Pagdadala ng Liwanag sa Malalayong Lugar sa Bolivia
SA GAWING hilaga at silangan ng matataas na kabundukan ng Bolivia ay naroroon naman ang patag na tropikal na mga libis, na kung saan pagkalalago ng pananim. Ang mga ito ay nahahati ng pagkalalakas ng agos na mga ilog na paliku-liko sa mga gubat at mga malalawak na damuhan. Ano ba ang katulad ng pangangaral ng mabuting balita ng kaharian sa gayong pagkalalayong mga lugar?
Gunigunihin mong ikaw ay nasa isang malaking bangka, isang kinortehang guwang ng punungkahoy at pinaaandar ng isang motor sa bandang likuran. Ito ang karanasan ng anim na buong-panahong mga ministrong taga-Trinidad, isang siyudad sa purok ng El Beni sa Bolivia. Kanilang isinaplano ang paglalakbay na ito upang sila’y makapagpatotoo sa mga kabahayan sa mga tabing ilog na kailanman ay hindi pa nararating ng “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Pagkatapos bumagtas sa kalaparan ng kumikislap na katubigan, ang kanilang sasakyan ay nagsimulang maglayag naman sa isang makitid na ilog na ang agos ay patungo sa direksiyon ng Ilog Mamoré.
Isa sa nasa grupo ang nagbibida: “Kami ay halos nakarating na sa Mamoré nang aming matuklasan na ang dulo ng ilog ay tuyo. Pagkaahon namin sa bangka, ano ba’t kami ay lumulubog sa burak hanggang sa aming mga hita! Ang sapatos ng aking maybahay ay nawala sa kaniyang pagsisikap na makaalis sa burak. Subalit sa tulong ng mga dumaraan, nagawa namin na ang mabigat na bangka ay maiahon buhat sa putik at madala sa medyo matigas na lupa. Pagkatapos ng dalawang oras na pagtitiyaga, narating namin ang Mamoré.
“Nang magkagayo’y mainam naman ang aming pagbibiyahe sa ilog, na sa magkabilang pampang ay may matataas na mga dalampasigan na kung saan may saganang mga halaman sa tropiko. Sa pagkarinig ng tunog ng motor, malalaking pagong ang naglabasan sa lumulutang na mga troso, samantalang kaakit-akit na mga lumba-lumba ang naglulundagan buhat sa tubig. Sa unang hinintuan namin ay may isang pumapaitaas na usok galing sa isang nagniningas na apoy sa tabing dagat para palayuin ang mga insekto. Pagkatapos na isadsad ang aming bangka at itali sa mga sanga, kami’y nakipag-usap sa palakaibigang mga tagaroon tungkol sa dumarating na mga pagpapala ng Kaharian. Kaya naman kami’y pinabaunan nila ng maraming mga prutas at mga itlog.
“Habang dumaraan ang maghapon, kami’y gumawa ng karagdagang mga paghinto upang maghasik ng higit pang mga binhi ng katotohanan. Madilim na nang makarating kami sa San Antonio. Ang mga tagaroon ay tulog na. Gayunman, habang kumakalat ang balita na may ipalalabas na sine, unti-unti nang nagsisindi ang mga ilawan. Isang kariton ang siningkawan ng kabayo upang ang aming mga gamit ay dalhin sa bayan. Maraming tao ang nakakilala sa mga Saksi ni Jehova kapuwa sa palabas na sine at sa personal.
“Kinabukasan kami’y nagpatuloy ng pagdalaw sa mga bagong lugar. Sa isang mataas na pampang, ang mga babae ay naglalaba ng kanilang damit, at hinuhugasan kahit na isang sanggol, sa pagkalalaking mga bahay ng pagong. Kailanman ay hindi pa sila nakaririnig ng ating mensahe sa Bibliya. Sa isang lugar ay maliliit na isda ang naglundagan nang mataas buhat sa tubig kasunod ng bangka, at marami ang doon bumagsak sa loob. Kaya pagkatapos na ipalabas ang sine, kami’y nag-ulam ng pritong isda bago matulog. Sa katapusan ng paglalakbay, maraming literatura ang naiwan sa mga tao sa malayong lugar na ito, at kami’y kuntento na nakatulong sa marami upang makapakinig ng mabuting balita sa unang pagkakataong iyon.”—Ihambing ang Roma 15:20, 21.
