Kabanata 15—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Ang Antitipiko, Modernong-Panahong Edom ay Papalisin
1, 2. Paano minamalas ng Maylikha ang lubhang nasasandatahang mga bansa, at ano ang determinasyon ni Jehova, sang-ayon sa hula ni Isaias?
ANG daigdig sa ngayon ay higit na nasasandatahan kaysa kailanman. Ang mga sandatang nuklear ng mga bansa ay isang tunay na banta sa pag-iral mismo ng sangkatauhan. Paano, kung gayon, minamalas ng Maylikha ng sambahayan ng tao, ang Diyos na Jehova, ang kalagayan? Ito ay maliwanag na binabanggit sa kabanata 34 ng hula ni Isaias, na nagsisimula sa mga pananalitang:
2 “Kayo’y magsilapit, kayong mga bansa, upang mangakinig; at dinggin ninyo, ninyong mga bayan. Dinggin ng lupa at ng buong narito, ng mabungang lupain at ng lahat ng bunga nito. Sapagkat si Jehova ay may galit laban sa lahat ng bansa, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo. Kaniyang lubusang lilipulin sila; kaniyang ibibigay sila sa patayan. At ang kanilang mga patay ay mapapatapon; at ang baho ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw; at ang mga bundok ay tutunawin ng kanilang dugo. At ang lahat ng hukbo sa langit ay malilipol. At ang langit [walang bisang mga pamahalaan ng tao] ay matitiklop, na gaya ng isang balumbong aklat; at ang buo nilang hukbo ay mawawala, na parang damong nalalanta sa puno ng ubas at gaya ng lantang dahon sa puno ng igos.” (Isaias 34:1-4) Isa ngang kakila-kilabot na hula!
3. (a) Sa ano tinatawag ang mga bansa na makinig, at bakit nga matuwid na maaaring pag-utusan sila ni Jehova? (b) Ano ang nagpapakita na ang mga bansa ay hindi nakinig?
3 Ang Maylikha ng sansinukob ay may alitan sa mga bansa ngayon. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga bansa ay tinatawag upang pakinggan ang mensahe na salig-Bibliya na pinangyari niyang maipahayag sa buong daigdig sapol noong 1919. Dapat nilang pakinggan ang sinasabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga Saksi. Subalit ang hilig ng mga pangyayari sa daigdig ay nagpapatunay na hindi nila ginagawa ang gayon, at ang kaniyang mga Saksi ay hindi pinakikinggan ng mga bansa, na ang pinili ay ang United Nations (Nagkakaisang mga Bansa) at hindi ang makalangit na Kaharian sa mga kamay ng kaniyang iniluklok na Anak, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.”
Ang Hula ni Isaias Laban sa Edom
4, 5. (a) Sino ang mga Edomita, at anong saloobin mayroon sila sa kanilang kakambal na bansa, ang Israel? (b) Ano kung gayon ang ipinag-utos ni Jehova tungkol sa Edom?
4 Kumikilos sa gitna ng mga pambansang grupo sa ngayon ay isang partikular na may pananagutang elemento. Ang elementong iyan ay inilalarawan ng bansang Edom, na pantanging binanggit sa hulang ito. Ang mga Edomita ay mga inapo ni Esau, na ipinagbili ang kaniyang karapatan sa pagkapanganay sa kaniyang kakambal, si Jacob, na kapalit ng “tinapay at nilutong lentehas.” Nang okasyong iyon si Esau ay tinawag na Edom, na nangangahulugang “Mapula.” (Genesis 25:24-34) Sapagkat si Jacob ang humalili sa kaniya sa mahalagang karapatan sa pagkapanganay, si Esau ay napunô ng pagkapoot sa kaniyang kakambal. Ang Edom ay naging walang habag na kaaway ng sinaunang bansa ng Israel, o Jacob, bagaman ang mga ito ay magkakambal na mga bansa. Dahilan sa pagkapoot na ito laban sa bayan ng Diyos, napala ng Edom ang karapat-dapat na galit ni Jehova, ang Diyos ng Israel, at ipinag-utos Niya ang walang hanggang pagkalipol ng Edom. Ang determinasyong ito ng Diyos ay binabanggit sa mga pananalita ng propeta Isaias:
5 “Sapagkat sa mga langit ay tunay na matitigmak ng dugo ang aking tabak. Narito! Yaon ay bababa sa Edom, at sa mga tao na itinalaga ko sa makatarungang pagkapuksa. Si Jehova ay may tabak; ito’y dapat mapuno ng dugo; ito’y dapat malangisan ng taba, sa dugo ng mga kordero at ng mga kambing, sa taba ng mga bato ng mga lalaking tupa. Sapagkat si Jehova ay may hain sa Bosra [ang pinakaprominenteng lunsod ng Edom], at may malaking patayan sa lupain ng Edom.”—Isaias 34:5, 6.
