Pinagtibay ng Europeong Mataas na Hukuman ang Karapatang Mangaral sa Gresya
BAKIT ang isang taong pinuri ng kaniyang kapuwa ay aarestuhin nang mahigit na 60 beses buhat noong 1938? Bakit ang tapat na tinderong ito na tagaisla ng Creta sa Gresya ay lilitisin ng mga hukumang Griego nang 18 beses at ibibilanggo nang mahigit na anim na taon? Oo, bakit ang masipag na padre de pamilyang ito, si Minos Kokkinakis, ay sapilitang ihihiwalay mula sa kaniyang kabiyak at limang anak at ipatatapon sa iba’t ibang islang párusahan sa mga preso?
Ang mga batas na pinagtibay noong 1938 at 1939 na nagbabawal ng pangungumberte ang pinakadahilan. Ang mga batas na ito ay pinairal ng Griegong diktador na si Ioannis Metaxas, na noon ay kumikilos sa ilalim ng impluwensiya ng Iglesya Orthodoxo Griego.
Bilang resulta ng batas na ito, mula noong 1938 hanggang 1992, nagkaroon ng 19,147 pag-aresto sa mga Saksi ni Jehova, at ang mga hukuman ay nagpataw ng mga sentensiyang sa kabuuan ay 753 taon, na 593 nito ay aktuwal na pinagdusahan. Lahat ng ito ay dahilan sa ang mga Saksi sa Gresya, tulad sa lahat ng dako, ay sumusunod sa tagubilin ni Jesu-Kristo na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay” na kaniyang ipinag-utos.—Mateo 28:19, 20.
Subalit noong Mayo 25, 1993, isang dakilang tagumpay alang-alang sa kalayaan ng pagsamba ang naipanalo! Sa petsang iyan ay pinagtibay ng Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao sa Strasbourg, Pransya, ang karapatan ng isang mamamayang Griego na ituro sa iba ang kaniyang mga paniniwala. Sa ganiyang paghatol, ang Europeong mataas na hukumang ito ay lumikha ng malalawak na proteksiyon para sa kalayaan ng relihiyon na may mahalagang epekto sa buhay ng mga tao saanman.
Suriin natin ang mga pangyayari, kasali na ang mga upasalang dinanas ng iisa lamang mamamayang Griego, na humantong sa mahalagang hatol na ito ng hukuman.
Maagang Kasaysayan
Noong 1938 ang mamamayang ito, si Minos Kokkinakis, ay naging una sa mga Saksi ni Jehova na nahatulan sa ilalim ng Griegong batas na humahatol na isang pagkakasalang kriminal ang pangungumberte. Bagaman hindi siya nilitis, siya’y ipinatapon nang 13 buwan sa isla ng Amorgos sa dagat Aegean. Noong 1939 siya’y makalawang nasentensiyahan at ibinilanggo nang dalawa at kalahating buwan sa bawat sentensiya.
Noong 1940, si Kokkinakis ay ipinatapon nang anim na buwan sa isla ng Melos. Nang sumunod na taon, noong Digmaang Pandaigdig II, siya’y ipiniit sa bilangguang militar sa Atenas sa loob nang mahigit sa 18 buwan. Tungkol doon, ganito ang nagugunita niya:
“Ang kakulangan ng pagkain sa bilangguan ay lalong lumubha. Kami’y labis na nanghina anupat hindi na kami makalakad. Kung hindi dahil sa mga Saksi buhat sa mga lugar ng Atenas at Piraeus na nagbigay sa amin ng pagkain buhat sa kanilang paubos na ring pinagkukunan, baka kami’y patay na.” Nang malaunan, noong 1947, siya’y muling nasentensiyahan at nabilanggo nang isa uling apat at kalahating buwan.
