Magsaya kay Jehova sa Kabila ng mga Pagsubok
GAYA NG INILAHAD NI GEORGE SCIPIO
Noong Disyembre 1945, nakaratay ako sa ospital, ganap na paralisado maliban sa aking mga kamay at paa. Akala ko ay pansamantala lamang ang aking kalagayan, subalit duda ang iba na ako’y muling makalalakad pa. Anong laking pagsubok ito para sa isang aktibong 17-taóng-gulang! Hindi ko matanggap ang gayong pagsusuri sa aking karamdaman. Napakarami kong plano, pati na ang paglalakbay sa Inglatera kasama ng aking amo sa susunod na taon.
BIKTIMA ako ng isang epidemya ng poliomyelitis na humampas sa aming tirahang isla ng St. Helena. Kumitil ito ng 11 katao at nagdulot ng kapansanan sa marami. Samantalang nakaratay sa kama, marami akong panahon upang pag-isipan ang aking maikling buhay at ang aking kinabukasan. Habang ginagawa ko ito, natanto ko na, sa kabila ng aking mga karamdaman, mayroon akong dahilan upang magsaya.
Isang Hamak na Pasimula
Noong 1933 nang ako’y limang taóng gulang, ang aking ama, si Tom, isang pulis at isang diakono sa Simbahang Baptist, ay nakakuha ng ilang pinabalatang aklat mula sa dalawang Saksi ni Jehova. Sila’y mga buong-panahong ebanghelisador, o mga payunir, na dumalaw sa isla sa loob ng maikling panahon.
Ang isa sa mga aklat ay tinawag na The Harp of God. Ginamit ito ng aking tatay sa pag-aaral ng Bibliya na kasama ng aming pamilya at ng ilang interesadong indibiduwal. Mahirap maunawaan ang materyal na iyon, at kaunti lamang ang naunawaan ko. Subalit natatandaan kong minamarkahan ko sa aking kopya ng Bibliya ang bawat kasulatan na tinalakay namin. Di-nagtagal ay natanto ng aking tatay na ang pinag-aaralan namin ang siyang katotohanan at na ibang-iba ito sa ipinangangaral niya sa Simbahang Baptist. Sinimulan niyang sabihin sa iba ang tungkol dito at ipangaral sa pulpito na walang Trinidad, walang apoy ng impiyerno, at walang imortal na kaluluwa. Pinagmulan ito ng malaking diskusyon sa simbahan.
Sa wakas, sa pagsisikap na lutasin ang isyu, ipinatawag ang isang pulong sa simbahan. Ang tanong ay, “Sino ang panig sa mga Baptist?” Panig ang karamihan. Ang sumunod na tanong ay, “Sino ang panig kay Jehova?” Panig ang mga 10 o 12. Sila’y hiniling na umalis sa simbahan.
Ito ang hamak na pasimula ng isang bagong relihiyon sa St. Helena. Nakipag-ugnayan ang aking tatay sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Estados Unidos at humiling ng isang transcription machine upang patugtugin sa publiko ang isinaplakang mga lektiyur sa Bibliya. Sinabihan siya na napakalaki ng makina upang ipadala sa St. Helena. Isang mas maliit na ponograpo ang ipinadala, at nang maglaon ang mga kapatid ay pumidido pa ng dalawa. Nagtungo sila sa palibot ng isla na naglalakad o sakay ng buriko, na nagdadala ng mensahe sa mga tao.
Habang lumalaganap ang mensahe, lumalaganap din ang pagsalansang. Sa paaralan ko, ang mga bata ay umaawit: “Makinig kayong lahat, makinig kayong lahat, ang banda ng ponograpo ni Tommy Scipio!” Isang matinding pagsubok ito para sa akin, isang batang mag-aaral na nagnanais ng pagsang-ayon ng kaniyang mga kaedad. Ano ang nakatulong sa akin upang magbata?
Ang aming malaking pamilya—na may anim na mga anak—ay may regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Sama-sama rin naming binabasa ang Bibliya tuwing umaga bago mag-almusal. Walang alinlangang ito ang nakatulong sa aming pamilya upang patuloy na magtapat sa katotohanan sa paglipas ng mga taon. Personal kong naibigan ang Bibliya sa murang gulang, at sa nakalipas na mga taon, pinanatili ko ang kaugalian ng regular na pagbabasa ng Bibliya. (Awit 1:1-3) Nang huminto na ako sa pag-aaral sa gulang na 14 na taon, matatag na ako sa katotohanan, at nasa puso ko ang pagkatakot kay Jehova. Nagpangyari ito sa akin na magsaya kay Jehova sa kabila ng gayong mga pagsubok.
