Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 6/15 p. 8-9
  • Ang Katigasan ng Ulo ng Di-sumasampalatayang mga Fariseo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Katigasan ng Ulo ng Di-sumasampalatayang mga Fariseo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kaparehong Materyal
  • Kusang Di-Pagsampalataya ng mga Fariseo
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Kinompronta ng mga Pariseo ang Lalaking Dating Bulag
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Ipinanganak na Bulag
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Pagpapagaling sa Isang Taong Isinilang na Bulag
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 6/15 p. 8-9

Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus

Ang Katigasan ng Ulo ng Di-sumasampalatayang mga Fariseo

ANG mga magulang ng pulubing dating bulag ay natakot nang sila’y tawagin upang humarap sa mga Fariseo. Batid nila na ipinasiya na palayasin sa sinagoga ang sinuman na nagpapakita ng pananampalataya kay Jesus. Ang gayong pagputol sa pakikisama sa iba sa sambayanan ay magdudulot ng malaking hirap, lalo na sa isang dukhang pamilya. Kaya’t nagpakaingat ang mga magulang.

“Ito baga ang iyong anak na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag?” ang tanong ng mga Fariseo. “Paano ngang siya’y nakakakita na ngayon?”

“Nalalaman naming ito’y aming anak at siya’y ipinanganak na bulag,” ang patotoo ng mga magulang. “Subalit kung paano siya nakakakita na ngayon, iyan ang hindi namin alam, o kung sino ang nagpadilat ng kaniyang mga mata ay hindi namin alam.” Tiyak naman na sinabi sa kanila ng kanilang anak ang lahat ng nangyari, subalit maingat na sinabi ng mga magulang na: “Tanungin ninyo siya. Siya’y nasa edad na. Siya’y kailangang magsalita para sa kaniyang sarili.”

Kaya, tinawag uli ng mga Fariseo ang lalaking iyon. Ngayon ay sinubok nila na takutin siya sa pamamagitan ng pagsasabing sila’y nakatipon ng ebidensiyang magdadawit kay Jesus. “Luwalhatiin mo ang Diyos,” ang utos nila. “Nalalaman naming makasalanan ang taong ito.”

Ang taong dating bulag ay hindi naman nagtatatuwa ng kanilang paratang, at ang sabi: “Kung siya’y makasalanan ay hindi ko alam.” Subalit isinusog pa niya: “Isang bagay ang alam ko, na, akong dating bulag, ako’y nakakakita na ngayon.”

Sa pagsisikap na makakita ng butas sa kaniyang pagpapatotoo, muling nagtanong ang mga Fariseo: “Ano nga ba ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinadilat ang iyong mga mata?”

“Sinabi ko na nga sa inyo,” ang reklamo pa ng tao, “subalit hindi ninyo pinakinggan. Bakit ibig ninyong marinig uli?” Painsulto, tinanong niya: “Ibig ba rin ninyong kayo’y maging mga alagad niya?”

Ang tugon na ito’y nagpagalit sa mga Fariseo. “Ikaw ay alagad ng taong iyan,” ang bintang niya, “subalit kami’y mga alagad ni Moises. Alam naming nagsalita ang Diyos kay Moises; subalit tungkol sa taong ito, hindi namin alam kung tagasaan siya.”

Sa laki ng pagtataka, ang mapakumbabang pulubi ay tumugon: “Ito nga ang tiyak na kagila-gilalas, na hindi mo alam kung tagasaan siya, gayunma’y kaniyang pinadilat ang aking mga mata.” Ano ang mahihinuha natin dito? Tinukoy ng pulubi ang tinatanggap na pangangatuwiran: “Alam natin na hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga makasalanan, subalit kung ang sinuman na may takot sa Diyos at gumagawa ng kaniyang kalooban, kaniyang pinakikinggan ang isang ito. Sa mula’t sapol ay hindi napapabalita kailanman na mayroong sinuman na nakapagpadilat ng mga mata ng isang tao na ipinanganak na bulag.” Kaya naman, maliwanag ang pagkasabi: “Kung ang taong ito’y hindi galing sa Diyos, disin sana’y hindi siya makagagawa ng anuman.”

Ang mga Fariseo ay walang maisagot sa gayong prangkahan, malinaw na pangangatuwiran. Hindi nila matanggap ang katotohanan, kaya kanilang nilibak ang taong iyon: “Ipinanganak kang lubos sa mga kasalanan, at ikaw ba ang magtuturo pa sa amin?” Ang taong ito’y pinalayas nila, anupa’t pinaalis siya sa sinagoga.

Nang mapag-alaman ni Jesus ang kanilang ginawa, kaniyang hinanap ang taong iyon at sinabi: “Ikaw ba’y sumasampalataya sa Anak ng tao?”

“Sino baga siya, ginoo,” ang sagot naman ng pulubing dating bulag, “upang ako’y makasampalataya sa kaniya?”

“Siya nga na nakikipag-usap sa iyo,” ang tugon ni Jesus.

Kapagdaka, ang taong iyon ay nagpatirapa kay Jesus at ang sabi: “Ako’y sumasampalataya sa kaniya, Panginoon.”

Nang magkagayon ang paliwanag ni Jesus: “Para sa paghatol na ito’y naparito ako sa sanlibutan, upang ang mga hindi nakakakita ay makakita at yaong mga nakakakita ay maging bulag.”

Nang magkagayon nagtanong ang mga Fariseong nakikinig: “Kami’y baga naman ay mga bulag din?” Kung kanilang tatanggapin na sila’y may mga kaisipang binulag, magkakaroon ng dahilan para sa kanilang pananalansang kay Jesus. Gaya ng pagkasabi sa kanila ni Jesus: “Kung kayo’y mga bulag, kayo’y hindi magkakaroon ng mga kasalanan.” Subalit, buong katigasang iginiit nila na sila’y hindi bulag at hindi nangangailangan ng espirituwal na kaliwanagan. Kaya’t sinabi ni Jesus: “Ngayon ay sinasabi ninyo: Kaya’t sinabi ni Jesus: “Ngayon ay sinasabi ninyo: ‘Kami’y nakakakita.’ Ang inyong kasalanan ay nananatili.” Juan 9:19-41.

◆ Bakit ang mga magulang ng pulubing dating bulag ay natatakot nang sila’y tawagin upang humarap sa mga Fariseo, kaya’t paanong sila’y sumasagot nang buong ingat?

◆ Paano sinubok ng mga Fariseo na takutin ang taong dating bulag?

◆ Anong makatuwirang argumento ng taong iyon ang nagpagalit sa mga Fariseo?

◆ Bakit ang mga Fariseo ay walang dahilan sa kanilang pagsalansang kay Jesus?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share