Ako ay Tumugon sa Panahon ng Pag-aani
INILAHAD NI WINIFRED REMMIE
“ANG aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa.” Ang mga salitang ito ng ating Panginoon ay udyok ng isang matinding pagkaawa sa mga tao na pinagsamantalahan at nakapangalat na mistulang mga tupang walang pastol. Naranasan ko ang ganito ring damdamin, at sa lumipas na 40 taon, laging sinisikap ko na puspusang tumugon sa panawagan ng Panginoon na makibahagi sa pag-aani.—Mateo 9:36, 37.
Ako’y isinilang sa Kanlurang Aprika sa isang pamilyang may pitong anak, na pawang mga babae. Ang aming mga magulang ay mababait naman, ngunit istrikto; sila rin naman ay mga relihiyoso. Sa linggu-linggo ay hindi maaaring hindi ka magsisimba at dadalo sa Sunday school. Para sa akin ito ay hindi naging suliranin sapagkat mahilig ako sa espirituwal na mga bagay. Ang totoo, sa edad na 12, ako’y inatasan na magturo sa mga klase ng Sunday school.
Pag-aasawa at Pakikipagsapalaran
Noong 1941, sa edad na 23, naging asawa ko si Lichfield Remmie, isang bookkeeper sa isang opisina ng pamahalaan. Sa materyal, kami ay may kaya, ngunit ang hilig na makipagsapalaran at ang pagnanasa na magkamal ng materyal na kayamanan ang nagdala sa amin sa Liberia noong 1944. Ang malaking pagbabago sa buhay ng aking asawa, at sa akin din noong bandang huli, ay sumapit noong 1950 nang makilala niya si Hoyle Ervin, isang misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Pagkaraan ng tatlong linggo lamang na pag-aaral, ang aking asawa ay nagsimulang makibahagi sa pangangaral.
Ako ay nabahala nang huminto ng pagsisimba ang aking asawa. Alalahanin, siya’y isang saradong Protestante na nag-aayuno pa nga sa panahon ng Kuwaresma. Nang unang makita ko siyang lalabas upang mangaral, na may dalang bag, ako ay nagalit. “Ano ka ba?” ang sabi ko. “Isang taong importante na gaya mo ay lalabas upang mangaral kasama ng mga taong hangal na ito!” Siya’y kalmado at mahinahon sa sandaling ito ng pagwiwika ko sa kaniya.
Kinabukasan, si Brother Ervin ay naroon sa aming bahay upang makipag-aral kay Lichfield. Gaya ng dati, lumayo ako nang sila’y nag-aaral. Marahil dahilan dito kung kaya tinanong ako ni Brother Ervin kung ako ay hindi marunong bumasa. Ano? Ako, hindi marunong bumasa? Anong laking insulto! Ipakikita ko nga sa kaniya kung gaano kaedukado ako! Ibibilad ko ang huwad na relihiyong ito!
Pagtanggap sa Katotohanan
Hindi nagtagal pagkatapos nito, napansin ko ang aklat na Hayaang Maging Tapat ang Diyos na nasa mesa sa salas. ‘Anong katawa-tawang titulo,’ naisip ko. ‘Lagi namang tapat ang Diyos, hindi ba?’ Sa kabubuklat ko sa aklat, dagling nakakita ako ng isa pang mairereklamo. Sinabi niyaon na ang tao ay walang kaluluwa, siya ay kaluluwa! Kahit ang mga aso at mga pusa ay mga kaluluwa! Ito’y nakayamot na talaga sa akin. ‘Anong kalokohang turo!’ naisip ko.
Nang umuwi ang aking asawa, galit na hinarap ko siya. “Ang mga manlilinlang na ito ay nagsasabi na ang tao ay walang kaluluwa. Sila ay mga bulaang propeta!” Hindi naman nakipag-away ang aking asawa; bagkus, siya’y mahinahong tumugon: “Winnie, lahat ng iyan ay nasa Bibliya.” Pagtagal, nang matiyagang ipakita sa akin ni Brother Ervin buhat sa aking Bibliya na tayo ay mga kaluluwa at na ang ating kaluluwa ay may kamatayan, ako’y takang-taka. (Ezekiel 18:4) Ang lalong higit na hinangaan ko ay ang teksto sa Genesis 2:7, na nagsasabi: “Ang tao [na si Adan] ay naging isang kaluluwang buháy.”
Napakalaki ng aking pagkakamali! Nadama ko na ako’y nilinlang ng klero at huminto na ako ng pagsisimba. Sa halip, ako’y nagsimulang dumalo sa mga pulong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova. Anong laki ng paghanga ko nang makita ko ang umiiral na pag-ibigan sa gitna nila! Ito nga ang tunay na relihiyon.
