Ang Pag-aanak ng mga Lingkod ng Diyos
“Kayo nawa’y dagdagan ni Jehova . . . nang makalibo pa sa dami ninyo ngayon.”—DEUTERONOMIO 1:11.
1. Paano binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa pag-aanak?
“NARITO! Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng bahay-bata ay isang gantimpala. Kung paanong ang mga pana sa kamay ng makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan. Maligaya ang taong may malakas na pangangatawan na ang kaniyang lalagyan ay pinunô niyaon.” Ganiyan ang mababasa natin sa Awit 127:3-5. Oo, ang pag-aanak ay isang kahanga-hangang pribilehiyo na ipinagkaloob ng Maylikha na si Jehova sa unang mag-asawa at sa kanilang mga inapo.—Genesis 1:28.
Ang Pag-aanak sa Israel
2. Bakit ang malalaking pamilya ay kanais-nais sa mga inapo ni Abraham, Isaac, at Jacob?
2 Ang malalaking pamilya ay lubhang kanais-nais sa mga inapo ni Abraham kay Isaac at kay Jacob. Maging ang mga bata man na anak sa mga kerida at sa mga kalaguyo ay itinuturing na lehitimo. Ganito ang kalagayan ng mga ibang anak ni Jacob, na naging mga pinagmulang ama ng 12 tribo ng Israel. (Genesis 30:3-12; 49:16-21; ihambing ang 2 Cronica 11:21.) Bagaman ang orihinal na kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa ay tig-iisang asawa, kaniyang pinayagan ang maramihang asawa at ang pambababae sa mga inapo ni Abraham, at ito’y tumulong para sa lalong mabilis na pagdami ng populasyon. Ang mga Israelita ay inilaan na maging “isang bayang kasindami ng mga butil ng alabok ng lupa.” (2 Cronica 1:9; Genesis 13:14-16) Sa gitna ng bansang iyan darating ang ipinangakong “binhi” na sa pamamagitan nito “lahat ng bansa sa lupa” ay maaaring magpala sa kanilang sarili.—Genesis 22:17, 18; 28:14; Deuteronomio 1:10, 11.
3. Ano ang kalagayan sa Israel noong panahon ng paghahari ni Solomon?
3 Maliwanag, sa Israel ang pag-aanak ay itinuturing na isang tanda ng pagpapala ni Jehova. (Awit 128:3, 4) Mapapansin, gayumpaman, na ang pambungad na mga salita ng artikulong ito, na sinipi sa Awit 127, ay isinulat ni Haring Solomon, at ang kalakhang bahagi ng paghahari ng haring ito ay isang lalo nang kaaya-ayang panahon para sa Israel. Tungkol sa panahong iyon ay sinasabi ng Bibliya: “Ang Juda at ang Israel ay marami, gaya ng mga butil ng buhangin sa tabi ng dagat sa karamihan, na nagkakainan at nag-iinuman at nagsasaya. At ang Juda at ang Israel ay patuloy na nagsitahang tiwasay, bawat tao’y sa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, mula sa Dan [sa hilaga] hanggang sa Beer-sheba [sa timog], lahat ng araw ni Solomon.”—1 Hari 4:20, 25.
Mahihirap na Panahon Para sa mga Anak sa Israel
4, 5. (a) Bakit ang pag-aanak ay hindi laging may kagalakan sa Israel? (b) Anong makabagbag-pusong mga pangyayari ang naganap nang makalawang beses sa Jerusalem?
4 Subalit mayroong mga iba pang panahon sa kasaysayan ng Israel na ang pag-aanak ay hindi isang kagalakan. Noong panahon ng unang pagkapuksa ng Jerusalem, ang propetang si Jeremias ay sumulat: “Pinangangalumata ng mga luha ang aking mga mata. . . . Dahil sa ang mga bata at ang mga pasusuhin ay nagsisipanlupaypay sa mga lansangan ng bayan. . . . Kakanin baga ng mga babae ang kanilang ipinanganak, ang mga anak na isinilang nang hustung-husto na?” “Ang mismong mga kamay ng mahabaging mga babae ang nangagluto ng kanilang sariling mga anak.”—Panaghoy 2:11, 20; 4:10.
