Kung Kailan Nila Binabasa ito at Kung Papaano Sila Nakikinabang
Maagang-Maaga:
Isang mag-asawa, na kapuwa nagtatrabaho sa labas ng tahanan, ang nagpasiyang bumangong maaga nang sampung minuto tuwing umaga at gamitin ang panahong iyan upang basahin ang Bibliya nang magkasama bago umalis sa tahanan. Ang nabasa nila ay naglaan ng saligan para sa kasiya-siyang pag-uusap kapag umaalis sila ng bahay.
Isang matanda sa Nigeria ang gumagamit ng programa na binalangkas para sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro bilang batayan sa pampamilyang pagbabasa ng Bibliya sa kaniyang sambahayan. Bumabasa sila ng isang bahagi nito araw-araw pagkatapos ng kanilang pag-uusap tungkol sa pang-araw-araw na teksto, karaniwan nang tuwing umaga. Ang mga bata ay hinihilingang maghalinhinan sa pagbabasa ng ilang iniatas na bahagi. Pagkatapos ay inaanyayahan silang magtanong tungkol sa mga talatang binasa.
Isang maybahay sa Hapón ang bumabasa ng buong Bibliya bawat taon mula noong 1985. Ang kaniyang programa ay ang magbasa sa loob ng 20 hanggang 30 minuto pasimula sa 5:00 n.u. bawat araw. Tungkol sa mga pakinabang, ganito ang sabi niya: “Napatibay ang aking pananampalataya. Nakatutulong ito sa akin upang makalimutan ang aking karamdaman at magtutok ng pansin sa pag-asa tungkol sa Paraiso.”
Isang kapatid na babae na payunir sa loob ng 30 taon ngunit may asawang hindi Saksi ang bumabangon tuwing alas singko ng umaga upang magbasa ng Bibliya. Nasa programa niya ang pagbabasa ng mga apat na pahina sa Hebreong Kasulatan, isang kabanata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at isang talata sa Mga Kawikaan. Nababasa niya ang buong Bibliya bawat taon sapol noong 1959. Ganito ang sabi niya: “Bunga ng aking pagbabasa, nadama kong ako’y minamahal ni Jehova . . . Tumatanggap ako ng pampatibay-loob, kaaliwan, at pagtutuwid.” Sinabi pa niya: “Sa pagbabasa ng Bibliya ay parang pinipihit ni Jehova ang kuwerdas ng aking buhay bawat araw.”
Isang kapatid na babae na natuto ng katotohanan sa isang lupain kung saan ipinagbabawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay mayroon ding asawa na sumasalansang sa kaniyang mga paniniwala. Nagagawa niya ang kaniyang pagbabasa ng Bibliya mula Lunes hanggang Biyernes, sa pagitan ng 6:00 at 7:00 n.u. Ito’y nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob. Sa paggunita kung papaano nakaapekto sa kaniya ang kaniyang pagbabasa, ganito ang sabi niya: “Natututo tayong ibigin si Jehova at si Jesus at mamuhay nang maligaya, kahit na may mga suliranin at kahirapan, palibhasa’y nalalaman na hindi nabibigo ang mga pangako ni Jehova.”
Isang kapatid na babae na dumalo sa Pioneer Service School ang nagpasiyang kumilos ayon sa payong ibinigay roon na ugaliin sa araw-araw ang pagbabasa ng Bibliya. Sa simula, nagagawa niya ito sa pagitan ng 5:00 at 6:00 n.u. Nang mahadlangan ito dahil sa pagbabago ng trabaho, inilipat niya ito sa pagitan ng 9:00 at 10:00 n.g. Nang bumangon ang ilang mahihirap na kalagayan, ganito ang sabi niya, “Palagi kong binabago ang aking iskedyul upang bumagay sa mga kalagayan.”
Sa Bandang Hapon:
Nakaugalian na ng dalawang babaing magkapatid sa laman na kapuwa miyembro ng pamilyang Bethel sa Brazil ang magbasa ng Bibliya nang magkasama sa loob ng 20 minuto bawat araw pagkatapos ng tanghalian. Nabasa na nila ang buong Bibliya nang mga 25 ulit; gayunma’y sumulat sila: “Palagi kaming nakasusumpong ng isang bagay na bago, kaya ang pagbabasa ng Bibliya ay hindi kailanman nagiging nakababagot.”
Natanto ng isang dalagang kapatid sa Hapón na, bagaman pinalaki bilang isang Saksi, hindi niya gaanong nauunawaan ang Kasulatan; nang siya’y magpayunir, nagpasiya siyang basahin ang Bibliya nang regular. Nagbabasa siya ngayon para sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro samantalang nagbibiyahe upang magpagamot sa ospital isang araw bawat sanlinggo. Pagkatapos, sa tahanan, nagsasaliksik pa siya. Sa katapusan ng sanlinggo, nagbabasa pa siya ng Bibliya, anupat pinipili ang mga aklat ayon sa pagkakasunud-sunod ng pagkasulat sa mga ito.
