Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 1/15 p. 4-7
  • Pakaingatan ang Tunay na Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pakaingatan ang Tunay na Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Daan Patungo sa “Tunay na Buhay”
  • Kailangang Pakamahalin ang Ating Kasalukuyang Buhay
  • Mahalagang Batas Tungkol sa Dugo
  • Pinakaiingatan ang Tunay na Buhay
  • Ang Makadiyos na Pangmalas sa Buhay
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Pahalagahan ang Regalong Buhay
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Pahalagahan Nang Wasto ang Kaloob sa Iyo na Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Ang Dugo na Talagang Nagliligtas-Buhay
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 1/15 p. 4-7

Pakaingatan ang Tunay na Buhay

GANITO na lamang ba ang buhay? Ipinakikita ng Bibliya na mayroon pang hihigit dito sa pamamagitan ng pagpapatibay-loob sa atin na ‘manghawakang mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Timoteo 6:17-19) Kung ang kasalukuyan nating buhay ay hindi ang siyang tunay na buhay, ano iyon?

Ipinakikita ng konteksto ng naunang kasulatan na iyon ay “buhay na walang-hanggan” na doo’y dapat manghawakan ang mga taong may takot sa Diyos. (1 Timoteo 6:12) Para sa karamihan, nangangahulugan ito ng buhay na walang-hanggan sa lupa. Si Adan, ang unang tao, ay nagkaroon ng pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Genesis 1:26, 27) Mamamatay lamang siya kung kakain siya mula sa “punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at ng masama.” (Genesis 2:17) Ngunit dahil si Adan at ang kaniyang asawa, si Eva, ay masuwaying kumain buhat sa punungkahoy na iyan, ipinahayag ng Diyos ang hatol na kamatayan. ‘Sa araw na sila’y kumain mula roon,’ sila’y namatay sa paningin ng Diyos at nagsimula ang kanilang pagkahulog tungo sa pisikal na kamatayan. Ang kanilang buhay ay hindi na yaong uri na kagaya ng tinamasa nila noong una.

Ang Daan Patungo sa “Tunay na Buhay”

Upang maging posible ang “tunay na buhay,” gumawa ang Diyos na Jehova ng kaayusan upang sagipin ang sangkatauhan. Upang tulungan tayong maunawaan ang kaayusang ito, gunigunihin natin ang isang maliit na pabrika. Lahat ng makina roon ay may depekto at nagdudulot ng suliranin sa mga makinista dahil ilang taon na ang nakaraan na ipinagwalang-bahala ng unang manggagawa ang manwal para sa makinista at sa gayo’y napinsala ang lahat ng makina. Magagawa lamang ng kasalukuyang makinista ang buong makakaya nila sa kung ano ang mayroon sila. Ibig ng may-ari ng pabrika na ipaayos ang mga makina upang matulungan ang kaniyang mga manggagawa, at naglalaan siya ng kinakailangang pondo para sa layuning iyan.

Hindi pinakaingatan ng unang ‘makinista,’ si Adan, ang buhay na ibinigay sa kaniya. Kaya naman, ipinamana niya sa kaniyang mga supling ang di-sakdal na buhay, katulad ng isang may-depektong makina. (Roma 5:12) Tulad ng mga nahuling makinista sa pabrika, na hindi maaaring malunasan ang situwasyon, hindi nagawang kamtin ng mga supling ni Adan ang tunay na buhay para sa kanilang sarili. (Awit 49:7) Upang ituwid ang waring walang-pag-asang kalagayang ito, isinugo ni Jehova sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak upang bilhin at ibalik ang buhay na walang-hanggan para sa sangkatauhan. (Lucas 1:35; 1 Pedro 1:18, 19) Sa pamamagitan ng sakripisyong kamatayan alang-alang sa sangkatauhan, inilaan ng bugtong na Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang pondo​—ang buhay na katumbas ng naiwala ni Adan. (Mateo 20:28; 1 Pedro 2:22) Sa pamamagitan ng napakahalagang hain na ito, may saligan na ngayon si Jehova sa paglalaan ng tunay na buhay.

