bumanggit ng “sa potensiyal ay isang tagapagwasak na dumarating na bagyo” sa ekonomiya ng daigdig. Isa pa ang nagsabi: “Nadarama na kailangan ang apurahang pagkilos sapagkat ang mga palatandaang ito sa sistema ng mga bansa ay hindi napipinto pa lamang; ito’y dumating na.” Mapagkakatiwalaan ba ang mga ekonomista upang magsilbing gabay sa mga bansa sa ganitong suliranin? Isa sa kanila ang nagsabi na ang kanilang talahulaan “ay totoong nakagigimbal na anupa’t tiyak na ito’y karaniwan nang nagkakalat ng kalituhan.”
Ligáw na Pag-asa
9. (a) Ano ang nangyari sa pag-asa na umiiral sa pagpasok ng kasunod na siglo? (b) Bakit hindi lumagda ang mga Saksi ni Jehova sa isang dokumento ng United Nations noong 1945?
9 Anong laking pagkakaiba ng lahat ng ito sa maaliwalas na pag-asa na umiiral nang ang daigdig ay pumasok sa ika-20 siglo. Nagkaroon ng mga dekada ng bahagyang kapayapaan, at inaakala noon na aabot sa panibagong pagsulong ang kalagayan ng kapayapaan at kaunlaran. Subalit noong 1914 ang Digmaang Pandaigdig I ang nagwasak sa pag-asang iyon. Noong 1945, pagkatapos ng isang lalong kakila-kilabot na pangalawang digmaang pandaigdig, ang Karta ng United Nations ay nilagdaan. Isinulat ng mga bansa ang paglalarawan ng kanilang pangitain pagkatapos ng digmaan ng isang daigdig na puspos ng kapayapaan, kasaganaan, at katarungan. Isang ulat kamakailan ang nagsabi: “Ang katapus-tapusang dokumento ay nilagdaan ng 51 bansa, na kumakatawan sa bawat kontinente, lahi at relihiyon.” Gayunman mayroong isang relihiyon na walang kinatawan, ni ibig man nito na magkaroon ng kinatawan, ng mga Saksi ni Jehova. Batid nila na ang mga pangakong iyon ng kapayapaan, kaunlaran, at katarungan ay hindi matutupad ng anumang bansa ng sanlibutang ito o ng anumang samahan nila, tulad baga ng United Nations.
10. Ano ang tunay na nangyayari sa ngayon kung ihahambing sa pangarap ng United Nations noong 1945?
10 Ang ulat ding iyon ay nagsasabi: ‘Makalipas ang apatnapung taon ay waring angkop naman na pagbalikang-tanaw ang mga tunay na pangyayari at ihambing sa mga mithiin. Ang resulta ay nakalulungkot. Nariyan ang mga tunay na nangyayari, isang daigdig na salat sa katarungan, sa katiwasayan, at sagana sa lumalagong karahasan. Ang populasyon na kapos sa pagkain, tubig, tahanan, pangangalaga sa kalusugan, at edukasyon ay patuloy ang mabilis na paglaki. Ito’y wala sa pangarap ng 1945.’ Isinusog pa: ‘Apatnapung taon pagkatapos na magsama-sama ang mga bansa upang siguruhin na lahat ng tao ay maaaring mabuhay na malaya sa takot at pangangailangan, ang tunay na daigdig ng 1980’s ay nasa matinding karalitaan nga para sa humigit-kumulang isang kaapat na bahagi ng sangkatauhan. Sa isang araw, sa katamtaman ay 50,000 ang namamatay dahil sa mga sanhing may kaugnayan sa gutom.’ Gayunman, ang mga bansa ay gumugugol ng mahigit na isang daang milyong dolyar sa digmaan sa bawat oras!
11. Gaano ang mapagkakatiwalaan sa mga pangako ng tao ng isang lalong mainam na sanlibutan?
11 Dahilan sa malungkot na ulat na ito pagkatapos ng daan-daang taon ng pagkakataon, tayo ba’y makapagtitiwala sa mga pangako ng tao upang malutas ang mga suliraning ito? Ang gayong mga pangako ay di mapagkakatiwalaan gaya ng mga pananalita ng kapitan ng isang malaking sasakyang-dagat na nagsabi: “Hindi ko maguniguni ang anumang kalagayan na magiging dahilan upang ang isang [malaking] barko ay lumubog. . . . Napagtagumpayan na iyan ng modernong mga gumagawa ng barko.” Isang tripulante ng barkong iyon ang nagsabi sa isang pasahero: “Ang Diyos mismo ay hindi makapaglulubog sa barkong ito.” Subalit, ang barkong iyon, ang Titanic, ay lumubog noong 1912 at napahamak ang 1,500 buhay. Noong 1931 ang National Education Association sa Estados Unidos ay nagsabi na sa pamamagitan ng edukasyon “ang krimen ay halos mapapawi bago sumapit ang 1950.” Noong 1936 isang peryodistang Britaniko ang sumulat na “ang pagkain, damit at tirahan ay makakasinghalaga lamang ng hangin” pagsapit ng 1960’s. Hindi ka ba sumasang-ayon na ang mga tunay na nangyayari ngayon ay nagpapabulaan sa mga pangakong iyan?