5 Wari nga, nakakatulad ng makabagbag-pusong mga pangyayari ang naganap halos pitong siglo pagkalipas. Ang Judiong historiyador na si Josephus ay naglalahad na nang kubkubin ang Jerusalem noong 70 C.E., ang mga bata ay nang-agaw ng pagkain sa bibig ng kanilang mga ama, at ang pagkaing nasa bibig ng mga sanggol ay kinuha naman ng mga ina nila. Kaniyang ibinibida kung paanong pinatay ng isang babaing Judio ang kaniyang pasusuhing sanggol, inihaw ang katawan nito, at kinain ang bahagi nito. Ang pag-aanak sa daigdigang Judio noong mga huling taon hanggang sa pagsasagawa ng mga kahatulan ni Jehova laban sa Jerusalem noong 607 B.C.E. at 70 C.E. ay hindi matatawag na responsableng pag-aanak.
Ang Pag-aanak sa mga Unang Kristiyano
6, 7. (a) Anong mga kinaugalian ang inalis ni Jesus sa mga Kristiyano? (b) Sa pamamagitan ng anong paraan itinakdang dumami ang espirituwal na mga Israelita, at ano ang nagpapatunay nito?
6 Paano minamalas ng mga unang Kristiyano ang pag-aanak? Una mapapansin na sa kaniyang mga alagad ay inalis ni Jesus ang maramihang pag-aasawa at ang pambababae. Muli niyang itinatag ang orihinal na pamantayan ni Jehova, samakatuwid nga ang isahang pag-aasawa, o pag-aasawa ng isang lalake sa isang babae. (Mateo 19:4-9) Samantalang ang likas na mga Israelita ay dumami sa pamamagitan ng pag-aanak, ang espirituwal na mga Israelita naman ay itinakdang dumami sa pamamagitan ng paggawa ng mga alagad.—Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8.
7 Kung ang paglaganap ng Kristiyanismo ay itinakdang mangyari lalung-lalo na sa pamamagitan ng pag-aanak, disin sana’y hindi hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “bigyang-dako” ang di pag-aasawa “alang-alang sa kaharian ng langit.” (Mateo 19:10-12) Disin sana’y hindi sumulat si apostol Pablo: “Kaya nga ang nag-iiwan ng kaniyang pagkabinata at nag-aasawa ay gumagawa ng mabuti, ngunit ang hindi nag-aasawa ay gumagawa ng lalong mabuti.”—1 Corinto 7:38.
8. Ano ang nagpapakita na marami sa mga unang Kristiyano ay may-asawa at may mga anak?
8 Gayunman, bagama’t sinasabing mas mabuti ang hindi pag-aasawa alang-alang sa pagtataguyod sa mga kapakanan ng Kaharian, ang bagay na ito ay hindi iniutos ni Jesus o ni Pablo man. Kanilang nakini-kinita na ang mga ibang Kristiyano ay magsisipag-asawa. Natural, karaniwan nang ang mga ito ay magkakaanak. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay maraming talata na nagbibigay sa mga sinaunang Kristiyano ng tuwirang payo tungkol sa pagpapalaki sa mga anak. (Efeso 6:1-4; Colosas 3:20, 21) Kung ang hinirang na matatanda o ministeryal na mga lingkod ay may-asawa, sila’y kailangan na maging ulirang mga magulang.—1 Timoteo 3:4, 12.
9. Sang-ayon kay apostol Pablo, paano magiging proteksiyon sa mga babaing Kristiyano ang pag-aanak, subalit ano pa ang kailangan nila?
9 Sinabi pa mandin ni apostol Pablo na ang pagkakaroon ng mga anak ay magiging isang proteksiyon para sa mga ibang babaing Kristiyano. Tungkol sa mga materyal na tulong para sa nangangailangang mga biyuda, siya ay sumulat: “Tanggihan mo ang mga nakababatang biyuda . . . Natututo rin silang maging mga tamad, palipat-lipat sa mga bahay; oo, hindi lamang mga tamad, kundi mga tsismosa pa at mapanghimasok sa pamumuhay ng iba, anupa’t nanghihimasok sa mga bagay na hindi nila dapat panghimasukan. Kaya ibig kong magsipag-asawa ang nakababatang mga biyuda, sila’y magsipag-anak, magsipamahala ng sambahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anumang kadahilanan ng panlilibak. Ang totoo, ang iba’y nagsibaling na ng pagsunod kay Satanas.” Ang gayong mga babae ay “maililigtas sa pamamagitan ng pag-aanak, kung sila’y magpapatuloy sa pananampalataya at pag-ibig at sa pagpapakabanal kalakip ng kahinahunan ng isip.”—1 Timoteo 5:11-15; 2:15.
