Pagtatapos ng ika-85 Klase ng Gilead—Isang Masayang Okasyon
Pagkatapos ng pagtatalaga ng templo mga 3,000 taon na ngayon ang nakalipas, “pinauwi [ni Solomon] ang bayan sa kanilang mga tolda, na galak at may masayang puso.” (2 Cronica 7:10) Ang mga salitang iyan ay lumalarawang mainam sa kasayahan ng mahigit na 4,000 katao samantalang nililisan nila ang Jersey City Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses noong Setyembre 11, 1988. Ang okasyon, ang pagtatapos ng ika-85 klase ng Watchtower Bible School of Gilead.
Pagkatapos ng isang awit, ang programa ay nagsimula sa pamamagitan ng isang taus-pusong panalangin ni W. L. Barry, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Si T. Jaracz, miyembro rin ng Lupong Tagapamahala, ay nagsilbing chairman para sa araw na iyon. ‘Upang ang okasyong ito ay maging tunay na nakarirepresko sa espirituwal at nakapagpapatibay,’ ani Jaracz, ‘kailangan ang espiritu ni Jehova at ang kaniyang mga pagpapala.’ Oo, ang gayon ay mahahalata samantalang nagpapatuloy ang programa.
Pagkatapos ng pahayag na ito ng pagtanggap, ang mga nagtapos ay tumanggap ng panghuling payo sa pamamagitan ng sunud-sunod na maikli, at praktikal na mga pahayag. Si R. L. Rains ng Bethel Komite ang unang nagsalita. Ang kaniyang komento ay ibinatay niya sa Genesis 12:1, 2, at pinayuhan ni Rains ang mga mag-aaral: ‘Kayo’y magpatunay na isang pagpapala sa inyong pagmimisyunero.’ At paano nga nila magagawa iyon? ‘Iyon ay sa pamamagitan ng inyong paraan ng pamumuhay minsang kayo ay naroroon na,’ ang idiniin niya. Ang sumunod ay nagtampok naman sa dalawang bagay na makatutulong nang malaki: (1) Dapat nilang matalos na sila’y nangangailangan na gumawa ng mga ilang pagbabago upang maibagay ang kanilang sarili sa bagong mga atas na ito sa kanila; at (2) sila’y kailangang manatiling may mapayapang kaugnayan sa iba.
Sa isang masiglang, nagpapatibay-loob na pamamaraan, si J. E. Barr ng Lupong Tagapamahala ang kasunod na nagpahayag, ipinahayag niya sa mga nagtapos ang temang “Bigyan Mo Po Kami ng Higit Pang Pananampalataya,” na nakasalig sa Lucas 17:5. ‘Pakatandaan ninyo sa araw-araw,’ ang payo ni Barr, ‘na idalangin kay Jehova na bigyan kayo ng higit pang pananampalataya.’ Sa tuwina’y kailangang isaisip nila ang tunay na dahilan kung bakit sila’y isinugo ni Jehova sa kanilang mga atas. ‘Damhin ang bisa ng di-nakikita at gayundin ng kaniyang nakikitang organisasyon na laging umaalalay sa inyo, araw at gabi,’ ang payo ni Barr. ‘Maaari kayong humingi nito gaano mang kadalas sa inyo mga pananalangin, “Jehova, pakisuyong bigyan mo po ako ng higit pang pananampalataya.”’
Napukaw ang pananabik nang ipahayag ng chairman ang tema ng susunod na tagapagsalita, si F. D. Songer ng Factory Committee: “Isang Pambihirang Pagtitiwala at Isang Pantanging Susi.” Ang kaniyang komento ay hinango ni Songer sa 1 Cronica 9:26, 27 at ang sinasabi roon ang tungkol sa mga Levitang tagatanod-pinto. ‘Ang kanilang katungkulan ay may taglay na pambihirang pagtitiwala,’ ang paliwanag ni Songer. Sila ang may hawak ng susi—ang kagamitan na nagpapahayag ng paghahawak ng mismong kapangyarihan na may kinalaman sa pagpasok sa mga banal na lugar ng templo. Sila’y maaasahan, na mapagkakatiwalaang binubuksan ang mga pintuan tuwing umaga. Bilang konklusyon, sinabi ni Songer sa mga nagtapos: ‘Kayo’y binigyan ng isang pambihirang pagtitiwala at isang pantanging susi, sa talinghagang pangungusap, na gagamitin ninyo upang, sa uma-umaga, ay magbukas kayo ng pinto sa mga naghahangad na makapasok sa looban ng tunay na pagsamba. Ingatan ninyong mainam ang ipinagkatiwalang iyan at gamitin ang susi ayon sa paraan na kayo’y maaasahan.’