Noong 1949, si Minos Kokkinakis ay ipinatapon sa isla ng Makrónisos, isang pangalan na nagdadala ng kilabot sa guniguni ng mga Griego dahilan sa piitan doon. Sa mga 14,000 bilanggo noon sa Makrónisos, humigit kumulang sa 40 ay mga Saksi. Ang ensayklopidiyang Papyros Larousse Britannica sa wikang Griego ay nagsasabi: “Ang mga paraan ng malupit na pagpapahirap, . . . ang mga kalagayan ng pamumuhay, na hindi matatanggap ng isang bansang sibilisado, at ang napakasamang pagtrato ng mga guwardiya sa mga bilanggo . . . ay isang kadustaan sa kasaysayan ng Gresya.”
Si Kokkinakis, na napiit nang isang taon sa bilangguan sa Makrónisos, ay may ganitong paglalarawan sa mga kalagayan doon: “Ang mga sundalo, tulad ng mga miyembro ng Inkisisyon, ay nagtatanong sa bawat preso mula sa umaga hanggang gabi. Imposibleng mailarawan ang ginagawa nilang pagpaparusa. Maraming preso ang nawala sa kanilang katinuan; ang iba ay pinatay; marami ang naging baldado. Sa kakila-kilabot na mga gabing naririnig namin ang pananangis at pagdaing ng mga pinahihirapan, kami’y nananalangin bilang isang grupo.”
Pagkatapos maligtasan ang mga kahirapan sa Makrónisos, si Kokkinakis ay inaresto nang anim na beses pa noong dekada ng 1950 at nabilanggo nang sampung buwan. Noong dekada ng 1960 siya’y inaresto nang apat na beses pa at nasentensiyahan nang walong buwan na pagkabilanggo. Subalit tandaan, si Minos Kokkinakis ay isa lamang sa daan-daang Saksi ni Jehova na naaresto at ibinilanggo sa loob ng lumipas na mga taon dahilan sa nagsalita sila sa iba tungkol sa kanilang pananampalataya!
Papaano nangyari na ang kakila-kilabot na mga kalupitan laban sa mga Saksi ni Jehova sa Gresya ay nilitis sa wakas sa harap ng Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao?
Ang Kasong Batayan
Ang kaso ay nagsimula noong Marso 2, 1986. Noon si Minos Kokkinakis, na isang retiradong 77-taóng-gulang na negosyante, at ang kaniyang kabiyak ay dumalaw sa tahanan ni Gng. Georgia Kyriakaki sa Sitia, Creta. Ang asawa ni Gng. Kyriakaki, na siyang manganganta sa isang lokal na simbahang Orthodoxo, ang nagbigay-alam sa pulisya. Dumating ang mga pulis at inaresto sina G. at Gng. Kokkinakis, na pagkatapos ay dinala sa himpilan ng pulisya sa naturang pook. Sila’y pinuwersa na doon magpalipas ng gabi.
Ano ang paratang sa kanila? Iyon ding paratang laban sa mga Saksi ni Jehova nang libu-libong beses sa nakalipas na 50 taon, samakatuwid nga, na sila’y nangungumberte. Ang Konstitusyong Griego (1975), Artikulo 13, ay nagsasabi: “Ipinagbabawal ang pangungumberte.” Isaalang-alang pa rin ang Griegong batas, seksiyon 4, numero 1363/1938 at 1672/1939, na ginagawang isang pagkakasalang kriminal ang pangungumberte. Sinasabi nito:
“Ang ibig sabihin ng ‘pangungumberte,’ sa partikular, ay ang anumang tuwiran o di-tuwirang pagtatangka na manghimasok sa mga paniniwalang relihiyoso ng isang tao na may naiibang paniniwalang relihiyoso . . . , sa layuning sirain ang mga paniniwalang iyon, sa pamamagitan ng anumang uri ng panghihikayat o pangako na may kasamang panghihikayat o pagsuportang moral o materyal na tulong, o sa pamamagitan ng pandaraya o sa pagsasamantala sa kaniyang 1kawalang-karanasan, pagtitiwala, pangangailangan, pagkamahinang umunawa o pagka-inosente.”