Higit na mga Pagsubok at mga Kagalakan
Habang nakahiga ako sa banig ng karamdaman at nag-iisip ng mga nakalipas na mga taon at ng aking mga pag-asa sa hinaharap, natalos ko mula sa aking pag-aaral ng Bibliya na ang karamdamang ito ay hindi isang pagsubok o parusa mula sa Diyos. (Santiago 1:12, 13) Gayunpaman, nakapipighating pagsubok ang polio, at ang mga epekto nito ay tataglayin ko sa nalalabing bahagi ng buhay ko.
Nang gumaling ako, kailangan kong muling matutong maglakad. Hindi ko na rin mapakinabangan ang ilang bahagi ng kalamnan sa aking mga bisig. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong matumba araw-araw. Sa kabila nito, sa pamamagitan ng marubdob na pananalangin at patuloy na pagsisikap, noong 1947, nakalakad ako sa tulong ng isang tungkod.
Nang panahong ito ay umibig ako sa isang dalaga, si Doris, na may relihiyosong paniniwala na katulad ko. Napakabata pa namin upang pag-isipan ang pag-aasawa, subalit ito ang nag-udyok sa akin na gumawa ng higit pang pagsulong sa paglakad. Iniwan ko rin ang aking trabaho dahil sa ang sahod ay hindi sapat upang suportahan ang isang asawa, at nagtayo ako ng aking sariling laboratoryo para sa mga ngipin, na pinangasiwaan ko sa loob ng sumunod na dalawang taon. Nagpakasal kami noong 1950. Nang panahong ito ay kumita na ako ng sapat na salapi upang bumili ng isang maliit na kotse. Ngayon ay maisasakay ko na ang mga kapatid patungo sa mga pulong at sa paglilingkod sa larangan.
Teokratikong mga Pagsulong sa Isla
Noong 1951, ipinadala ng Samahan ang kanilang unang kinatawan sa amin. Ito’y si Jacobus van Staden, isang binata mula sa Timog Aprika. Kalilipat lamang namin sa isang maluwag na bahay, kaya’t mapatutuloy namin siya sa loob ng isang taon. Yamang ako’y may sariling hanapbuhay, maraming panahon ang ginugol namin sa gawaing pangangaral na magkasama, at ako’y tumanggap ng napakahalagang pagsasanay mula sa kaniya.
Si Jacobus, o Koos kung tawagin namin, ay nag-organisa ng regular na mga pulong ng kongregasyon, na malugod na dinaluhan naming lahat. May problema kami sa transportasyon sapagkat may dalawang kotse lamang para sa lahat ng mga interesado. Baku-bako at maburol ang lupa, at kakaunti ang magagandang daan noong panahong iyon. Kaya, isang malaking trabaho na padaluhin ang lahat sa mga pulong. Ang ilan ay naglalakad nang maagang-maaga pa. Isinasakay ko ang tatlo sa aking maliit na kotse at ibinababa ko sila pagkaraan ng ilang distansiya sa daan. Bumababa sila at nagpapatuloy sa paglakad. Bumabalik ako, isinasakay ang tatlo pa nang ilang distansiya, ibaba sila, at saka babalik. Sa wakas, ang lahat ay nakadadalo sa pulong sa ganitong paraan. Pagkatapos ng pulong, sinusunod namin ang gayunding paraan upang maihatid sa bahay ang lahat.