Pag-aani sa Cape Palmas
Mga tatlong buwan ang nakalipas, ang aking asawa ay nagkaroon sana ng pagkakataon na magnakaw ng malaking salapi sa kaniyang kompanya—ngunit hindi niya ginawa iyon. Siya’y tinuya ng kaniyang mga kasamahan: “Remmie, ikaw ay mamamatay na maralita.”
Subalit, dahilan sa siya’y tapat, siya’y binigyan ng promosyon at idinestino sa Cape Palmas upang magbukas ng isang bagong opisina roon. Kami’y nangaral nang masigasig at pagkaraan lamang ng dalawang buwan, nagkaroon kami ng isang maliit na grupo na lubhang interesado sa mensahe ng Bibliya. Nang maglaon, si Lichfield ay naglakbay upang tumungo sa kabisera, sa Monrovia, upang kumuha ng mga ilang gamit para sa bagong opisina, siya’y binautismuhan. Siya’y humiling din ng tulong sa Samahan upang maasikaso ang mga nasa Cape Palmas na interesado sa katotohanan.
Ang Samahan ay tumugon sa pamamagitan ng pagdedestino kina Brother at Sister Faust sa Cape Palmas. Si Sister Faust ay nagsilbing isang malaking tulong sa akin, at noong Disyembre 1951, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo. Ngayon higit kailanman, ako’y desididong ‘mag-ani para sa buhay na walang-hanggan.’ (Juan 4:35, 36) Noong Abril 1952, pumasok ako sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir.
Ang aking pagpapagal ay kaagad namang pinagpala ni Jehova; sa loob ng isang taon, ako’y nakatulong sa limang tao upang mag-alay at pabautismo. Isa sa kanila, si Louissa Macintosh, ay isang pinsan ng noo’y pangulo ng Liberia, si W. V. S. Tubman. Siya’y nabautismuhan at pumasok sa buong-panahong ministeryo at nagpatuloy na tapat kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1984. Sa maraming pagkakataon ay nagpatotoo siya sa pangulo.
Sa Lower Buchanan
Noong 1957, sa pagdalaw ng tagapangasiwa ng distrito, kaming mag-asawa ay inanyayahan na maging mga special pioneer. Pagkatapos ng may panalanging pag-uusap, tinanggap namin ang atas. Si Lichfield ay nangailangan ng mga ilang buwan upang maiwanan nang maayos ang kaniyang trabaho sa Cape Palmas, kaya nagpauna ako sa kaniya sa Lower Buchanan, isang teritoryong noon lamang naiatas, upang pasimulan ang gawain doon.
Nang ako’y dumating, ako’y pinatuloy ng pamilyang Maclean. Kinabukasan, gaya ng kaugalian doon, ako’y dinala sa pangalawang pinunò ng tribong Pele. Ako ay buong siglang tinanggap ng pinunò at ng kaniyang pamilya, at ako’y nagpatotoo sa isang munting grupo ng mga tao sa kaniyang tahanan. Anim katao ang nakausap ko nang araw na iyon, kasali na ang pangalawang pinunò at ang kaniyang maybahay, nang bandang huli ay naging mga Saksi.
Hindi nagtagal at ako’y nagdaraos na ng isang pag-aaral sa Bantayan sa mahigit na 20 katao na naroon. Ako’y kinailangang lubusang umasa kay Jehova, at kaniyang binigyan ako ng kinakailangang lakas at kakayahan na mag-asikaso sa kaniyang mga tupa. Pagka naramdaman kong ako’y napapagod o kulang ng lakas, aking ginugunita ang mga taong tapat noong una, lalo na ang mga babaing tulad nina Deborah at Huldah, na walang takot sa pagganap ng iniutos sa kanila ni Jehova.—Hukom 4:4-7, 14-16; 2 Hari 22:14-20.
Noong Marso 1958, pagkaraan ng tatlong buwan lamang sa Lower Buchanan, ako’y tumanggap ng isang liham na nagbibigay-alam sa akin ng pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, si John Charuk. Ako’y umupa ng pinaka-silong ng isang bahay na maaaring pagkasyahan ng maraming tao. Pagkatapos ay nagbiyahe ako papuntang Upper Buchanan upang salubungin si Brother Charuk, ngunit hindi siya dumating. Pagkatapos ng paghihintay hanggang sa pagtatakip-silim, may pagkahapo na bumalik ako sa Lower Buchanan.