Ang Hukumang Kriminal sa Lasithi, Creta, ang duminig sa kaso noong Marso 20, 1986, at nasumpungang sina G. at Gng. Kokkinakis ay nagkasala ng pangungumberte. Kapuwa sila nasentensiyahan ng apat na buwang pagkabilanggo. Sa paghatol sa mag-asawa, ipinahayag ng hukuman na ang mga isinakdal ay nanghimasok “sa relihiyosong mga paniniwala ng mga Kristiyanong Orthodoxo . . . sa pamamagitan ng pagsasamantala sa kanilang kawalang-karanasan, sa kanilang kahinaan ng pang-unawa at sa kanilang pagka-inosente.” Ang mga isinakdal ay pinaratangan pa rin ng “paghimok [kay Gng. Kyriakaki] sa pamamagitan ng kanilang makatuwiran, mahusay na mga paliwanag . . . upang baguhin ang kaniyang mga paniniwala bilang isang Kristiyanong Orthodoxo.”
Ang hatol ay inapela sa Hukuman sa Pag-apela ng Creta. Noong Marso 17, 1987, pinawalang-saysay ng hukumang ito ng Creta si Gng. Kokkinakis ngunit pinagtibay ang sentensiya sa kaniyang asawa, bagaman binawasan iyon upang maging tatlong buwan ang kaniyang sentensiyang pagkabilanggo. Sinabi ng hatol na “sinamantala [ni G. Kokkinakis] ang kawalang-karanasan [ni Gng. Kyriaka-ki], ang kaniyang mahinang pang-unawa at ang kaniyang pagka-inosente.” Sinabi niyaon na siya’y “nagsimulang bumasa ng mga talata buhat sa Banal na Kasulatan, na kaniyang sinuri nang buong husay sa paraan na hindi matutulan ng babaing Kristiyano, dahilan sa kakulangan ng sapat na kaalaman sa doktrina.”
Sa isang kasalungat na opinyon, sumulat ang isa sa mga hukom sa pag-apela na si G. Kokkinakis ay “dapat din sanang napawalang-sala, yamang wala sa ebidensiya ang nagpapakita na si Georgia Kyriakaki . . . ay walang karanasan sa doktrinang Kristiyano Orthodoxo, yamang ang asawa niya ay isang manganganta sa simbahan, o nagtataglay ng mahinang pang-unawa o inosente, kung kaya napagsamantalahan ng nasasakdal at . . . [sa gayon] nahikayat siya na maging isang miyembro ng sekta ng mga Saksi ni Jehova.”
Ang kaso ay inapela ni G. Kokkinakis sa Griegong Hukuman ng Pag-apela, ang Korte Suprema ng Gresya. Subalit pinawalang-saysay ng hukumang iyan ang pag-apela noong Abril 22, 1988. Kaya noong Agosto 22, 1988, nagharap si G. Kokkinakis ng petisyon sa Europeong Komisyon ng mga Karapatang Pantao. Ang kaniyang petisyon ay tinanggap sa wakas noong Pebrero 21, 1992, at dinala sa Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao.
Mga Isyu ng Kaso
Yamang ang Gresya ay isang miyembro-estado ng Konseho ng Europa, ito ay obligado na sumunod sa mga Artikulo ng Europeong Kombensiyon sa mga Karapatang Pantao. Mababasa sa Artikulo 9 ng Kombensiyon: “Bawat isa ay may karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon; kasali sa karapatang ito ang kalayaan na baguhin ang kaniyang relihiyon o paniniwala at kalayaan, maging kung nag-iisa o kung kasama ng iba sa pamayanan at sa publiko o pribado, na ipakilala ang kaniyang relihiyon o paniniwala, sa pagsamba, pagtuturo, gawain at pagkakapit.”
