Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 4/15 p. 15-20
  • Kay Jehova Ka Magtiwala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kay Jehova Ka Magtiwala
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nasaan ang Pag-iibigang Magkakapatid?
  • Kaligtasan sa Pamamagitan ng Pagtitiwala kay Jehova
  • Isang Magandang Kinabukasan
  • Itinataguyod ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod
  • Magtiwala Ka kay Jehova Nang Iyong Buong Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • “O Jehova, . . . sa Iyo Ako Naglalagak ng Aking Tiwala”
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2017
  • Mahalaga ang Pagtitiwala Para sa Isang Maligayang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Mapagkakatiwalaan Mo ang mga Kapatid
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 4/15 p. 15-20

Kay Jehova Ka Magtiwala

“Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti; . . . magpakaligaya ka rin naman kay Jehova.”​—AWIT 37:3, 4.

1, 2. (a) Ano ang nangyari sa mga taong hindi nagtiwala kay Jehova noong unang siglo, at sa mga nagtiwala naman? (b) Anong mga tanong ang maaaring ibangon tungkol sa relihiyon sa panahon natin?

NOONG unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, ang mga Judiong pinunong relihiyoso ay nag-angkin na sumasamba sa Diyos. Subalit sila’y hindi nagtitiwala sa kaniya. Kanilang nilabag ang kaniyang mga utos at pinag-usig ang kaniyang mga kinatawan. (Mateo 15:3; Juan 15:20) Kaya naman, ‘ang kanilang bahay ay itinakwil’ ni Jehova. (Mateo 23:38) Noong 70 C.E., iniwasak ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at ang templo nito, at napakaraming buhay ng mga pinunong relihiyoso at ng kanilang mga tagasunod ang napahamak. Subalit yaong mga nagtiwala kay Jehova ay iningatan, sapagkat kanilang pinakinggan ang babala ng kaniyang mga kinatawan at sila’y tumakas tungo sa dako ng kaligtasan.​—Mateo 24:15-22; Lucas 21:20-24.

2 Sa mga huling araw na ito ng sistemang ito ng mga bagay, ang mga relihiyon ba ng sanlibutang ito ay nagtitiwala sa tunay na Diyos, si Jehova? Kanila bang sinusunod ang kaniyang mga utos at ginagawa ang kaniyang kalooban, o sila ba’y tumutulad sa mga pinunong relihiyoso noong unang siglo na itinakwil ng Diyos? Alin sa mga relihiyon sa ngayon ang makaaasa na iingatan ni Jehova dahil sa sila’y ‘nagtitiwala kay Jehova at gumagawa ng mabuti’?​—Awit 37:3.

Nasaan ang Pag-iibigang Magkakapatid?

3. Bakit bigo ang relihiyosong pagsisikap na magdala ng kapayapaan?

3 Hindi pa gaanong nagtatagal, si Papa John Paul II ay nagbabala na “ang buong sangkatauhan ay nakaharap sa malulubhang panganib sa kaligtasan nito.” Kaniyang idiniin na ang pinakamagaling na maitutugon sa “mga panganib na iyon ay ang sama-samang pagsisikap ng sarisaring mga grupong relihiyoso.” Kalooban ng Diyos, aniya, na ang mga pinunong relihiyoso ay “gumawang sama-sama” ukol sa “kapayapaan at pagkakasundo.” Subalit, kung iyan ang kalooban ng Diyos, bakit nga hindi pinagpala ng Diyos ang daan-daang taon ng pagsisikap sa bagay na ito? Hindi niya ginawa iyan sapagkat ang mga relihiyon ay hindi nagtiwala sa paraan ng Diyos ng pagdadala ng kapayapaan sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian. (Mateo 6:9, 10) Sa halip, kanilang itinaguyod ang pulitika at mga digmaan ng mga bansa. Kaya naman, kung panahon ng digmaan, ang mga taong relihiyoso ng isang bansa ay namamaslang ng relihiyosong mga tao ng ibang bansa, at kahit na mga taong karelihiyon nila ay kanilang pinaslang. Pinaslang ng Katoliko ang Katoliko, ng Protestante ang Protestante, at ang mga iba pang relihiyon ay ganiyan din ang ginawa. Subalit ang tunay na mga magkakapatid ba sa espirituwal ay nagpapatayan samantalang nag-aangkin sila na naglilingkod sa Diyos?