‘Kapighatian sa Laman’
10. Anong iba’t ibang payo para sa mga biyuda ang ibinigay ni Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto?
10 Subalit, mapapansin na sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, ang apostol Pablo ring ito ang nagmungkahi ng isang naiibang lunas para sa mga biyuda. Medyo binago niya ang kaniyang payo tungkol sa pag-aasawa, at sinabi na ibinigay niya iyon bilang “pagbibigay-loob.” Siya’y sumulat: “Ngayon sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing biyuda, mabuti sa kanila kung sila’y mananatiling gaya ko. Ngunit kung sila’y hindi makapagpigil, magsipag-asawa sila, sapagkat mas mabuti ang mag-asawa kaysa magningas ang pita. Ngunit siya [ang biyuda] ay magiging lalong maligaya kung mananatili siya sa gayong kalagayan, sa aking opinyon. Tunay na inaakala kong taglay ko rin ang espiritu ng Diyos.”—1 Corinto 7:6, 8, 9, 40.
11. (a) Ano ang daranasin ng mga magsisipag-asawa, at paanong ang gitnang reperensiya tungkol sa 1 Corinto 7:28 ay nagbibigay-liwanag dito? (b) Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo nang kaniyang sabihin, “Ibig ko sanang kayo’y iligtas”?
11 Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Kung mag-asawa man ang isang taong walang asawa, siya’y hindi nagkakasala. Gayunman ang mga magsisipag-asawa ay magkakaroon ng kapighatian sa laman. Ngunit ibig ko sanang kayo’y iligtas.” (1 Corinto 7:28) Kung tungkol sa gayong “kapighatian sa laman,” dinadala tayo ng gitnang reperensiya ng New World Translation sa Genesis 3:16, na kung saan mababasa natin: “Sa babae ay sinabi niya [ni Jehova]: ‘Palalakihin kong lubha ang paghihirap mo sa panganganak; manganganak kang may kahirapan, at magnanasa kang makapiling ang iyong asawa, at kaniyang duduminahan ka.’” Bukod sa posibleng mga kahirapan na kaakibat ng pag-aasawa, ang “kapighatian sa laman” na daranasin ng mga magsisipag-asawa ay tiyak na may kasamang kahirapan sa pag-aanak. Bagaman hindi ipinagbawal ni Pablo ang pag-aasawa ni ang pag-aanak man, maliwanag na nadama niya na kaniyang tungkulin na magbigay ng babala sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na ang gayon ay magdadala ng mga problema at mga kaabalahan na maaaring humadlang sa kanila sa kanilang paglilingkod kay Jehova.
“Ang Panahong Natitira ay Maikli Na”
12. Anong payo ang ibinigay ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong may-asawa, at sa anong dahilan?
12 Noong unang siglo C.E., ang mga Kristiyano ay hindi libre na mamuhay nang gaya ng mga taong makasanlibutan. Ang kanilang situwasyon ay may epekto kahit na sa kanilang buhay may-asawa. Si Pablo ay sumulat: “Isa pa, ito’y sinasabi ko, mga kapatid, ang panahong natitira ay maikli na. Mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala, . . . at ang mga nagsisigamit ng sanlibutan ay maging tulad sa mga hindi nagpapakalabis ng paggamit; sapagkat ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago. Oo, ayaw kong mabalisa kayo. . . . Ngunit sinasabi ko ito para sa inyong kabutihan, hindi upang maglagay ng silo, kundi upang pakilusin kayo tungo sa nababagay at na nangangahulugan ng laging pag-aasikaso sa Panginoon nang walang anumang hadlang.”—1 Corinto 7:29-35.
13. Sa anong diwa ‘ang panahong natitira ay maikli na’ para sa unang-siglong mga Kristiyano?
13 Ang iskolar sa Bibliya na si Frédéric Godet ay sumulat: “Samantalang ang mga di-sumasampalataya ay naniniwalang ang sanlibutan ay tiyakang mananatili nang walang-hanggan, ang Kristiyano naman ay sa tuwina nakikini-kinita ang dakilang inaasahang pangyayari, ang Parousia [Presensiya].” Ibinigay ni Kristo sa kaniyang mga alagad ang tanda ng kaniyang “presensiya,” at siya’y nagbabala sa kanila: “Patuloy na magbantay kayo, kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.” (Mateo 24:3, 42) Ang panahong natitira ay “maikli na” sa bagay na yaong mga unang-siglong Kristiyano ay namuhay na patuluyang umaasa sa pagparito ni Kristo. Isa pa, hindi nila alam kung gaano pang panahon ang natitira para sa bawat isa sa kanila bago ang buhay nila ay wakasan ng “panahon at di-inaasahang pangyayari,” anupa’t natatapos ang lahat ng posibilidad na kanilang ‘gawing segurado ang pagkatawag sa kanila.’—Eclesiastes 9:11; 2 Pedro 1:10.