Katibayan ng Patnubay ng mga Anghel
Gunigunihin mo ang iyong sarili ngayon na patungo sa isang misyon na paghahanap ng isang tao sa isang bayan na may 12,000 mamamayan, na iyong dinadalaw sa unang-unang pagkakataon. Wala kang gaanong alam tungkol sa kaniya maliban sa kaniyang pangalan. Iyan ang hamon na napaharap sa dalawang buong-panahong ministro na dumating sa Guayaramerín sa pag-asang matagpuan ang isang tao na dati’y nakikipag-aral ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong sa ibang bayan ngunit pagkatapos ay lumipat sa bayang ito. Pagkatapos na mapanatag na sila, minabuti ng mag-asawang payunir na mamasyal sa plasa, na kung saan makapal ang mga tao na nagkakainan sa mga mesa o basta nag-uusap-usap. Halos karakaraka isang lalaki ang lumapit sa mag-asawa at nagsimula ng isang usapan. Kanilang tinanong siya kung kilala niya ang babaing kanilang hinahanap. “Hindi po,” ang sabi niya, “subalit ang aking biyenang babae ay isa sa mga Saksi ni Jehova.” Yamang ang alam ay walang mga Saksi sa bayang iyon, kanilang inakala na baka siya’y nalilito lamang.
Gayunman, kinabukasan kanilang dinalaw ang may-edad nang ginang na ito, na hindi nakalalabas ng bahay dahilan sa may bali sa paa. “Ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova, pero hindi pa ako nababautismuhan,” ang sabi niya. Nang tanungin kung sino ang nagturo sa kaniya ng katotohanan, itinuro niya ang isang larawan ng kaniyang apong babae na naroon sa dingding at ang sabi: “Siya.” Halos hindi nila mapaniwalaan ang kanilang nakita! Iyon ang babae na kanilang hinahanap! “Bakit ikinaila siya ng inyong manugang na lalaki?” ang tanong nila. “Ah, siya’y may asawa na ngayon, at ang alam lamang niya ay yaong kaniyang pangalan nang siya’y mag-asawa,” ang sabi niya (ng lola). Ang apong babae ay wala roon noon, ngunit isang pag-aaral sa Bibliya ang pagkatapos ay idinaos sa pamamagitan ng pagsusulatan. Ang resulta? Kapuwa siya at ang kaniyang lola ay sumulong hanggang sa puntong sila’y mabautismuhan. Ang kanilang bahay ay nagsilbing Kingdom Hall para sa isang lumalagong kongregasyon, at bilang isang buong-panahong ministro, ang nakababatang babae ay nakaakay na nang marami tungo sa organisasyon ni Jehova.
Pangangaral sa Sentro ng Tropiko
Pagkatapos, gunigunihin na ang sinasakyan mong eroplano ay bumababa hanggang sa lumapag sa isang madamong runway sa San Joaquín, doon sa pinaka-sentro ng Bolivia sa tropiko. Ikaw ay alumpihit pagka naguguniguni mo yaong mahiwagang salot na, dalawang taon na ang nakalipas, ay lumipol sa ikalimang bahagi ng populasyon ng bayang ito.