Para sa masunuring sangkatauhan, ang haing pantubos ni Jesus ay mangangahulugan ng buhay na walang-hanggan sa paraisong lupa. (Awit 37:29) Ang pag-asang ito ay ipinaaabot sa lahat ng makaliligtas sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” na tinatawag na Har–Magedon. (Apocalipsis 16:14-16) Aalisin nito ang lahat ng kabalakyutan sa lupa. (Awit 37:9-11) Yaong mga nasa alaala ng Diyos na namatay bago ng panahong iyan ay bubuhaying-muli sa Paraiso na isinauli sa lupa at magkakaroon ng pag-asa na tamasahin ang tunay na buhay na inihanda para sa lahat ng sumusunod sa Diyos.​—Juan 5:28, 29.

Kailangang Pakamahalin ang Ating Kasalukuyang Buhay

Hindi ito nangangahulugan na may kawastuang makapagpapakita tayo ng pagwawalang-bahala sa kabanalan ng ating kasalukuyang buhay. Gugugol kaya ng panahon at salapi ang may-ari ng pabrika sa pagpapaayos ng isang makina para sa isang manggagawa na hindi nangangalaga niyaon? Sa halip, hindi ba ipagkakatiwala ng may-ari ang naipaayos na makina sa isang tao na ginawa ang kaniyang buong kaya upang pangalagaan ang luma?

Ang buhay ay isang mahalagang kaloob mula kay Jehova. Bilang ang mabait na pinagmumulan ng kaloob na ito, ibig niyang pakaingatan natin ito. (Awit 36:9; Santiago 1:17) Hinggil sa pagmamalasakit ni Jehova para sa mga tao sa lupa, ganito ang sabi ni Jesus: “Maging ang mga buhok ng inyong mga ulo ay bilang na lahat.” (Lucas 12:7) Iniutos ni Jehova sa mga Israelita na huwag papatay, na sa totoo ay kasali ang hindi pagpatay sa sarili. (Exodo 20:13) Ito’y tumutulong sa atin na iwasang malasin ang pagpapatiwakal bilang isang pagpipilian.

Sa pagkaalam ng maibiging malasakit ni Jehova sa ating kapakanan, ikinakapit ng mga taong may takot sa Diyos ang mga simulain sa Bibliya sa kasalukuyang mga gawain. Halimbawa, dahil hinihilingan ang tunay na mga Kristiyano na ‘linisin ang kanilang sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan na nasa pagkatakot sa Diyos,’ iniiwasan nila ang tabako at nakalululong na mga droga na nakapagpapabago sa isip.​—2 Corinto 7:1.

Ang pagmamalasakit ng Diyos sa buhay ng tao ay higit pang makikita sa kaniyang payo na panatilihin ang “isang mahinahong puso” at iwasan ang mahalay na paggawi. (Kawikaan 14:30; Galacia 5:19-21) Sa pamamagitan ng pagsunod sa matataas na pamantayang ito, naipagsasanggalang tayo buhat sa mga bagay gaya ng nakapipinsalang pagkapoot at mga sakit na naililipat sa pagtatalik.

Ang pagmamalasakit ni Jehova sa buhay ng kaniyang bayan ay makikita rin sa kaniyang paalaala na magpigil buhat sa labis na pagkain at pag-inom. (Deuteronomio 21:18-21; Kawikaan 23:20, 21) Binababalaan ang mga Kristiyano na ang mga taong sakim at mga lasenggo ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos, samakatuwid nga, hindi nila mararanasan ang tunay na buhay. (1 Corinto 6:9, 10; 1 Pedro 4:3) Sa paghimok na maging mahinahon, tinuturuan tayo ni Jehova ng kapaki-pakinabang para sa ating sarili.​—Isaias 48:17.

Kung sinusunod natin ang mga pamantayan ng Diyos, ipinakikita natin na pinakaiingatan natin ang ating kasalukuyang buhay. Sabihin pa, higit na mahalaga ang tunay na buhay. Yamang iyon ay walang-hanggan, pinag-uukulan ito ng tunay na mga Kristiyano ng higit na pagpapahalaga kaysa sa kanilang kasalukuyang buhay. Nang ihain ni Jesu-Kristo ang kaniyang buhay, ipinasakop niya ang kaniyang sarili sa kalooban ni Jehova. Ang pagsunod sa Ama ay higit na mahalaga sa kaniya kaysa sa kaniyang buhay dito sa lupa. Ang landasin ni Jesus ay naging dahilan ng kaniyang pagkabuhay-muli at pagtanggap ng walang-kamatayang buhay sa langit. (Roma 6:9) Ang kaniyang kamatayan ay nangangahulugan din ng walang-hanggang buhay para sa masunuring sangkatauhan na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniyang haing pantubos.​—Hebreo 5:8, 9; 12:2.

