-
Mga Hula Nito—Laging NatutupadAng Bantayan—2012 | Hunyo 1
-
-
Mga Hula Nito—Laging Natutupad
“Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo.”—JOSUE 23:14.
BAKIT NAIIBA ANG BIBLIYA? Ang mga sinaunang orakulo ay di-tiyak at di-maaasahan, gaya rin ng mga horoscope sa ngayon. Ang futurology ay nakasalig sa kasalukuyang takbo ng mga pangyayari at halos hindi pa nga nagtatangkang humula ng espesipikong magaganap mga dantaon patiuna. Samantala, ang mga hula sa Bibliya ay detalyado at laging natutupad, kahit na ang mga ito’y sinabi “mula pa noong sinaunang panahon.”—Isaias 46:10.
HALIMBAWA: Noong ikaanim na siglo B.C.E., nagkaroon si propeta Daniel ng isang pangitain na humula sa mabilis na pagkatalo ng Medo-Persia sa kamay ng Gresya. Inihula rin nito na kapag ang nagwaging hari ng Gresya ay “lumakas,” ang paghahari niya ay ‘mababali.’ Sino ang papalit sa kaniya? Isinulat ni Daniel: “May apat na kaharian mula sa kaniyang bansa na tatayo, ngunit hindi taglay ang kaniyang kapangyarihan.”—Daniel 8:5-8, 20-22.
ANG SABI NG MGA ISTORYADOR: Mahigit 200 taon matapos ang panahon ni Daniel, si Alejandrong Dakila ay naging hari ng Gresya. Sa loob ng sampung taon, natalo ni Alejandro ang Imperyo ng Medo-Persia at umabot ang pamamahala niya hanggang sa Ilog Indus (na nasa Pakistan ngayon). Pero bigla siyang namatay sa edad na 32. Nang bandang huli, nabuwag ang kaniyang imperyo pagkatapos ng isang labanan malapit sa Ipsus sa Asia Minor. Pinaghati-hatian ng apat na nagtagumpay sa labanan ang Imperyo ng Gresya, pero wala ni isa sa kanila ang nakapantay sa kapangyarihan ni Alejandro.
ANO SA PALAGAY MO? May iba pa bang aklat na ang mga hula ay laging natutupad? O talagang natatangi ang Bibliya?
“Ang mga hula sa Bibliya ay . . . napakarami anupat imposibleng nagkataon lang ang katuparan ng mga ito.”—A LAWYER EXAMINES THE BIBLE, NI IRWIN H. LINTON
-
-
Kasaysayan, Hindi AlamatAng Bantayan—2012 | Hunyo 1
-
-
Kasaysayan, Hindi Alamat
“Tinalunton ko ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan.”—LUCAS 1:3.
BAKIT NAIIBA ANG BIBLIYA? Ang mga alamat ay kathang-isip na mga kuwento na hindi bumabanggit ng partikular na lugar, petsa, at pangalan ng mga taong totoong umiral sa kasaysayan. Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay naglalaman ng napakaraming detalye sa kasaysayan na tumitiyak sa mga mambabasa na ang “mga salita [nito] ay totoong-totoo.”—Awit 119:160, The Psalms for Today, ni R. K. Harrison.
HALIMBAWA: Iniuulat ng Bibliya na dinala ni ‘Nabucodonosor na hari ng Babilonya si Jehoiakin na hari ng Juda sa pagkatapon sa Babilonya.’ Nang maglaon, “itinaas ni Evil-merodac na hari ng Babilonya, nang taon ng kaniyang pagiging hari, ang ulo ni Jehoiakin na hari ng Juda mula sa bahay-kulungan.” Isa pa, “may panustos na palagiang ibinibigay [kay Jehoiakin] mula sa hari, araw-araw gaya ng nararapat, sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.”—2 Hari 24:11, 15; 25:27-30.
ANG NATUKLASAN NG MGA ARKEOLOGO: Mula sa mga guho ng sinaunang Babilonya, nakahukay ang mga arkeologo ng mga dokumentong administratibo na ginawa sa panahon ng pamamahala ni Nabucodonosor II. Nakalista roon ang rasyon sa mga bilanggo at sa iba pang umaasa sa sambahayan ng hari. Kabilang sa listahan si “Yaukin [Jehoiakin],” na “hari ng lupain ng Yahud (Juda),” at ang kaniyang sambahayan. Kumusta naman ang kahalili ni Nabucodonosor na si Evil-merodac? Ganito ang inskripsiyon sa plorerang natagpuan malapit sa lunsod ng Susa: “Palasyo ni Amil-Marduk [Evil-merodac], Hari ng Babilonya, anak ni Nabucodonosor, Hari ng Babilonya.”
