Ginaganti ni Jehova ang Pananampalataya at Tibay ng Loob
“Ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ay nakapagliligtas sa amin. Buhat sa mabangis na hurnong nagniningas at buhat sa iyong kamay, Oh hari, ay kaniyang ililigtas kami.”—DANIEL 3:17.
1. Anong aral ang itinampok sa naunang artikulo, at bakit kapaki-pakinabang ang muling suriin ang mga pangyayari?
SI Jehovang Diyos, na Soberano ng Uniberso, ay nagturo sa mga pinuno ng daigdig ng mahalagang mga aral tungkol sa kaniyang pagiging kataas-taasan. Sa naunang artikulo, nakita natin kung paanong ito’y katuparan ng mga pangyayaring nakasulat sa unang anim na mga kabanata ng aklat ni Daniel 1-6. Ang mga kasaysayan ding ito ang maaari na ngayong muling suriin upang alamin kung ano ang maaari nating matutuhan buhat sa mga ito bilang pagsunod sa kinasihang mga salita ni apostol Pablo: “Lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”—Roma 15:4.
2, 3. Sino ang kabilang sa mga nabihag ni Haring Nabucodonosor, at ano ang masasabi natin tungkol sa kahulugan ng kani-kanilang pangalan?
2 Noong taóng 617 B.C.E., sa panahon ng maikling paghahari ni Jehoiachin, na anak ni Haring Jehoiakim, iniutos ni Haring Nabucodonosor na ang ilan sa pinakamahuhusay at pinakamarurunong na mga kabataang Judio ay dalhin sa Babilonya. Kabilang na rito sina Daniel, Ananias, Misael, at si Azarias.—Daniel 1:3, 4, 6.
3 Batay sa kahulugan ng kani-kanilang pangalan, maliwanag nga na sa kabila ng masasamang kalagayan na umiiral noon sa Juda, ang apat na Hebreong kabataang ito ay may mga magulang na may-takot sa Diyos. Ang “Daniel” ay nangangahulugang “Ang Hukom Ko Ay ang Diyos.” Ang kahulugan ng pangalan ni Ananias ay “Nagpakita ng Kagandahang-loob si Jehova; si Jehova’y Naging Magandang-Loob.” Posible na ang pangalan ni Misael ay nangangahulugang “Sino ang Katulad ng Diyos?” o “Sino ang sa Diyos?” At ang kahulugan ng pangalan ni Azarias ay “Tumulong si Jehova.” Tiyak na ang kanila mismong mga pangalan ay isang pangganyak para sa kanila na maging tapat sa kaisa-isang tunay na Diyos. Kahalili ng mga pangalang ito, ang apat na kabataang Hebreo ay pinangalan ng mga Caldeo ng Beltsasar, Sadrach, Mesach at Abednego. Mangyari pa, palibhasa’y mga alipin ng isang bansang banyaga, sila’y walang magagawa kung anumang mga pangalan ang ibigay sa kanila ng mga bumihag sa kanila.—Daniel 1:7.
Ang Pananampalataya at Tibay-ng-Loob ay Sinubok
4. Ano ang nagpapakita na ibig ni Jehova na sunding mahigpit ng kaniyang bayan ang kaniyang mga batas tungkol sa malinis at di-malinis na mga hayop?
4 Ang kani-kanilang may-takot sa Diyos na mga magulang ay hindi lamang nagbigay sa apat na Hebreo ng isang mabuting pagpapasimula sa buhay sa pamamagitan ng mga pangalang kanilang ibinigay sa mga ito kundi tiyak na kanilang pinalaki ang mga ito nang may pagkaistrikto sa pagsunod sa Kautusan ni Moises, kasali na ang tungkol sa pagkain. Ang Diyos na Jehova mismo ay lubhang nagpapahalaga rito kung kaya pagkatapos na itala ang maraming nahahawig na pagbabawal ay kaniyang sinabi: “Patunayan ninyong kayo’y banal, sapagkat ako’y banal.”—Levitico 11:44, 45.