Tinuruan din kami ni Koos kung paano magbigay ng mabisang mga presentasyon sa mga bahay. Marami kaming magagandang karanasan at ilang hindi magagandang karanasan. Subalit nahihigitan ng kagalakan sa ministeryo sa larangan ang lahat ng pagsubok ng mga salansang sa aming gawaing pangangaral. Isang umaga, ako’y gumagawang kasama ni Koos. Habang papalapit kami sa isang pinto, narinig namin ang isang tinig sa loob. Isang lalaki ang bumabasa nang malakas mula sa Bibliya. Malinaw na naririnig namin ang pamilyar na mga salita ng Isaias kabanata 2. Nang makarating siya sa talatang 4, kumatok kami. Pinapasok kami ng isang palakaibigang matandang lalaki, at ginamit namin ang Isaias 2:4 upang ipaliwanag sa kaniya ang mabuting balita may kinalaman sa Kaharian ng Diyos. Napasimulan sa kaniya ang isang pag-aaral sa Bibliya bagaman nakatira siya sa isang lugar na mahirap puntahan. Kailangan naming bumaba ng isang burol, tumawid ng isang batis sa mga batong tuntungan, umakyat ng isa pang burol, at pagkatapos ay bumaba patungo sa kaniyang bahay. Subalit sulit naman ito. Tinanggap ng maamong matandang lalaking ito ang katotohanan at nabautismuhan. Upang makadalo sa mga pulong, lumalakad siya na may dalawang tungkod hanggang sa isang lugar na mula roo’y maisasakay ko siya sa kotse. Nang malaunan namatay siyang isang tapat na Saksi.
Ang komisyonado ng pulisya ay salansang sa aming gawain at paulit-ulit na nagbanta na ipatatapon si Koos. Minsan sa isang buwan ay ipinatatawag niya si Koos para tanungin. Lalo pang nakagalit sa kaniya ang bagay na lagi siyang tuwirang sinasagot ni Koos mula sa Bibliya. Sa bawat pagkakataon ay binabalaan niya si Koos na dapat itong huminto sa pangangaral, subalit sa bawat pagkakataon siya’y napapatotohanan. Patuloy niyang sinalansang ang gawain kahit na pagkatapos na umalis si Koos sa St. Helena. Pagkatapos ang komisyonado, isang malaki at malakas na lalaki, ay biglang-biglang nagkasakit at pumayat nang husto. Hindi matuklasan ng mga doktor kung ano ang sakit niya. Bunga nito, umalis siya sa isla.
Bautismo at Patuloy na Paglago
Pagkatapos manirahan ni Koos sa isla sa loob ng tatlong buwan, inakala niya na angkop na magdaos ng isang paglilingkod para sa bautismo. Isang problema ang paghanap ng angkop na pool. Nagpasiya kaming gumawa ng isang malaking hukay, sementuhin ito, at maghakot ng tubig upang punuin ito. Noong gabi bago ang bautismo, umulan, at kinabukasan, tuwang-tuwa kaming makita ang hukay na punô ng tubig.
Nang umagang iyon ng Linggo, si Koos ang nagbigay ng pahayag sa bautismo. Nang hilingin niya ang mga kandidato sa bautismo na tumayo, 26 sa amin ang tumayo upang sagutin ang karaniwang mga tanong. Kami’y nagkapribilehiyong maging ang unang mga bautisadong Saksi sa isla. Ito ang pinakamasayang araw sa aking buhay sapagkat lagi akong nag-aalala na baka dumating ang Armagedon bago ako mabautismuhan.
Dalawang kongregasyon ang nabuo sa dakong huli, isa sa Levelwood at isa sa Jamestown. Bawat linggo, ang tatlo o apat sa amin ay naglalakbay ng labintatlong kilometro tungo sa isang kongregasyon upang magdaos ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at Pulong sa Paglilingkod kung Sabado ng gabi. Pagkatapos ng paglilingkod sa larangan sa Linggo ng umaga, bumabalik kami at nagdaraos ng gayunding mga pulong, pati na ang Pag-aaral sa Bantayan, sa aming sariling kongregasyon sa hapon at gabi. Kaya ang aming mga dulo-ng-sanlinggo ay punô ng nakagagalak na teokratikong mga gawain. Nananabik akong mangaral nang buong-panahon, subalit mayroon akong pamilyang sinusuportahan. Kaya noong 1952, nagbalik ako sa paglilingkod sa pamahalaan bilang isang residenteng dentista.
Noong 1955, ang naglalakbay na mga kinatawan ng Samahan, ang mga tagapangasiwa ng sirkito, ay nagsimulang dumalaw sa isla sa bawat taon, at tumuloy sila sa aking tahanan sa panahon ng kanilang dalaw. Sila’y positibong impluwensiya sa aming pamilya. Halos kasabay nito, nagkaroon din ako ng pribilehiyo na makibahagi sa pagpapalabas ng tatlong pelikula ng Samahan sa buong isla.