Ang mag-asawang payunir na galing sa Trinidad sakay ng eroplano ay nakalasap na ng pagmamagandang-loob ng mga tao roon. Ganito ang bida ng asawang lalaki: “Sa isang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya sa aming pagbibiyahe ay tumanggap kami ng paanyaya na manuluyan sa isang pribadong tahanan, nang wala kaming aalalahaning bayad. Inasikaso pa ng maybahay ang paghahanda ng aming pagkain sa mababang halaga, kaya lahat ng aming panahon ay naiukol namin sa aming pangangaral. Hindi nagtagal pagkarating namin, sinabihan kami na magreport karakaraka sa barracks ng militar. Nang mapag-alaman ng opisyal na kami’y hindi naman mga rebolusyonaryo kundi mga Saksi ni Jehova, siya’y nagpakita ng pambihirang interes at kumuha ng isang Bibliya, gayundin ng mga literatura sa Bibliya at mga suskripsiyon sa magasing Bantayan at Gumising! Pagkatapos nito, halos lahat ng naroroon sa bayan ay nakinig nang puspusan sa pangako ng Bibliya na sakdal na kalusugan sa malapit na hinaharap.”—Apocalipsis 21:4.
Apat na buong-panahong mga ministro ang nagnanais noon na mula sa San Joaquín ay pumaroon sa San Ramón, subalit ang tanging masasakyan ay kariton na hila ng baka. Kanilang ginamit ang mga kahon ng literatura para magsilbing upuan. Hindi nagluwat at ang mga ito ay nasira ang korte dahilan sa pagkaalog at labis na pagkatagtag ng karitong may habong, na may matataas na gulong na kahoy. Kahit na rin ang mga manok na lulan nito ay makikitang nahihilo dahil sa pagkalula.
Pagkaraan ng sampung oras ng kakalog-kalog na pagbibiyahe sa makapal na kakahuyang iyon, sumapit sila sa isang lugar na kung saan wala kahit na isang landas na madaraanan, at noon ay dumidilim na. Ang grupo ay kinilabutan nang sabihin ng tsuper, “Parang náliligaw tayo!” Sila’y nagsimula nang mag-isip, ‘Papaano kaya tayo makalalabas sa kakahuyang ito na pinamamahayan ng mga ahas at mapanganib na mababangis na hayop?’ nang isusog ng tsuper, “Pero huwag kayong mag-alala. Ang mga hayop ay nakaranas na ng ganitong biyahe.” At gayon nga. Hindi lumipas ang isang oras at sila’y nakalampas na sa kakahuyang iyon at nakarating sa San Ramón!
Dito man ay maraming araw ang ginugol sa pagbabalita ng napipintong Paraiso sa mga taong hindi pa kailanman nakaririnig ng balitang ito. Walang mga Saksi na naninirahan dito; subalit may nangyaring isang bagay na bumago riyan.
Isang misyonerong Katoliko ang patuloy na sumusunod sa mga Saksi sa kanilang pagbabahay-bahay. Sa di-sinasadya sila’y nagpanunod na naman at siya’y nasumpungan nila na naroon sa sumunod na tahanang kanilang nilapitan. Nagtaka sila sa kaniyang pagiging palakaibigan, kaya kanilang iniwanan siya ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Bagaman sa ganang sarili niya ay hindi naman talagang interesado, kaniyang ibinigay ang aklat sa kaniyang hipag, na sabik na sabik na nagbasa ng nilalaman niyaon, nakipag-aral pa, at nang malaunan ay naging isang Saksing baustimado.
Kaigtingan sa mga Ilog sa Tropiko
Ngayon ay gunigunihin mo ang iyong sarili na siyang umuugit sa isang lantsang nagbibiyahe sa isang mapanganib, maalong ilog. Nakakubling mga batuhan, mga pampang na putik, at mga troso, kasali na ang biglang paglitaw ng isang dambuhalang uli-uli, ang ilan lamang sa mga panganib. Mga piranha, igat, at mga stingrays ang saganang matatagpuan sa mga ilog na ito. Ganiyan ang mga hamon na napaharap sa mga kapatid sa Riberalta na may gawaing magpatotoo sa mga naninirahan sa malapit sa mga ilog.