5. Paanong ang mahusay na pagpapalaki sa apat na kabataang Hebreo ay napalagay sa pagsubok?
5 Hindi nagtagal at ang mahusay na pagpapalaking ito sa apat na mga kabataang Hebreo ay napalagay sa pagsubok. Sa paano nga? Sapagkat sila’y “tinakdaan ng araw-araw na bahaging galing sa maiinam na pagkain ng hari at sa kaniyang iniinom na alak.” (Daniel 1:5) Batid nila na kabilang sa mga bagay na ibinabawal ng Kautusan ni Moises ay mga pagkaing gaya ng baboy, kuneho, talaba, at igat. Maging iyun mang mga karne na pinapayagan ng Kautusan na kainin ay pinagdududahan sa pamunuan ng Babilonya, yamang walang paraan na malaman kung ang mga ito’y wastong napatulo ang dugo. Isa pa, ang gayung mga karne ay baka dumaan na sa mga rituwal na pagano at naging marumi na.—Levitico 3:16, 17.
6. Paano sila tumugon sa pagsubok?
6 Ano ang magagawa ng apat na Hebreo? Mababasa natin na si Daniel, at walang alinlangan na pati iyung tatlo pa, ay disidido sa kaniyang puso na huwag dumhan ang kaniyang sarili ng gayung mga pagkain. Kaya, siya’y “patuloy na nakiusap” na bigyan siya ng gulay lamang sa halip na iyung magagaling na pagkain ng hari at ng tubig sa halip na iyung kaniyang alak. Hindi sumilid sa kanilang isip ang kung aling pagkain ang mas masarap. Tunay na kailangan ang pananampalataya at tibay ng loob upang makapanindigan sa ganitong suliranin. Bueno, yamang si Jehova ay interesado sa apat na kabataang ito, kaniyang pinapangyari na ang kaniyang pangunahing opisyal sa palasyo ay magkaroon ng magandang pagtingin kay Daniel. Gayunman, ang opisyal na ito ay natatakot na ipagkaloob ang hinihiling ni Daniel dahilan sa pangamba sa magiging epekto ng gayung pagkain sa kalusugan ni Daniel. Kaya hiniling ni Daniel na sila’y payagang subukan ang pagkaing ito sa loob ng sampung araw. Siya’y may matibay na pananampalataya na ang pagsunod sa batas ng Diyos ay hindi lamang magbibigay sa kaniya ng isang mabuting budhi kundi magpapatunay rin na nakabubuti sa kalusugan. Kaya dahilan sa kanilang paninindigan, tiyak na ang apat na Hebreo ay nagtiis ng maraming paglibak.—Daniel 1:8-14; Isaias 48:17, 18.
7. Paano ginanti ang mga kabataang Hebreong iyon dahil sa kanilang magiting na paninindigan?
7 Pananampalataya at tibay ng loob ang kinailangan upang ang apat na Hebreo ay makapagbangon ng isang isyu tungkol sa kanilang pagkain. Subalit anong laki ng kagantihan sa kanila sa paggawa ng gayon, sapagkat sa katapusan ng sampung araw sila’y nagtinging lalong maganda at lalong malusog kaysa mga iba! Sila’y binibigyan ni Jehova ng kaalaman, unawa, at karunungan, kung kaya’t nang sila’y humarap sa hari sa katapusan ng kanilang tatlong taóng pagsasanay, kaniyang nakitang sila’y “makasampung mas mainam kaysa lahat ng mga saserdoteng mahiko at mga engkantador na nasa kaniyang buong kaharian.”—Daniel 1:20.
8. Ano ang aral nito para sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon?
8 Mayroong aral ito para sa lahat ng mga lingkod ng Diyos na Jehova sa ngayon. Ang mga kabataang Hebreong iyon ay maaari sanang nangatuwiran na ang ibinabawal na mga pagkain ng Kautusang Mosaiko ay hindi naman totoong mahalaga, kahit na lamang kung ihahambing sa Sampung Utos o sa mga kautusan tungkol sa mga hain o sa mga taunang kapistahan. Subalit hindi, ang tapat na mga Hebreo ay may pagkabahala na sundin ang lahat ng bahagi ng kautusan ng Diyos. Ito’y nagpapaalaala ng simulain na sinalita ni Jesus, na nasusulat sa Lucas 16:10: “Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din sa marami, at ang di-matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami.”—Ihambing ang Mateo 23:23.