Ang Kapana-panabik na Banal na Kaloobang Asamblea
Noong 1958, upang makadalo sa Banal na Kaloobang Internasyonal na Asamblea sa New York, muli akong nagbitiw sa paglilingkod sa pamahalaan. Ang asambleang ito ay isang mahalagang pangyayari sa aking buhay—isang pagkakataon na nagbigay sa akin ng higit na dahilan upang magsaya kay Jehova. Dahil sa walang regular na transportasyon patungo sa isla, nagbakasyon kami ng lima at kalahating buwan. Ang asamblea ay tumagal ng walong araw, at ang mga sesyon ay mula sa alas nuwebe ng umaga hanggang alas nuwebe ng gabi. Ngunit hindi ako kailanman napagod, at inaasam-asam ko ang bawat araw. Nagkapribilehiyo ako na katawanin ang St. Helena sa loob ng dalawang minuto sa programa. Ang pagsasalita sa napakaraming tao sa Yankee Stadium at Polo Grounds ay nakakanerbiyos na karanasan.
Pinatibay ng asamblea ang pasiya kong magpayunir. Ang pahayag pangmadla, “Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos—Malapit Na ba ang Katapusan ng Sanlibutan?,” ay lalo nang nakapagpapatibay. Pagkatapos ng asamblea, dumalaw kami sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn at nagpasyal sa pagawaan. Kinausap ko si Brother Knorr, presidente noon ng Samahang Watch Tower, may kinalaman sa pagsulong ng gawain sa St. Helena. Sinabi niyang gusto niyang dumalaw sa isla balang araw. Nag-uwi kami ng mga tape recording ng lahat ng mga pahayag gayundin ng maraming pelikula hinggil sa asamblea upang ipakita sa pamilya at sa mga kaibigan.
Nakamit ang Tunguhin na Buong-Panahong Paglilingkod
Pagbalik ko, inalok muli sa akin ang dati kong trabaho, yamang walang dentista sa isla. Gayunman, ipinaliwanag ko na balak kong pumasok sa buong-panahong ministeryo. Pagkatapos ng maraming pag-uusap ay napagkasunduan na ako’y magtatrabaho ng tatlong araw sa isang linggo, subalit mas mataas ang sahod ko kaysa nang ako’y nagtatrabaho ng anim na araw sa isang linggo. Napatunayang totoo ang mga salita ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Hindi laging madali para sa akin ang paglalakbay sa maburol na lupain ng isla sa aking mahihinang binti. Magkagayon man, nagpayunir ako sa loob ng 14 na taon at nakatulong ako sa maraming kapuwa tagaisla na matuto ng katotohanan—tiyak na isang dahilan para labis na magsaya.
Noong 1961, nais akong ipadala ng pamahalaan sa Fiji Islands para sa libreng dalawang-taóng kurso sa pagsasanay upang ako’y maging isang ganap na kuwalipikadong dentista. Inalok pa nga nila ako na ipasasama sa akin ang aking pamilya. Nakatutuksong alok ito, subalit pagkatapos na seryosong pag-isipan ay tinanggihan ko ito. Ayaw kong iwanan ang mga kapatid sa loob ng mahabang panahon at bitiwan ang pribilehiyo na taglay ko na paglingkuran sila. Lubhang nabahala ang senior medical officer na nagsaayos sa paglalakbay. Sabi niya: “Kung iniisip mong napakalapit na ng wakas, magagamit mo pa rin ang perang kikitain mo sa panahong ito.” Subalit nanindigan akong matatag.
Nang sumunod na taon, ako’y naanyayahan sa Timog Aprika upang dumalo sa Kingdom Ministry School, isang-buwang kurso sa pagsasanay para sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon. Binigyan kami ng mahalagang tagubilin na nakatulong sa amin upang mas mabisang magampanan ang aming mga atas sa kongregasyon. Pagkatapos ng pag-aaral, tumanggap ako ng higit pang pagsasanay sa pamamagitan ng paggawang kasama ng isang naglalakbay na tagapangasiwa. Pagkatapos ay naglingkod ako sa dalawang kongregasyon sa St. Helena sa loob ng mahigit na sampung taon bilang isang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito. Nang maglaon, iba pang kuwalipikadong mga kapatid na lalaki ang nagagamit, at nagkaroon ng kaayusan sa pagpapalitan.
