-
Ang Disiplina na Makapagbubunga ng Bungang MapayapaAng Bantayan—1988 | Abril 15
-
-
5, 6. (a) Mayroon tayong anong matalinong payo tungkol sa pakikitungo sa mga taong nagkakasala nang mabigat at hindi nagsisisi? (Mateo 18:17) (b) Anong mga tanong ang napapaharap sa atin?
5 Nang isang tao sa Corinto ang nahulog sa imoralidad at hindi nagsisi, sinabi ni Pablo sa kongregasyon: “Huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim o mananamba sa diyus-diyosan o mapagtungayaw o lasenggo o mangingikil, sa gayo’y huwag man lamang kayo makisalo sa pagkain sa ganoong tao.” (1 Corinto 5:11-13) Ganiyan din ang dapat gawin kung tungkol sa mga apostata, tulad ni Himeneo: “Ang taong nagtatatag ng isang sekta, pagkatapos ng una at ikalawang pagsaway ay tanggihan mo; yamang nalalaman mo na ang gayong tao ay lumihis na ng daan at nagkakasala.” (Tito 3:10, 11; 1 Timoteo 1:19, 20) Ang gayong pagtanggi ay angkop din naman para sa sinumang nagtatakwil sa kongregasyon: “Sila’y nagsihiwalay sa atin, ngunit sila’y hindi natin kauri; sapagkat kung sila’y kauri natin, sana’y nanatili silang kasama natin. Ngunit sila’y nagsihiwalay upang mahayag na hindi lahat ay kauri natin.”—1 Juan 2:18, 19.
-
-
Ang Disiplina na Makapagbubunga ng Bungang MapayapaAng Bantayan—1988 | Abril 15
-
-
Lubos na Pinutol
7. Paano nagkakaiba ang ating pakikitungo sa dalawang uri ng nagkakasala?
7 Ang mga Kristiyano ay hindi nagbubukod ng kanilang sarili buhat sa mga tao. Tayo’y normal na nakikipagtalastasan sa mga kapitbahay, sa mga kamanggagawa, sa mga kamag-aral, at sa mga iba, at nagpapatotoo sa kanila kahit na ang iba sa kanila ay ‘mga mapakiapid, mga taong masasakim, mangingikil, o mga mananamba sa diyus-diyosan.’ Sa sulat ni Pablo ay sinabi niya na hindi natin sila lubusang maiiwasan, ‘sapagkat kung ganoon ay kailangang umalis tayo sa sanlibutan.’ Gayunman, sinabi niya na naiiba naman kung tungkol sa “isang kapatid” na namumuhay na katulad niyan: “Huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid [kung siya’y bumalik sa ganoong dating lakad], sa gayo’y huwag man lamang kayong makisalo sa pagkain sa ganoong tao.”—1 Corinto 5:9-11; Marcos 2:13-17.
8. Anong payo ang ibinigay ni apostol Juan tungkol dito?
8 Sa mga sinulat ni apostol Juan, makikita natin ang katulad na payo na nagdiriin kung paano kailangang lubusang iwasan ng mga Kristiyano ang gayong mga tao: “Ang sinumang nagpapauna at hindi nananatili sa aral ng Kristo ay hindi kinaroroonan ng Diyos . . . Kung sa inyo’y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin siya sa inyong mga tahanan o batiin man. Sapagkat ang sa kaniya’y bumati [Griego, khaiʹro] ay nakakaramay sa kaniyang mga gawang balakyot.”a—2 Juan 9-11.
9, 10. (a) Ano ang nangyari sa di nagsising mga manlalabag-batas sa Israel, at bakit? (b) Ano ang dapat na madama natin tungkol sa kaayusan sa ngayon ukol sa pakikitungo sa mga taong itinitiwalag dahil sa kasalanang di-pinagsisihan? (2 Pedro 2:20-22)
9 Bakit angkop kahit na ngayon ang ganiyang matatag na paninindigan? Bueno, pag-isipan ang Kautusan ng Diyos sa Israel tungkol sa mahigpit na utos ng paghihiwalay. Sa iba’t ibang seryosong mga bagay, ang kusang mga manlalabag-batas ay pinapatay. (Levitico 20:10; Bilang 15:30, 31) Pagka ganiyan ang nangyari, ang mga iba, maging sila ma’y mga kamag-anak, ay hindi na maaaring makipag-usap sa pinatay na manlalabag-batas. (Levitico 19:1-4; Deuteronomio 13:1-5; 17:1-7) Bagaman ang tapat na mga Israelita noon ay normal na mga tao na may mga damdamin ding katulad ng sa atin, batid nila na ang Diyos ay makatuwiran at mapagmahal at ang kaniyang Kautusan ay proteksiyon sa kanilang moral at espirituwal na kalinisan. Kaya’t maaari nilang tanggapin na ang kaniyang kaayusan na ihiwalay ang mga nagkakasala ay mabuti at matuwid sa pangkalahatan.—Job 34:10-12.
10 Katulad nila na masisiguro natin na ang kaayusan ng Diyos na nagbabawal sa mga Kristiyano na makisama sa kaninuman na itinawalag dahil sa kasalanang di pinagsisisihan ay isang matalinong proteksiyon sa atin: “Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo’y maging bagong limpak, na tulad sa kayo’y walang lebadura.” (1 Corinto 5:7) Sa pamamagitan din ng pag-iwas sa mga taong kusang humihiwalay, ang mga Kristiyano ay naiingatan laban sa posibleng mapamintas, walang pagpapahalaga, o apostatang mga kuru-kuro.—Hebreo 12:15, 16.