9. Paano nagpakita ang mga Saksi ng nakakatulad na tibay ng loob sa ngayon?
9 Maraming ulit, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpakita ng nakakatulad na pananampalataya at tibay ng loob, gaya halimbawa pagka tungkol na sa paghingi sa kanilang mga amo ng panahon ng pagliban sa trabaho upang dumalo sa isang pandistritong kombensiyon. At malimit, ang kanilang kahilingan ay ipinagkakaloob. Ang mga Saksing nagnanais magpayunir o maging mga auxiliary pioneer ay humiling ng trabahong hindi pambuong panahon at kadalasa’y ipinagkaloob ang pribilehiyong ito.
10. Sa lahat ng ito, ano ang iniaaral nito sa mga magulang na Saksi?
10 Anong inam na aral ang maaaring matutuhan ng may-takot sa Diyos na mga magulang sa ngayon buhat sa maliwanag na pagkasanay ng apat na mga kabataang Hebreo! Pagka talagang isinasapuso ng mga magulang na Kristiyano ang espirituwal na mga kapakanan ng kanilang mga anak, ang mga ito ay kanilang uunahin sa kanilang sariling buhay, bilang pagsunod sa sinasabi ng Mateo 6:33. Kung magkagayon ay maaasahan nila na ang kanilang mga anak ay makapananaig sa mga tukso at mga panggigipit ng kanilang mga kaedad at ng kanilang mga guro sa paaralan na magdiwang ng mga kompleanyo o mga kapistahan o labagin ang mga simulaing maka-Kasulatan sa mga ibang paraan. Sa ganito’y pinatutunayan ng may-takot sa Diyos na mga magulang na ito ang pagiging totoo ng Kawikaan 22:6.
Walang-Takot na Pagpapaliwanag ng Kahulugan ng mga Panaginip ni Nabucodonosor
11. Paano natin matutularan sa ngayon ang mga halimbawa ni Daniel at ng kaniyang tatlong kaibigan?
11 Ang ikalawang kabanata ng Daniel ay nagbibigay sa atin ng isa pang halimbawa ng pananampalataya at tibay ng loob. Nang mabalitaan ni Daniel ang utos ng hari na lipulin ang lahat ng mga lalaking pantas ng Babilonya dahilan sa hindi nila masabi sa kaniya ang kaniyang panaginip at ang kahulugan niyaon, si Daniel ba at ang kaniyang tatlong kasamahan ay naligalig? Talagang hindi! Bagkus, taglay ang pinakamalaking pananampalataya na ibibigay sa kaniya ni Jehova ang impormasyon na ibig ng hari, si Daniel ay humarap sa haring iyon at humingi ng panahon para maibigay niya ang sagot. Ang panahon para maibigay niya ang sagot. Ang kahilingang ito ay ipinagkaloob. Nang magkagayon, si Daniel at ang kaniyang tatlong kaibigan ay taimtim na nanalangin tungkol sa bagay na iyon. Ang kanilang pananampalataya ay ginanti ni Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang impormasyon. Pagkatapos, si Daniel ay naghandog ng taos-pusong panalangin ng pagpapasalamat kay Jehova. (Daniel 2:23) At ang pagpapaliwanag ni Daniel sa kabanata 4 ay nangangailangang sabihin ni Daniel kay Haring Nabucodonosor na siya’y pitong taong mamumuhay na gaya ng isang mabangis na hayop kasama ng maiilap na mga hayop. Dito’y kailangan ang uri ng pananampalataya at tibay ng loob na kinakailangang ipakita ng bayan ng Diyos sa ngayon sa paghahayag ng matinding pabalita ng Kaniyang paghihiganti sa sanlibutan ni Satanas.