Ang Isa na Mapagkakatiwalaang Lubusan
12. Sino ang lubusan nating mapagkakatiwalaan, at anong patnubay ang ibinigay niya sa atin?
12 Kung gayon, talagang kailangan natin ang isa na mapagkakatiwalaan natin na tutulong sa atin upang makalampas sa kakila-kilabot na mga panahong ito. Ang isang iyon ay hindi isang tao. Ang sangkatauhan ang naghatid sa kaniyang sarili ng mga suliranin na totoong pagkalalaki na anupa’t hindi niya ito malabasan. Ang Isa na lubusang mapagtitiwalaan ay ang Maylikha ng mga tao, si Jehovang Diyos. Batid niya kung bakit ang daigdig ay nasa kasalukuyang kalagayang ito, kung saan ito patungo, at kung ano ang kaniyang gagawin tungkol dito. Kaniya rin namang isiniwalat ang impormasyong ito sa aklat na kaniyang ibinigay upang pumatnubay sa atin, ang Bibliya. Tungkol dito, ang 2 Timoteo 3:16, 17, ay nagsasabi: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid sa mga bagay, sa pagdisiplina sa ikatutuwid, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”
13. Ano ang nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa Bibliya?
13 Pansinin ang maririing pangungusap na iyan. Ang kinasihang Salita ng Diyos ay nagtutuwid ng mga bagay. Sinasabi nito sa atin kung ano ang tama. Tayo’y sinasangkapan nito ng lubos na kakayahan. Tayo’y ganap na sinasangkapan nito para makagawa ng mabuti. Totoo, hindi tinatanggap ng maraming tao ang Bibliya tungkol sa kung ano nga ito—ang Salita ng Diyos. Subalit iyan ay tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova. (1 Tesalonica 2:13) Ating nauunawaan na ang Maylikha ng kagila-gilalas na sansinukob na ito ng bilyung-bilyong mga galaksi at quintillion na mga bituin ay tunay na may kakayahan na bumuo ng isang aklat. Siya’y may kakayahan din na ingatan ang katotohanang taglay nito para sa kapakinabangan ng mga humahanap ng katotohanan.—1 Pedro 1:25.
14. Paanong ang Bibliya ay kasuwato ng mga tunay na nangyayari sa ngayon?
14 Sa ating kakila-kilabot na mga panahon, ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa bagay na ito ng pagtitiwala? Ang sinasabi nito ay lubusang kasuwato ng aktuwal na mga kalagayan na umiiral. Ang Jeremias 10:23 ay nagsasabi ng katotohanan: “Talatas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” At ang Awit 146:3 ay tama sa pagpapayo nito: “Huwag ninyong ilagak ang iyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.”
15. Anong payo ang ibinibigay sa atin ng Bibliya tungkol sa pagtitiwala?
15 Ang Salita ng Diyos ay nagpapaalaala sa atin na tayo’y huwag man lamang magtiwala sa ating sarili sapagkat ang mga tao ay di-sakdal. (Roma 5:12) Ang Jeremias 17:9 ay nagsasabi: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman.” Kaya naman ang Kawikaan 28:26 ay nagsasabi: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang puso ay mangmang, ngunit siyang lumalakad na may karunungan ang siyang maliligtas.” Saan natin masusumpungan ang karunungang ito na makapagliligtas? Ang Kawikaan 9:10 ay sumasagot: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalang Isa ay kaunawaan.” Oo, tanging ang karunungan ng Maylikha ang makaaakay sa atin upang makatawid sa kakila-kilabot na mga panahong ito. Sa gayon, ang Kawikaan 3:5 at 6 ay nagpapayo: “Magtiwala ka kay Jehova ng buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”
Ang Pagkakilala ng Diyos sa Relihiyon ng Sanlibutan
16. Ano ang maling palagay ng mga relihiyon ng sanlibutang ito, gaya rin ng mga Fariseo noong panahon ni Jesus?
16 Ang karunungang ito buhat sa Diyos ang tutulong sa atin upang maiwasan ang nagdudulot-kamatayang patibong na kinahulugan ng mga relihiyon ng sanlibutang ito. Kanilang ipinagpapalagay na sila ay mga matuwid dahil sa sila’y relihiyoso. Ang kanilang saloobin ay katulad ng inilalarawan sa Lucas 18:9: “Sinalita niya [ni Jesus] ang ilustrasyon ding ito sa mga iba na nagtitiwala sa kanilang sarili na sila’y matuwid.” Isang Fariseo ang nagpasalamat sa Diyos na siya’y hindi isang makasalanan, subalit isang maniningil ng buwis ang patuloy na nagsusumamo: “Oh Diyos, kahabagan mo ako na isang makasalanan.” Sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang tahanan ang taong ito [ang makasalanan] na inaring matuwid kaysa roon sa isa [ang Fariseo]; sapagkat ang bawat nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa, ngunit ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.”—Lucas 18:10-14.