Samantala, lumipat kami mula sa Jamestown tungo sa Levelwood, kung saan may higit na pangangailangan, at nanatili kami roon sa loob ng sampung taon. Nang panahong ito, nagpagal ako nang husto—nagpapayunir, nagtatrabaho ng tatlong araw isang linggo para sa pamahalaan, at nangangasiwa ng isang maliit na tindahan ng groseri. Karagdagan pa, inaasikaso ko ang mga bagay-bagay may kinalaman sa kongregasyon, at inaasikaso naming mag-asawa ang aming pamilya na may apat na lumalaking mga bata. Upang makayanan, binitiwan ko ang aking tatlong-araw na trabaho, ipinagbili ang tindahan, at dinala ko ang buong pamilya sa Cape Town, Timog Aprika, para magbakasyon ng tatlong buwan. Pagkatapos ay lumipat kami sa Ascension Island at nanatili roon sa loob ng isang taon. Nang panahong ito, nakatulong kami sa marami upang magtamo ng tumpak na kaalaman sa katotohanan ng Bibliya.
Sa pagbabalik namin sa St. Helena, bumalik kami sa Jamestown. Binago namin ang pagkakayari ng isang bahay na nakadikit sa Kingdom Hall. Upang makapaglaan sa materyal, ginawa namin ng anak kong si John na isang ice-cream van ang isang trak na Ford, at nagtinda kami ng sorbetes sa sumunod na limang taon. Hindi pa natatagalan pagkatapos simulan ang negosyo, naaksidente ako sa van. Tumaob ito at nadaganan ang aking mga binti. Bunga nito, namatay ang mga nerbiyo sa ibaba ng aking tuhod, at tatlong buwan akong nagpagaling.
Mayamang Pagpapala Noon at sa Hinaharap
Sa nakalipas na mga taon, nagtamasa kami ng maraming pagpapala—higit pang dahilan upang magsaya. Ang isa sa mga ito ay ang aming paglalakbay patungo sa Timog Aprika upang dumalo sa isang pambansang kombensiyon noong 1985 at dumalaw sa bagong tahanang Bethel, na itinatayo pa noon. Ang isa pa ay ang pagkakaroon ng maliit na bahagi, kasama ng aking anak na si John, sa pagtatayo ng isang magandang Assembly Hall malapit sa Jamestown. Maligaya rin kami na tatlo sa aming mga anak na lalaki ay naglilingkod bilang matatanda, at ang isang apo ay naglilingkod sa Bethel sa Timog Aprika. At tunay na umani kami ng malaking kagalakan at kasiyahan sa pagtulong sa marami na magkamit ng tumpak na kaalaman sa Bibliya.
Limitado ang larangan sa aming ministeryo, na mayroon lamang mga 5,000 tao. Gayunpaman, ang paggawa sa iyon at iyon ding teritoryo nang paulit-ulit ay nagbunga ng maiinam na resulta. Kakaunting tao ang nakikitungo sa amin nang hindi mabuti. Ang St. Helena ay kilala sa pagiging palakaibigan nito, at ikaw ay babatiin saan ka man magpunta—naglalakad sa daan o nagmamaneho ng iyong kotse. Sa aking karanasan, habang lalo mong nakikilala ang mga tao, mas madaling magpatotoo sa kanila. Mayroon na kami ngayong 150 mamamahayag, bagaman marami ang lumipat na sa ibang bansa.
Dahil sa malalaki na ang aming mga anak at bumukod na, kami na lamang muli ng aking asawa ang magkasama, pagkatapos ng 47 taon ng pagsasama. Ang kaniyang matapat na pag-ibig at suporta sa nakalipas na mga taon ang nakatulong sa akin na patuloy na maglingkod kay Jehova nang may kagalakan sa kabila ng mga pagsubok. Humihina ang aming pisikal na lakas, subalit ang aming espirituwal na lakas ay nababago sa araw-araw. (2 Corinto 4:16) Ako, kasama ng aking pamilya at mga kaibigan, ay tumatanaw sa isang kamangha-manghang hinaharap kapag isasauli na ang aking pangangatawan sa mas mabuting kalagayan kaysa noong ako’y 17 anyos. Ang pinakamimithi ko ay ang magtamasa ng kasakdalan sa ganap na diwa at, higit sa lahat, ang maglingkod sa ating maibigin at nagmamalasakit na Diyos, si Jehova, at sa kaniyang nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo, magpakailanman.—Nehemias 8:10.
[Larawan sa pahina 26]
Si George Scipio at ang tatlo sa kaniyang anak na lalaki, na naglilingkod bilang matatanda
[Larawan sa pahina 29]
Si George Scipio kasama ang kaniyang asawa, si Doris