ANO SA PALAGAY MO? May iba pa bang banal na aklat na ganito rin kaespesipiko at katumpak pagdating sa kasaysayan? O talagang natatangi ang Bibliya?
[Blurb sa pahina 5]
“Ang kronolohikal at heograpikong mga ulat [ng Bibliya] ay mas wasto at mas mapanghahawakan kaysa sa ibang sinaunang mga dokumento.”—A SCIENTIFIC INVESTIGATION OF THE OLD TESTAMENT, NI ROBERT D. WILSON
[Larawan sa pahina 5]
Babilonyong dokumento na bumabanggit kay Haring Jehoiakin ng Juda
[Credit Line]
© bpk, Berlin/Vorderasiatisches Museum, SMB/Olaf M. Tessmer/Art Resource, NY
-
-
Kaayon ng SiyensiyaAng Bantayan—2012 | Hunyo 1
-
-
Kaayon ng Siyensiya
“[Ang] tagapagtipon . . . ay nagmuni-muni at lubusang nagsaliksik . . . [Siya] ay nagsikap na makasumpong . . . ng wastong mga salita ng katotohanan.”—ECLESIASTES 12:9, 10.
BAKIT NAIIBA ANG BIBLIYA? Ang sinaunang mga aklat ay karaniwan nang may di-mapanghahawakan at mapanganib na mga ideya, at gayon nga ang pinatunayan ng modernong siyensiya. Kahit sa ngayon, dapat rebisahin ng mga awtor ang kanilang aklat para maging kaayon ng mga bagong tuklas. Pero sinasabi ng Bibliya na ang awtor nito ay ang Maylalang at na ang kaniyang Salita ay “namamalagi magpakailanman.”—1 Pedro 1:25.
HALIMBAWA: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay dapat dumumi sa isang hukay sa “labas ng kampo” at saka ito tatabunan. (Deuteronomio 23:12, 13) Kapag humipo ng patay na hayop o tao, dapat silang maghugas o maglaba ng kanilang damit. (Levitico 11:27, 28; Bilang 19:14-16) Ang ketongin ay ikukuwarentenas, o ihihiwalay, hanggang sa matiyak na hindi na nakahahawa.—Levitico 13:1-8.
AYON SA MODERNONG MEDISINA: Ang tamang pagtatapon ng dumi, paghuhugas ng kamay, at pagkukuwarentenas ay epektibo pa ring panlaban sa sakit. Kung walang malapit na palikuran o iba pang sistema sa sanitasyon, inirerekomenda ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC): “Dumumi sa isang lugar na mga 30 metro o higit pa ang layo mula sa mga katubigan at pagkatapos ay tabunan ang iyong dumi.” Kapag may maayos na pagtatapon ng dumi ang mga pamayanan, nababawasan nang 36 na porsiyento ang nagkaka-diarrhea, ayon sa World Health Organization. Halos 200 taon na ang nakalilipas, natuklasan ng mga doktor na nailipat nila sa maraming pasyente ang mikrobyo dahil sa hindi nila paghuhugas ng kamay matapos humawak ng bangkay. Naniniwala pa rin ang CDC na ang paghuhugas ng kamay “ang nag-iisang pinakaepektibong paraan para hindi maipasa ang sakit.” Kumusta naman ang pagkukuwarentenas sa ketongin o sa ibang may sakit? Kamakailan, sinabi ng Saudi Medical Journal: “Kapag nagsisimula pa lang ang epidemya, maaaring ang pagbubukod at pagkukuwarentenas ang tanging paraan para hindi kumalat ang sakit.”
ANO SA PALAGAY MO? May iba pa bang sinaunang banal na aklat na kaayon din ng modernong siyensiya? O talagang natatangi ang Bibliya?
“Walang sinumang hindi hahanga sa mga utos tungkol sa pag-iingat ng kalinisan noong panahong Mosaiko.”—MANUAL OF TROPICAL MEDICINE, NINA DR. ALDO CASTELLANI AT DR. ALBERT J. CHALMERS
-
-
Magkakatugmang mga AklatAng Bantayan—2012 | Hunyo 1
-
-
Magkakatugmang mga Aklat
“Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”—2 PEDRO 1:21.
BAKIT NAIIBA ANG BIBLIYA? Ang sinaunang mga rekord ay madalas na nagkakasalungatan kahit pa isinulat ang mga ito sa loob ng iisang panahon. Ang mga aklat na isinulat ng magkakaibang tao, sa magkakaibang lugar, at sa magkakaibang panahon ay bihirang magtugma. Pero sinasabi ng Bibliya na ang 66 na aklat nito ay may iisang Awtor lang—kaya magkakatugma ang mensahe nito.—2 Timoteo 3:16.