17. Ano ang pagkakilala ng Diyos sa relihiyosong mga pagsisikap ng mga katulad ng mga Fariseo?
17 Ang Fariseo ay hindi nagpakababa sa harap ng Diyos. Sa halip, kaniyang inakala na sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga pamantayan siya ay matuwid. Subalit hindi ganoon ang pagkakilala roon ng Diyos. (Mateo 23:25-28) Ang mapagpakumbabang makasalanan ang kinakitaan ng sinasabi ng Salita ng Diyos sa Isaias 66:2: “Ang isang ito, kung gayon, ang titingnan ko, siyang nahahapis at nagsisisi ang kalooban at nanginginig sa aking salita.” Ang mga Judiong pinunong relihiyoso ay hindi nanginig sa Salita ng Diyos. Hindi nila pinansin iyon. Kanilang ginawa ang kanilang kagustuhan at pagkatapos ay inisip nila na sinasang-ayunan iyon ng Diyos. Subalit, sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nagpalayas kami ng mga demonyo, at gumawa kami ng maraming makapangyarihang gawa sa iyong pangalan?’ Gayunman ay tatapatin ko sila: Hindi ko kayo nakikilala kailanman! Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:21-23.
18. Paano hahatulan ng Diyos ang mga relihiyon na nag-aangking naglilingkod sa kaniya ngunit hindi sumusunod sa kaniyang mga kautusan?
18 Ang mga pinunong relihiyosong iyon ng unang siglo ay walang tiwala sa Diyos. Sa halip, ang kanilang tiwala ay inilagak nila sa mga tradisyon na labag sa mga kautusan ng Diyos. (Mateo 15:3, 9) Kaya naman sinabi sa kanila ni Jesus: “Ang inyong bahay ay iniwang wasak sa inyo.” (Mateo 23:38) Bilang katibayan na talaga ngang iniwang wasak sa kanila ang kanilang relihiyong Judio, noong taóng 70 ng ating Karaniwang Panahon sila, ang kabisera ng kanilang bansa, ang Jerusalem, at ang kanilang templo ay iniwasak ng mga hukbong Romano. Walang ipinagkaiba sa ngayon. Ang mga relihiyon ng sanlibutang ito ay nagtakda ng kanilang sariling mga pamantayan ng pagsamba na hindi kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos. Kaya ang kanilang ginagawa ay hindi ang kaniyang kalooban kundi ang kanilang sariling kalooban. Samakatuwid, sa mga mata ng Diyos, sila’y itinuturing na mga manggagawa ng katampalasanan. (Tito 1:16) Bilang katibayan na itinakwil ng Diyos ang mga relihiyong ito, sa malapit na hinaharap ang mga ito ay wawasakin ng mga bansa, gaya ng pagwawasak sa Jerusalem at sa templo niyaon ng mga hukbong Romano noong unang siglo.—Tingnan ang Apocalipsis, kabanata 17, 18.
19. Ano ang mga maitatanong tungkol sa relihiyon?
19 Napakabagsik ba ang ganitong pagkakilala sa mga relihiyon ng sanlibutan? Paano natin matitiyak na ang mga kahatulan ng Diyos ay kaylapit-lapit nang igawad laban sa kanila? Ano ang kailangang gawin ng isang relihiyon upang sang-ayunan ng Diyos? Mayroon bang mga batayan sa kasaysayan na nagpapakitang inililigtas ni Jehova yaong mga taimtim na bumabaling sa kaniya at napasasakop sa kaniyang mga kautusan? Ang sumusunod na artikulo ang magkukomento tungkol sa mga tanong na ito.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ba ang dahilan ng pagkawalang-tiwala sa panahon natin?
◻ Bakit naligaw ang pag-asa ng sanlibutang ito?
◻ Sino ang lubusang mapagkakatiwalaan natin, at anong patnubay ang kaniyang ibinigay sa atin?
◻ Bakit hindi tayo dapat tumiwala sa ating sarili o sa mga ibang tao?
◻ Ano ang pagkakilala ng Diyos sa mga relihiyon ng sanlibutang ito?
[Mga larawan sa pahina 13]
Ipinagpalagay ng Fariseo na siya ay matuwid, subalit ang taong makasalanan ay mapakumbabang nagmakaawa sa Diyos
[Larawan sa pahina 15]
Hahatulan ng Diyos ang mga relihiyon na hindi gumagawa ng kaniyang kalooban gaya ng kung paano hinatulan niya ang Judaismo noong unang siglo nang puksain ng mga hukbong Romano ang Jerusalem