4. Ano ang sinabi ni Jesus na pamantayan para sa tunay na relihiyon, at bakit ito “isang bagong utos”?

4 Si Jesus ang nagtakda ng pamantayan para sa tunay na relihiyon nang kaniyang sabihin sa kaniyang mga tagasunod: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Kaya’t yaong mga sumusunod sa tunay na relihiyon ay kailangang mag-ibigan sa isa’t isa. Ito’y “isang bagong utos” sapagkat sinabi ni Jesus: “Kung paanong inibig ko kayo, . . . kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa.” Siya’y handang ipagkaloob ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga tagasunod. Sila’y kailangang handang gumawa rin ng ganoon​—hindi, hindi ang kitlin ang buhay ng mga kapananampalataya, kundi ipagkaloob ang kanilang sariling buhay kung kinakailangan. Iyan ay bago, sapagkat hindi naman dating iniuutos iyan ng Kautusang Mosaiko.

5. Paanong matinding idiniriin ng Salita ng Diyos ang pangangailangan ng pag-iibigan at pagkakaisa sa gitna ng kaniyang mga tunay na mananamba?

5 Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Kung sinasabi ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ ngunit napopoot sa kaniyang kapatid, siya’y sinungaling. Sapagkat siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita. At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kaniyang kapatid.” (1 Juan 4:20, 21) Sa pamamagitan ng pag-ibig na ito, yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay nanatili sa tunay na pagkakaisang pandaigdig. Sa 1 Corinto 1:10, si apostol Pablo ay nagsasabi: “Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at iisang takbo ng kaisipan.”​—Tingnan ang 1 Juan 3:10-12.

6. Bakit masasabi ng mga Saksi ni Jehova na sila ay “malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao”?

6 Sang-ayon sa The World Book Encyclopedia 55 milyong katao ang nangamatay sa Digmaang Pandaigdig II. Sila’y pinatay ng mga tao ng bawat pangunahing relihiyon maliban sa mga Saksi ni Jehova. Walang isa man sa mga nangamatay na iyan ang pinatay ng isang saksi ni Jehova, sapagkat kanilang sinusunod ang utos na mag-ibigan sa isa’t isa at huwag makikialam sa mga digmaan ng mga bansa. Bagama’t maraming mga saksi ang nagsilbing martir dahil sa kanilang neutral na paninindigan, kanilang masasabi ang gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Ako’y malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao.”​—Gawa 20:26.

7, 8. Paanong inaamin ng mga ibang klerigo ang kanilangh kasalanan laban sa dugo?

7 Isang kapilyan na Katoliko para sa mga pilotong naghulog ng mga bomba atomika sa Hapon noong 1945 ang nagsabi kamakailan: “Sa nakalipas na 1,700 taon ang digmaan ay ginagawang kagalang-galang ng simbahan. Hinihikayat nito ang mga tao upang maniwala na ito’y isang marangal na propesyong Kristiyano. Hindi ito totoo. Tayo’y na-brainwash . . . . Ang ebanghelyo ng Matuwid na Digmaan ay isang ebanghelyo na hindi itinuro ni Jesus kailanman. . . . Walang anuman sa buhay o turo ni Jesus na magpapahiwatig na samantalang labag sa kautusan ang tupukin ang mga tao sa pamamagitan ng bomba nuklear, ayon naman sa kautusan na tupukin ang mga tao sa pamamagitan ng napalm o flamethrower.”

8 Ang Catholic Herald ng London ay nagsabi: “Ang mga unang Kristiyano . . . ay naniwala kay Jesus sa Kaniyang salita at tumangging sila’y magsundalo sa hukbong Romano kahit na ang parusa ay kamatayan. Napaiba kaya ang takbo ng buong kasaysayan kung ang Simbahan ay nanatili sa kaniyang unang-unang paninindigan? . . . Kung ang mga simbahan sa ngayon ay magkakaisa-isa sa sama-samang pagkondena sa digmaan . . . , na mangangahulugang ang bawat miyembro ay magkakaroon ng budhing, tulad ng mga Kristiyano, tumututol dahil sa budhi, marahil nga ay tiyak na magkakaroon ng kapayapaan. Subalit batid natin na ito’y hindi kailanman mangyayari.”

9. Bakit natin masasabing itinakwil ni Jehova ang mga relihiyon ng sanlibutang ito?

9 Samakatuwid, ang mga kautusan ng Diyos ay pinapangyari ng mga relihiyon ng sanlibutang ito na dumanas ng nakamamatay na pakikipagkompromiso. Siya’y hindi na nila pinagtitiwalaan gaya rin ng hindi pagtitiwala ng mga Fariseo. “Kanilang ipinamamalita na kilala nila ang Diyos, ngunit ikinakaila naman siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, sapagkat kasuklam-suklam at masuwayin at itinakwil sa anumang uri ng mabuting gawa.” (Tito 1:16) Kaya naman, itinakwil ng Diyos ang mga relihiyon ng sanlibutang ito gaya ng tiyakang pagtatakwil niya sa mapagpaimbabaw na relihiyong Judio noong unang siglo.​—Mateo 15:9, 14.

