Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pananatili sa Pananampalataya sa Nababahaging Sambahayan
ANG apostol na si Pablo ay nagpayo sa mga Kristiyano: “Palaging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito’y ililigtas mo ang iyong sarili pati na ang mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Sa isang bansa sa Silangan, ang ‘pananatili’ sa mga turo ng Bibliya ay nagbunga ng kahanga-hangang mga pagpapala kay Ginang L— pagkatapos na siya’y maging isa sa mga Saksi ni Jehova.
Si Ginang L— at ang kaniyang asawa ay kapuwa nanggaling sa mga angkang Hindu. Siya’y dinalaw ng mga Saksi ni Jehova noong 1959, at pagkatapos na makipag-aral sa kanila ng Bibliya, kaniyang tinanggap ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Pagkatapos ay nagpatotoo siya sa kaniyang asawa at iba pang mga kamag-anak. (Ihambing ang Juan 1:40, 41.) Ang kaniyang asawa ay hindi interesado, subalit ang kaniyang likas na kapatid na babaing si R— ay nakisali sa pag-aaral. Noong 1961 silang magkapatid ay nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. Samantalang nagsisilaki ang mga anak ni Sister L—, kaniyang inaralan sila at isinama sila sa mga pulong. Nang ang panganay na babae, si S—, ay huminto na sa pag-aaral, kaniyang inialay ang buhay niya kay Jehova, siya’y nabautismuhan, at nag-asawa ng isang Saksi. Subalit, dumating ang panahon na silang mag-asawa’y kapuwa naging inaktibo. Ang panganay na anak na lalaki ay nag-aral sa kolehiyo at napabarkada sa masasamang kasama. Pagkatapos ay nakapag-asawa siya ng isang babaing Katoliko at huminto ng pakikiugnay sa mga lingkod ni Jehova. Sa kabilang panig, ang nakababatang anak na babae, pagkatapos ng kaniyang pag-aaral, ay nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at nabautismuhan.
Si Sister L— ay patuloy na nagpatotoo sa kaniyang mga kamag-anak. Isa pang kapatid na babae ang naging interesado, subalit ang asawang lalaki ay mahigpit na sumalansang sa kaniya, winasak pa man din ang kaniyang Bibliya at ang mga aklat. Hindi siya pinayagan na isama sa mga pulong ang kaniyang tatlong anak, gayumpaman, kaniyang inaralan sila sa bahay. Dumating ang panahon na siya man ay nag-alay ng kaniyang sarili at nabautismuhan, sa gitna ng matinding pananalansang ng kaniyang asawa. Sa wakas, ang tatlong anak niya ay nag-alay ng sarili at naging bautismadong mga Saksi.
Samantala, si Sister L— ay patuloy na nagpatotoo sa kaniyang likas na mga kamag-anak. Nang siya’y magpatotoo sa kaniyang kapatid na lalaki at sa asawang babae nito, ang kapatid na ito ay hindi nagpakita ng interes, ngunit nakinig ang kaniyang asawa. Pagkatapos na magkaroon ng sapat na kaalaman sa Bibliya siya ay nag-alay ng sarili sa Diyos at sinagisagan ito ng bautismo sa tubig.
Si Sister L— ay nagpatotoo sa isa pang likas na kapatid na lalaki, na salungat sa katotohanan. Subalit ang asawang babae, pati na ang kaniyang anak na babae, ay nagsimulang makipag-aral. Ang anak na babaing iyon ay pinapunta sa Canada para maipagpatuloy ang sekular na pag-aaral subalit siya’y nagpatuloy sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya at sa pakikisama sa mga Saksi roon. Sa wakas ay nanindigan din siya sa katotohanan at nabautismuhan. Siya’y nag-asawa ng isang kapatid na payunir sa Canada, at ang kaniyang mga magulang ay dumalo sa kasal. Ang pakikisalamuha sa mga kapatid doon sa Canada ay nagkaroon ng napakainam na epekto sa ama.
Ang Ibinunga ng Pagpapatotoo sa Kaniyang Pamilya
Ang tapat na pagsisikap ni Sister L— ay pinagpala ni Jehova. Nang dumating ang panahon ay iniwan ng kaniyang bunsong anak na babae ang kaniyang trabahong may malaking suweldo, kumuha na lamang siya ng trabahong pansamantala, at siya’y nagsimulang naglingkod kay Jehova bilang isang buong-panahong ministro. Ang panganay na anak na babae at ang asawang lalaki ay nagsimulang makipag-aral at muling dumalo sa mga pulong at naging aktibo sa ministeryo. Ang kaniyang anak na lalaki na nag-asawa ng isang babaing Katoliko at napahiwalay na sa katotohanan ay nagsimulang mag-aral muli at sa wakas ay nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at nabautismuhan. Ang pinakabunsong anak na lalaki ay nag-alay rin at nabautismuhan at pagkatapos ay nanindigan sa isyu ng pagkaneutral. (Isaias 2:4) Siya’y sinintensiyahan na magdusa nang tatlong taon sa isang piitang militar, subalit sa lahat ng ito ay nagbigay siya ng isang mabisang patotoo sa harap ng hukuman. Ang kaniyang ama, na asawa ni Sister L—, ay hangang-hanga sa paninindigang iyon ng kaniyang anak kung kaya’t ngayon siya’y naging interesado at nagsimulang dumalo sa mga pulong.
Oo nga, lubhang kasiya-siya at nakagagalak ang naging karanasan ni Sister L— sa kaniyang 29 na taon ng tapat na paglilingkod bagaman nasa isang baha-bahaging sambahayan! Siya ngayon ay natutuwang bilangin ang humigit-kumulang na 18 mga miyembro ng pamilya at likas na mga kamag-anak na nabautismuhan na. Harinawang ang karanasang ito ay maging isang pampatibay-loob at kaaliwan sa marami sa ating mga kapatid na, sa ilalim na nahahawig na mga kalagayan, kailangang magtiis at manatili sa pananampalataya sa baha-bahaging sambahayan.—1 Pedro 2:19, 20; 1 Corinto 7:12-16.