6. (a) Bakit masasabi ni Jehova ang tungkol sa paggamit ng kaniyang “tabak” laban sa Edom “sa langit”? (b) Nang salakayin ng Babilonya ang kaharian ng Juda, anong walang pag-ibig na saloobin ang ipinakita ng Edom sa bayan ni Jehova?
6 Ang lupain ng palaisip-sa-pagpatay na bansa ng Edom ay dapat na matigmak ng kanila mismong dugo sa pamamagitan ng “tabak” ni Jehova. Ang Edom ay sumasaklaw ng isang mataas, mabundok na rehiyon. (Jeremias 49:16) Kaya sa pagkakaroon ng patayan sa lupaing iyan, maaaring makasagisag na sabihin ni Jehova na kaniyang gagamitin ang kaniyang tabak ng paghatol “sa langit.” Ang Edom ay lubhang nasasandatahan, at ang mga hukbong sandatahan nito ay gumagala-gala sa sintaas-langit na mga kabundukan upang ingatan ang bansa laban sa mga mananalakay. Kaya ang hukbo ng Edom ay angkop na matatawag na “hukbo ng langit.” Subalit ang makapangyarihang Edom ay hindi nagbigay ng tulong sa kaniyang kakambal na bansa, ang Israel, nang ito ay salakayin ng mga hukbo ng Babilonya. Bagkus, ang Edom ay nagalak na makita ang pagbagsak ng kaharian ng Juda at inudyukan pa nga ang kaniyang mga tagapagwasak. (Awit 137:7) Ang katraiduran ng Edom ay humangga pa nga sa punto na pagtugis sa mga indibiduwal na nagsisitakas alang-alang sa kanilang mga buhay at pagbibigay sa kanila sa mga kaaway. (Obadias 10-14) Ang mga Edomita ay nagplanong sakupin o kunin ang abandonadong bansa ng mga Israelita, naghahambog laban kay Jehova.—Ezekiel 35:10-15.
7. Paano minalas ng Diyos ng Israel ang traidor na paggawi ng bansa ng Edom?
7 Pinalagpas ba ni Jehova, ang Diyos ng sinaunang Israel, ang walang pag-ibig na paggawing ito sa bahagi ng mga Edomita sa kaniyang piniling bayan? Hindi. Iyan ang dahilan kung bakit ang puso ni Jehova ay nagbalak ng “araw ng paghihiganti” at “taon ng kagantihan” bilang kabayaran sa kung ano ang masamang ginawa nila sa kaniyang makalupang organisasyon, na tinatawag na Sion. Sabi ng hula: “Sapagkat si Jehova ay may araw ng paghihiganti, ng taon ng kagantihan sa mga nagbangon ng usapin [sa harapan ng Hukuman ng Sansinukob] laban sa Sion.”—Isaias 34:8; Ezekiel 25:12-14.
8. (a) Sino ang ginamit ni Jehova upang magdala ng kaparusahan sa Edom? (b) Ano ang inihula ni propeta Obadias tungkol sa Edom?