Nang maghahatinggabi, nakarinig ako ng isang katok sa pinto. Nang buksan ko iyon, nasa harap ko hindi lamang ang tagapangasiwa ng sirkito kundi pati ang aking asawa, na ang sopresang pagdating ay napataon sa pagdating naman ni Brother Charuk. Papaano nila natunton kung nasaan ako? Sila’y nakasalubong ng isang mangangaso at tinanong siya kung may kilala siyang isang babae na nangangaral tungkol kay Jehova. “Opo,” ang tugon niya, at pagkatapos ay itinuro niya sa kanila ang aking bahay. Anong tuwa ko na sa tatlong buwan lamang sa Lower Buchanan, ang aking ilaw ay sumisikat na nang buong kaningningan!—Mateo 5:14-16.
Kami’y maligayang nagkaroon ng isang sukdulang bilang na 40 na dumalo sa pagdalaw ni Brother Charuk. Isang lumalagong kongregasyon ang napatatag sa wakas, at kami’y nakapagtayo ng isang magandang Kingdom Hall. Subalit, ang buhay ay hindi laging libre sa suliranin. Halimbawa, noong 1963 nagkaroon ng relihiyosong pag-uusig sa Kolahun, at ang aking asawa ay inaresto at ibinilanggo. Matindi ang pagkagulpi sa kaniya kung kaya siya’y kinailangang ipaospital.
Hindi nagtagal pagkatapos na siya’y makalabas ng ospital, nang taóng ding iyon, kami’y nagkaroon ng kombensiyon sa Gbarnga. Nang katapusang araw, lahat ng dumalo ay tinipon ng mga kawal at iniutos sa amin na sumaludo sa bandila. Nang kami’y tumanggi, pinuwersa kami ng mga kawal na itaas ang aming mga kamay at tumingin nang diretso sa araw. Kanila ring pinalo ang iba sa amin ng puluhan ng kanilang mga baril. Bilang tulong upang ako’y makapanatiling tapat sa Diyos, inawit ko sa aking sarili ang awiting pang-Kaharian na “Huwag Matakot sa Kanila!” Pagkatapos ay ikinulong kami ng mga kawal sa isang maruming bilangguan. Makalipas ang tatlong araw ang mga Saksing banyaga ay pinalaya, at kami ni Lichfield ay idineporta sa Sierra Leone. Ang lokal na mga Saksi ay pinalaya nang sumunod na araw.
Higit Pang mga Pribilehiyo at Gantimpala
Kami ay naatasan na gumawang kasama ng Bo Congregation, sa gawing timog ng Sierra Leone. Kami’y naglingkod doon ng walong taon bago inilipat sa Njala. Samantalang nasa Njala ang aking asawa ay naatasan na maglingkod bilang isang pansamantalang tagapangasiwa ng sirkito, at ako’y nagkaroon ng pribilehiyong sumama sa kaniya sa paglilingkod na ito. Pagkatapos, noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, kami’y muling inatasan na maglingkod sa East Freetown Congregation.
Naranasan ko ang gantimpalang makita ang marami sa mga inaralan ko ng Bibliya na tumanggap sa tunay na pagsamba. Ako’y nagkaroon ng mahigit na 60 espirituwal na mga anak at mga apo bilang “mga liham ng rekomendasyon.” (2 Corinto 3:1) Ang iba ay kinailangang gumawa ng malaking mga pagbabago, gaya ni Victoria Dyke, na isang propetisa ng isang sektang Aladura. Pagkatapos na isaalang-alang ang 1 Juan 5:21, sa wakas ay itinapon na niya ang kaniyang maraming anting-anting at mga bagay na ginagamit sa pagsamba. Kaniyang sinagisagan ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo at sa wakas ay naging isang special pioneer, na tumulong sa marami sa kaniyang mga kamag-anak upang tumanggap ng katotohanan.
Noong Abril 1985, namatay ang aking asawa, mga ilang buwan lamang bago sumapit ang aming ika-44 na anibersaryo ng kasal. Subalit hindi ako naiwanang mag-isa. Ako’y patuloy na naglilingkod sa aking Katulong, si Jehova, bilang isang buong-panahong ministro. At ako’y may natatanging kaugnayan na bumubuklod sa amin niyaong mga taong natulungan ko na makakilala sa kaniya. Sila ay kapamilya sa isang natatanging paraan. Mahal ko sila at mahal din naman nila ako. Pagka ako’y may sakit, sila’y dagling pupunta upang ako’y alagaan at, mangyari pa, tinutulungan ko rin naman sila.
Tiyak iyan, kung sakaling uulitin ko ang aking pinagdaanang buhay, buong kagalakang kukunin ko ang aking karit at sasali sa pag-aani bilang kamanggagawa ni Jehova.
[Larawan sa pahina 23]
Si Winifred Remmie sa kasalukuyan