Isang 13-taóng-gulang na tatlong ulit nang nabasa ang buong Bibliya ang sa kasalukuyan ay bumabasa ng isang kabanata araw-araw tuwing umuuwi siya sa tahanan buhat sa paaralan. Sabi niya, ito’y nakatulong sa kaniya “na lalong ibigin si Jehova.”
Isang Saksi na may magawaing iskedyul bilang isang naghahanapbuhay, matanda, asawang lalaki, at isang ama ang nakikinig sa mga audiocassette ng Bibliya habang sakay ng tren patungo sa trabaho. Pagkatapos ay personal na binabasa niya sa tahanan ang gayunding materyal.
Bukod sa kaniyang personal na pagbabasa, nakikinig ang isang payunir sa Pransiya sa mga audiocassette ng Bibliya kapag naghahanda siya ng pagkain, kapag nagmamaneho, kapag dumaranas ng mahihirap na suliranin, o kapag nagpapahingalay.
Naaalaala naman ng isang 21-taóng-gulang na payunir sa Hapón na iginiit ng kaniyang ina ang pagtanggap ng isang bagay na espirituwal bawat araw, at binabasa niya ang Bibliya araw-araw, bagaman hindi laging sa parehong panahon, mula nang siya ay tatlong taóng gulang. Pagkabasa niya sa bahaging pinili niya para sa araw na iyon, tinitiyak niyang basahing muli ang susing mga talata, at saka siya gumugugol ng ilang minuto upang repasuhin sa isipan ang kaniyang nabasa.
Isa pang Saksi, na isang payunir, ang nakabasa ng buong Bibliya nang sampung ulit sa nakalipas na 12 taon. Ang kaniyang asawang lalaki ay hindi kapananampalataya, kaya isinasaayos niya ang pagbabasa sa hapon.
Sa Gabi:
Isang matanda at regular pioneer sa Hapón na bumabasa mula sa kaniyang Bibliya gabi-gabi bago matulog ang gumawa nito sa nakalipas na walong taon. Ganito ang sabi niya: “Gustung-gusto ko ang mga kasulatan na nagpapakita kung ano ang iniisip ni Jehova, kung ano ang nadarama niya tungkol sa mga bagay-bagay, at kung papaano niya hinaharap ang mga kalagayan. Sa pamamagitan ng pagbubulaybulay sa mga kasulatang ito, ako’y natulungang tularan ang pag-iisip ni Jehova at tulungan ang aking Kristiyanong mga kapatid at mga miyembro ng pamilya.”
Binabasa ng isang matanda sa Pransiya ang Bibliya nang isang oras gabi-gabi mula noong 1979. Madalas siyang may lima o anim na salin sa harap niya para sa paghahambing. Sinabi niya na ang kaniyang masusing pagbabasa ay nakatulong sa kaniya upang maunawaan “kung papaano ikakapit ang kaalaman sa Bibliya sa mga kalagayan sa araw-araw.” Ito’y nakatulong din sa kaniya upang maging mas mabisa kapag nagpapayo mula sa Kasulatan.
Sa nakalipas na 28 taon, kinaugalian na ng isang kapatid na lalaki sa Nigeria na basahin kung gabi ang teksto sa Kasulatan na nasa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw para sa pagtalakay kinabukasan. Kasabay nito, binabasa niya ang buong kabanata sa Bibliya na pinagkunan ng teksto. Nang siya’y mag-asawa, ipinagpatuloy niya ang kaugaliang ito, anupat binabasa at ipinakikipag-usap ang materyal sa kaniyang asawa.
Nakaugalian na ng isang tin-edyer na ang mga magulang ay di-Saksi ang bumasa nang lima hanggang sampung minuto gabi-gabi bago matulog. Mahalaga ang mga sandaling iyon para sa kaniya, at nananalangin siya bago at pagkatapos magbasa. Tunguhin niya na malaman ang mensahe na ipinatala ni Jehova sa bawat manunulat ng Bibliya.
Isang kapatid na lalaking may-asawa, na naglilingkod sa Bethel, ang nagsabi na binabasa niya ang Bibliya minsan sa isang taon sa loob ng nakalipas na walong taon. Nagbabasa siya nang 20 hanggang 30 minuto bago magpahinga sa gabi. Kahit na kapag siya’y pagod na pagod, nasusumpungan niya na kapag nahiga siya nang hindi nagbabasa, hindi siya makatulog. Kailangan siyang bumangon at tugunin ang espirituwal na pangangailangang iyan.