HALIMBAWA: Si Moises, isang pastol noong ika-16 na siglo B.C.E., ay may isinulat sa unang aklat ng Bibliya tungkol sa isang “binhi” na darating para iligtas ang mga tao. Nang maglaon, inihula ng aklat na iyon na ang magiging mga ninuno ng binhi ay sina Abraham, Isaac, at Jacob. (Genesis 3:15; 22:17, 18; 26:24; 28:14) Pagkalipas ng mga 500 taon, isiniwalat ni propeta Natan na ang binhi ay magmumula sa maharlikang angkan ni David. (2 Samuel 7:12) Isang libong taon naman pagkatapos nito, ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang bubuo sa binhi ay si Jesus at isang grupo ng mga piniling tagasunod niya. (Roma 1:1-4; Galacia 3:16, 29) Pinakahuli, sa pagtatapos ng unang siglo C.E., inihula ng huling aklat ng Bibliya na ang mga miyembro ng binhi ay magpapatotoo sa lupa tungkol kay Jesus, bubuhaying muli tungo sa langit, at maghaharing kasama ni Jesus sa loob ng 1,000 taon. Ang binhing ito ang pupuksa sa Diyablo at magliligtas sa mga tao.—Apocalipsis 12:17; 20:6-10.
ANG SABI NG MGA KOMENTARISTA SA BIBLIYA: Matapos suriing mabuti ang 66 na aklat ng Bibliya, isinulat ni Louis Gaussen na namangha siya sa “kapansin-pansing pagkakatugma ng aklat na ito, na isinulat sa loob ng isang libo’t limang daang taon ng napakaraming awtor, . . . pero nagkaroon sila ng iisang tunguhin at nagpatuloy sa pagtataguyod nito, kahit hindi nila ito lubusang nauunawaan, samakatuwid nga, ang kasaysayan ng pagtubos ng Anak ng Diyos sa daigdig.”—Theopneusty—The Plenary Inspiration of the Holy Scriptures.
ANO SA PALAGAY MO? Posible bang magtugma ang mga akdang isinulat ng 40 lalaki sa loob nang mahigit 1,500 taon? O talagang natatangi ang Bibliya?
“Kapag pinagsama-sama ang mga akdang ito, bumubuo ito ng isang aklat . . . Walang panitikan sa daigdig ang makatutulad o makapapantay rito.”—THE PROBLEM OF THE OLD TESTAMENT, NI JAMES ORR
-
-
Praktikal NgayonAng Bantayan—2012 | Hunyo 1
-
-
Praktikal Ngayon
“Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”—AWIT 119:105.
BAKIT NAIIBA ANG BIBLIYA? May mga aklat na maituturing na obra maestra pero hindi nakapagbibigay ng patnubay sa buhay. Ang mga instruction manual sa ngayon ay nirerebisa sa pana-panahon. Pero sinasabi ng Bibliya na ang mga “bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo.”—Roma 15:4.
HALIMBAWA: Ang Bibliya ay hindi aklat sa medisina, pero may praktikal na mga mungkahi ito tungkol sa emosyonal at pisikal na kalusugan. Halimbawa, sinasabi nito na ang “pusong mahinahon ay buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Nagbababala rin ito: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” (Kawikaan 18:1) Pero sinasabi nito na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
AYON SA PAGSASALIKSIK: Ang kahinahunan, matibay na pagkakaibigan, at pagkabukas-palad ay nakatutulong sa kalusugan. Iniuulat ng The Journal of the American Medical Association: “Ang mga lalaki na nakararanas ng mga silakbo ng galit ay may dobleng panganib ng istrok kaysa sa mga lalaki na pinipigil ang kanilang galit.” Sa isang sampung-taóng pag-aaral sa Australia, natuklasan na ang mga may-edad na “mas madalas makipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan at pinagkakatiwalaang mga tao” ay malamang na mas humaba ang buhay. At noong 2008, natuklasan ng mga mananaliksik sa Canada at Estados Unidos na “mas maligaya ang gumagasta para sa iba kaysa sa sarili.”
ANO SA PALAGAY MO? Pagdating sa kalusugan, may iba ka pa bang mapagkakatiwalaang aklat na nakumpleto halos 2,000 taon na ang nakalilipas? O talagang natatangi ang Bibliya?
[Blurb sa pahina 8]
“Malaki ang tiwala ko sa Bibliya . . . dahil sa napakahuhusay na payo nito tungkol sa kalusugan.”—HOWARD KELLY, M.D., ISA SA MGA HALIGI NG THE JOHNS HOPKINS UNIVERSITY SCHOOL OF MEDICINE
-