Kumusta Naman ang mga Kamag-anak?
11, 12. (a) Ano ang epekto sa mga kamag-anak na Israelita pagka ang isang nagkasala ay ihinihiwalay? (b) Magbigay ng halimbawa ng mga kapakinabangan ng pagsunod.
11 Natatalos nga ng Diyos na ang pagsasakatuparan ng kaniyang matuwid na mga kautusan tungkol sa paghihiwalay ng mga nagkakasala ay kadalasan nagsasangkot at may epekto sa mga kamag-anak. Gaya ng binanggit na, pagka ang isang nagkasalang Israelita ay pinatay, hindi na maaaring makasama siya ng kaniyang pamilya. Ang totoo, kung ang isang anak na lalaki ay isang lasenggo at masiba, siya’y dapat dalhin ng kaniyang mga magulang sa mga hukom, at kung siya’y hindi magsisisi, ang mga magulang ay kasali rin sa mga babato sa kaniya hanggang sa siya’y mamatay, ‘upang alisin ang kasamaan sa gitna ng Israel.’ (Deuteronomio 21:18-21) Mahuhulo mo na ito’y hindi magiging madali para sa kanila. Gunigunihin ang nadama ng mga kapatid, o mga nuno niyaong nagkasala. Gayunman, maaaring nagliligtas-buhay para sa kanila ang pagsunod muna sa kanilang matuwid na Diyos imbis na ang mangibabaw sa kanila’y ang pagmamahal sa pamilya.
12 Alalahanin ang nangyari kay Kore, isang lider sa isang rebelyon laban sa pangunguna ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Dahilan sa kaniyang sakdal na hustisya, pinapangyari ni Jehova na mamatay si Kore. Subalit, pinayuhan ang lahat ng mga tapat: “Pakisuyo, huwag kayong lalapit sa mga tolda ng mga balakyot na taong ito at huwag kayong hihipo ng anumang pag-aari nila, upang kayo’y huwag maparamay sa lahat nilang kasalanan.” Ang mga kamag-anak na ayaw tumanggap sa paalaala ng Diyos ay namatay kasama ng mga rebelde. Subalit ang iba sa mga kamag-anak ni Kore ay may katalinuhang pumanig kay Jehova, at ito ang nagligtas sa kanilang buhay at nagdala ng mga pagpapala sa hinaharap.—Bilang 16:16-33; 26:9-11; 2 Cronica 20:19.
13. Paanong tutugon ang tapat na mga Kristiyano kung ang isa mismong miyembro ng pamilya ay itiniwalag o naghiwalay ng kaniyang sarili?
13 Ang paghihiwalay sa isa buhat sa kongregasyong Kristiyano ay hindi naman nagdadala ng agad-agad na kamatayan, kaya’t nagpapatuloy ang relasyon niya sa pamilya. Samakatuwid, ang isang tao na itiniwalag o humiwalay sa kongregasyon ay maaari pa ring manirahan sa tahanan sa piling ng kaniyang asawang babaing Kristiyano at tapat na mga anak. Ang paggalang sa mga kahatulan ng Diyos at sa aksiyon na ginawa ng kongregasyon ang dapat mag-udyok sa asawang babae at sa mga anak na kumilala sa bagay na dahil sa kaniyang ginawa, tinapos na ng lalaking iyon ang espirituwal na ugnayan na dating umiiral sa pagitan nila. Gayunman, hindi dahil sa pagkatiwalag niya ay natatapos na ang relasyon nila bilang isang pamilya, kaya ang normal na pagmamahalan at pagsasamahan ng pamilya ay nagpapatuloy.
14. Anong kinasihang payo ang dapat maging gabay natin sa ating pakikipagtalastasan sa isang natiwalag o humiwalay na kamag-anak na hindi naman bahagi ng atin mismong pamilya?
14 Ang situwasyon ay naiiba kung ang natiwalag o ang humihiwalay ay isang kamag-anak na hindi kasama ng pamilya at hindi rin kapiling sa tahanan. Baka posible na huwag halos magkaroon ng pakikipagtalastasan sa kamag-anak na iyon. Kahit na kung mayroong mga ilang pampamilyang bagay-bagay na nangangailangan ng paminsan-minsang pagtatalastasan, ito’y dapat gawin nang bihirang-bihira, kasuwato ng banal na simulain: “Huwag kayo makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim [o nagkasala ng ibang malulubhang kasalanan], . . . huwag man lamang kayong makisalo sa pagkain sa ganoong tao.”—1 Corinto 5:11.
15. Paano mapipigil ng mga kamag-anak ang impluwensiya ng emosyon sa gayong mga pagkakataon? (Awit 15:1-5; Marcos 10:29, 30)
15 Mauunawaan naman, ito’y maaaring maging mahirap dahilan sa emosyon at mga ugnayang pampamilya, tulad halimbawa ng pagmamahal ng mga nuno sa kanilang mga apo. Subalit, ito’y isang pagsubok sa katapatan ng isa sa Diyos, tulad ng sinabi ng sister na sinipi sa pahina 26. Sinuman na nakadarama ng kalungkutan at sama ng loob na nilikha ng gayong natiwalag na kamag-anak ay maaaring maaliw at palakasing-loob ng halimbawa na ipinakita ng ilan sa mga kamag-anak ni Kore.—Awit 84:10-12.b
-