Pagkatapos, si M. G. Henschel ng Lupong Tagapamahala ay nagpahayag sa temang “Patuloy na Ingatan ang Uliran ng Magagaling na Salita.” Sa pagtukoy sa 2 Timoteo 1:13, 14, ipinaliwanag ni Brother Henschel na ang pahimakas na payo ni Pablo kay Timoteo ay: ‘Gamitin mo itong uliran ng magagaling na salitang ito na tinanggap mo sa akin, at ingatan mo ito na gaya ng isang kayamanan, isang ipinagkatiwala sa iyo.’ Ang mga nagtapos mang ito ay tumanggap ng isang kayamanan. Sa loob ng nakalipas na limang buwan, kanilang pinag-aralan ang Bibliya at ang mga bagay-bagay tungkol sa ministeryo. ‘Ang turong ito, ang ulirang ito ng magagaling na salita,’ ang paliwanag ni Henschel, ‘ay inilagay ng Diyos sa inyong mga kamay upang gamitin, hindi naman para sa inyong sarili, hindi nga, kundi para sa iba rin naman.’
Anong pahimakas na payo ang ibibigay sa kanilang mga estudyante ng dalawang instruktor ng paaralan? Si J. D. Redford ang nagsalita muna sa temang “Tanggapin ang Inyong mga Pagkakamali.” Binanggit ni Redford na bagaman alam natin na “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit,” kung tayo’y pinagsasabihan na tayo’y nakagawa ng pagkakamali, tayo’y may hilig na ipagmatuwid ang ating sarili. (Santiago 3:2) ‘Ang hindi pagtanggap sa ating pagkakamali ay para na ring pagsasabing tayo’y di-nagkakamali,’ sabi ni Redford. Ang pagtanggap sa ating mga pagkakamali ang siyang landas ng karunungan. Sa paano? Ganito ang paliwanag ng tagapagpahayag: ‘Walang sinumang makapananatiling iginagalang ng iba kung kaniyang iginigiit na siya’y tama kahit na mukhaang ipinakita sa kaniya ang isang maliwanag na pagkakamaling nagawa niya. Paano ngang ang sinuman ay magkakaroon ng pagtitiwala sa isang taong batid niya buhat sa kaniyang karanasan na isasakripisyo kahit ang katotohanan upang ang kaniyang sarili’y pagtinginin lamang na siya’y tama? Ang pagtanggap sa isang pagkakamali ay nagbibigay sa atin ng ibayong lakas, ng paggalang sa sarili. Subalit ang hindi paggawa nito ay isang karuwagan, at nagsisilbing pampahina sa ating moral.’ Ang pagkakapit ng ganiyang praktikal na payo ay tiyak na tutulong sa mga nagtapos upang sila’y makasundo ng iba.
Si U. V. Glass, ang isa pang instruktor at ang rehistrador ng paaralan, ay nagpahayag ng kanilang pangwakas na payo na ibinatay sa paglalahad ng Bibliya tungkol kay Gideon, na ginamit ni Jehova upang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Medianita. (Hukom, kabanata 6–8) Ipinakita ni Gideon na hindi nagkamali si Jehova ng paglalagak sa kaniya ng tiwala, sapagkat nang ibig ng bayan na gawin siyang isang hari, siya’y tumanggi, na ang sabi: “Si Jehova ang siyang maghahari sa inyo.” (Hukom 8:23) ‘Kayo man,’ ang sabi ni Glass, ‘ay ayaw ninyong kayo’y itaas. Pinatunayan ninyo ang inyong sarili. Subalit ito’y hindi nangangahulugan na kayo ang mga gumagawa ng pakikipagbaka. Si Jehova ang umaalalay sa inyo.’
Ang katapusang tagapagpahayag sa umaga ay si A. D. Schroeder ng Lupong Tagapamahala, at halata habang siya’y nagsasalita na ang Gilead School ay malapit sa kaniyang puso. At may mabuting dahilan naman—siya ang rehistrador nang itatag ang paaralan noong 1943. Si Brother Schroeder ay nagpahayag sa temang “Hayaang Kayo’y Masumpungang Tapat,” batay sa 1 Corinto 4:2. Ano ba ang kasangkot sa pagiging tapat? Tinutukoy nito ang katangian ng isa na pagiging puno ng pananampalataya sa mga pagpapahayag at mahalagang mga pangako ng Diyos na Jehova,’ ang paliwanag ni Schroeder. ‘Ito’y nangangahulugan din na ang isa ay tapat, walang pagbabago, matapat kay Jehova.’ Mayroon bang anumang mga halimbawa niyaong mga nasumpungan na na tapat? Nariyan ang mga lalaki at mga babae noong bago sumapit ang panahon ng mga Kristiyano at binabanggit sa Hebreo sa Hebreo kabanata 11; si Jesu-kristo; at ang mga apostol at ang iba pang pinahirang mga alagad noong unang siglo C.E. Pagkatapos na itawag-pansin ang mga ilang halimbawa sa modernong panahon, si Brother Schroeder ay nagtanong: ‘Kumusta naman tayo,’ kaniyang isinusog: ‘Alin sa kayo ay tapat o kayo ay hindi tapat. Tayo man ay kabilang sa nalabi o di-kaya tayo’y nasa malaking pulutong, lahat tayo sa dalawang uring iyan, ay kailangan ding maging tapat sa pagkatawag sa atin.’