8 Hindi nagtagal pagkawasak ng Jerusalem, ipinahayag ni Jehova ang kaniyang matuwid na paghihiganti laban sa mga Edomita sa pamamagitan ng hari ng Babilonya, si Nabukodonosor. (Jeremias 25:8, 15, 17, 21) Nang ang mga hukbo ng Babilonya ay kumilos laban sa Edom, walang makapagliligtas sa mga Edomita! Ibinagsak ng mga hukbo ng Babilonya ang mga Edomita mula sa kanilang mabatong mga kaitaasan. Ito ay “taon ng kagantihan” sa Edom. Gaya ng inihula ni Jehova sa isa pang propeta: “Dahil sa karahasan na ginawa sa iyong kapatid na Jacob, kahihiyan ang tatakip sa iyo, at ikaw ay mahihiwalay magpakailanman. . . . Kung ano ang iyong gawin, ay siyang gagawin sa iyo. Ang iyong pakikitungo ay babalik sa iyong sariling ulo.”—Obadias 10, 15.
9. Sino ang antitipikong modernong-panahong Edom, at bakit?
9 Ipinababanaag din nito ang saloobin ni Jehova sa antitipikong modernong-panahong Edom. Sino iyan? Bueno, sa ika-20 siglo, sino ba ang nangunguna sa pagtuya at pag-uusig sa mga lingkod ni Jehova? Hindi ba ang apostatang Sangkakristiyanuhan sa pamamagitan ng mapagmataas na uring klero nito? Oo! Iniangat ng Sangkakristiyanuhan, ang dako ng huwad na Kristiyanismo, ang kaniyang sarili sa kaitaasan sa mga pangyayari sa daigdig na ito. Siya ay isang mataas na bahagi ng organisasyon ng sistema ng mga bagay ng sangkatauhan, at ang kaniyang mga relihiyon ang dominanteng bahagi ng Babilonyang Dakila. Ngunit si Jehova ay nag-utos ng “taon ng kagantihan” laban sa antitipiko, modernong-panahong Edom dahilan sa napakasamang paggawi nito laban sa kaniyang bayan, sa kaniyang mga Saksi.
Isang Kapalaran na Gaya Niyaong sa Edom
10. Paano inilalarawan ng Isaias 34:9, 10 ang kapalaran ng Edom, subalit kanino ngayon kumakapit ang hula?
10 Habang isinasaalang-alang pa natin ang bahagi ng hulang ito ni Isaias, maaaring isaisip natin ang Sangkakristiyanuhan sa ngayon: “Ang mga batis niya ay magiging alkitran, at ang alabok niya ay asupre; at ang lupain niya ay magiging nagniningas na alkitran. Sa araw o sa gabi hindi ito mamamatay; ang usok niyaon ay paiilanglang magpakailanman.” (Isaias 34:9, 10) Sa gayon ang lupain ng Edom ay inilalarawan na magiging napakatigang na anupa’t ang mga batis nito ay magiging parang inaagusan ng alkitran at ang mga alabok nito ay parang asupre, pagkatapos ang madaling-magdingas na mga bagay na ito ay sinindihan.—Ihambing ang Apocalipsis 17:16.
11, 12. Mula sa makahulang paglalarawan sa Isaias 34:10-15, ano ang mangyayari sa lupain ng Edom, at gaano katagal magpapatuloy ang lupain sa gayong kalagayan?
11 Ang hula ni Isaias ay nagpapatuloy: “Sa sali’t salinlahi siya ay magiging tigang; walang daraan doon magpakailan-kailanman. Kundi aariin siya ng ibong pelicano at ng hayop na eriso (porcupine), at ang kuwago at ang uwak ay magsisitahan doon; at kaniyang iuunat doon ang panukat na pisi ng kahungkagan at ang mga bato ng ilang. Ang kaniyang mga mahal na tao—wala na silang tatawagin sa pagkahari mismo, at ang lahat niyang mga prinsipe ay magiging parang wala. At mga tinikan ay tutubo sa kaniyang mga palasyo, mga kilitis at mga dawag ay sa mga kuta niyaon; at magiging tahanan ng mga asong-gubat (jackal), looban ng mga avestros (ostrich). At ang mga mailap na hayop sa ilang ay makikipagsalubong doon sa mga lobo, at tatawagin ng hugis-kambing na demonyo ang kaniyang kapuwa. Oo, ang malaking kuwago ay tatahan doon at makakasumpong siya ng dakong pahingahan. Doon maglulungga ang maliksing ahas at mangingitlog.”—Isaias 34:10-15.
