Gaano Kahalaga sa Iyo ang Buhay?
NAMATAY ang isang tin-edyer na lalaki nang siya’y tumalon buhat sa ikawalong palapag ng isang apartment. Nabasa niya ang isang aklat na naglalarawan sa pagtalon sa kamatayan bilang “malaya buhat sa kirot o pagkabalisa o takot; sa halip, iyon ay masarap sa pakiramdam.” Sinabi ng awtor ng aklat na ito, na inilathala sa Hapón, na iniaalok lamang niya “ang pagpapatiwakal bilang isa sa mga pagpipilian sa buhay.”
Hindi lamang ang mga taong nagpapatiwakal ang nagpapamalas sa ngayon ng pagwawalang-halaga sa buhay. Ang walang-ingat na mga tsuper ay nagpapakita rin ng babahagyang paggalang sa buhay. Ang ilan ay umiinom pa nga at nagmamaneho, marami ang nagtutumulin sa daan patungo sa kamatayan.
Ang iba naman ay nagpapakita kung gaano kaliit ang pagpapahalaga nila sa buhay sa pamamagitan ng labis na pagkahilig sa kalayawan. Ang mga naninigarilyo ay ayaw huminto ng paninigarilyo, bagaman ang paninigarilyo ay maaaring maging sanhi ng kamatayan at tinaguriang unti-unting pagpapatiwakal. Sa halip na panatilihin ang kalinisan sa daigdig na ito na baliw sa sekso, marami ang nagtataguyod ng mahalay na landasin na madalas humahantong sa kamatayan.
Bagaman hindi namamalayan iyon, ninanakawan ng iba ang kanilang sarili ng mga taon ng buhay sa pamamagitan ng labis na pagkain, labis na pag-inom, di-sapat na ehersisyo, at paghahangad sa kalayawan. Ganito ang babala ng Hapones na awtor na si Shinya Nishimaru: “Ang walang-pigil na pagkain ay nakapipinsala sa pisyolohikong mga gawain, at ang paghahangad ng pulos kaalwanan at kalayawan ay umuubos ng lakas ng mga tao.” Ang ilan ay may pangmalas na gaya ng mga tao noong sinauna na nagsabi: “Tayo’y magsikain at magsiinom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.”—Isaias 22:13; 1 Corinto 15:32.
Oo, laganap sa ngayon ang pagwawalang-bahala sa buhay. Kaya naman, angkop lamang na itanong, Gaano kahalaga sa iyo ang buhay? Dapat bang ingatan ang buhay anuman ang maging halaga? At mayroon pa kayang mas mahalaga pa kaysa sa kasalukuyan nating buhay?