14. (a) Paano dapat unawain ang Mateo 24:19? (b) Paanong ang babala ni Jesus ay lalong tumindi at naging lalong apurahan habang ang taóng 66 C.E. ay palapit?
14 Para sa mga Kristiyano sa Judea at Jerusalem, ang pangangailangan na “patuloy na magbantay” ay lalo nang mahalaga. Nang magbigay si Jesus ng babala tungkol sa ikalawang pagpuksa sa Jerusalem, sinabi niya: “Sa aba ng mga babaing nagdadalang-tao at ng mga nagpapasuso sa mga araw na iyon!” (Mateo 24:19) Totoo, hindi sinabi ni Jesus sa mga Kristiyano noong unang siglo na sila’y umiwas sa pag-aanak. Basta nagbigay lamang siya ng isang totoong makahulang pangungusap, na nagpapakita ng paglitaw ng tanda ng napipintong pagkapuksa ng Jerusalem, magiging lalong mahirap para sa mga babaing nagdadalang-tao o yaong may mga maliliit na anak na mabilisang tumakas. (Lucas 19:41-44; 21:20-23) Gayunman, habang lumulubha ang kaligaligan sa gitna ng mga Judio sa Judea noong mga taon bago sumapit ang 66 C.E., walang alinlangan na ang babalang ibinigay ni Jesus ay sumaisip ng mga Kristiyano at nakaimpluwensiya sa kanilang saloobin tungkol sa pag-aanak sa sanlibutan sa mga panahong iyon ng kaligaligan.
Ang Pag-aanak sa Ngayon
15, 16. (a) Paanong ‘ang panahong natitira ay maikli na’ para sa mga Kristiyanong nabubuhay sa ngayon? (b) Anong mga tanong ang dapat na itanong ng mga Kristiyano sa kanilang sarili?
15 Ano ang dapat na pangmalas ng mga Kristiyano sa pag-aasawa at pag-aanak sa ngayon, sa “panahon ng kawakasan” na ito? (Daniel 12:4) Ngayon lalung-lalo nang totoo na “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago,” o, gaya ng sabi ng isa pang salin, “ang kasalukuyang kaayusan ng mga bagay ay mabilis na lumilipas.”—1 Corinto 7:31, Phillips.
16 Ngayon, higit kailanman, “ang panahong natitira ay maikli na.” Oo, limitado na ang panahong natitira para tapusin ng mga lingkod ni Jehova ang gawain na kaniyang ibinigay sa kanila na gawin, samakatuwid baga: “Ang mabuting balita ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang gawaing iyon ay kailangang matapos bago dumating ang wakas. Samakatuwid, angkop naman para sa mga Kristiyano na tanungin ang kanilang sarili kung paanong ang pag-aasawa o, kung may asawa na, ang pagkakaroon ng mga anak ay makakaapekto sa kanilang bahagi sa mahalagang gawaing iyan.
Isang Sinaunang Halimbawa
17. (a) Anong gawain ang kinailangang tapusin ni Noe at ng kaniyang tatlong anak bago sumapit ang Baha, at maliwanag na gaano katagal nila ginawa iyon? (b) Sa anong posibleng mga kadahilanan umiwas sa pag-aanak noong bago sumapit ang Baha ang mga anak ni Noe at ang kani-kanilang asawa?