Kaligtasan sa Pamamagitan ng Pagtitiwala kay Jehova

10, 11. Ano ang ginawa ni Haring Ezekias nang hilingin ng Asiria ang pagsuko ng Jerusalem, at sino ang tinutuya ng kinatawan ni Sennacherib?

10 Huwag ninyong ilagak ang inyong pagtitiwala sa mga lunas ng mga suliranin ng daigdig na ito na nanggagaling sa tao. Sa halip, magtiwala sa Isa na makatutupad ng kaniyang mga pangako. (Josue 23:14) Bilang halimbawa, pansinin ang nangyari noong ikawalong siglo bago kay Kristo, noong mga kaarawan ni Haring Ezekias ng Juda. Tungkol sa kaniya ay sinasabi ng Bibliya: “Kaniyang patuloy na ginawa ang matuwid sa mga mata ni Jehova.” (2 Hari 18:3) Sa panahon ng kaniyang paghahari, ang makapangyarihang bansa ng daigdig na Asiria ay sumalakay sa Jerusalem. Ang kinatawan ng hari ng Asiria na si Sennacherib ay humiling na sumuko ang Jerusalem, at ang sabi: “Ito ang sinabi ng hari, ‘Huwag ninyong hayaang linlangin kayo ni Ezekias, sapagkat hindi niya maililigtas kayo sa aking kamay. At huwag ninyong hayaang kayo’y pangyarihin ni Ezekias na magtiwala kay Jehova.’”​—2 Hari 18:29, 30.

11 Ano ang ginawa ni Ezekias? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Si Ezekias ay nagsimulang manalangin sa harap ni Jehova at nagsabi: ‘Oh Jehova na Diyos ng Israel, na nauupo sa mga kerubin, ikaw lamang ang tunay na Diyos sa lahat ng kaharian sa lupa. Ikaw mismo ang gumawa ng langit at ng lupa. Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Jehova, at iyong dinggin. Idilat mo ang iyong mga mata, Oh Jehova, at tumingin ka, at dinggin mo ang mga salita ni Sennacherib na kaniyang ipinadala upang tuyain ang Diyos na buháy. . . . Oh Jehova na aming Diyos, iligtas mo kami, pakisuyo, sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw, Oh Jehova ang tanging Diyos.’”​—2 Hari 19:15-19.

12. Paano sinagot ni Jehova ang panalangin ni Ezekias?

12 Dininig ni Jehova ang panalanging ito at sinugo niya si propeta Isaias upang sabihin kay Ezekias: “Ganito ang sinabi ni Jehova tungkol sa hari ng Asiria: ‘Siya’y hindi paririto sa lunsod na ito o magpapahilagpos man ng pana riyan, ni haharap man siya riyan na may kalasag, o maghahagis man ng bunton laban dito.’” Si Ezekias ba ay lalaban sa Asiria sa pamamagitan ng isang hukbo? Hindi, siya’y kailangang magtiwala kay Jehova, na siyang ginawa niya. Ang resulta? “Ang anghel ni Jehova ay lumabas at namaslang ng isang daan walumpu’t limang libo sa kampamento ng mga Asirio.” Si Sennacherib mismo ay nagbayad sa kaniyang ginawang pagtuya kay Jehova at sa mga lingkod ni Jehova, sapagkat nang malaunan ay sariling mga anak niya ang pumaslang sa kaniya. Bilang katuparan ng sinalita ni Jehova, walang isa mang armas ang ibinangon laban sa Jerusalem.​—2 Hari 19:32-37.

13, 14. Dahil sa ano kung kaya may makakaligtas na mga tao buhat sa lahat ng bansa pagsapit ng katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay na ito?

13 Sa ating kaarawan katulad din nito ang mangyayari. Silang mga tumitiwala kay Jehova ay mananaig sa mga pagtuya ng sanlibutang ito at makakaligtas sa katapusan ng sanlibutang ito. “Silang nakakaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo, sapagkat tunay na hindi mo pababayaan sila na humahanap sa iyo, Oh Jehova.” (Awit 9:10) Subalit bago puksain ni Jehova ang maysala-sa-dugo na sanlibutang ito, kaniyang inaanyayahan ang mga taong tapat-puso na pumaroon sa kaniya at magkaroon ng seguridad. Ang mga ito ay bumubuo ng “isang malaking pulutong” buhat sa lahat ng bansa, na “lumalabas buhat sa malaking kapighatian.” Sila’y naliligtas sa katapusan ng sistemang ito dahil sa sila’y tumitiwala kay Jehova at naglilingkod sa kaniya “araw at gabi.”​—Apocalipsis 7:9-15.

