Itinaguyod sa Hapon ang Kalayaan ng Relihiyon
SA LOOB ng maraming taon sa Hapon, ang mga kabataang estudyante na mga Saksi ni Jehova ay nakaharap sa isang suliranin: Dapat ba nilang sundin ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya, o dapat nilang sundin ang kurikulum ng paaralan na labag naman sa kanilang budhi. Bakit may gayong suliranin? Sapagkat ang pagsasanay sa martial arts ay bahagi ng kursong physical education (edukasyon sa pagpapalakas ng katawan) sa kanilang mga paaralan. Inaakala ng mga kabataang Saksi na ang gayong pagsasanay ay hindi kasuwato ng mga simulain sa Bibliya, tulad niyaong masusumpungan sa Isaias kabanata 2, talata 4. Ganito ang mababasa: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”
Palibhasa’y hindi nais na matuto ng mga kakayahang pandigma, na kasangkot ang pamiminsala sa ibang tao, ipinaliwanag ng mga kabataang Kristiyano sa kanilang mga guro na hindi sila mapapayagan ng kanilang budhi na makibahagi sa martial arts. Pagkatapos sikaping hikayatin ang mga estudyanteng ito na sundin ang kurikulum ng paaralan, maraming maunawaing mga guro ang sa dakong huli’y pumayag na igalang ang budhi ng mga estudyante at maglaan ng mapagpipiliang mga gawain.
Gayunman, naging madamdamin ang ilang guro, at ipinagkait ng ilang paaralan sa mga kabataang Saksi ang mga kredito para sa physical education. Noong 1993, di-kukulangin sa siyam na Saksi ang hindi pinahintulutang makatuntong sa susunod na grado at napilitang huminto sa pag-aaral o kaya’y pinaalis dahil sa hindi pakikibahagi sa martial arts.
Maliwanag, iyon ang panahon upang ipagtanggol ang karapatan ng mga kabataang Kristiyano na tumanggap ng edukasyon nang hindi ipinakikipagkompromiso ang kanilang budhi. Limang estudyante na hindi pinahintulutang makatuntong sa ikalawang grado sa Kobe Municipal Industrial Technical College (tinatawag na Kobe Tech sa maikli) ang nagpasiyang kumuha ng legal na hakbang.
Ano ang Usapin?
Noong tagsibol ng 1990 nang pumasok ang limang estudyante sa Kobe Tech, ipinaliwanag na nila sa mga guro na hindi sila makikibahagi sa pagsasanay ng kendo (eskrima ng mga Hapones) dahil sa kanilang salig-sa-Bibliyang pangmalas. Ang pakultad sa physical education ay mahigpit na sumalansang at nagkait sa kanila ng anumang mapagpipiliang paraan upang makakuha ng kredito para sa physical education. Nang bandang huli, ang mga estudyante ay hindi nakapasa sa klase sa physical education at bunga nito ay kinailangang umulit sa unang grado (unang taon sa kurso sa kolehiyo). Noong Abril 1991 ay naghain sila ng demanda sa Pandistritong Hukuman ng Kobe, anupat sinabing ang ginawa ng paaralan ay lumabag sa garantiya ng saligang batas para sa kalayaan ng relihiyon.a
Ipinahayag ng paaralan na ang paglalaan ng mapagpipiliang gawain ay katumbas ng pagpapakita ng pabor sa isang partikular na relihiyon at sa gayo’y lalabag sa pagiging neutral ng edukasyong pampubliko. Bukod pa rito, sinabi nila na wala silang pasilidad ni ng mga tauhan upang maglaan ng mapagpipiliang programa para sa physical education.
Pinukaw ng Pasiya ng Pandistritong Hukuman ang mga May Kabatiran
Samantalang dinirinig ang kaso, dalawa sa limang estudyante ang muling hindi nakapasa sa physical education, samantalang ang tatlong iba pa ay bahagyang nakapasa at nakatuntong sa susunod na grado. Isinasaad ng mga alituntunin sa paaralan na ang mga estudyanteng may mabababang marka at umulit ng isang grado sa alinmang dalawang magkasunod na taon ay maaaring paalisin. Dahil dito, isa sa dalawang estudyante ang nagpasiyang huminto sa pag-aaral bago mapaalis, ngunit ang isa, si Kunihito Kobayashi, ay tumangging huminto. Kaya siya’y pinaalis. Kapansin-pansin, ang aberids na marka ni Kunihito sa lahat ng asignatura kasali na ang physical education, na hindi niya naipasa sa iskor na 48 puntos, ay 90.2 puntos buhat sa 100. Siya ang nanguna sa kaniyang klase na may 42 estudyante.