Mahalagang Batas Tungkol sa Dugo

Mauunawaan naman, ganito rin ang kaisipan ng mga tagasunod ni Jesus. Ibig nilang paluguran ang Diyos sa lahat ng bagay, gaya nga ng ginawa ni Jesus. Unang-una, ipinaliliwanag nito kung bakit tumatanggi sila sa pagsasalin ng dugo, na tinatawag ng ilang doktor bilang nagliligtas-buhay. Tingnan natin kung papaano ipinakikita ng isang tao na pinakaiingatan niya ang buhay sa pamamagitan ng pagtanggi sa pagsasalin ng dugo.

Tulad ni Jesu-Kristo, nais ng tunay na mga Kristiyano na maging buháy sa paningin ng Diyos, at iyan ay humihiling ng lubusang pagsunod sa Kaniya. Iniuutos ng Salita ng Diyos sa mga tagasunod ni Kristo: “Patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.” (Gawa 15:28, 29) Bakit ang batas na ito tungkol sa dugo ay isinali sa mga kautusan na sumasaklaw sa mga Kristiyano?

Ang Batas na ibinigay sa mga Israelita ay humihiling ng pag-iwas sa dugo. (Levitico 17:13, 14) Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Batas Mosaiko. Subalit batid nila na ang utos na huwag kumain ng dugo ay nauna sa Batas; iyon ay naunang ibinigay kay Noe pagkatapos ng Delubyo. (Genesis 9:3, 4; Colosas 2:13, 14) Ang utos na ito ay kumakapit sa lahat ng supling ni Noe, na siyang pinagmulan ng lahat ng bansa sa lupa. (Genesis 10:32) Bilang karagdagan, ang Batas Mosaiko ay tumutulong sa atin na makita ang dahilan sa paggigiit ng Diyos hinggil sa kabanalan ng dugo. Pagkatapos pagbawalan ang mga Israelita na gumamit ng anumang uri ng dugo, sinabi ng Diyos: “Ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay nito sa ibabaw ng dambana upang inyong itubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo ay siyang tumutubos dahil sa kaluluwang naroroon.” (Levitico 17:11) Ang dugo ay inilaan ng Diyos upang gamitin sa paghahain sa dambana. Ang kaniyang batas hinggil sa kabanalan ng dugo ay nagsisiwalat ng kaniyang awtoridad sa lahat ng buhay sa lupa. (Ezekiel 18:4; Apocalipsis 4:11) Kung mamalasin ang ating buhay buhat sa punto de vista ni Jehova, mababatid natin na hindi natin ito pag-aari kundi ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos.

Kung papaanong ang makinista sa ating ilustrasyon ang may pananagutan sa isang makina, tayo ay pinagkatiwalaan ng ating buhay. Ano kaya ang gagawin mo kapag ang iyong makina ay nangangailangan ng pagkukumpuni at iminungkahi ng mekaniko na kumpunihin iyon na ginagamit ang mga piyesang espesipikong ipinagbawal sa manwal ng makinista? Hindi ka kaya sasangguni sa ibang mekaniko upang makita kung maaaring ayusin ang makina nang kasuwato sa tagubilin ng manwal? Makapupong higit ang halaga at mas masalimuot ang buhay ng tao kaysa sa isang makina. Sa kanyang kinasihang Salita, ang manwal upang mapanatili ang buhay ng mga tao, ipinagbabawal ng ating Maylalang ang paggamit ng dugo upang sustinihan ang buhay. (Deuteronomio 32:46, 47; Filipos 2:16) Hindi ba makatuwirang sumunod sa mga kahilingan ng manwal na iyan?

Totoo naman, ang Kristiyanong mga pasyente na humihiling ng paggamot sa kanilang sakit nang hindi gumagamit ng dugo ay hindi naman tumatanggi sa lahat ng paggamot. Humihiling lamang sila ng paggamot na magpapakita ng paggalang sa buhay​—kapuwa sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang mga doktor na may lakas-loob na gumagalang sa paninindigang iyan ay makapagpapatotoo sa mga kapakinabangan ng paggamot sa kanila kasuwato ng kanilang kahilingan. “Ang pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova ay umakay sa akin sa mga bagong simulain at paniniwala,” ang sabi ng isang siruhano na dating malawakang gumagamit ng dugo. Ngayon ay sinisikap niyang gamutin kahit ang mga di-Saksi nang hindi gumagamit ng dugo.