‘Pumawi sa Bisa ng Apoy’
12, 13. Ang kabanata 3 ng Daniel ay naglalahad ng anong pagsubok na napaharap sa tatlong kaibigan ni Daniel?
12 Ang Daniel kabanata 3 ay nagbibigay ng isa sa pinakalitaw na halimbawa ng pag-uulat ng Bibliya tungkol sa kung paanong ginanti ni Jehova ang kagila-gilalas na pananampalataya at tibay ng loob ng tatlong mga lingkod na Hebreo. Gunigunihin ang eksena. Lahat ng mga mahal na tao sa Babilonya ay natitipon sa kapatagan ng Dura. Sa harap nila ay naroon at nakatayo ang isang gintong imahen na mga 27 metro ang taas at 2.7 metro ang luwang. Upang pukawin ang kanilang damdamin, ang hari ay may orkestra na pinatugtog. Sa pagtugtog ng musika, yaong mga nagkakatipon ay ‘magpapatirapa at sasamba sa gintong imahen na itinayo ni Nabucodonosor na hari. At sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay sa mismong sandaling iyon ihahagis sa mabangis na hurnong nagniningas.’—Daniel 3:5, 6.
13 Tiyak iyan: Ang pagtangging sumunod sa utos ay nangangailangan ng malaking pananampalataya at tibay ng loob. Subalit ang pagiging ‘tapat sa kakaunti’ ang naghanda sa kanila na maging ‘tapat sa marami.’ Ang bagay na ang kanilang paninindiga’y baka magsapanganib sa mga ibang Judio ay kalabisan ng banggitin pa. Sila’y hindi yuyuko at sasamba sa imahen. Ang kanilang halatang-halatang pagtanggi ay napansin ng ilan sa kanilang mga kasamahang naiinggit, na hindi nagpalampas ng panahon upang ito’y ibalita sa hari.
14. Paano tumugon si Nabucodonosor sa kanilang pagtangging yumukod, at paano nila sinagot ang kaniyang ultimatum?
14 Taglay ang “nagsisiklab na galit,” iniutos ni Nabucodonosor na ang tatlong Hebreo ay dalhin sa harap niya. Ang kaniyang tanong, “Talaga nga bang gayon?” ay nagpapakita na hindi niya maubos-maisip na sila’y tatangging yumukod at sumamba sa gintong larawan. Siya’y handang bigyan sila ng isa pang pagkakataon, subalit kung sila’y tatanggi pa rin, sila’y ihahagis sa mabangis na hurnong nagniningas. “At,” ang sabi ng palalong hari ng Babilonya, “sinong Diyos ang makapagliligtas sa inyo sa aking mga kamay?” Taglay ang tunay na tibay ng loob at pananampalataya kay Jehova, ang tatlong Hebreo ay magalang na sumagot sa hari: “Kami’y hindi na kailangang magsalita sa iyo ng kahit isang salita tungkol sa bagay na ito. Kung maaari, ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin. Buhat sa mabangis na hurnong nagniningas . . . , Oh hari, kami ay kaniyang ililigtas. Ngunit kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami naglilingkod sa iyong mga Diyos, ni sasamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.”—Daniel 3:13-18.
15. Nang magkagayo’y anong aksiyon ang iniutos ni Nabucodonosor?
15 Kung si Nabucodonosor ay nagagalit noon, ngayon ay napopoot na siya, sapagkat ating mababasa na “ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago laban sa” tatlong Hebreo. (Daniel 3:19) Ang nagpapakita ng kaniyang pagkapoot ay ang kaniyang pag-uutos na painitin ang hurno nang makapitong mainit pa kaysa karaniwan. Pagkatapos ay mayroong mga malalakas na lalaki sa kaniyang hukbo na kumuha sa tatlong Hebreo at inihagis sila sa nagniningas na hurno. Ganiyan na lamang ang tindi ng liyab ng apoy na anupa’t nangamatay ang mga lalaking nagsagawa ng trabahong ito.