Noong Pebrero 22, 1993, ang pasiya ng Pandistritong Hukuman ng Kobe ay pabor sa Kobe Tech at ang sabi: “Ang ginawa ng paaralan ay hindi lumabag sa saligang batas,” bagaman inamin nito na “hindi maikakailang ang kalayaan ng pagsamba ng mga nagdemanda ay tinakdaan sa paano man ng kahilingan ng paaralan na makibahagi sa pagsasanay ng kendo.”
Tulad ni apostol Pablo noong unang siglo, ang mga nagdemanda ay nagpasiyang umapela sa mas mataas na awtoridad sa batas. (Gawa 25:11, 12) Ang kaso ay dinala sa Mataas na Hukuman ng Osaka.
Walang-Pag-iimbot na Saloobin ng mga Nagdemanda
Isang kilalang iskolar, si Propesor Tetsuo Shimomura ng Pamantasan ng Tsukuba, ang pumayag na magbigay ng pahayag bilang isang ekspertong saksi sa Mataas na Hukuman ng Osaka. Bilang isang dalubhasa sa edukasyon at batas, idiniin niya ang pagiging walang-konsiderasyon ng paaralan sa naging pakikitungo sa mga estudyante. Ipinahayag ni Kunihito Kobayashi sa hukuman ang kaniyang damdamin, at ang kaniyang taimtim na saloobin ay nakaantig sa puso niyaong mga nasa hukuman. Karagdagan, noong Pebrero 22, 1994, ang Kobe Bar Association, bilang kapahayagan na ang ginawa ng paaralan ay lumabag sa kalayaan ng pagsamba ni Kunihito at sa kaniyang karapatang tumanggap ng edukasyon, ay nagrekomenda na siya’y muling tanggapin sa paaralan.
Habang papalapit na ang panahon upang ilabas ang pasiya ng Mataas na Hukuman ng Osaka, lahat ng kabataang Kristiyanong nasangkot ay sabik na maging bahagi ng pakikipagpunyagi hanggang sa matapos ito. Inakala nilang sila’y nakikipaglaban ng isang legal na labanan alang-alang sa libu-libong kabataang Saksi na nakaharap sa gayunding usapin sa mga paaralan sa buong Hapon. Subalit yamang sila’y hindi pinaalis sa paaralan, malamang na pawawalang-saysay ng hukuman ang kanilang kaso. At nakita nila na kung iuurong nila ang kanilang demanda, maitatampok ang pagiging di-makatuwiran ng paaralan sa pagpapaalis kay Kunihito. Kaya naman, lahat ng estudyante maliban kay Kunihito ay nagpasiyang iurong ang kaso.
Noong Disyembre 22, 1994, binaligtad ni Punong Hukom Reisuke Shimada ng Mataas na Hukuman ng Osaka ang desisyon ng Pandistritong Hukuman ng Kobe. Nasumpungan ng hukuman na taimtim ang dahilan ni Kunihito sa pagtanggi sa pagsasanay ng kendo at na totoong napakalaki ang nawala sa kaniya dahil sa kaniyang pagkilos batay sa kaniyang relihiyosong paniniwala. Ang paaralan, sabi ni Punong Hukom Shimada, ay dapat sanang naglaan ng mapagpipiliang gawain. Ang mahusay na pasiyang ito ay sinang-ayunan niyaong mga palaisip sa mga karapatang pantao. Gayunpaman, inapela ng paaralan ang kaso sa Kataas-taasang Hukuman ng Hapon, anupat pinagkaitan si Kunihito ng edukasyon sa loob ng isa pang taon.
Sa Kataas-taasang Hukuman
Isang editoryal sa pahayagang Kobe Shimbun ang nagsabi nang dakong huli: “Dapat sanang tinanggap muli ng Kobe City School Board at ng paaralan si G. Kobayashi nang panahong iyon [pagkatapos ng desisyon ng Mataas na Hukuman ng Osaka]. . . . Ang kanilang di-kinakailangang salungat na saloobin ay nagkait sa isang tao ng isang mahalagang yugto ng kaniyang kabataan.” Sa kabila nito, matatag ang paninindigan ng Kobe Tech sa kasong ito. Bilang resulta, iyon ay naging paksa ng mga balita sa buong bansa. Napansin iyon ng mga guro at mga awtoridad sa paaralan sa buong bansa, at ang isang desisyon mula sa pinakamataas na hukuman sa bansa ay magsisilbing isang mas matibay na legal na batayan para sa katulad na mga kaso sa hinaharap.