14 Ang mga ito ay tumutugon sa patuloy na tumitinding panawagan sa buong daigdig, gaya ng inihula sa Isaias 2:2, 3: “At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova [ang kaniyang tunay na pagsamba] ay matatag na matatayo . . . At maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova . . . at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’” Ang Isa 2 talatang 4 ay nagsasabi: “At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”

15. Sino ang mga tumutupad ng hula ng Isaias 2:2-4, at paano?

15 Sino, sa panahon natin, ang ‘nagpapanday ng kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’? Sino ang ‘hindi na nag-aaral ng tungkol sa digmaan’? Sino ang may di maaaring siraing pag-ibig sa kanilang espirituwal na mga kapatid sa buong lupa at pakikipagkaisa sa kanila? Sino talaga ang tumitiwala kay Jehova at nag-aanyaya pa sa iba na gawin iyon? Ang katibayan sa panahon natin ay nagpapakita na ang sagot ay walang iba kundi ang mga Saksi ni Jehova. Sila, katulad ni Ezekias, ay nagtitiwala kay Jehova nang kanilang buong puso at ipinakikila iyon sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos.

Isang Magandang Kinabukasan

16, 17. Ano ang magandang kinabukasan na iniaalok ni Jehova sa mga taong nagtitiwala sa kaniya?

16 Sa mga nagtitiwala sa kaniya, iniaalok ni Jehova ang pinakamagandang maguguniguning kinabukasan pagka kaniyang hinalinhan na ang kaayusang ito ng matandang sanlibutang lipunan ng kaniyang bagong sanlibutan. Sa isang bagong sanlibutan dito sa lupa, hindi na magkakaroon ng takot o kawalang-tiwala, wala nang karalitaan, pang-aapi, o krimen. Ang mga tao ay hindi na mamamatay sa mga digmaan o sa pamamagitan man ng aborsiyon. Sa Apocalipsis 21:4, ay ipinapangako pa mandin na “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.”

17 Sa takdang panahon, ang lupa ay magiging isang paraiso gaya ng ipinangako ni Jesus. (Lucas 23:43) At yamang maging ang kamatayan man ay papawiin, yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay mabubuhay magpakailanman sa Paraiso. Lubusang matutupad ang Mikas 4:4: “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang tatakot sa kanila.” Gunigunihin ang isang lipunan na kung saan lahat ng mga taong masalubong mo ay mapagkakatiwalaan mo! Bakit nga magkakagayon? Sapagkat, gaya ng sinasabi ng Isaias 54:13: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.”

18. Ano ang napapakinabang kahit na ngayon ng mga taong nagtitiwala kay Jehova?

18 Gayunman, kahit na ngayon ay milyun-milyong mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang nakikinabang dahil sa pagtitiwala kay Jehova. Halimbawa, dahilan sa pagsunod sa mga kautusan at mga prinsipyo ni Jehova, ang mga lingkod ni Jehova ay libre na sa kanser ng baga na likha ng paninigarilyo. Dahilan sa pamumuhay sa isang kapaligirang malinis ang moral, sa pangkalahatan sila ay hindi nanganganib sa pambuong daigdig na salot ng mga sakit na dala ng seksuwal na pakikipagtalik, kasali na ang AIDS. Dahil sa hindi sila nag-aabuso sa droga kaya naman sila’y lubhang nalalayo sa mga karamdaman na pumipinsala ng isip at nagdadala ng kamatayan na sinasapit ng maraming mga nag-aabuso sa droga. At yamang sila’y hindi naman nagpapasalin ng dugo, naiiwasan nila ang nakamamatay na mga sakit na pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng dugo, kasali na ang hepatitis, na pumapatay o permanenteng pumipinsala sa sampung libong mga nagpapasalin ng dugo taun-taon sa Estados Unidos lamang.

19. Paano sasagipin ni Jehova yaong mga naglilingkod sa kaniya kahit na mamatay sila ngayon?

19 Kahit na kung ang iba sa mga taong nagtitiwala sa ngayon kay Jehova ay mamatay dahilan sa katandaan, sa sakit, o isang aksidente, sila’y sasagipin ni Jehova. Kaniyang tutubusin sila sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Kaya naman, tayo’y pinatitibay-loob ni apostol Pablo na “magtiwala tayo, hindi sa ating sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay ng mga patay.”​—2 Corinto 1:9.