Upang marating ang nakabukod na mga lugar na ito, sila’y nagtayo ng isang lantsang pinanganlang Luz de los Ríos (Ilaw ng mga Ilog). Sa panahon ng pagdalaw ng mga tagapangasiwa ng distrito at sirkito, ipinasiya na subukin ang lantsa sa pagbibiyahe. Lahat ay naging maayos hanggang sa ang bubong ay nasabit sa isang nakayungyong na sanga. Dahilan sa isang malakas na agos, ang lantsa ay napahampas sa isang natumbang punungkahoy. Tulad ng isang tabak, isang matulis na nabakling sanga ang tumusok sa tagiliran ng lantsa—halos natuhog ang maybahay ng tagapangasiwa ng distrito! Pumasok ang tubig, at tumaob ang lantsa, anupa’t napahagis ang mga sakay sa nag-aalimpuyong tubig. At ang tagapangasiwa ng distrito at ang kaniyang maybahay ay hindi marunong lumangoy! Sa tulong ng mga marurunong lumangoy, sila naman ay nakasapit din nang ligtas sa tuyong lupa. Ngunit ang lantsa ay lubusang nawala na. Makalipas ang mga ilang araw ay natagpuan iyon sa layong pinagtangayan doon ng agos. Lahat ng kargada niyaon, kasali na ang 20 kahon ng literatura, ay pawang nangawala.
Tumulong ang Bolivian Navy upang muling mapalutang iyon, at makalipas ang mga isang linggo ng pagkukumpuni, ang lantsa ay handa na naman upang ganapin ang kaniyang unang biyahe. Ang maigting na biyahe ay nagsimula sa masamang lagay ng panahon at diperensiya ng makina.
Sa unang lugar na dinaungan ng mga kapatid, sila’y sinalubong ng isang grupo ng mga Evangelist, na nanlibak: “Ang inyong munting lantsa ay hindi maibibiyahe sa ganitong ilog!” Ang pagtatangkang mapalabas doon ang mga slides ay binigo ng isang generator na may depekto. Sa muling pagbabalik sa ilog, nabalitaan ng mga Saksi na mayroon pang mga ibang lantsang nagsirating na may mga loudspeaker na nagbababala tungkol sa pagpunta roon ng “mga bulaang propeta.” Maliwanag, ito ay mga Evangelist. Gayunman, pinatindi lamang nito ang kasabikan ng mga tao.
Bagaman dahilan sa pagdalaw na ito ay natapos ang propaganda ng tunay na bulaang propeta, ang mga kapatid ay nakadama ng kaigtingan, sapagkat mayroon pa silang inaasahang 21-araw na biyahe upang marating ang Fortaleza.
Sa kanilang dinaanan, sila’y nagpatotoo sa punò ng isang malayong tribo; siya’y nakinig nang puspusan. Sa pamamagitan ng isang diskurso sa Bibliya na ibinigay ng isa sa mga payunir, isang grupo ng mga tumatangis sa isang liblib na dating kagubatan ang naaliw ng tunay na pag-asa para sa mga nangamatay. Isang may-edad nang lalaki na may mahabang puting balbas ang nagpahayag ng kaniyang taus-pusong pasasalamat, at siya’y nagtanong kung papaano siya makasususkribe sa ating magasin sa loob ng sampung taon! Sa Fortaleza, 120 katao ang nakinabang sa pagpapalabas ng Samahan ng mga slides.
Anong laking kasiyahan ang nadama ng mga payunir na ito sa kanilang nagawang pagdadala ng liwanag ng katotohanan sa malalayong lugar! Tunay, wala nang hihigit pang tiwasay at kasiya-siyang paraan ng paggamit ng buhay ng isang tao kundi ang maglingkod sa Maylikha ng buhay mismo, ang Diyos na Jehova.—Awit 63:3, 4.
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BOLIVIA
Guayaramerín
Riberalta
Fortaleza
San Joaquín
San Ramón
Trinidad
San Antonio