16. Paano ginanti ang pananampalataya ng tatlong Hebreo?
16 Ngunit anong laki ng pagtataka ng hari nang kaniyang makita, hindi lamang tatlo, kundi apat na lalaking nagsisilakad sa gitna ng apoy at sila’y walang bahagya mang kapinsalaan! Nang ipatawag ng hari ang tatlong Hebreo, kaniyang nakita na wala isa mang hibla ng buhok sa kanilang mga ulo ang nasunog at hindi man lamang nangamoy-usok ang kanilang mga kasuotan. Anong laking kagantihan ang ibinigay ni Jehova sa kanila dahil sa kanilang pananampalataya at tibay ng loob! Tiyak na ang kanilang halimbawa ang nasa isip ni apostol Pablo nang kaniyang isali sila sa binanggit niyang makapal na ulap ng mga Saksi na “nagsipawi sa bisa ng apoy.” (Hebreo 11:34) Anong inam na halimbawa ang kanilang ipinakita para sa lahat ng lingkod ni Jehova sapol noon!
17. Anong maiinam at nakakatulad na mga halimbawa mayroon tayo sa ngayon?
17 Sa ngayon, ang mga lingkod ni Jehova ay hindi nakaharap sa banta ng isang literal na mabangis na hurnong nagniningas. Subalit napakarami sa kanila ang dumaan sa mahigpit na pagsubok ng kanilang pananampalataya kung tungkol sa may anyo ng pagsambang pakikitungo sa mga pambansang sagisag. Ang mga iba naman ay sinubok sa kanilang katapatan kung tungkol sa pagbili ng mga tarheta ng partido-politikal o pagsiserbisyo sa mga hukbong militar. Inalalayan ni Jehova ang lahat ng gayong mga tao, anupa’t tinulungan sila na mapagtagumpayan ang hamon sa kanilang integridad at sa gayon ay patunayan na sinungaling ang Diyablo ngunit si Jehova ang tunay na Diyos.
Isa Pang Halimbawa ng Pananampalataya at Tibay ng Loob
18. Paano nilapastangan ni Belsasar si Jehova, ang Diyos ng mga Judio, tulad ng iniulat sa Daniel kabanata 5, talatang 3, 4?
18 Gayunman ay may isa pang halimbawa ng pananampalataya at tibay ng loob na iniuulat ng aklat ni Daniel kabanata 5. Si Belsasar, hari ng Babilonya, ay nasa gitna noon ng isang marangyang kalapastanganang handaan kasama ang isang libo ng kaniyang mga mahal na tao, mga kerida, at mga babae. Biglang-bigla, isang pambihirang sulat-kamay ang lumitaw sa pader. Ganiyan na lamang ang pangingilabot ng hari na anupa’t ang pagkakasugpong ng kaniyang mga balakang ay nakalag at nagkaumpugan ang kaniyang mga tuhod. Muli, si Daniel, na lingkod ng tunay na Diyos, ay ipinatawag para ipaliwanag ang kahulugan niyaon sapagkat lahat ng mga lalaking pantas ng Babilonya ay nangalito.
19. Ano ang kapuna-puna nang ipaliwanag ni Daniel ang kahulugan ng sulat-kamay sa pader?
19 Bagaman si Daniel ay nag-iisa sa marangyang kapaligirang iyon ng mga taong napopoot sa kaniya, siya ay hindi pinangibabawan ng sindak o nahila man siya na pagaangin ang magiging epekto ng kaniyang mensahe, o mawalan ng pagpapahalaga sa isyu. Taglay ang katatagan at kahinahunan, sa malinaw at marangal na pangungusap, siya’y nagpatotoo tungkol sa kaniyang Diyos. Palibhasa’y hindi kontento sa basta pagpapaliwanag ng kahulugan ng sulat-kamay, sa hari ay ipinagunita ni Daniel na pinagpakumbaba ng Diyos na Jehova ang kaniyang lolo sa pamamagitan ng pagpapangyaring siya’y mamuhay na gaya ng isang mailap na hayop hanggang sa makilala niyang ang Kataastaasang Diyos ay Hari sa kaharian ng sangkatauhan. “Bagaman alam mong lahat ito” ang sabi ni Daniel kay Belsasar, ‘hindi ka nagpakumbaba kundi nilapastangan mo ang mga sisidlan ng templo ni Jehova at pinuri mo ang mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, at bato na hindi nakakikita, nakaririnig, o nakaaalam ng ano pa man. Ngunit ang Diyos na kinaroroonan ng lahat mong lakad ay hindi mo niluwalhati. Kaya ang utos na ito ay nanggaling sa kaniya. Ikaw ay tinimbang sa timbangan at nasumpungang kulang, at ang iyong kaharian ay pinaghahati-hati at ibinibigay sa mga taga-Media at mga taga-Persia.’ Oo, muli na namang si Daniel ay nagpakita ng mainam na halimbawa ng pananampalataya at tibay ng loob para sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon.—Daniel 5:22-28.