12 Ang Edom ay magiging isang lupain ng “kahungkagan” kung mga tao ang pag-uusapan. Ito’y magiging isang ilang na paninirahanan lamang ng maiilap na hayop, mga ibon, at mga ahas. Ang tigang na lupaing ito ay magpapatuloy, gaya ng sinasabi ng talatang 10, “magpakailan-kailanman.” Hindi ibabalik dito ang dati nitong mga maninirahan.—Obadias 18.
13. Ano ang inihula sa “aklat ni Jehova” para sa Sangkakristiyanuhan, at ano, espisipiko, ang aklat na ito?
13 Anong kakila-kilabot na kalagayan ang inilalarawan nito para sa modernong-panahong katulad ng Edom—ang Sangkakristiyanuhan! Pinatunayan niya ang kaniyang sarili na isang mahigpit na kaaway ng Diyos na Jehova, na ang mga Saksi ay malupit niyang pinag-usig. Kaya ang napipinto niyang pagkawasak na ito bago ang Armagedon ay inihula sa “aklat ni Jehova.” (Isaias 34:16) Espisipiko, ang “aklat ni Jehova” na ito ay ang kaniyang aklat ng mga kuwenta, itinatala ang mga kuwenta na ipakikipagtuos niya sa kaniyang mga kaaway at sa mga umaapi sa kaniyang bayan. Kung ano ang nakasulat sa “aklat ni Jehova” tungkol sa sinaunang Edom ay nagkatotoo, at ito ay gumagarantiya na ang hula na kumakapit sa Sangkakristiyanuhan, ang modernong-panahong Edom, ay magkakatotoo rin.
14. Ano ang hindi tinanggap ng antitipikong mga Edomita sa ngayon, at anong halimbawa ng bayan ni Jehova ang hindi nila tinularan?
14 Hindi tinanggap ng antitipikong mga Edomita sa ngayon ang Diyos na Jehova bilang Hari sa panahon na ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Higit pa riyan, yamang ang Sangkakristiyanuhan ay isang litaw na bahagi ng Babilonyang Dakila, siya ay nahatulan na makibahagi sa kaniyang mga salot. Hindi siya sumunod sa utos ni Jehova na “lumabas” sa Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 18:4) Hindi niya tinularan ang halimbawa ng nalabi ng espirituwal na mga Israelita o niyaong “malaking pulutong” ng “ibang tupa.”
15, 16. Ano ang malapit na hinaharap ng Sangkakristiyanuhan, gaya ng inihula sa Apocalipsis 17 at 18 at Isaias 34?
15 Ang malapit na hinaharap ng Sangkakristiyanuhan ay malungkot nga. Ginagawa niya ang lahat ng kaniyang magagawa upang payapain ang kaniyang pulitikal na mga kaibigan at hadlangan sila na magsama-sama sa mapusok na pagkilos laban sa kaniya, sa kaniyang ganap na pagkawasak, subalit sa walang kabuluhan!
16 Sang-ayon sa Apocalipsis mga kabanatang 17 at 18, ilalagay ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, sa kanilang mga puso na gamitin ang kanilang pulitikal at militar na lakas sa mabangis na pagkilos laban sa Babilonyang Dakila at sa lahat ng kaniyang relihiyosong mga kasama, pati na ang Sangkakristiyanuhan. Aalisin nito sa buong lupa ang huwad na Kristiyanismo. Ang kalagayan ng Sangkakristiyanuhan ay magiging gaya niyaong malungkot na kalagayang inilarawan sa Isaias 34. Hindi na niya masasaksihan ang pawang hindi mapag-aalinlanganang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” laban sa mga bansa, na nandambong sa Babilonyang Dakila. Ang antitipikong Edom, ang Sangkakristiyanuhan, ay lubusang papalisin sa ibabaw ng lupa, “magpakailan-kailan man.”