Sa gayon, ang pamahalaang Griego ang lumagay na nasasakdal sa isang Europeong hukuman. Ito’y inakusahan ng hayagang paglabag sa pangunahing karapatang pantao ng isang mamamayang Griego sa pagsunod sa relihiyon upang matupad ang pag-uutos ni Jesu-Kristo, samakatuwid nga, ang ‘magturo at gumawa ng mga alagad.’ (Mateo 28:19, 20) Bukod dito, sinabi ni apostol Pedro: “Iniutos sa amin [ni Jesus] na mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.”—Gawa 10:42.
Ang isang pantanging labas noong 1922 ng magasing Human Rights Without Frontiers ay may titulo sa pabalat na “Gresya—Kusang mga Paglabag sa mga Karapatang Pantao.” Ang magasin ay nagpaliwanag sa pahina 2: “Ang Gresya ang tanging bansa sa EC [European Community] at sa Europa na may mga batas sa pagpaparusa na nagpapataw ng multa at sentensiyang pagkabilanggo sa sinumang nag-uudyok sa iba na baguhin ang kaniyang relihiyon.”
Kaya ngayon ay balitang-balita na ang kasong ito na lubhang pinananabikan sa loob at sa labas ng hukuman. Ano kaya ang magiging pasiya tungkol sa Griegong batas na nagbabawal sa pagtuturo ng mga paniniwala ng isa sa ibang mga tao?
Pagdinig sa Strasbourg
Sa wakas ay dumating ang araw ng pagdinig—Nobyembre 25, 1992. Makapal ang ulap noon sa Strasbourg, at nakapangangaligkig ang ginaw, subalit sa loob ng Hukuman ay masiglang iniharap ng mga abogado ang kanilang mga argumento. May dalawang oras na nagharap ng mga ebidensiya. Tinamaan ni Propesor Phedon Vegleris, isang abogado para kay Kokkinakis, ang pinakasentro ng isyu, na ang tanong: ‘Ang ganito bang mahigpit na batas na nilayong magbigay ng proteksiyon sa mga miyembro ng Iglesya Orthodoxo Griego upang huwag makumberte sa ibang mga paniniwalang relihiyoso ay magpapatuloy ng pag-iral at pagkakapit?’
Nagpapakita na siya’y tunay na nalilito tungkol sa bagay na iyon, si Propesor Vegleris ay nagtanong: “Ako’y nagtataka kung bakit inihahanay ng batas na ito [sa pangungumberte] ang orthodoxia sa kamangmangan at kawalang-alam. Sa tuwina’y hindi ko maintindihan kung bakit ang orthodoxia ay nangangailangan ng proteksiyon buhat sa kamangmangan, buhat sa espirituwal na kawalang-muwang . . . Ito’y nakalilito at nakagigitla sa akin.” Kapuna-puna, ang kinatawan ng pamahalaan ay hindi nakapagbigay ng kahit isang pangyayari na kung saan ang batas ay ikinapit sa kaninuman maliban sa mga Saksi ni Jehova.
Ipinakita ng ikalawang abogado para kay Kokkinakis, si G. Panagiotis Bitsaxis, kung gaano kawalang-katuwiran ang batas sa pangungumberte. Sinabi niya: “Ang pagtanggap sa impluwensiya ng isa’t isa ay isang kahilingan para sa pag-uusap ng mga taong nasa hustong gulang. Kung hindi, tayo’y mabibilang sa isang kakatwang lipunan ng mga taong hamak, na nag-iisip ngunit hindi nagpapahayag ng kanilang sarili, nagsasalita ngunit hindi nakikipagtalastasan, umiiral ngunit hindi nakikipag-ugnayan.”
Si G. Bitsaxis ay nangatuwiran din na si G. Kokkinakis ay nahatulan hindi ‘dahil sa isang bagay na ginawa niya’ kundi [dahil] sa ‘kung ano siya.’ ” Samakatuwid, ipinakita ni G. Bitsaxis na ang mga simulain ng kalayaan ng relihiyon ay hindi lamang nilabag kundi lubusang sinira.