Itinataguyod ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod

20, 21. (a) Anong pananalansang ang maaasahan natin, gaya ng pinatutunayan ng anong nangyari kay Jesus? (b) Paano ipinagbabangong-puri ni Jehova ang kaniyang bayan, gaya ng ginawa niya kay Jesus?

20 Isaisip na “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Samakatuwid kung ikaw ay nagtitiwala sa Diyos, ikaw ay sasalansangin ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan. Kanilang sisikapin na sirain ang iyong pagtitiwala sa pamamagitan ng panlilibak o pang-uusig, gaya ng ginawa kay Jesus. Pagkatapos na siya’y ipako sa pahirapang tulos, “siya’y nililibak ng mga nagdaraan, at sila’y iiling-iling at nagsasabi: . . . ‘Kung ikaw ay isang anak ng Diyos, bumaba ka sa pahirapang tulos!’ Ganoon din ang paglibak sa kaniya ng mga pangulong saserdote, pati ng mga eskriba at ng mga matatandang lalaki, at kanilang sinasabi: ‘Iniligtas niya ang iba; ang kaniyang sarili hindi niya mailigtas! . . . Nagtiwala siya sa Diyos; kaya Siya ngayon ang magligtas sa kaniya kung Kaniyang iniibig siya.’”​—Mateo 27:39-43.

21 Makalipas ang tatlong araw, tunay nga na sinagip ng Diyos si Jesus sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya buhat sa mga patay. Subalit, ang salinlahing iyon ng mga manlilibak ay pinatay o inalipin ng mga hukbong Romano. Yamang si Kristo bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos ang mangangasiwa sa pagbuhay-muli, kung ang mga manlilibak na iyon ay bubuhayin buhat sa mga patay, kakailanganin na pasakop sila sa Isa na kanilang nilibak may dalawang libong taon na ngayon ang lumipas! Oo, ipinagbabangong-puri ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, na nagsasabi: “Sa Diyos ay inilagak ko ang aking tiwala. Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?”​—Awit 56:11.

22. Ano ang sinasabi ni Jehova tungkol sa mga taong nagtitiwala sa kaniya, at sa mga hindi nagtitiwala sa kaniya?

22 Tungkol sa kaniyang mga lingkod, sinasabi ni Jehova: “Mapalad ang may malakas-na-katawang tao na tumitiwala kay Jehova, at ang pag-asa ay si Jehova. At siya’y magiging parang punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubigan, na nag-uugat sa tabi ng ilog; at hindi matatakot pagka dumating ang init, kundi ang kaniyang dahon ay tunay na mananariwa. At sa taon ng tagtuyot ay hindi siya mababalisa, ni hihinto man ng pagbubunga.” Subalit sinasabi rin naman ni Jehova: “Sumpain ang taong malakas-ang-katawan na tumitiwala sa makalupang tao at ang laman ang aktuwal na ginagawang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay kay Jehova mismo. At siya’y tiyak na magiging gaya ng iisang punungkahoy sa disyerto at hindi niya makikita pagka ang mabuti ay dumating.”​—Jeremias 17:5-8.

23. Ano ang kailangang gawin natin kung ibig nating kamtin ang buhay na walang-hanggan?

23 Sa gayon, sa mapanganib na mga panahong ito, “magtiwala kay Jehova at gumawa ng mabuti; tumahan ka sa lupa, at makitungo ka sa pagtatapat. At magpakaligaya ka rin naman kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga naisin ng iyong puso.” (Awit 37:3, 4) Harinawang sa iyong natupad na mga naisin ay kasali ang regalong buhay na walang-hanggan sa matuwid na bagong sanlibutan, na ipinangako ng Diyos na ating pinagtitiwalaan.

Mga Tanong sa Repaso

◻ Anong pamantayan ang kailangan sundin niyaong mga nagtitiwala kay Jehova?

◻ Ang mga relihiyon ba ng sanlibutang ito ay nagtuturo ng pagtitiwala kay Jehova?

◻ Paano ipinagbangong-puri ang pagtitiwala kay Jehova ni Haring Ezekias?

◻ Sa kaarawan natin, paano natutupad ang hula ng Isaias 2:2-4?

◻ Anong kinabukasan ang tatamasahin niyaong mga nagtitiwala kay Jehova?

[Larawan sa pahina 17]

Si Jehova ay tinuya ng kinatawan ng haring Asirio at hiniling nila na sumuko ang Jerusalem

[Larawan sa pahina 18]

Sa bagong sanlibutan, yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay magtatamasa ng lubos na kapayapaan at katiwasayan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share