Noong Enero 17, 1995, mga isang linggo pagkatapos inapela ng paaralan ang kaso sa Kataas-taasang Hukuman, tinamaan ng lindol sa Kobe ang Ashiya City na tinitirahan ni Kunihito at ng kaniyang pamilya. Mga 5:30 nang umagang iyon, ilang minuto bago lumindol sa lugar na iyon, si Kunihito ay umalis ng bahay patungo sa kaniyang part-time na trabaho. Nagbibisikleta siya sa kahabaan ng daan sa ilalim ng Hanshin Expressway, at nang lumindol, malapit na siya sa bahagi na gumuho. Agad-agad siyang bumalik sa bahay at nakitang lubusang nawasak ang unang palapag ng kaniyang bahay. Nakita ni Kunihito na madali sanang nasawi ang kaniyang buhay buhat sa lindol at pinasalamatan niya si Jehova sa pagpapahintulot na siya’y makaligtas. Kung namatay siya, malamang na ang kaso ng kendo ay natapos nang walang desisyon ang Kataas-taasang Hukuman.
Karaniwan nang sinusuri ng Kataas-taasang Hukuman sa Hapon ang mga apela sa papeles lamang at humahatol kung tama o mali ang desisyon ng mas mababang hukuman. Maliban na kung may seryosong dahilan upang baligtarin ang pasiya ng mababang-hukuman, wala nang pagdinig na nagaganap. Hindi pinatatalastasan ng hukuman ang nasasangkot na mga panig kung kailan ibibigay ang desisyon. Kaya nagulat si Kunihito noong umaga ng Marso 8, 1996, nang sabihin sa kaniya na ilalabas ang desisyon nang umagang iyon. Laking tuwa at kasiyahan niya nang malamang pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman ang desisyon ng Mataas na Hukuman ng Osaka.
Apat na hukom, na pinangungunahan ni Hukom Shinichi Kawai, ang buong-pagkakaisang nagpasiya na “ang mga gawang isinaalang-alang ay dapat na ituring na lubhang di-angkop mula sa sinasang-ayunang mga simulain sa lipunan, anupat lumilihis mula sa saklaw ng mga karapatan sa sariling pagpapasiya, at samakatuwid ay labag sa batas.” Kinilala ng hukuman ang kataimtiman ng pagtanggi ni Kunihito na makibahagi sa pagsasanay ng kendo at sinabi: “Ang dahilan ng inapela sa hindi pagsali sa pagsasanay ng kendo ay taimtim at may malapit na kaugnayan sa pinakasaligan ng kaniyang pananampalataya.” Humatol ang Kataas-taasang Hukuman na makapaglalaan at dapat na naglaan sana ang paaralan ng mapagpipiliang paraan upang maigalang ang relihiyosong paniniwala ng inapela.
Malawak na Epekto
Tiyak na ang desisyong ito ay naglagay ng isang mainam na batayan na pabor sa kalayaan ng pagsamba sa mga paaralan. Ganito ang sabi ng The Japan Times: “Ang pasiya ay kauna-unahan sa Kataas-taasang Hukuman may kinalaman sa usapin ng edukasyon at kalayaan ng relihiyon.” Gayunman, hindi inaalis ng desisyon ang pananagutan ng bawat kabataang estudyante na magkaroon ng sariling paninindigan kapag nakaharap sa mga pagsubok sa pananampalataya.
Nagkomento si Propesor Masayuki Uchino ng Pamantasan ng Tsukuba na ang isa sa mga salik na nagpakilos sa mga hukom upang bigyan ng tagumpay si Kunihito ay ang bagay na siya ay “isang taimtim na estudyante na may napakatataas na marka sa paaralan.” Ganito ang payo ng Bibliya sa mga Kristiyano na nakaharap sa mga pagsubok sa kanilang pananampalataya: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, ay luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksing nakakita.” (1 Pedro 2:12) Maipakikita ng tapat na mga kabataang Kristiyano na ang kanilang maka-Kasulatang paninindigan ay karapat-dapat sa paggalang ng mga tao sa pamamagitan ng pamumuhay nang ayon sa mga pamantayan sa Bibliya.
Pagkatapos ng desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, muling tinanggap si Kunihito Kobayashi sa Kobe Tech. Nagtapos na ang karamihan sa mga estudyante ng pumasok noon kasabay ni Kunihito. Nag-aaral ngayon si Kunihito kasama ng mga estudyanteng mas bata ng limang taon kaysa sa kaniya. Sa mata ng maraming tao sa daigdig, limang napakahalagang mga taon ng kaniyang kabataan ang nasayang. Gayunman, ang integridad ni Kunihito ay napakahalaga sa mata ng Diyos na Jehova, at ang kaniyang sakripisyo ay tunay na hindi nawalan ng kabuluhan.
[Talababa]
a Para sa mga detalye, pakisuyong tingnan ang pahina 10 hanggang 14 ng Oktubre 8, 1995, isyu ng Gumising!, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 20]
Kaliwa: Ang tahanan ni Kunihito pagkatapos ng lindol
Ibaba: Si Kunihito ngayon