20. Sa panahon ng paghahari ni Dario, ano pang halimbawa ng malaking pananampalataya ang ipinakita ni Daniel?
20 Sa kabanata 6 ng Daniel, tayo’y may isa pang mainam na halimbawa ng pananampalataya at tibay ng loob. Si Haring Dario ngayon ang pinuno at si Daniel ay ginawa niyang isa sa tatlong pangunahing pangulo ng kaharian. Ang mga iba na naiinggit kay Daniel ay nanghikayat sa hari na magpalabas ng isang kautusan na sa loob ng 30 araw wala sinumang makagagawa ng kahilingan kaninuman maliban sa gawin iyon sa hari. Natalos nila na ito ang tanging paraan upang sila’y may maidahilan laban kay Daniel. Hindi niya pinansin ang kautusan at siya’y patuloy na nanalangin sa bubong ng kaniyang silid samantalang ang kaniyang bintana ay nakabukas, at nakaharap sa Jerusalem. Palibhasa’y nasumpungang nagkasala ng paglabag sa utos ng hari, si Daniel ay inihagis sa kulungan ng mga leon bilang pagsunod sa parusa na ibinibigay ng batas. Muli na namang ginanti ng Diyos si Daniel dahilan sa kaniyang pananampalataya at tibay ng loob. Paano? Gaya ng pagkasabi ng Hebreo 11:33, “itinikom [ni Jehova] ang bibig ng mga leon.”
21. Dahilan sa maiinam na halimbawa ng pananampalataya at tibay ng loob na nakasulat sa unang anim na kabanata ng aklat ni Daniel 1-6, ano ang dapat na maging matibay na pasiya natin?
21 Nakapagpapatibay-pananampalatayang mga pangyayari nga ang inilalahad ng Daniel kabanatang 1 hanggang 6! Anong laki ng gantimpalang ibinigay ng Diyos na Jehova sa mga nagpapakita ng pananampalataya at tibay ng loob. Sa isang panig, ito’y nangyari sa pamamagitan ng pagtataas sa kanila at sa kabilang panig, sa pamamagitan ng pagkaranas ng kahima-himalang kaligtasan. Tunay, tayo’y makakukuha ng kaaliwan at pag-asa buhat sa mga karanasan ng tapat na mga saksing ito pagka tayo’y napaharap sa mga pagsubok. Siyanga pala, sa mismong layuning ito kaya isinulat ang mga bagay na ito! Kung gayon, harinawang ipasiya natin na tayo’y maging maiinam na tagatulad sa gayong pananampalataya at tibay ng loob.—Roma 15:4; Hebreo 6:12.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ang mga pangalan ng apat na kabataang Hebreo ay nagpapahiwatig ng ano kung tungkol sa pagpapalaki sa kanila?
◻ Anong aral ang ibinibigay sa atin ng pagtatagumpay ng mga Hebreo sa pagsubok tungkol sa pagkain?
◻ Paanong ang katapatan ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay napalagay sa katulad na pagsubok sa tatlong Hebreo?
◻ Paanong nagpakita si Daniel ng pananampalataya at tibay ng loob sa pagpapatotoo kay Belsasar?
[Larawan sa pahina 17]
Si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay natutong magsabi ng hindi