Pinakaiingatan ang Tunay na Buhay

Ano ang bagong mga simulain at paniniwala na nasumpungan ng siruhanong ito sa pamamagitan ng paggamot sa mga Saksi ni Jehova? Nabatid niya ngayon na ang paggamot sa isang pasyente ay nagsasangkot hindi lamang ng bahaging katawan na apektado ng sakit kundi ng buong pagkatao. Hindi ba dapat pahintulutan ang pasyente na hilingin ang pinakamainam na pangangalaga para sa kaniyang pisikal, espirituwal, at emosyonal na kapakanan?

Para sa 15-taóng-gulang na si Kumiko, ang pagsasalin ng dugo upang gamutin ang kaniyang nakamamatay na lukemya ang siyang pinakamasamang pagpipilian. Ang pagsisikap na pahabain ang kaniyang buhay sa paraang ito sa loob ng ilang linggo, buwan, o kahit mga taon ay hindi sulit sa mawawala sa kaniya sa hinaharap. Palibhasa’y inialay ang kaniyang kasalukuyang buhay kay Jehova bilang isa sa kaniyang mga Saksi, iginagalang niya ang kabanalan ng buhay at ng dugo. Bagaman ang kaniyang paninindigan ay mahigpit na sinalansang ng kaniyang ama at ng ibang kamag-anak, nanatiling matatag si Kumiko. Minsan ay tinanong siya ng kaniyang doktor: “Kung pinatatawad ng iyong Diyos ang mga pagkukulang, hindi ka ba niya patatawarin kung sakaling magpasalin ka ng dugo?” Si Kumiko ay tumangging makipagkompromiso at sa gayo’y itakwil ang kaniyang salig-sa-Bibliyang paniniwala. Habang “pinananatili ang mahigpit na kapit sa salita ng buhay,” itinaguyod niya ang kaniyang paninindigan. (Filipos 2:16) Gaya ng sinabi ng kaniyang di-sumasampalatayang lola, “Hindi tatalikuran ni Kumiko ang kaniyang pananampalataya.” Di-nagtagal at nagbago ang saloobin ng kaniyang ama at ng kaniyang lola gayundin ng mga doktor na gumagamot sa kaniya.

Ang matibay na pananampalataya ni Kumiko sa Diyos na Jehova, na maaaring bumuhay sa kaniya mula sa mga patay, ay nakaantig ng maraming puso. Samantalang nabubuhay, siya’y namanhik sa kaniyang ama: “Kahit na po ako’y mamatay, ako’y bubuhaying-muli sa Paraiso. Ngunit kung kayo po ay mapupuksa sa Har–Magedon, hindi ko na po kayo makikita. Kaya pakisuyo pong pag-aralan ninyo ang Bibliya.” Patuloy lamang na sinabi ng kaniyang ama: “Kapag gumaling ka na, gagawin ko iyon.” Subalit nang mamatay si Kumiko dahil sa kaniyang malupit na karamdaman, inilagay ng kaniyang ama sa kaniyang ataol ang isang sulat na nagsasabi: “Magkikita tayo sa Paraiso, Kumiko.” Pagkatapos ng serbisyo sa libing, nagsalita siya sa mga dumalo at ang sabi: “Nangako ako kay Kumiko na magkikita kami sa Paraiso. Bagaman hindi pa rin ako makapaniwala roon dahil hindi pa sapat ang napag-aralan ko, ako’y determinadong maingat na suriin iyon. Pakisuyong tulungan ninyo ako.” Ang iba sa kaniyang pamilya ay nagsimula ring mag-aral ng Bibliya.

Si Kumiko ay may tunay na paggalang sa buhay at nais na mabuhay. Pinahalagahan niya ang lahat ng ginawa ng kaniyang mga doktor upang iligtas ang kaniyang kasalukuyang buhay. Gayunman, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tagubilin ng manwal ng Maylikha, pinatunayan niya na pinakaingatan niya ang tunay na buhay. Para sa milyun-milyon, iyon ay ang buhay na walang-hanggan sa paraisong lupa. Ikaw kaya’y magiging kabilang sa kanila?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share