Pagkatapos ng pagsasalita ni Brother Schroeder, ang mga pagbati na tinanggap sa iba’t ibang bansa ay ipinahatid ng chairman. Dumating na ang sandali upang tanggapin ng mga estudyante ang kanilang diploma. Ang 22 estudyante ay galing sa anim na bansa—Canada, Pinlandiya, Alemanya, Gran Britaniya, Sweden, at Estados Unidos. Subalit, ang kanilang mga destino ay magdadala sa kanila sa 11 iba’t ibang bansa—Belize, Dominica, Ecuador, El Salvador, Hong Kong, Lesotho, Pakistan, Paraguay, Puerto Rico, Senegal, at Taiwan. At ano ang sinabi ng mga nagtapos noong araw ng kanilang graduwasyon? Isa sa mga estudyante ang bumasa ng isang liham na pahatid sa Lupong Tagapamahala at sa pamilyang Bethel, na ganito ang sabi ng isang bahagi: “Aming pinasasalamatan kayong lahat minsan pa dahil sa ang limang buwang ito ay ginawa ninyong hindi namin malilimot sa tanang buhay namin.”
Pagkatapos ng intermisyon, si W. L. Van De Wall ng Service Department Committee ang nagsimula ng programa sa hapon sa pamamagitan ng pangangasiwa sa isang pinaikling Pag-aaral sa Watchtower. Pagkatapos nito, ang mga estudyante ay nagtanghal ng isang maikling programa, kanilang itinanghal ang ilan sa mga interesante—at kung minsa’y katawa-tawang—mga karanasan nila samantalang nagpapatotoo sa New York City. Pagkatapos, lahat ng dumalo, kasali na ang ika-85 klase, ay nasiyahan sa isang pantanging programa na pinamagatang “Upang Lalong Makilala ang Ating Masisigasig na Misyonero,” sa pamamagitan ng mga slide at pagpapatugtog ng mga plaka, ang mga naroroon ay nakapanood—at nakapakinig—mga misyonerong matatagal na sa gawain.
Sa huling bilang, ang mga estudyante ay nagtanghal ng naka-costume na drama sa Bibliya na nagdiriin ng pangangailangan na gawin nang buong sigasig ang kalooban ng Diyos. Pagkatapos ng isang pangwakas na awit, lahat ng naroroon ay lubhang napukaw ang damdamin nang si F. W. Franz, ang 95-anyos na pangulo ng Watchtower Society, ay manguna sa isang taimtim na pangkatapusang panalangin. Pagkatapos nito, lahat ay “nagsiuwi sa kanilang tahanan, nagagalak at may masayang puso.”
Itinatag noong 1943, ang Watchtower Bible School of Gilead ay nagsasanay at nagpapadala ng mga misyonero sa lahat ng panig ng mundo. Para sa unang 35 klase, ang paaralan ay naroroon sa Kingdom Farm ng Watchtower Society, malapit sa South Lansing, New York. Sa ika-36 na klase, pasimula noong Pebrero 6, 1961, ang paaralan ay inilipat sa punung-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York. Nang magtapos ang ika-36 klase noong Oktubre 17,1961, ang paaralan ay inilipat sa Watchtower Farms, malapit sa Pine Bush, New York.
[Kahon sa pahina 21]
Ulat ng Klase:
Katamtamang edad: 29.1
Katamtamang taon sa katotohanan: 13.4
Katamtamang taon sa pambuong-panahong ministeryo: 9.1
Bilang ng mga kapatid na binata: 2
Bilang ng mga mag-asawa: 10
[Larawan sa pahina 23]
Ika-85 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng numero mula sa harap palikod, at ang mga pangalan ay nakatala mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Johnston, Y.; Kuismin, S.; Ugarte, Z.; Williams, Z.; Grischkewitz, G. (2) Powers, E.; D’Angelo, L.; Honsberger, J.; Williams, J.; James, J. (3) Kuismin, V.; Grischkewitz, U.; Ugarte, R.; Rogerson, A.; Lantunen, K.; James, D. (4) Rogerson, M.; Johnston, R.; D’Angelo, T.; Honsberger, T.; Powers, T.; Danielson, M.