Ang mga kinatawan ng pamahalaang Griego ay nagsikap na magharap ng isang larawan na naiiba sa tunay, inaangkin na ang Gresya ay “isang paraiso para sa mga karapatang pantao.”
Ang Hatol
Ang malaon nang pinananabikang petsa para sa pagbababa ng hatol ay dumating—Mayo 25, 1993. Sa isang botong anim laban sa tatlo, ipinasiya ng Hukuman na nilabag ng pamahalaang Griego ang kalayaan sa relihiyon ng 84-taóng-gulang na si Minos Kokkinakis. Bukod sa pagbabangong-puri sa panghabang-buhay na ministeryo niya, ito’y nagkaloob sa kaniya ng $14,400 bilang bayad-pinsala. Sa gayo’y tinanggihan ng Hukuman ang argumento ng pamahalaang Griego na si Kokkinakis at ang mga Saksi ni Jehova ay gumagamit ng mga taktikang panggigipit pagka nakikipag-usap sa iba tungkol sa kanilang mga paniniwala.
Bagaman ang Konstitusyong Griego at ang isang lipas nang Griegong batas ay nagbabawal ng pangungumberte, ang mataas na hukuman sa Europa ay nagpasiya na ang paggamit sa batas na ito upang usigin ang mga Saksi ni Jehova ay mali. Iyon ay hindi kasuwato ng Artikulo 9 ng Europeong Kombensiyon sa mga Karapatang Pantao.
Ang hatol ng hukuman ay nagpaliwanag: “Ang relihiyon ay bahagi ng ‘patuluyang nagbabagong agos ng kaisipan ng tao’ at imposibleng isiping iyon ay hindi kasali sa pangmadlang debate.”
Ang isang umaayong opinyon ng isa sa siyam na hukom ay nagsabi: “Ang pangungumberte, na may katuturang ‘sigasig sa pagpapalaganap ng pananampalataya,’ ay hindi maparurusahan kung gayon; ito ay isang paraan—lubusang naaayon sa batas mismo—ng ‘pagpapakilala ng relihiyon ng isang tao.’
“Sa kasalukuyang kaso ang aplikante [si G. Kokkinakis] ay nahatulan dahil lamang sa pagpapakita ng gayong sigasig, na wala siyang ginawang anumang hindi nararapat.”
Ang Naging Resulta ng Hatol
Ang malinaw na tunguhin ng Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao ay na huminto ang mga opisyal ng pamahalaang Griego sa maling paggamit sa batas na nagbabawal ng pangungumberte. Inaasahan, na ang Gresya ay susunod sa utos ng hukuman at hihinto sa kaniyang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova.
Hindi layunin ng mga Saksi ni Jehova na magpasok ng mga pagbabago sa lipunan o baguhin ang sistema ng batas. Sila ay interesado na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos bilang pagsunod sa utos ni Jesu-Kristo. Gayunman, upang magawa ito sila ay nalulugod na ‘ipagtanggol at itatag nang naaayon sa batas ang mabuting balita,’ gaya ng ginawa ni apostol Pablo noong unang siglo.—Filipos 1:7.
Ang mga Saksi ni Jehova ay mga mamamayang masunurin sa batas sa lahat ng bansa na kinatitirhan nila. Gayunman, higit sa lahat, sila ay pilit na susunod sa batas ng Diyos na nasusulat sa Banal na Bibliya. Samakatuwid, kung ang batas ng anumang bansa ay nagbabawal sa kanila na magsalita sa iba ng tungkol sa kanilang mga paniniwalang salig sa Bibliya, sila ay mapipilitang manindigan gaya ng mga apostol na: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinunò bago sa mga tao.”—Gawa 5:29.