17 Ang panahon ng “pagkanaririto ng Anak ng tao” ay inihambing ni Jesus sa “mga araw ni Noe.” (Mateo 24:37) Si Noe at ang kaniyang tatlong anak na lalaki ay may espisipikong gawain na dapat matapos bago sumapit ang Baha. Tungkol iyon sa pagtatayo ng isang napakalaking daong at pangangaral. (Genesis 6:13-16; 2 Pedro 2:5) Nang si Jehova’y magbigay ng tagubilin tungkol sa pagtatayo ng daong, malinaw na ang mga anak ni Noe ay may mga asawa na. (Genesis 6:18) Hindi natin alam na eksakto kung gaano katagal itinayo ang daong, subalit malamang na gumugol iyon ng kung mga ilang dekada. Kapuna-puna, sa buong panahong ito bago sumapit ang Baha, ang mga anak na lalaki ni Noe at ang kani-kanilang asawa ay walang mga anak. Espisipikong binanggit ni apostol Pedro na ‘walong kaluluwa ang ligtas na itinawid sa tubig,’ samakatuwid nga, apat na mag-asawa ngunit walang mga anak. (1 Pedro 3:20) Ang hindi pag-aanak ng mga anak na ito ay posibleng may dalawang dahilan. Una, dahil sa inatasan sila ng Diyos na gawin ang isang gawain na nangangailangan ng kanilang di-nababahaging atensiyon. Ikalawa, tiyak ngang wala na silang hilig na mag-anák pa sa isang sanlibutan na kung saan “ang kasamaan ng tao ay palasak sa buong lupa at ang buong hilig ng mga pag-iisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na palagi,” isang sanlibutan na “punô ng karahasan.”—Genesis 6:5, 13.
18. Bagama’t hindi nagsisilbing alituntunin na susundin, paanong ang landasin na sinunod ng mga anak ni Noe at ng kani-kanilang asawa ay maaari nating pag-isipan?
18 Hindi ibig sabihin na ang ikinilos ng mga anak ni Noe at ng kani-kanilang asawa bago sumapit ang Baha ay itinakdang magsilbing alituntunin para sa mga mag-asawang nabubuhay sa ngayon. Gayunman, yamang ang kaarawan ni Noe ay inihambing ni Jesus sa panahon na ating kinabubuhayan ngayon, ang kanilang halimbawa ay maaari nating pag-isipan.
“Mapanganib na mga Panahon”
19. (a) Paanong ang panahon natin ay maihahambing sa kaarawan ni Noe? (b) Ano ang inihula ni Pablo para sa “mga huling araw,” at paanong may kaugnayan sa pag-aanak ang kaniyang inihula?
19 Tulad ni Noe at ng kaniyang pamilya, tayo rin naman ay nabubuhay sa “isang sanlibutan ng mga taong masasama.” (2 Pedro 2:5) Tulad nila, tayo ay nasa “mga huling araw” ng isang balakyot na sistema ng mga bagay na kaylapit-lapit nang puksain. Inihula ni apostol Pablo na “ang mga huling araw” ng sistema ni Satanas ay magdadala ng “mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” Upang ipakita na ang pagpapalaki sa mga anak ang isa sa mga bagay na mahirap pakitunguhan, kaniyang isinusog na ang mga anak ay magiging “masuwayin sa mga magulang.” Sinabi niya na ang mga tao sa pangkalahatan, kasali na ang mga bata at ang mga bagong sibol, ay magiging “walang utang na loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1-3) Bagama’t dito ang inihuhula ni Pablo ay mga kalagayan sa gitna ng mga taong makasanlibutan, maliwanag na ang gayong umiiral na saloobin ay magiging dahilan upang ang pagpapalaki sa mga anak ay patuloy na maging mahirap para sa mga Kristiyano, gaya ng naranasan ng marami.
20. Ano ang tatalakayin sa sumusunod na artikulo?
20 Lahat ng mga tinalakay na ay nagpapakita na kailangang magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa pag-aanak. Bagaman ito ay maaaring magdulot ng maraming kagalakan, maaari rin namang magdala ito ng maraming kadalamhatian. Ito’y may mga kabutihan at di-kabutihan. Ang ilan sa mga ito ay tatalakayin sa sumusunod na artikulo.
Mga Punto sa Repaso
◻ Bakit ang malalaking pamilya ay kanais-nais sa Israel?
◻ Ano ang nagpapakita na mayroong mga panahon noon na ang pag-aanak ay nagdala ng dalamhati sa mga Judio?
◻ Paano itinakdang dumami ang espirituwal na mga Israelita?
◻ Paanong ‘ang panahong natitira’y maikli na’ para sa mga unang Kristiyano?
◻ Ano ang posibleng dahilan kung bakit ang mga anak ni Noe at ang kani-kanilang asawa ay nananatiling walang anak bago sumapit ang Baha, at kumusta naman ang kalagayan sa ngayon?
[Larawan sa pahina 21]
Ang mabilisang pagtakas buhat sa Jerusalem ay magiging lalong mahirap para sa mga may maliliit na anak