[Kahon sa pahina 28]
IBA PANG MGA PAG-UUSIG NA UDYOK NG KLERO
Ang mga pagtatangka ng klero sa Gresya na ‘bumalangkas ng panggugulo sa pamamagitan ng batas’ ay nagaganap na sa loob ng ilang mga dekada. (Awit 94:20) Isa pang kaso sa isla ng Creta ang nalutas kamakailan. Noong 1987 isang lokal na obispo at 13 pari ang umakusa sa siyam na Saksi ng pangungumberte. Sa wakas, noong Enero 24, 1992, ang kaso ay nilitis.
Napakaraming tao sa silid ng husgado. Naroon ang mga 35 pari upang suportahan ang mga paratang ng nagsakdal. Gayunman, karamihan ng mga upuan ay okupado na ng mga Saksi na naparoon upang palakasin ang loob ng kanilang mga kapatid na Kristiyano. Kahit na bago nagsimula ang regular na kaayusan sa paglilitis, ang abogado para sa akusado ay tumawag-pansin sa malulubhang kamalian sa batas na nagawa ng tagausig.
Ang resulta ay ang pag-alis sandali para sa isang pribadong komperensiya ng mga kasangkot sa paglilitis. Pagkaraan ng dalawa at kalahating oras ng konsultasyon, ang Pangulo ng Hukuman ay nagpahayag na ang abugado para sa mga nasasakdal (akusado) ay tama. Samakatuwid ang mga bintang laban sa siyam na Saksi ay kanselado na! Kaniyang ipinasiya na ang mga imbestigasyon ay kailangang ulitin upang maitatag kung ang akusado ay nagkasala ng pangungumberte.
Pagkatapos na pagkatapos ng pagpapahayag, nagkaingay na sa silid ng husgado. Ang mga pari ay sumigaw ng mga pagbabanta at pang-iinsulto. Isang pari ang dumaluhong sa abogado ng mga Saksi ni Jehova dala ang isang krus at sinikap na puwersahin siya na sambahin iyon. Kinailangang mamagitan ang pulisya at sa wakas ang mga Saksi ay nakaalis nang tahimik.
Pagkatapos na kanselahin ang paglilitis, ang pangmadlang tagausig ay naghanda ng isang bagong akusasyon laban sa siyam na Saksi. Ang paglilitis ay itinakda para sa Abril 30, 1993, mga tatlong linggo lamang bago ibinaba ng Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao ang hatol nito sa kasong Kokkinakis. Minsan pa ay marami na namang mga pari na dumalo.
Ang mga abogado para sa siyam na akusado ay pormal na nagsampa ng pagtutol na ang mga nagsasakdal sa mga Saksi ay wala roon sa hukuman. Sa kaniyang pagmamadali na maghanda ng isang bagong akusasyon, ang pangmadlang tagausig ay nakagawa ng malubhang pagkakamali na hindi pagpapadala ng sitasyon sa mga nagsasakdal. Kaya ang mga abogado para sa mga Saksi ay humiling sa hukuman na kanselahin ang paglilitis batay sa malubhang pagkakamaling ito.
Bilang resulta ng paghiling na iyan, nilisan ng mga hukom ang silid ng husgado at nagsanggunian sa loob ng halos isang oras. Nang sila’y bumalik, ang Pangulo ng Hukuman, samantalang nakayuko ang kaniyang ulo, ay nagpahayag na lahat ng siyam na Saksi ay walang kasalanan sa mga paratang sa kanila.
Ang mga Saksi sa Gresya ay napasasalamat sa naging resulta ng kasong ito, gayundin sa iginawad na hatol ng Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao sa kasong Kokkinakis noong Mayo 25 ng taóng ito. Ipinapanalangin nila na bilang resulta ng mga naipanalong kasong ito, magampanan sana nila ang kanilang Kristiyanong pamumuhay nang ‘matiwasay, tahimik, at taglay ang buong maka-Diyos na debosyon at pagkadibdiban.’—1 Timoteo 2:1, 2.
[Larawan sa pahina 31]
Si Minos Kokkinakis at ang kaniyang maybahay